Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: ROSA MYSTICA (Rosas na Bulaklak, na di mapuspos ng tao ang halaga))

Rosa Mystica
Joel C. Maliwat
Rosa Mystica
Bulaklak na namukadkad sa hardin ng paraiso, na ang bango at kariktan at tuwa ng mga Santo; reyna baga ang katulad na ROSAS na sakdal-bango, na sa altar ni Bathala ay marikit na adorno; IYAN ang Birhen Mariya, Reynang Bulaklak ng Mayo, nababatbat ang hiwaga at malalim na misteryo; ROSA MYSTICA si Mariang tampulan ng paghanga ko inspirasyon ng makata at lugod ng madlang tao.

---o0o---

Ang rosas ay parang reyna sa lipunpon ng bulaklak, kaya tumpak sa Birhen ko ay sagisag na ibansag; ang lahat ng mga Santo’y nahahambing sa bulaklak, na sa Langit Reyna nila’y si Mariang tanging ROSAS; sa bango ng kabanalan nitong Birheng mabusilak, kasiyahang walang maliw ang kanilang nalalanghap; sa rikit ng katangian na sa ganda ay matingkad, tuwa’t aliw kay Maria ay kanilang nalalasap.

---o0o---

Sa Rosas ng mga Langit ay puno ng pagka-tuwa sampung anghel na mabait at ang Poong mang Bathala; sapul pa sa paraiso, nang si EVA ay nadapa, si Maria’y naging AVE na inisip si Bathala; ang BABAE na yuyurak sa diyablo ay Siya nga, itong Rosas ng hiwaga, bulaklak na sakdal-gara; yaon bagang BIRHENG INA na sa lahat pinagpala, nahirang sa paraisong sa Mesiyas Inang mutya.

---o0o---

Pagsikat ng haring araw sa pagbubukang-liwayway, bumubukad ang bulaklak na hamog ang kahalikan; itong “Rosas ng Hiwaga” sa sinag ng kabanalan, naging “bungang walang dungis” sa tiyan ng Inang Banal; sa hamog ng pagpapala ng mabait na Maykapal, pinuspos ng mga grasya na Rosas ng Kabanalan; talulot ng kanyang buhay, nagbihis ng mga kulay, na sagisag ng hiwagang sa diwa ay natangkakal.

Nuestra Señora dela Rosa
G. Rod at Gng. Precy Cruz

---o0o---

Nang ang Verbo’y naging tao’t kinalong ng kanyang bisig, naging Rosas na maputi ang Birhen ng mga Langit; nang ang Anak ay naghirap sa Kalbaryo ng pasakit, naging pula siyang Rosas at bioletang mapang-akit; doon sa krus na sa tuktok ng Golgota’y nakatirik, siya yaong naging “aliw” ni Jesus sa pagtitiis; yaong dugong sa sugatang Anak niya’y nagtitigis, nasama sa luha nitong Inang sa sala’y nabuwis.

---o0o---

Nang mamatay itong Anak ay nagluksa itong Rosas, karamay ng mundong nayanig na parang mawawasak; nang mabuhay na maguli ang Poong Tagapagligtas, naging kulay ginto naman ang “marikit na Bulaklak”; nabihisan ng l’walhati itong INANG MAPAMIHAG, nang matubos itong tao ng Bathala niyang Anak; ang karamay sa dalita’y “sa Langit ay iniyakyat”, at sa “langit Rosas Siyang mahiwagang ubod-timyas!”

No comments:

Post a Comment