Nasaksihan
ng lahat ng mananampalataya ng Paombong ang pagdiriwang ng Dakilang
Kapistahan ng “Corpus
Christi” o ang Katawan at Dugo ni
Kristo. Dito itinanghal at binantayan ng iba’t ibang
samahang pang-simbahan at mananampalataya ang Santisimo Sakramento sa
altar. Kahit na malayo ang lakarin na tatahakin hindi ito alintana ng
bawat isa lalo’t higit ang aming ginagalang at masipag na kura
paroko na si Rdo. P. Prospero Tenorio na nagpakita at nagpamalas ng
tunay na kahalagahan ng pagdiriwang ng Corpus Christi.
Bawat
tao na makakita at madaanan ng Santisimo Sakramento ay yumuyuko at
nagbibigay galang tanda ng tunay na kabanalan ng Diyos. Bawat isa ay
inaanyayahan na panibaguhin ang pagpapahalaga sa Banal na
Eukaristiya. Ang pagkaing nagdudulot sa atin ng lakas para sa ating
paglalakbay tungo sa kasaganahan ng buhay na walang hanggan. Sa bawat
pakikiisa natin sa pagdiriwang ng Eukaristiya, nakikisalo tayo sa
buong sambayanan ng Diyos sa pagsariwa sa pag-aalay ng Buhay ng
Panginoong Jesus. At sa bawat pakikinabang natin sa Kanyang Katawan
at Dugo sa Banal na Komunyon – ang Panginoong Jesus mismo ang ating
tinatanggap, sa anyo ng Ostiya. Siya ang lakas na dumadaloy sa ating
buong pagkatao, kaya winika ni Jesus sa kanyang mga alagad “Kayo
ang magbigay sa kanila ng makakain,” panawagan din ito para sa atin
na maging mulat sa pangangailangan ng ating kapwa. Tayo ay
binahaginan ng Panginoon ng Kanyang mga biyaya at pagpapala, kaya
dapat din nating ibahagi ang mga pagpapalang ito sa iba. Ang
Eukaristiya ay hindi lamang inimbento ng simbahan o ng mga namumuno
rito. Ito ay itinagubilin ni Kristo sa Kanyang mga alagad noong
maganap ang pagsasalo-salo sa huling hapunan bago pahirapan at ipako
sa krus si Jesus. Sinabi Niya. “Gawin ninyo ito
sa pag-alaala sa akin.”
Sa
banal na Misa, naniniwala tayong ang tinapay at alak ay nagiging
katawan at dugo ni Kristo ngunit sila sa anyo ng tinapay at alak ito
ay tinatawag na “Transubstantiation”.
Sa pamamagitan ng Eukaristiya ninais ni
Kristo na manatili siyang kasama natin, hindi lamang upang Siya’y
ating alalahanin. Ito ang tinatawag na “real
presence” ni Kristo sa Eukaristiya.
Pinapakita lamang ng mga mananampalataya ng Paombong na hindi
mawawala ang kanilang tunay na pananampalataya. Buhay na buhay na
naipakita ng mga mananampalataya ng Paombong ang kanilang masidhing
debosyon at naipakita nila ang kanilang tunay na pananampalataya sa
simpleng pamamaraan. Matanda at bata ay nagalak sapagkat naranasan
nila ang pag-ibig na hatid ni Kristo sa Eukaristiya.
Photo Courtesy: Rev. Fr. Prospero V. Tenorio (Parish of Santiago Apostol)
Page 2 of 5
Please press Older Posts for Page 3.
No comments:
Post a Comment