Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, August 24, 2013

PAGKILALA | TRIBUTE: BAYANG LEVITICO: Isang Pagkilala sa Mga Paring Anak-Hagonoy (Vol. 2, Issue 2, August 2013)




Ano ba ang Bayang Levitico?

     Ang Bayang Levitico: Isang Pagkilala sa mga Paring Anak-Hagonoy ay isang natatanging bahagi ng pahayagang ito na naglalayon na magbigay ng panig para sa mga paring anak-Hagonoy. Gusto nitong bigyang-pansin ang natatanging pamanang kalinangan ng Simbahan na nagmula sa bokasyon ng mga paring anak-Hagonoy na naging dahilan kung bakit tinawag ang bayan sa katawagang Bayang Levitico.

     Bawat quarter magbibigay ng tuon ang bawat bahagi ukol sa buhay ng piling bilang ng mga pari. Sila ay mga totoong Catholic Hagonoeño na nabuhay, tinawag at nahubog upang sundan ang mga yapak ni Kristo sa pagiging pari para sa Simbahan. Dito lubos nating tuklasin ang ganda at biyaya ng buhay-pari sa pagbabahagi ng ating mga kababayang inordenahan sa pagkapari ni Kristo. 

Mga Paring Anak-Hagonoy 
Vol. II, Issue 2, August 2013

Rdo. P. Simplicio Sangalang Sunpayco, S.J.
Mercado, Hagonoy

Rdo. P. Antonio Bartolome Bautista, S.J.
Sagrada Familia, Hagonoy

Rdo. P. Norberto Luza Bautista, S.J.
Sagrada Familia, Hagonoy

Rdo. P. Joaquin Jose Mari Casimiro Sumpaico, III, S.J.
Sagrada Familia, Hagonoy





1. Ano o anu-ano ang nakapag-impluwensya sa inyo upang magpari?



Unang nakapag-impluwensya sa akin ay ang aking Inang. Si Inang kasi ay napakasipag, naalala ko pa noong bata ako nagpuputo't kutchinta siya. Ngunit napakasipag niya sa pagdedebosyon kaya kabisado niya ang Pasyong Mahal. At syempre kasama ng Pasyon ay ang kasaysayan ng kaligtasan at doon ko nakuha ang katekesis.


Isa ring nakatulong ay ang mga madre ng Religious of the Virgin Mary kasi tuwing umaga mayroon silang gawain ng pagninilay (meditation). At nagkataon na yung pamamaraan na iyon ng pagninilay ay mula sa spiritual exercises ni San Ignacio de Loyola. Bago rin ang giyera, may dumating din na mga paring Redemptorist at palagi silang nangangaral sa Simbahan.

Nag-aaral pa ako noon at inilipat pa kami noong sa Grade 7. Ngunit noong naggiyera, nasa first year high school na ako kaso di ko rin natapos kasi Disyembre nagsimula ang giyera. Noong giyera, nakilala ko si P. Jose Flores at naaya akong sumama sa Lehiyon ni Maria. Naging atas na gawain namin ang pagbisita sa Santissimo Sakramento. Doon ko nakilala si Obispo Bantigue at sinabi niya sa akin, “Pisiong di mo ba naisip na magpari?” Sinabi ko na hindi ko naisip na ako'y magpapari. Ang iniisip ko pa noon ay kung ano ang gagawin ko pagkatapos ng giyera. Natapos ang giyera at ang unang ginawa ko ay maglingkod sa altar. Hindi ko rin talaga inisip na magpari kasi mahirap lang pamilya namin. Yung ama ko kala ko charismatic, e asthmatic pala at kung ano lang ang naging pera namin, nagastos para sa medisina niya. Nagsipagtrabaho naman ang mga kapatid ko para lang suportahan ang pamilya at iniwan nila ang pag-aaral. Noong panahon ng Hapon, nag-aral ako sa seminaryo, noon sa San Carlos.

