Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, August 24, 2013

PANITIKAN/LITERARY: ALA-ALA: Mga Tula ni Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A.: Ukol sa Corpus Christi at Sagrado Corazon de Jesus




Tungkol sa Section/Bahagi:

ALA-ALA: Mga Tula ni Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A.

     Isa sa mga kinikilalang ama ng bayan ng Hagonoy ay ang namayapang pari na si Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A. (+2003). Bukod sa isa siya sa mga nagng pinakamahusay na Kura Paroko ng Parokya ni Sta. Ana sa Hagonoy, kanya ding tinayagang mahirang ang kanyang simbahang inalagaan bilang pambansang dambana. Sa loob ng 21 taon na naging Kura Paroko siya at sa huling taon ay Rektor, ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya bilang isang banal at huwarang pari ni Kristo. Kaya naman, lubos siyang tinatangkilik sa buong Hagonoy at kinikilala din naman ng mga pari sa Diyosesis ng Malolos, sa Arkidiyosesis ng Maynila at iba't iba pang sakop ng Simbahang Katoliko.

     Ngunit bukod sa kanyang pagpapagawa sa Simbahan ni Sta. Ana kasama na din ng iba pa niyang naitaguyod sa loob ng nagdaang mga taon, iniwan din niya para sa susunod na henerasyon ang kanyang mga akdang tula. Ang mga tulang ito ang kanyang mga nailimbag sa mga libro na bagamat hindi na mabibili ay isinasapuso ng mga taga-Hagonoy. Kaya naman upang hindi masayang ang mga gawang ito, nais namin na ipakita ang mga ito sa inyo para na din mabasa at tangkilikin.

     Mula ang mga tulang ilalathala namin dito bawat quarter sa tatlong libro ng mga tula ni Msgr Aguinaldo: Mabangong Kamanyang: Katipunan ng mga Tula sa Karangalan ng Mahal na Birheng Ina ng Diyos (1965)Mga Kwintas na Ginto (1990), Mga Butil ng Diyamante (2000) at Takip-Silim (2003). Nawa inyong mamasid, basahin at tangkilikin ang mga akdang ito ng isang dakilang makata at dakilang pari ng Diyos!

Tungkol sa mga Tula:

     Ang mga tulang ipinapakita sa bahagi ngayong quarter ay ukol sa mga pagninilay ni Msgr. Aguinaldo ukol sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Corpus Christi at sa Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Jesus o Sagrado Corazon de Jesus.

Mula sa:
Aguinaldo, Rdo. Msgr. Jose B. Mga Butil ng Diyamante (Hagonoy, Bulacan: Msgr. Jose B. Aguinaldo Foundation, 2000) 

Pusong Kambal

May  APOSTOLADO  ng  dalawang  PUSO
Ni  JESUS  AT  MARIA  -  mag-inang  masuyo;
Umanib  ka, anak,  maging  talisuyo

Ng  KAMBAL  NA  PUSONG  takbuhang  maamo;

Sa  magulong  mundong  salari't  baligho,
Ito'y  salbabidang  nakararahuyo...

---o0o---

Alyansa  ng  dal'wang  Pusong  masintahin
Pag-ibig  ng  Diyos  at  ng  Inang  Birhen;
Ito  ay  debosyong  mabisa't  magaling
Na  kalugod-lugod  sa  Amang  magiliw;
Kambal  itong  Pusong   lunas  sa hilahil
Sa  buhay  ng  bansang  madaluyong  pa  rin.

---o0o---

Pag-ibig  ang  lunas  sa  poot  ng  bayan,
Sa  madlang  dalita  at  katiwalian;
Pusong  tumitibok  -  lipos-pagmamahal
Ang  tugon  sa  sala  nitong  santinakpan;
Maningas  na  Puso  ni  Jesus  na  banal
At  puso ng  Inang  kalinislinisan!

---o0o---

Mag-alagad  ikaw  ng  tanging  Alyansa,
Buhay  kabanala't  pananampalataya;
Sana'y  mag-rosaryo  ang  bawa't  pamilya,
Mag-kinse  misteryong  lakas  at  sandata;
Pusong-Inang  sakdal  linis  ni  Maria
Ating  kaligtasan  na  dagat  ng  grasya.

---o0o---

Mag-Banal  na  Oras, minsan  isang  linggo
Sa  inyong  simbahan  -  bantay-Santisimo;
Si  Jesus  sa  Ostya  sa  Tabernakulo,
SAMBAHING  taimtim - taos  sa  puso  mo;
Sa  Misa  ng  Unang  Biyernes  -  Sabado,
Magkomunyong-bayad  sa  sala  ng  mundo.

