Virgo Fidelis
Ang damdaming naghahari sa puso ng aking Birhen ay puspusang katapatan sa tadhana ng tungkulin; ang tibay ng kanyang loob sa pagyakap sa magaling ay tibay na hindi kayang kahit saglit ay supilin; matapat na mamamatay, kahit sa krus ay ibitin, maligayang magtitiis,--- huwag lamang na magtaksil; sa kwintas ng karangalang nasa dibdib nitong Birhen, katapatan Niya’y rosas, sa korona ay bituin.
---o0o---
Ang uri ng bawat tao ay alipin ng Maykapal, bawat isa’y may tungkuling itinakdang gagampanan; ang biyaya’t pagpapala na anaki’y kayamanan, ibinigay ni Bathalang gugulim sa kabanalan; hindi dapat na ibaon katulad ng “Serve nequam,” kundi dapat pagtubuing isang libo’t isang daan; pagamit na yamang ito ang alipi’y susubukan, ditto siya malalantad, kung may iwing katapatan.
---o0o---
Sa tapat na paglilingkod ang “mababang Birheng Ina” ay uliran ng sinumang pinagpalang kaluluwa; ito’y ating masusuri sa pangako at panatang isinumpang tutuparin nang binyagan nuong una; gayundin sa paglilingkod sa Pananampalataya at sa sumapang binitawan sa Voto ng Relihyosa; sa dalawang paksang ito katapoatan ni Maria ay nais kong magluningning . . . parang Tala sa umaga.
---o0o---
Ang buhay po ng binyagan ay sa Binyag nagmumula, na ang tao’y inaampong mutyang anak ni Bathala; doon tayo kay Satanas at sa kanayang madlang sama, sumusumpang tatalikod, . . . sa Diyos lamang tatalima; dapwa’t kapag itong tao sa sala ay nadarapa, ang pangakong sinumpaan sa Binyag ay sinisira; yao’y taksil na gawain ta pagyurak kay Bathala at kulang ng pagtatapat sa tungkuling itinakda.
---o0o---
Nang isagot ni Maria: “Narito po ang alipin,” tinanggap na buong buo ang inyatas na tungkulin; nuon Siya namanatang parang Binyag na susunduin at ang sumpa’y buong tapat na gagawing walang maliw; yaong ulo ni Satanas ay dinurog niyang tambing at sa buo niyang buhay walang batik na maitim; matapat na walang sawa hanggang Siya’y suma-libing, korona ng katapatan ang san noo ay nag-ningning.
---o0o---
Sa buhay na karaniwan, may asawa o wala man, may Estado Relihiyoso na banal na pamumuhay; ito’y tugon sa anyaya ni Jesus sa Poong mahal, na manata sa “Pagsunod, Karukhaa’t Kalinisan;” ito’y hindi iniyuutos, ngunit kapag pinasukan, may tungkuling itaguyod buong tapat hanggang hujay; ang sarili’y itatakwil alang-alang sa Maykapal bawat saglit ang pangarap para sa Dios lang mabuhay.
---o0o---
Sa kalooban ng Diyos ay dapat na pailalim itong tao kung lunggati’y isang banal na matuturing; kaya itong si Maria, pinanata’y pagka-Birhen, upang sa Dios ay maiyukol puso niyang gumugiliw; Siya’y kusang nagsa-dukha’t lagging nagging masunurin, kahit minsan kay Bathala sa munti ma’y di nagtaksil; kaya lahat ng Binyagan at Relihiyosong butihin, sa Birhen ko’y nararapat tumingala’t manalamin.
---o0o---
Tulad ng VIRGO FIDELIS, O Kristiano’t Relihiyoso, sa pangakong sinumpaa’y manuparan nang totoo: bawat isip, wika’t gawa at pagibig ng puso mo, sa Maykapal ay ibigay,. . . huwag naman sa demonyo; pailalim ka sa Utos, . . . huwag sana sa kapritso, buong tapat na maglingkod katulad ng Birheng ito; kalooban ng maykapal ang tuntunin nating tao at ditto ang katapata’y kaputol na paraiso.
No comments:
Post a Comment