Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Tuesday, April 29, 2014

FEATURE ARTICLE: DEBOSYON AT KASAYSAYAN: Ang Mga Parokya ng Bikarya ng Hagonoy (Ikalawang Bahagi: Mga Hilagang Parokya)


Paunang Salita: Ang mga Hilagang Parokya

   Ang Bikarya ni Sta. Ana ng Hagonoy ay kinabubuuan ng siyam (9) parokya: anim na parokya sa Hagonoy, isa sa Calumpit at dalawa sa Paombong. Tatlo ang matatagpuan sa hilaga ng bikarya: Ang Parokya ni San Juan Bautista, Parokya ni San Antonio de Padua at Parokya ni San Jose Manggagawa.

  Ang Parokya ni San Juan Bautista sa San Juan, Hagonoy ay may sakop na limang barrio: San Juan, San Isidro Matanda, Tampok (San Isidro Bata) at San Miguel.

   Mula naman sa lupain ng Pamilya Bautista sa Hagonoy nabuo ang simbahan ng Iba, Hagonoy - ang Parokya ni San Antonio de Padua. Sakop ng parokyang ito ang tatlong barrio sa Hagonoy na pare-parehas na si San Antonio ang patron: Iba, Palapat at Iba-Ibayo kasama na rin ng ilang barrio ng Kalumpit: Iba Este at Iba Oeste.

   Kasama din naman sa bikarya ng Hagonoy ang Parokya ni San Jose Manggagawa sa San Jose, Kalumpit, Bulakan dahil sa kalapitan nito sa Hagonoy. Sakop nito ang mga barrrio ng San Jose, Panducot, Sta. Lucia, Pulo at Meyto sa Kalumpit. Sa kasaysayan, sa barrio ng Meyto unang itinatag ng mga prayleng misyonero ang pagiging Kristyano ng lalawigan ng Bulakan kung saan lumaganap ang pananampalataya sa bayan. 

MGA KURA PAROKO AT KATUWANG NA PARI:

Rdo. P. Candido D. Pobre, Jr.
Bikaryo Poraneo
Bikarya ni Sta. Ana de Hagonoy
Kura Paroko
Parokya ni San Juan Bautista

Rdo. P. Von V. Tetangco
Kura Paroko
Parokya ni San Antonio de Padua

Rdo. P. Joselito L. Rodriguez
Kura Paroko
Parokya ni San Jose Manggagawa


MGA HILAGANG PAROKYA NG BIKARYA NI STA. ANA (3):

Parokya ni San Juan Bautista
San Juan, Hagonoy, Bulakan


Kasaysayan ng Parokya

Akda ni: Sherwin M. Antaran (Parokya ni San Juan Bautista)

   Ang Parokya ni San Juan Bautista ay binubuo ng mga nayon ng San Miguel Arkanghel, San Isidro (San Isidro Matanda), San Isidro Labrador (Tampok) at San Juan Bautista, Hagonoy, Bulacan ay itinalaga noong Ika-23 ng Marso, 1948 bilang isang parokya sa pamamagitan ni Lubhang Kgg. Michael J. O’Doherty, ika-27 Arsobispo ng Maynila. Nanungkulan bilang unang Kura Paroko si Rdo. P. Elias Reyes at sinundan nina Rdo. P. Jose Ingco, Rdo. P. Serafin Riego De Dios, Rdo. P. Antonio Borlongan at Rdo. P. Generoso Jimenez ay unti-unting ipinagawa ang simbahang parokyal na ito sa pakikipagtulungan ni Lubhang Kgg. Rufino Kardinal Santos, ika-29 na Arsobispo ng Maynila at ng mga mamamayang may mabuting  loob sa parokya. at sa paglipas ng panahon, ang nasasakupan ng parokya ay lumawak na hanggang sa payak na sitio ng Sapang Bundok na namimintuho sa Ina ng Laging Saklolo.

