Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: MATER INTERMERATA (Inang Kalinis-linisan)

Nuestra Señora de Lourdes
Pagmamay-ari ng Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana 
sa pangangalaga nina G. at Gng. Celestino Vengco.
Mater Intermerata
Sa mundong marumi Tala kang maningning,
ang sinag Mo'y tanglaw sa daang madilim;
sa halimbawa Mo ay Iyong hawiin
ang ulap ng samang lambong na maitim;
sa lipunan naming nagkalat ang krimen,
ang kalinisan Mo lamang ang kikitil;
O, Intermerata, O Ina kong Birhen,
ang mundo pong ito ay ipanalangin!

---o0o---

Intermerata Ka, hindi narungisan
ang pagka-Ina Mo niyong kahalayan;
buwang kang patnubay sa sandaigdigan,
na ang liwanag Mo'y aming kaligtasan;
ihawa sa inyong iwing kalinisan
ang maruming puso't Ikaw ang takbuhan;
itong mga inang pag-asa ay Ikaw,
ituro sa landas ng buhay na banal.

---o0o---

Sa pakikisama sa banal na kabiyak,
ang Birhe'y uliran sa linis na ingat;
sa pag-aaruga sa bugtong na Anak,
huwaran si Maria sa pusong busilak;
dapat manalangin sa kanya ang lahat,
sa isang tahanan ay mahalang wagas
ang dapat maghari sa magkasing-liyag.

---o0o---

Sa magisang-palad ay pagmamahalan
ang dapat matampok sa pagsasamahan;
sa lahat ng bagay dapat magtulungan,
maging sa relihiyo't gawang kabanalan;
hiyas na maningning ang pagsusunuran
at sa bawat isa'y gintong katapatan;
ganyan ang katulad nitong Birheng Mahal,
kay San Jose'y lips ng pagsintang banal.

---o0o---


San Jose, Esposo de Maria con y Jesus
Familia Liongson
Sa isang tahanan ang Ulo'y lalake
at ang Puso naman ay itong babae;
lalaki ang punong dapat mamayani,
kailangang sundin ng kabyak na kasi;
tulad ni Mariang sunod na parati
sa Kanyang esposong mahal na San Jose;
kinatawan siya ng Amang kay buti,
alipin si Maria na kapuri-puri.

---o0o---

Marami sa ngayo'y wasak na tahanan,
gusot na mag-anak na hiwa-hiwalay;
napawing animo ay bulang naparam;
kabanala'y hindi pinagsumikatan,
kaya nga't naglaho ang pagsusunuran;
ang Mahal na Birheng kalinis-linisan,
hingan ninyo ngayon ng kandilang tunay!

---o0o---

Ang ina ay dapat magturo sa anak,
na dapat hubugin sa ugaling dapat;
higit sa katawan... kaluluwang ingat,
palasuging lagi sa banal na atas;
ang asal ng bata'y hutuking maagap,
habang mga buto'y di pa tumitigas;
sa ganyan ang angka'y magiging busilak,
na sa kabanaan ay mamumulaklak.

---o0o---

Ang inang malinis at butihing ina,
ang ambag sa mundo'y dakilang pamana;
payapang tahana't angkang maligaya
na anaki'y isang sagrada familia;
mga ama't inang aking mambabasa,
sa inyo ako po ay nanghaharana;
ang aal ng Mater (na) Intermerata,
isalin sa inyong puso't kaluluwa.

No comments:

Post a Comment