Tapos isang beses, pumunta sa Hagonoy ang rektor ng mga CM (Congregation of the Mission - “Vincentians”) at nagturo siya noon sa amin ng Latin. Tapos nagbukas ang San Carlos Seminary sa Plaridel noon para maging malapit sa mga nasa Bulakan. Noong nag-aaral na ako doon, nun ko narinig ang tungkol sa mga Heswita. Di ko naisip noon ang tungkol sa Ateneo de Manila at noong pumunta ako sa library, nakita ko puro “S.J.”., “S.J.” Kaya ang pumasok sa isip ko, “Ano ba ginagawa ng mga taong ito?” Nakilala ko noon si P. Liongson na parang na-oppress ng mga Kastilang pari, ngunit kinalinga ng mga Amerikanong Heswita. Kaya naman, kapag nangangaral siya, pinupuri niya palagi ang mga Heswita. Doon ako nagkaroon ng interes sa mga Heswita, kaya nagpunta ako noon sa mga Heswita at kala ko pa nga noon yung portero ang superior at tinanong pa niya ako. Sinabihan ako na sumulat sa superior, pero di ko sinunod iyon, kinausap ko yung superior noong Abril o Mayo at pinapasok niya ako sa San Jose Seminary. Binigyan nila ako noon ng mga exam at pinapunta nila ako sa Novaliches sa Sacred Heart Novitiate noong 1946 at naging Heswita.


2. Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

Tuwing gabi, naalala ko, uuwi kami sa bahay para mag-orasyon at magrosaryo bilang isang pamilya. Si Inang kasi talaga ang nagbibigay-diin sa halaga ng debosyon, si Amang nga kasi ay maysakit, ngunit malaki rin ang impluwensya niya sa akin kahit namatay siya ng 54 taong gulang. Taga-Pilar sa Bataan ang aking ina kaya apektado kami ng paglalakbay ng Bataan at Hagonoy. Tuwing Oktubre, naglalakbay din kami sa Orani upang magdebosyon sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario.

3. Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?


Sa parokya, naging isang ehemplo para sa akin si P. Candido Bernal na noon ay assistant ni P. Celestino Rodriguez na matagal na kura noon sa Sta. Ana. Naging napakamadasalin niya at naging napakabuti sa aming mga kabataan.

Ang hindi ko lang gusto sa pamamaraan dati sa parokya ay tungkol sa pagiging elitist noon ng mga tao sa parokya. Dati, noong bumalik ako sa Hagonoy matapos ng ordinasyon ko sa Amerika, nakita ko pa yung mga special chair. Yung mga prominenteng tao sa Poblacion noon ay talagang mayroong pwesto at hindi napapansin ang mga mahihirap. Kaya naman noon nakita ko ang halaga ng pangangalaga sa mga mahihirap.
At noong Heswita na ako, nagkaroon ako ng maraming gawain para mahihirap. Kasama na dito ay ang pagpromote ko sa mga BEC (Basic Ecclesial Communities) o yung mga bukluran. Noong nasa Mindanao pa ako tinulungan ko si Archbishop Ledesma para matayo ang mga bukluran. Sa BEC kasi nagkakaroon ng pagpapahalaga para sa pamayanan at sa pamamagitan noong ay mayroong pagkakaisa sa parokya.
4. Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?


Una, para sa mga pari, they need to smell like sheep. Ang pari natin ay madalas nagiging busy sa pagtugon sa creed, cult at code, at mas madalas ay cult. Sa Hagonoy rin kasi ay lima o anim ang bilang ng mga misa at marami silang nakukuha bilang donasyon sa kanila. Ngunit kinakailangan nating matutunan bilang mga nagpapari ang tamang pagtingin sa mga mananampalataya. Kapag naka-lipstick, naka-make-up at iba pa, yun ang mga mayayaman sa parokya. Kapag naman nakaluhod palagi, amoy insenso, sila naman ang mga pious sa parokya. Bumubuo sila sa 25% ng lahat ng mga parokyano. Ngayon, nasaan ang 75%? Ang 75% sila ang mga mahihirap. Sila ang palaging nandyan tuwing Holy Week, Flores de Mayo, lalo na kapag Simbang Gabi. Kaso wala silang katekesis kaya ang resulta, hindi sila makasagot kung bakit mahalaga ang misa o bakit kasalanan ang hindi magsimba. Pinapakinig lang sila sa misa, kaya dapat itinuturo ang mga aral sa kanila. Kunwari sa mga bata, tinuturo ko ang mga tungkol sa apat na mahalagang bagay sa simbahan: ang crucifix, ang altar, and tabernakulo at ang lectern. Kinakailangan ng halaga ng pagpapaliwanag sa kasaysayan ng Simbahan. Kulang na kulang ngayon yan kaya kinakailangan nating i-train ang mga mananampalataya.

