Our Lady of Knots Pagmamay-ari ng Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana sa pangangalaga ng Familia Reyes |
Turris
Davidica
Nuong
una ang lunsod ay may bakod na mga moog ay may “toreng” matitibay
katulad ng Intamuros; bawat tore ay tanggulang may sandatang
nasa-loob at talibang nagbabantay sa kaaway na lulusob; sa moog ng
Herusalem ang tore pong napabantog ay ang TURRIS DAVIDICA na sa tibay
walang-durog; sa bundok ng Sion, si David ay tore ang sininop, nang
hindi magapi ng mga kaaway na papasok.
---o0o---
Nang
ito ay masira na at lamunin ng panahon, si Herodes ang nagtayo’t
tatlong tore’y ibinangon; ang matibay na animongh higanteng
naghahamon ay ang TORE nga ni DAVID, sa kaaway ay pananggol; kahit
nuong bumagsak na’t Herusalem ay umurong, ito’y TORENG nakatayo’t
di naguho ni ng kanyon; sa ganitong kasaysayan naaangkop na iputong
sa Birhen ko ang pamagat TURRIS DAVIDICA ngayon.
---o0o---
Sa
pagbaka sa lakas na nagngagalit ng impyerno, si Maria ay ang Tore na
pananggol nitong tao; na sa kanya ang sandatang kailangan ng
kristyano, sa paglupig sa masama’t sa hibo ng mga tukso; tanggulang
di magagapi at tore pong walang talo at di-kayang maiguho ng hukbo
man ng demonyo;ang buhay ay paghahamok magmula sa paraiso, asi
Maria’y TORE naming tanggulan ng madlang tao.
---o0o---
Nang
ang lahing nagkasala’y tubusin ng Diyos Anak, naging Tao, . . at
gumawa ng moog na ubos-tatag; nagtayo ng isang TORE na kay DAVID
bunying anak at Ina ng bunying Anak ni David na haring liyag, naging
TORENG “kalinisang” di nagahi’t walang lamat; nang mamatay,
naidlip lang, at sa Langit iniyakyat, . . . yao’y Toreng si Maria,
na dumurog kay Satanas!
---o0o---
Sa
tulong ng Inang Birhen kay Satanas ay naadya itong tao, . . .
dapwa’t tuloy ang bagsik ng pagbabaka; ang demonyo ay
lulusob,uusig sa kaluluwa, habang mundo itong mundo’t merong tao na
buhay pa; ngunit sa tulong ng TORENG tanggulan ng taong aba, na sa
atin ang tagumpay, magwawagi tayo t’wina; sa buhay at kamatayan, si
Maria ang pagasa, yaong TORE NA KAY DAVID, yaong TURRIS DAVIDICA.
---o0o---
Kay
Maria inilagak ang sandatang pananggalang, ang bait at mga grasya’t
kasalag ng kabanalan, asalagin ng espada ng katwira’t katarungan;
sa beywang ay nakasabit ang punlong katotohanan at sa diwa ay ang
sulo ng Salita ng Maykapal; sandata ng kaluluwa’y sasagupa sa
karimlan at anl lakas ng impyerno’y “pipitikin lang laruan”!
---o0o---
Ang
sandatang kabanalan ay iwi ng Inang Birhen at sa kanyang halimbawa’y
nakikitang walang maliw; tapat siya sa Maykapal, banal sa bawat
gawain, batbat siya ng pagibig sa tao at Poong giliw; nananalig at
pagasa sa kanya ay nag-niningning, buhay niya’y para sa Dios
iniyukol Niyang hain; kaya ditto sa daigdig na sa sama’y
nagdidilim, ng pagasa’y itong TORE, ang Mahal kong Inang Birhen.
---o0o---
Ang
krimen ay bumabaha, nagkalat ang mga sala, ang tukso ay naghambalang
sa tahanan, . . . sa karsada; ang kaaway ay kay dami, kaaway ng
kaluluwa at tila ba naghahari ang hari ng mga sala; datapuwat meron
tayo isang TORE, si MARIA, na dudurog sa kaaway . . . , walang talo
siayang Reyna; ang pinto man ng impyerno’y hindi siya makakaya, ang
hukbo man ni Satanas ay susukong walang-sala.
Page 5 of 8
Please press Older Posts for Page 6.
No comments:
Post a Comment