---o0o---

Bibliya'y  basahin  -  ating  pagnilayan,
Salita  ng  Diyos  -  ating  isabuhay;
Kap'wa'y  bahaginan  at  ang  iyong  angkan,
Ng  aral  ni  Jesus  na  ligayang  lantay;
Sa  mga  talata  ng  Aklat  na  Banal
Ang  lihim  ng  langit  ay  matutuklasan.  

---o0o---

Biyernes,  Miyerkules,  tayo'y  mag-ayuno,
Bread  and  water  lamang  ang  kainin  ninyo;
Sa  Kambal  na  Puso ... ang  lahat  na  ito,
Kailangang  gawin  upang  maging  miyembro;
Pagpapakasakit,  dasal,  sakripisyo
Ang  alay  sa  Pusong  pag-asa  ng  tao!

                                          * * * * *

                Buwan ng Puso
(Hunyo,  1992)




Hunyo'y  buwan  ng  pag-ibig,  ng  rosas  at  ng  kasalan,
Buwan  ng  PUSO  NI  JESUS  na arka  ng  kaligtasan;
Ito'y  tanda  ng  pag-ibig  ng  Diyos  Amang  mapagmahal,
Ama  sa  Anak,  nagsugong  sakupin  ang  daigdigan;
PUSO'Y  dagat  ng  pag-irog  at  ng  awang  walang hanggan,
Takbuhan  ng  kulang -palad,  sa  mahina  ay  tanggulan.

---o0o---

Nuong  sixteen  seventy-five,  si  Jesus  ay  napakita
Kay  Margarita  Maria  -  isang  madreng  santang-santa;
Puso  Niya'y inilabas,  nag-aapoy  sa  pagsinta
Na  puno  ng  hinanakit  sa  lupit  ng  ating  sala;
Malungkot  ang  mukha  Niyang  luha'y  tila  papatak  na,
"ITO,  anya,  ang  Puso  Kong  nagmahal  nang  walang  hangga!"

---o0o---

Noon  kasi  ay  panahong  "erehiya"  ay  laganap,
Hansenismo'y  bagong  sekta..  sa  Europa  ay  kumalat;
Turing  sa  Diyos  ay  di  Amang  sa  tao  ay  lumilingap,
Kundi  sukdulan  ng  lupit  - kaya  tao  ay  nasindak;
Bihira  ang  pa-komunyon,  bawal  pa  sa  batang  pahat,
SANTISIMO'Y  hindi  pansing  SAKRAMENTO  NG  PAGLIYAG.

---o0o---

"Eto",  anya,  "ang  Puso  Kong  nag-aalab  sa  pag-ibig,"
Tumubos  sa  mga  tao,  sa  KRUS  ay  nagpakasakit;
Ganti  ng  sangkatauha'y   upasala't   panlalait,
Kawalang  utang-na-loob  ay  sugat  sa  Kanyang  dibdib;
Pagtataksil  at  paglibak,  paglapastangang  kay  lupit
At  pagyurak  na  paglaban  sa  makatarungang  langit.

---o0o---

"Ang  PUSO  KO'Y  IPAGPISTA,  ipagdiwang  at  itampok,
Dakilain  nang  marapat,  tuwing  matapos  ang  CORPUS;
Sa  akin,  ang  inyong  Puso  -  italaga  ninyong  lubos, 
Ginhawa't  kapayapaan,  sa inyo'y  idudulot.
May  pangakong  KALIGTASAN  ang  sa  Akin  ay  dudulog,
Kakalungin  ng  Puso  kong  nagmamahal  ng  mataos."

---o0o---

Banal  na  Puso  ni  Jesus  ay  ang  ating  salbabida,
Sa  bansa  ng  Pilipinas,  tala  ito  ng  pag-asa;
Sa  Banal  na  Pusong  ito,  bansa  nati'y  italaga,
At  Siya  ay  maghahari  sa  puso  ng  bawa't  isa;
Mahal  na  Puso  ni  Jesus,  sa  amin  po'y  maawa  Ka,
Tanggapin  ang  PAGHAHANDOG  naming  lahat - taong  aba!

---o0o---

"Pintuhuin  ang  PUSO  KO,  Unang  B'yernes ay  itanghal,
na  timbulan  ng  daigdig  -  pagtahak  sa  kabanalan;
Mag-komunyon   kayong  wagas  -  pambayad  sa  kasalanan,
Ganapin  ang  ORA  SANTA  at  sa  akin  ay  dumalaw;
Pagka't  kayo  ay  mahal  Ko  -  tinubos  ng  dugo't  buhay!
Kayo'y  Aking  mamahalin  hanggang  inyong  kamatayan."

PALIWANAG:


Hansenismo - isang kilusang espirituwal sa Kanlurang Europa, na nagbibigay ng maling turo na dahil sa biyaya ng Diyos, wala nang kalayaan ang mga tao na pumili. Kaya naman, naging gawain nila ang magkaroon ng mahigpit na pagtanggap sa mga sakramento.