   Dumaan na rin sa maraming pagsasaayos ang simbahan at mga bisitang nasasakupan nito, ngunit pinanatiling orihinal ang arkitektura ng Simbahan, lalo na ang mga aspetong natatangi. kabilang dito ay ang malaking ukit na kahoy sa altar na Imahe ni San Juan habang Binibinyagan si Hesukristo sa Ilog Jordan kasama ang Espiritu Santo na nag anyong kalapati na bumaba mula sa langit. at katulad rin sa iba pang mga parokya sa iba`t-ibang lugar. Hindi rin matatawaran ang mga pagtulong ng mga mamamayan ng San Juan sa kanilang kontribusyon sa pagtatatag at pangangalaga ng naturang simbahan, kabilang rito ay ang Pamilya Cruz, sa pangunguna ng namayapa nang si Doña Lourdes Lontoc-Cruz. Ang kanilang pamilya ay naging tagapagtangkilik ng Parokya sa mahabang panahon at hanggang sa kasalukuyan at panalangin ng buong sambayanan at mga mananampalataya ng Parokya ni San Juan Bautista. Marami pa sanang katulad nila ang ipanganak sa ating bayan at maging bukas ang puso at isipan sa pagtulong at pagpapaunlad ng pagsamba sa ating Panginoon, ang Diyos ng walang hanggan.

   Matapos ang maraming paring naglingkod, kasalukuyang Kura Paroko si Rdo. P. Candido "Diune" D. Pobre, Jr. na siya ring Bikaryo Poraneo ng Bikarya ni Sta. Ana. Sa kanyang panunungkulan, sinimulan na rin ang isang malaking pagbabago at pagsasaayos ng bahay dalanginan, ang kaniyang pinakamalaking proyekto sa kasalukuyan. Pagkatapos ng pagkukumpuni sa mga nasira ng bubong at pasilidad sa pangunahing gusaling sambahan ay ang pagtatayo ng bagong kumbento ng parokya, si P. Pobre din ang nagtatag sa kauna-unahang pagkakataon ng komisyon ng Mass Media sa Parokya. Pinatli rin niya ang mga debosyon ng mga mananampalataya kung saan kasama ang pamimintuho sa patron ng parokya na si San Juan Bautista. 

Ang Simbahan


   Ang Parokya ni San Juan Bautista ang mahahanap na simbahan sa norte ng bayan ng Hagonoy. Isa ito sa mga pinakaloobang lugar sa bayan at ang daan patungo sa bayan ng Kalumpit. Hindi pa nababago ang itsura ng simbahang ito kaya naman nandito pa rin ang disenyo ng simbahan na noon pa man ay hindi pa naiiba. Itinatag po ito noong 1948 at kinabubuuan ng apat na barrio. Nakaukit sa harapan ng simbahan ang maikling kasaysayan nito kasama na ang mga naging Kura Paroko rito. Isa sa mga kurang nakatala, si Rdo. P. Jose Flores Ingco ay tubong-Hagonoy. Bukod sa kanya naging Kura Paroko rin dito ang isa pang paring tubong-Hagonoy, si Rdo. P. Juan Benedicto Rodriguez Santos, Jr. na mas kilala sa palayaw na “Fr. Dick.” Inayos naman ang patio kamakailan lamang at linagyan ng grotto ng Mahal na Birhen ng Lourdes at ng imahen nina San Juan Bautista at ng Panginoong Jesus noong pagbibinyag sa Kanya. Pati ang bakod ng patio ay ipinagawa upang mas gumanda ang paligid ng simbahan.


   Sa loob naman kapansin-pansin ang haba ng parokya kasama na ang kakaibang itsura ng kisame. Ang retablo sa sanktuwaryo ay nagmimistulang isang malaking imahen ng pagbibinyag sapagkat isa itong buong ukit ng kahoy na siyang naging sentro ng pananalangin sa loob ng matagal na panahon. Sinusuportahan rin ang wooden relief na ito ng mga anghel na nagdiriwang ng may galak sa pagbaba ng Espiritu Santo. Iniilawan naman ng mga chandelier ang simbahan, tanda ng kanyang pagkaluma. May laman rin itong antigong imahen ng Panginoong nakapako sa Krus na pinaparangalan ng mga deboto at parokyano tuwing araw ng pagsamba.

