Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, August 24, 2013

PANITIKAN/LITERARY: Ginintuang Taon ng Dakilang Jubileo ng Diyosesis ng Malolos



   Ang buhay ay isang paglalakbay na puno ng maraming pagbabagong hindi inaaasahan at hindi napipigilan. “Grace”- iyan ang tawag sa akin. Lumaki ako na may paghanga at pagmamalaki sa bayang kinalakihan ko. Palibhasa’y nasusulat sa dahon ng kasaysayan ng aking bansa at sa pagbuklat ng mga libro, tanyag na mababasa ang “Malolos”; sapagka’t hitik sa kasaysayan at puno ng kwento ang bawa’t sulok ng bayan, lalo na ang simbahang napakatayog kung pagmasdan, at nakahahalinang tingalain nasaaan ka man. Lumaki ako, na bahagi sa aking sistema ng kabataan ang presensya ng simbahan. Nasilayan ko at nakalakihan sa aking mga magulang ang pagiging madasalin at may marubdob na pagmamahal sa Maykapal. Gayundin kay “Inang Mameng” na aking lola, na madalas akong kasa-kasama sa pagdarasal sa aming “bisita”. Dito nagsimulang umusbong at mahubog sa aking murang isipan, na kilalanin ang nagbigay sa akin ng hiram na buhay. Kasama ng pag-unlad at pagbabago ng simbahan, ay yumabong sa aking isipan at pagkatao ang buhay na pananampalataya sa Diyos na aking pinananampalatayanan.

   Palibhasa’y hindi kagaya ng ibang lugar na nasa itaas, ang aming baryo ay hindi palagiang may misa; ngunit hindi ito naging hadlang upang makilala ko si Kristo na umagapay at patuloy na sumusubaybay sa akin hanggang sa kasalukuyan. Noong ako ay nag-aaral na sa mataas na paaralan, nakilala ko ang Pamparokyang Simbahan ng Sta. Ana na ngayon ay mas kilala sa Pambansang Dambana ni Sta. Ana. Madalas akong napapadaan dito; yuyukod, mag-aantanda at taimtim na mananalangin,. May mga araw at gabi na nakakasama ako sa “Charismatic at El Shaddai”’ na ginaganap sa iba’t-ibang parokya ng Diyosesis ng Malolos. Unti-unti sa aking paglaki, kaalinsabay ng pagbabago ng Simbahan, nagbago at nagkaroon ako ng pagkakataon at panahon na makapag-alay at makapaglaan ng oras upang makapagsimba tuwing araw ng Linggo. Kagaya ng Simbahan at ng ating Diyosesis - mula sa Pamparokya, Katedral at ngayon ay isa ng Basilika, umuunlad, nagbabago, tulad ng aking buhay at pananampalataya. Noong ako ay nasa kolehiyo, hilig at ugali ko na rin ang mag-“novena” sa Ina ng Laging Saklolo; kung kaya’t ako ay palaging nagdadaan sa Simbahan ng Inmaculada Concepcion. Naging debosyon ko ang pananalangin dito tuwing araw ng Miyerkules. Nakita ko ang mabilis na pagbabago noong ako ay naging ganap ng isang guro. Pinalad akong makapagturo sa isang pribado at katolikong paaralan na lalong nagpaigting sa aking pananampalataya. Dito nakapagsisimba na ako ng halos walang palya tuwing araw ng Linggo. Dagdag pa rito ang mga pagsasanay pang-espritwal. Nahubog ng tuluyan ang aking pagkatao; at nagpatuloy ako sa gawaing banal, kung saan, matapos ang limang taong pagtuturo, ako ay tumugon sa malakas na tawag ni Kristo na pumasok sa “buhay relihiyosa.” Higit kong napagtanto ang malaking pagbabago sa aking buhay. Mula sa simpleng pangalan na ibinigay sa akin ng aking mga magulang na “Mary Grace” - dahil naniniwala sila na ako ay biyaya mula sa langit, at ikinabit pa ang pangalan ng Mahal na Ina, - ang pangalang ito ay nabago at nadagdagan ng “Sister.” Tinatawag ako ngayon na “Sr. Grace”. Napakalaking pagbabago, hindi lamang sa aking pangalan; gayon din sa aking kaisipan, espiritwal na pananampalataya at buong pagkatao. Ang simbahang aking nakilala, tiningala at hinangaan ay naging bahagi ng aking bokasyon sa ‘di inaasahang pagkakataon. Dito ginanap ang aking “Unang Pagtatalaga ng Sarili” noong Ika-13 ng Hulyo, 2002, kung kailan ganap na itong Basilika. Kaya’t tinatawag ito ngayong Katedral at Basilika Minore. Masasabi ko na ganap na nga ang pagbabago sa ating Diyosesis. Limampung taon na puno ng biyaya na ipinagpapasalamat natin kung kaya’t ang bawa’t isa ay patuloy sa paglago ng kanilang pananampalataya at pagpapanibago.

   Sa patuloy nating paglalakbay sa misteryo at hiwaga ng buhay pananampalataya, tunay ngang ang pag-ibig ay nararanasan sa sambayanan. Maraming 50 taon pa ang darating sa Diyosesis ng Malolos, ngunit sa akin ay tila imposible na. Gayon pa man, nagpapasalamat ako at ako ay naging kabahagi ng kasaysayan nito. Higit at lalo akong natuwa noong mabalitaan ko na ang Diyosesis ng Malolos ay magdiriwang ng ika-limampung taon sa eksaktong petsa ng aking kapanganakan. Dito ko naunawaan na noong Ika-11 ng Marso 1962, ay itinanghal bilang Katedral ng Diyosesis ng Malolos kaalinsabay ng pagpapakilala at pagluklok ng kauna-unahang Obispo ng Malolos, ang yumaong Lubhang Kagalang-galang Manuel P. del Rosario, D.D.

   Sa pagtatapos ay marubdob kong ipinahahatid ang aking pagbati sa lahat sa matagumpay at mga pagbabagong aking nasilayan. Ipagpatuloy po natin ang magandang nasimulan sa tulong at gabay ng ating Panginoon, kaisa ng Mahal na Birheng Maria. Mabuhay ang Diyosesis ng Malolos! MABUHAY!

Photo Courtesy:  Christopher O. Arellano 
                              (Diocesan Commission on Social Communications)

No comments:

Post a Comment