Mula sa Gerald O'Collins, SJ and Edward G. Famgia, SJ, A Concise Dictionary of Theology (Quezon City, 2010)

                                          * * * * *


                     Italaga

Pag-gising  mo  sa  umaga,  ihandog  ang  iyong  buhay
Sa  PUSO  NG  PANGINOONG  JESUS  nating  Kaibigan;
Dalangin  mo  at  gawain,  kagalaka't  kalungkutan
Ka-isa  ng  Birheng  Ina'y  may  tiwala  mong  iyalay;
Basta't  hindi  kasalanan,  ihain  sa  Pusong  Banal,
Kaugnay  ng  pagsisimba't   Banal  na  Pakikinabang.

---o0o---

Ito  ay  PAGTATALAGA  ng  buhay  mo  sa  kay  Kristo,
Na  hangad  mo'y  ang  adhika  ng  Tumubos  nitong  mundo,
At  ang  lalong dangal  Niya  at  kaligtasan  ng  tao,
Bayad-sala  sa nagtaksil  at  kay  Jesus,  nagkanulo.
Komunyon  ng  unang  B'yernes  nararapat  tuparin  mo,
Nang  mahugasan  ang  sala  -  Siya'y maghari  sa iyo!

---o0o---

Nang  dahil  sa  pagka-binyag,  tayo'y  na-ugnay  kay  JESUS
Sa  buhay  N'ya  at  gampanin,  maki-isa  tayong  lubos,
Sa  adhika  Niya't  gawa, mga  layko'y  nakasangkot,
Nang  lahat  ng  kaluluwa'y  maging  banal  at  matubos;
Misyonero  Niya  tayong  nais  Niya'y  makilahok,
Sa pagiging  disipulo'y  maging  tapat  N'yang  lingkod!

---o0o---

ITALAGA  ang  buhay  mo't  sa  kay  Jesus  ay  iyalay,
Na  buhay  ang  sakripisyong  pantubos  sa  kasalanan;
Sakripisyo  ng  papuri,  pagbabayad  sa  Maykapal
At  pag-akay  sa  kapuwa  sa  landas  ng  kaligtasan;
Magpapabanal  nga  ito  sa  lahat  ng  nagmamahal,
Na  kaanib  ng  Simbahang  Katawan  ni  Kristong  banal!

---o0o---

Ang  apoy  ng  iyong  puso  sa  pag-ibig  mo  kay  Jesus,
Ang  itugon  sa pagsintang  walang  maliw  at  mataos;
Nais  Niya'y  kaluluwang  Kanyang  dugo  ang  tumubos,
Kaya  tayo'y  makiisa,  sakripisyo  ay  ihandog;
Apostol  ng  Panalangin,  magsigasig  ka  nang  lubos,
Ilaganap  ang  Debosyon,  Pusong Banal,  nang  malugod!

                                          * * * * *


             Kahit Isang Oras...!


Ang  PAGSAMBA  sa  kay  Jesus  sa  Banal  na  Sakramento,
Mahalaga  sa  pag-unlad  ng  kabanalan  ng  tao;
Sa  buhay  ng  kabanala'y  "dakilang  'APOSTOLADO,"
ADORASYONG   walang  patlang  sa  DIYOS-OSTIYA  na si  KRISTO;
Sa  EUKARISTIKONG  buhay,  si  Jesus  ay  Siyang  Sentro,
Na  pag-asa't  kaaliwan  sa  Banal  na  Ministeryo.

---o0o---

Sa  Banal  na  Sakramento,  gabi't  araw  naririyan,
Presensiya  ng  Panginoong  lumalaging  nagmamahal;
Di  masayod  na  pag-ibig  ang  nag-udyok  na  dahilan,
Na si  Kristo'y  manatili  sa  Sagraryong bilangguan;
"Ako'y  sa  Langit  nagbuhat,  tanging  tinapay  ng  buhay,
Sa  piling  ng  mga  tao'y  pagkain  ng  kaligtasan."

---o0o---

"ISANG  ORAS  MAN  LANG  SANA,  sa  loob  ng  isang  linggo,
Ako'y  maging  ka-ulayaw  sa  harapan  ng  Sagraryo,
Ito'y  Aking  bilangguan  sa  pag-ibig  Ko sa  inyo.
Pag  natanaw  mo  ang  Ostya,  ang  natanaw  mo  ay  Ako;
Bawa't  saglit  sa  harap  Ko  pagdalaw  sa  Santisimo,
Ang  puso  mo'y  mag-aalab  sa  pag-ibig  sa  Puso  Ko!"

                                                                        

Page 4 of 5
Please press Older Posts for Page 5.

No comments:

Post a Comment