Minsan
ay mayroong mag-ama; sina Mang Juan at Nene. Ganoon na lamang ang
pagmamahal ni Mang Juan sa kaniyang nag-iisang anak na babae. Buhat
nang mamatay ang asawa ni Mang Juan, siya lamang ang mag-isang
bumubuhay sa kanyang limang taong gulang na si Nene. Magsasaka si
Mang Juan at sa isang dampa sila nakatira. Kahit na hirap sa buhay,
sinisikap niyang ibigay kay Nene ang mga pangangailangan nito bilang
isang bata.
Hanggang
sa magsimulang mag-aral si Nene. Inihahatid niya ito sa paaralan
sakay ng kanyang bisikleta. Araw-araw niya itong ginagawa at sa hapon
naman, kanya itong sinusundo matapos ang kanyang trabaho sa bukid.
Hindi niya pinagsasawaang gawin iyon hanggang sa makarating ng high
school si Nene. Kahit dalagita na, masaya pa rin siyang sumasakay sa
lumang bisikleta ng kanyang ama upang siya ay maihatid sa kaniyang
paaralan. Minsan, habang nilalakbay nila ang daan patungo sa
paaralan, napatingala si Nene sa kaniyang ama.
“Itay,
hindi ka po ba napapagod na ihatid ako araw- araw sa paaralan?”
Ngumiti
si Mang Juan.
“Hinding
hindi ko ito pagsasawaan anak, kahit hanggang kolehiyo ka na. Sa
ganitong paraan lamang kita mapoprotektahan habang ika’y nasa daan.
Kasi hangga’t sakay ka nitong bisikleta ko at habang kasama mo ako,
hinding hindi ka mapapahamak sa daan. Ikaw? Hindi ka ba nasasawa sa
pagsakay dito sa lumang bisikleta ng tatay mo?” pagbalik na tanong
ni Mang Juan sa kanyang anak. Ngumiti din ito.
“Medyo
po masakit sa pwet itay at saka nakakangawit umupo pero di ko
po ipagpapalit sa kahit ano’ng sasakyan itong bisikleta mo; kasi
alam kong ligtas ako kapag hinahatid mo ako gamit ang
bisikletang ito.”
Masaya
nilang nilakbay ang daan papuntang paaralan ni Nene. Nakatapos na si
Nene ng high school at kolehiyo. Hanggang sa makahanap na siya ng
magandang trabaho. Tinulungan niya si Mang Juan sa mga gastusin sa
bahay. Habang tumatagal, paiksi ng paiksi ang distansya ng paghahatid
ni Mang Juan kay Nene gamit ang kanyang luma at kinakalawang na
bisikleta. Minsan, naaasiwa na rin si Nene na magpahatid sa kaniyang
ama kahit sa sakayan ng tricycle papasok sa trabaho. Dumating din sa
oras na ayaw na niya na tawagin siyang Nene ng kanyang ama, dahil
matanda na siya. Gusto niya, tawagin siya nito sa kanyang tunay na
pangalan na Janine. Nagdaramdam man si Mang Juan subali’t hindi
niya iyon ipinadama sa kanyang anak.
Hanggang
sa makaipon at mapromote sa kanyang trabaho si Janine. Bumili siya ng
magarang kotse at unti-unti na rin niyang ipinagawa ang bahay nilang
mag-ama. Noong iuwi ni Janine sa bahay ang kaniyang bagong
kotse, natuwa din naman si Mang Juan,
kahalo ang kalungkutan at katotohanan na may sarili nang buhay ang
kaniyang anak. Wala na siyang nagawa kundi paalalahanan itong
mag-iingat sa pagmamaneho ng bago nitong sasakyan. Masaya siya dahil
natupad niya ang pangarap niya para sa kanyang “unica hija.”
Naging
abala si Janine sa kaniyang trabaho; halos ginagabi na ng uwi. Hindi
na niya nagagawang sabayan ang kanyang ama sa pagkain, kahit lagi pa
rin siya nitong isinasama sa paghahain at hinihintay sa hapag.
Minsan,
habang nasa garahe si Mang Juan, nakita niya ang kaniyang bisikleta.
Kinakalawang na ito dahil sa katandaan. Nilapitan niya iyon at
pinunasan.
“Maraming
salamat sa iyo…dahil sa iyo nasubaybayan ko ang paglaki ng Nene ko.
