Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, August 24, 2013

PAOMBONG CULTURAL SECTION: Bumubuhos na mga Biyaya at Pagpapala: Mga Nakalipas na Pagdiriwang sa Parokya ni Santiago Apostol



   Muling nagalak ang mga mananampalataya ng Paombong dahil sa hindi mabilang na pagpapala at mga biyaya ang kanilang naranasan ng sumapit ang buwan ng Hulyo. Dahil sa buwang ito ay mayroong apat na mahalagang pangyayari ang naganap, isang karanasan na maikikintal sa kasaysayan ng Parokya ni Santiago Apostol. At naging daan ang mga ito upang lalong mamulat ang bawat isa sa kahalagahan ng mga ito sa pagpapalalim ng ugnayan ng tao sa Diyos. Pagpapakita ng isang tunay na pananampalataya at pagtutulungan, na ang bawat isa ay nagkakaisa para sa ikakaayos at ikagaganda ng bawat gawain.

Ang bagong Adoration Chapel ng Parokya ni Santiago Apostol sa Paombong na dinarayo ngayon ng mga parokyano.


   Tunay na ang dalangin at awitin ay Oh Sakramentong Banal hiwaga at dalisay, kami iyong bendisyunan at laging ingatan na lalong pinadama ang kahalagan nito. Noong ika-24 ng Hulyo taong 2013, pinasinayaan ang bagong Perpetual Adoration Chapel sa Parokya ni Santiago Apostol , Paombong, Bulacan. Pinasimulan ito ng Banal na Misa ng pasasalamat sa ganap na ika-9 ng umaga, na pinangunahan ng Obispo Emerito ng Diyosesis ng Caloocan, Lubhang Kgg. Deogracias Iñiguez, Jr., D.D., ng Obispo Emerito ng Diyosesis ng Malolos, Lubhang Kgg. Cirilo Almario Jr. D.D. at mga kaparian ng Bikarya ng Hagonoy na pinapamuan ni Rdo. Msgr. Luciano C. Balagtas, P.C.. Napapaloob sa Homilya ni Obispo Iñiguez, ang mga dapat gawin sa loob ng Adoration Chapel tulad ng pagyuko sa harap ng Tabernakulo bilang pagbibigay galang sa Banal na Eukaristiya, at idinagdag pa niya na ang Adoration Chapel ay hindi isang palamuti sa isang Simbahan, bagkus ito ay isang bahay-dalanginan na kung saan maaari nating makausap ang Panginoong Jesu-Kristo ng sarilihan at na dapat igalang, pahalagahan at panatalihin ang pagkasagrado nito.

Ang mga nagdiwang sa kapistahan ng Parokya ni Santiago Apostol (Kaliwa-Kanan): Rdo. P. Carlo V. Soro, Parochial Vicar; Obispo Deogracias S. Iniguez, Jr., D.D., Obispo Emerito ng Kalookan; Arsobispo Rolando Tria Tirona, D.D., Arsobispo ng Caceres; Rdo. P. Prospero Tenorio, Kura Paroko at dalawang pari ng Diyosesis ng Malolos, Rdo. P. Rafael Balite, Jr. at Rdo. Turing Galman.


Makaraan ang Banal na Misa ay sinimulan ang pagpapasinaya na dinaluhan ng mga mananampalataya sa bayan ng Paombong at mga taga-ibang bayan kitang kita ang kagalakan ng bawat nakasaksi sa pangyayari ito. Nagkaroon din ng isang munting pagsasalo-salo sa pangunguna ng Friends of St. James at ni Rdo. P. Prospero V. Tenorio, Kura Paroko. Bago sumapit ang araw ng ika-25 ng Hulyo, 2013, nagkaroon ng siyam na araw na pagnonobena at banal na misa tuwing ika-5 ng hapon at bago magsimula ang misa ay nagkaroon ng maikling katesismo patungkol sa mga nagawa at himala ni Santiago Apostol. Hindi dito natapos ang kaligayan at pagpapala ng Diyos dahil sumapit ang ika-25 ng Hulyo, dito muling pinagsama-sama ang bawat mananampalataya ng Paombong, Lahat ay nakatuon sa banal na misa na pinangunahan ng Arsobispo ng Caceres, Lubhang Kgg. Rolando J. Tria Tirona, O.C.D, .D.D. kasama ni Obispo Cirilo Almario Jr. at mga kaparian ng Diyosesis ng Malolos. Bawat isa ay naghandog at naglaan ng panahon upang maki-isa sa pagdiriwang ng Kapistahan ni Santiago Apostol na pinipintakasi ng bawat isa, halos hindi mahulugang karayom ang loob at labas ng simbahan sa dami ng mga tao.

Ang pagpapahayag ng homilya ng Lubhang Kgg. Rolando Tria Tirona, D.D., Arsobispo ng Caceres sa Misa Concelebranda.
   Sinundan ang misa ng banal na prusisyon na nilahukan ng bawat patron ng mga barangay na sakop ng parokya bilang tugon sa paanyaya ng bagong Hermano 2013 na ang bumububuo ay ang Parish Pastoral Council(PPC). Walang patid ang pagbuhos ng mga biyaya sa Parokya ni Santiago Apostol dahil kinabukasan nagkaroon muli ng isang banal na misa pasasalamat at paghahandog ng simbahan sa Diyos o kilala sa tawag na Church Dedication na dinaluhan ng iba’t ibang samahang pansimbahan. “God is good all the time, all the time God is good” iyan ang mga katagang madalas sambitin ng aming kura paroko.

Si P. Prospero V. Tenorio na nagdiwang ng kanyang ika-25 anibersaryo bilang pari kasama ng iba pa niyang mga ka-batch at mga kaibigang pari ng Diyosesis ng Malolos.
   Tunay na napakabuti ng Diyos dahil patuloy siyang pinagpapala at ginagabayan kahit na marami siyang gampanin ay patuloy niya itong nagagampanan sa abot ng kanyang makakaya. Dahil lagi niyang isinasabuhay ang mga salitang “God will make a way, where there seems to be no way” dagling makapagbibigay ng solusyon sa bawat pangyayari at sitwasyon. Noong ika-30 ng Hulyo, 2013 ay ipinagdiwang ng bawat isa ang ika-25 taon na pagiging pari ni P. Tenorio na dinaluhan ng iba’t ibang kaibigan, kakilala, kaklase, mga pari mga madre, iba’t ibang samahang pangsimbahan at higit sa lahat ng kanyang mga magulang. Nagkaroon ng banal na misa ng pasasalamat na dinaluhan ng mga kaparian ng Diyosesis ng Malolos at sa ibang lugar. Bawat isa ay may kanya- kanyang gampanin sa nasabing pagdiriwang. Halos hindi magkamayaw sa dami ng dumalo. Nagkaroon din ng pagsasalu-salo bawat isa ay feel at home talaga, isang pagpapatunay na isang mabuting pastol si Fr. Tenorio.

   Tunay nga na sa buwang ito ng Hulyo sa Parokya ni Santiago Apostol ay bumuhos ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos. Nawa magpatuloy pa ito para sa ikayayaman ng aming pananampalataya.

Photo Courtesy: Rev. Fr. Prospero V. Tenorio (Parish of Santiago Apostol)

No comments:

Post a Comment