Pangalawa, ito ang dahilan kung bakit dapat nating tignan ang ehemplo ng bagong Santo Papa, si Papa Francisco. Si Papa Francisco mantakin mo, simple lang manamit at simple lang ang pamumuhay. Ewan ko kung mayroong mahahawa sa kanya sa mga pari natin, saan mayroon dahil mahalaga ang pagiging mapagmahal sa mga mahihirap. Kasi si Papa Francisco, talagang ine-expose sarili niya sa mga tao at ang mga homiliya niya ay hindi deep theology kundi very pastoral. Yun ang dahilan kung kaya't ang gawain ko noon sa mga BEC ay isang mahalagang bagay para sa mga mananampalataya. Kaso ang problema iba iba ang mga conceptions at misconceptions para sa BEC. Pero dapat nating maalala na nagsimula sa BEC ang lahat ng pamayanan sa Simbahan at iyon talaga ang masasabing model of the Church.
Pangatlo, palaging bumabalik ang gawain ng isang pari sa salitang why? Bakit? Bakit mo ito ginagawa? Ano ang motibasyon mo para maging isang pari? Ito ba ay para sa kaginhawaan, para sa kayamanan? Gusto lang ba ng isang magpapari na maging isang cultic priest? Isang institutional priest? Dapat gusto natin na maging pari dahil sa faith, sa pananampalataya. Ito ang kulang na kulang, ang pagtingin sa pananamapalataya lalo na sa mga gawain ng Simbahan. Sa pagdiriwang ng sambayanang nagpapasalamat, ano ang inireregalo? Inireregalo ang Kristo sa anyo ng tinapay at alak. Ito ang dapat itinuturo, kaya naman noong rektor ako sa San Jose Seminary from 1994 – 2000, ayun pinagsusumikapan naming ituro. Si Kristo ay nag-iwan ng biyaya, ang kanyang aral para sa buong Simbahan. Kinakailangan nating makita ang pagtanggap kay Kristo sa ating Simbahan, sa mga mananampalataya. 















1. Ano o anu-ano ang nakapag-impluwensya sa inyo upang magpari?


Pumasok ako para maging Heswita dahil kay P. Horacio dela Costa, isang napakagaling na paring Heswita (tinawag na pinakamatalinong Pilipinong nabuhay). Kamag-anak kasi siya ng aking ama at sa pagsasama namin, nakita ko ang impluwensya sa akin para maging pari sa kanya. Pumasok ako noong 1942, bago po ang Ikalawang Konsilyo Vaticano at noon nasa ilalam kami ng mga Heswitang Amerikano. Matapos noon naordenahan na akong pari, noong ika-12 ng Hunyo, 1958. Nadestino ako sa maraming lugar: sa Ateneo de Naga, sa Ateneo de Davao at sa huli dito sa Ateneo de Manila noong pari na ako. Nagturo ako noon sa mga paaralang ito ng teolohiya at iyon ang naging charism ko, ang pagtuturo.


2. Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

Nagkaroon ako ng isang natatanging debosyon kay San Antonio de Padua kasi ipinangalan ako sa kanya. Ipinanganak kasi ako noong ika-13 ng Hunyo na pista niya. Ang gustung-gusto ko kay San Antonio ay yung kanyang pagiging matitiisin na mahalaga ngayon sa aking kalagayan at sa aking buong buhay. Bagamat may sakit na ako, lalo na at matanda na ako, kailangan ito na aking nakita sa pamamagitan ni San Antonio.

Pero ang isa pang gusto kong debosyon higit sa lahat ng santo ay sa Mahal na Birhen. Si Maria kasi ang ina ng mga pari, at sa pamamagitan niya mayroong kasiguraduhan na may bubulong kay Hesus sa anuman ang kinakailangan ng isang pari.

3. Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?

Bilang isang naging Heswitang pari, nakita ko ang halaga ng pagsisikap. (perseverance) Kailangan ito ng pari at kapag nasa lugar ka ng misyon, kailangan na magkaroon ng pagsusumikap para sa gayon mapaglingkuran mo nang tunay ang Panginoon. Kaya nga sa katunayan mayroon akong dalawang kamag-anak dito na Heswita rin: si P. Ramon Ma. Luza Bautista at si P. Norberto Luza Bautista. Buhat ng pagsusumikap at ng pagpapakita ng ehemplo, sa awa ng Diyos naging kasama ko sila bilang mga kapatid sa pagpapari.

4. Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?