Dahil sa iyo, napagtapos ko siya ng pag-aaral at natupad niya ang
kanyang pangarap. Matanda ka na kagaya ko…marahil pagod ka na rin
sa layo at tagal ng nilakbay mo na kasama kami…pero sa huling
pagkakataon, sana maipasyal mo ako. Pagkatapos nito, maaari ka
nang magpahinga.”
Sinakyan
niyang muli ang bisikleta. Sa haba ng daan, nakita niya na
nagkakagulo ang mga tao. Mayroong aksidente. Biglang lumakas ang
kabog dibdib ni Mang Juan. Nang mapadaan siya sa tapat ng kotseng
naaksidente, nakita niya ang duguang anak na nakasakay sa loob nito.
Dali-dali siyang bumaba ng kaniyang bisikleta, at tinungo ang
kinaroroonan ng anak. Hinawi niya ang mga taong nakapaligid doon.
Isinugod
niya si Janine sa ospital. Pagdating sa emergency room, halos mabasag
ang puso ni Mang Juan habang pinanonood ang paghabol ng mga doktor
sa buhay ng kaniyang anak. Taos-puso
siyang nanalangin para sa buhay at kaligtasan ng kanyang anak doon
sa maliit na “chapel” sa loob ng ospital.
“Panginoon,
mahal ko po ang aking anak gaya ng pagmamahal Mo sa Iyong Anak na si
Jesus…hindi ko po alam kung kakayanin kong mawala siya sa akin.
Bigyan Mo pa po siya ng pagkakataong mabuhay at makasama ko hanggang
sa buhay ko’y Iyong bawiin. Nagsusumamo po ako…”
Paglabas
niya sa roon sa Chapel, nakasalubong niya ang doktor. Tinapik siya
nito sa kanyang balikat.
“Ligtas
na po ang iyong anak…” nakangiti nitong sambit sa kanya. Walang
pagsidlan ang luha sa mga mata ni Mang Juan nang marinig iyon.
Dali-dali niyang pinuntahan sa silid ang kaniyang anak. Nangingilid
ang luha niyang hinawakan ang kamay ng kaniyang anak at hinalikan ito
sa noo.
Nagkaroon
ng malay si Janine. Nakita niya ang kanyang ama na nakaupo at
natutulog sa kanyang tabi. Hinimas niya ang ulo ng kanyang ama na
siya namang gumising dito. Nangiti ito nang makitang siya ay
gising na.
“Itay…”
naluluha niyang tawag sa kanyang ama.
“Anak…
mabuti at gising ka na. May masakit ba sa iyo? Ano gusto mo?
Tatawagin ko ang doktor? Nagugutom ka ba? Ano? Sabihin mo..”
sunud-sunod na tanong ni Mang Juan.
“Itay…dito
ka na lang po sa tabi ko. Kasi alam ko pong ligtas ako kapag nasa
tabi kita.”
Sa
narinig ni Mang Juan, naalala niya ang panahon na sinabi sa
kanya iyon habang magkasama nilang nilalakbay ang daan sakay ng
bisikleta.
“Nene
ko…”
“Patawad,
itay,,kung nagkulang ako sa ‘yo. Sa dami ng pangarap ko,
nakalimutan kita…” lumuluhang sambit ni Janine.
“Sapat
na sa akin na ligtas ka anak. Sapat na sa akin ang makita kang
masayang inaabot ang mga pangarap mo.”
Buhat
,noon, nanumbalik ang dating samahan ng mag-ama. Hindi man naihahatid
ng bisikleta ni Mang Juan si Janine papasok sa trabaho, may sapat na
itong panahon para sa kanya; kahit pa noong nagkaroon na si
Janine ng sariling pamilya. Nananatiling buhay ang ala-ala ng
bisikletang naging saksi sa walang maliw na pagmamahal ni Mang Juan
sa kanyang nag-iisang anak na si Janine. At kay Janine,
napapangiti na lamang siya kapag may nakikita siyang mag-ama na
nakasakay sa bisikleta. Nananatiling masayang ala-ala sa kanya ang
mga panahon na siya ay inihahatid ng kanyang ama patungong eskwela
gamit ang lumang bisikleta, na nagpadama sa kanya ng pagmamahal at
pagsubaybay sa kanya ng kanyang minamahal na Ama.
WAKAS.
Pagnilayan...
Photo Courtesy: Virgilio C. Bautista (National Shrine and Parish of St. Anne)
No comments:
Post a Comment