Tulad nga ng sinabi ko kanina, kinakailangan ng kapwa kong mga kababayan sa Hagonoy ng taimtim na pagdedebosyon sa Mahal na Birhen. Sa pamamagitan ni Maria hindi tayo mabibigo kundi magkakaroon tayo ng pag-asa at ng magandang buhay.














1. Ano o anu-ano ang nakapagimpluwensya sa inyo upang magpari?



2. Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?


Isang malaking bahagi na nakapagimpluwensya sa akin upang magpari ay ang aking pamilya. Buhat sa Hagonoy, Bulakan ang aking ama ngunit sa lungsod na kami lumaki ng kapatid kong si Ramon. Noong kami ay mga bata, madalas kaming turuan ng aming mga magulang na magsimba palagi at magkaroon palagi ng debosyon, lalo na sa Mahal na Ina. Naaalala ko pa nga noon ay madalas gawin ang pabasa sa bahay namin, kaya nahihikayat ng pamilya namin kahit ang aming mga kapit-bahay na sumama sa mga panalangin. Dahil sa gayong pagpapalaki sa amin ay natutunan namin na maging mapagmahal sa aming kapwa at sa bawat isa.
Bukod sa kanila, isa malaking inspirasyon din sa akin ay ang mga paring Heswita. Nagsimula ako sa Pamantasan ng Ateneo de Manila simula elementarya hanggang kolehiyo. Isa itong magandang yugto sa aking buhay dahil sa loob ng mga panahong iyon naituro sa akin ng mga paring Heswita ang mga kinakailangan kong malaman ukol sa Panginoon at sa aking pananampalataya. Hindi ko malilimutan sa paring ito si P. Ramon Bonzon, S.J. na isa sa aming naranasang maging guro. Siya ay moderator ng ACIL, isang grupo ng mga nagbibigay ng katesismo sa mga nag-aaral sa pampublikong paaralan. Lubos akong nahikayat ng paring ito dahil sa kanyang pagnanais na makatulong. Syempre bukod pa kay P. Bonzon ay aming tiyuhin na si P. Antonio Bartolome Bautista, S.J. na isa ngayong sa mga pinakamatatandang Heswitang pari.


3. Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?


Para sa akin, ang kinakailangang pahalagahan para sa paglago ng mga bokasyon para sa mga pagpapari ay ang mga family values na madalang na ngayong makita. Isang magandang bagay ang pagiging tapat ng mga magulang na ituro sa kanilang mga ana ang mga debosyon at aral ng pagiging isang Katoliko nang sa gayon ay tumibay ang pagkakaroon ng matibay na pananampalataya ang mga kabataan. Lubod din itong magaganap sa mga tulong na maaaring ipatupad sa pamamagitan ng mga programa para sa panghihikayat ng bokasyon na nagagawa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga pamayanang Kristiyano sa paglilingkod ng bawat isa. At syempre higit sa lahat, kinakailangang ipanalangin ang paglago ng bokasyon na siyang magiging daan sa pagyabong nito sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos sa Kanyang pagtawag.


1. Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang magpari?

Taimtim na panalangin at paglilingkod sa kapwa ang aking natutunan mula sa aking mga magulang. Ito ang aking naging gabay sa pagtubo mula pa noong ako’y bata. Marahil, ito rin ang naipunla sa akin habang ako’y hinubog ng paaralang Heswita sa Manila mula pa noong 1978. Itinuturing ko na biyaya ang mga pagkakataong ito kung saan natagpuan ko ang Diyos at ang Kanyang bayan na hindi naihihiwalay mula sa pagkilala sa sarili.

Tila maidaragdag din ang pagkakaroon ng dalawang tiyo na Heswitang pari sa angkan. Mula sa murang edad, namulat na ako na isang maaring paraan ng pagsunod sa tawag ng Panginoon ang pag-aalay ng sarili bilang pari.

Di ko talagang ninais mag-pari sa simula, sapagkat mayroon rin akong mga sariling mga pangarap sa buhay. Ngunit noong 1995, sa World Youth Day sa Manila, ibinanggit ni Papa Juan Pablo II sa mga kabataan ang paanyaya na sundan ang yapak ni Kristo sa pag-aalay ng sarili.

Noong pauwi na ako, narinig ko na lamang ang isang bulong na nagmula sa puso, “Bakit hindi mo Ako sundan?” Itong tanong na ito ang pinakamalakas at mabisang impluwensiya sa aking pagtugon.

Hanggang ngayon, ito pa rin ang aking binabalik-balikan sa aking ala-ala.

2. Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

Mahilig kaming kumain. At sa hapag-kainan, madalas na ginagawang pagkakataon na makipag-kuwentuhan at magbahagi ng sariling mga naranasan sa araw na nakalipas. Ang panalangin ng sabay sa simula ng bawat kainanan ang nagsisilbing hudyat ng patuloy na paghingi ng biyaya sa Maykapal.

Ang magsimba ng sabay tuwing Linggo ay siya ring isa sa mga mahahalagang pagkakataon na matagpuan ang pananahan ng Diyos sa pamilya. Hanggang ngayon, kahit sa aking pagtanda, ito ang ipinapasa ng aking mga kapatid sa kanilang mga anak.

Hindi ba nakakatuwa kung isipin? Ang mga tradisyong pampamilya na aking naaalala ay puro kainan? Ang isa sa hapag-kainan. Ang isa naman, sa Banal na Eukaristiya.

3. Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?

Pansamantala lamang ako nanirahan sa Hagonoy noong aking kabataan. Naging mangigisda ang aking ama. At habang ako’y kanyang iniiwan tuwing umaga habang siya’y pumapalaot, naalala ko na sa murang edad na maraming tao ang patuloy na nagbibigay aruga sa kanilang kapitbahay at kapwa.

Habang nanghuli ako ng talangka, ako’y di nag-isa. Laging may nagbabantay at nangangamusta. Naalala ko rin ang mga taunang pagbisita sa aking Lolo Jaime at ang kanyang pamilya. Ang manumbalik sa kinauugatan ng angkan ang siyang patuloy na pag-alala na laging ilapag ang mga paa sa lupang kinatatayuan.

Hindi ito marahil isang nakabibighaning dahilan upang mag-pari. Ngunit ang mabuting pakikipagkapwa ay tiyak na isang paraan na nakapagbibigay katatagan sa isang tao na tumutubo mula sa kanyang kabataan.

Sa aking pagpapari, nakatitiyak ako na bahagi pa rin ako sa panalangin ng maraming mga tao. Nauunawaan ko na hindi ako nag-iisa sa paglalakbay. Makakaasa rin sila na patuloy ko silang nananahan sa aking puso at naaaninagan sa bawat taong aking nakakasalimuha sa aking kasalukuyang misyon.

4. Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?

Huwag kang magpari…

Huwag kang magpari dahil sabi ng iba.

Isang tawag ang pagpapari. Hindi ito maipipilit sapagkat ito’y magiging hilaw at hindi mapagpalaya. Kapag ang isang tao ay nais sumunod sa isang tawag, kinakailangan niyang kilatisin ang nilalaman ng kanyang puso. Kailangan niyang balikan ang kanyang kuwentong-buhay at tingnan kung saan at kailan nabighani ang kanyang puso, kung saan ito nasaktan, at kung kailan ito naghilom at bumangon.

Subikin mo ang mag-pari dahil ito’y paraan ng iyong pagtugon sa Maykapal. Manalangin ng taimtim araw-araw. Ibulong mo sa Diyos ang mga nilalaman ng iyong puso. Makinig ka rin sa ibubulong Niya sa iyo.

Alalahanin mo rin na ang iyong bokasyon ay hindi lang sa iyo. Ang pagpapari ay pagkalimot sa sarili at patuloy na pag-aalay sa iba. Instrumento ng Mabuting Pastol ang isang mabuting pari. At lagi niya dapat tandaan itong kanyang pinagmulan.

Kung sa ating bayan, marami ang naghahari-harian, lagi rin natin unawain na maari rin mahulog ang bawat isa sa patibong ng “pagpapari-parian.”

Patuloy natin ipagdasal ang ating kaparian. Hilingin natin sa ating mahal na birheng Maria na lagi silang ilapit sa puso ng kanyang Anak na si Hesus. Nawa’y ang Banal na Puso ni Hesus ay maaninagan natin sa bawat puso ng mga taong sumusunod sa Kanyang yapak.

At para sa mga kabataan na nananalangin ng taimtim, ito lamang ang aking maibabahagi sa inyo, “pakinggan ninyo ang mga bulong sa inyong mga puso, hindi iyan magsisinungaling.”


Page 3 of 5
Please press Older Posts for Page 4.

No comments:

Post a Comment