   Isa ring katangi-tanging kayamanan sa parokya ang gawing binyagan sa kanang gilid ng simbahan. Dito makikita ang isang antigong imahen ni San Juan Bautista. Nakapaloob ito sa isa rin namang antigong retablo na gawa sa bakal. Tunay nga na isa itong napakagandang laman ng simbahang bukod- tangi sa disenyo at porma.

Mga Sakop na Bisita (3):

Bisita ni San Isidro Labrador

San Isidro, Hagonoy, Bulakan





   Dalawa ang bisita ni San Isidro Labrador sa bayan ng Hagonoy. Ang una sa mga ito ang mahahanap sa mismong barrio ng San Isidro. Kaya naman upang makaumpara ang isa sa isa pa, tinawag ito sa mga katagang “matanda” at “bata.” Kaya naman ang bisita ni San Isidro Labrador sa barrio ng San Isidro ay tinatawag na San Isidro Matanda. Malaki ang bisitang ito bago lamang ang pagkakagawa kasama ng mga bintanang stain glass na inilagay dito.


   Sa looban naman makikita ang isang magandang pagkita sa krus na banal na nagliliwanag mula sa isang bintana sa gitna ng pader sa sanktuwaryo na nagmimistulang ilaw ng kaligtasan. Nasa ibaba nito ang lumang imahen ni San Isidro Labrador na patron dala ng mga ani na palay na mas laganap sa gawi na iyon ng bayan. Kasama naman nito ang mga imahen ng Kabanal-banalang Puso ni Jesukristo at ang Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birhen. Makikita rin ang mga prineserbang mga bahagi ng kapilya tulad na lamang ng mga lumang chandelier.

Bisita ni San Isidro Labrador
Tampok, Hagonoy, Bulakan


   Ang bisita naman sa barrio ng Tampok, Hagonoy ang tinatawag na San Isidro Bata. Sapagkat ito naman ang mas nakababatang kapilya. Ang kapilyang ito ay moderno na rin ang itsura. Ngunit pinatili pa rin ang mga pangitsurang luma rito tulad na lamang ng kulay old rose na mga pader ng patsada nito. Mayroon rin itong mga magagandang bintana na nagbibigay liwanang sa loob ng bisita. Sa labas naman ng simbahan (bagamat hindi kita sa larawan) makikita ang isang malaking imahen ni San Isidro Labrador na pawang nagsasaka sa isang platform na mukhang isang bukid.

Bisita ni San Miguel Arkanghel
San Miguel, Hagonoy, Bulakan


   Ang bisita ni San Miguel Arkanghel ay makikita naman sa daan patungong San Juan mula sa barrio ng San Agustin, Hagonoy. Ito ang nagsisilbing daanan patungong San Juan at Kalumpit sa Hilaga at papuntang Palapat at Iba sa Silangan. Ang kapilyang ito ay naging dagdag na sakop ng Parokya ni San Juan matapos rin ang ilang taon. Sa labas ng simbahan, makikita ang isang lumang patsada na dinadala ng kakaiba hugis ng arko nito. Kasama din dito ang magandang pintuang bakal na may mga letrang Griyego na kung tawagin ay Chi Rho na nagsisimbolo sa Panginoong Hesukristo.



   Sa looban naman makikita ang kalumaan ng simbahan dala ng itsura ng mga kisame nito. Makikita naman sa harapan ng sanktuwaryo ang isang napakagandang retablong itinatanghal ang Kristong nakapako at sa ibaba naman ay ang patrong si San Miguel Arkanghel.


Parokya ni San Antonio de Padua
Iba, Hagonoy, Bulakan


Ang Simbahan

   Parokya ni San Antonio de Padua naman ang isa sa mga unang naitatag na parokya sa bayan. Kinabubuuan ito ng apat na barrio ng Hagonoy at dalawa naman sa Calumpit. Isa ito sa mga malalayo ngunit mauunlad na parokya na natatangi sa lalawigan sa pagiging patronato kay San Antonio de Padua. Ang lupaing ito ay dating pamamayari ng Pamilya Bautista ng Malolos. At dahil sa kanilang kabutihang loob, minabuti ng pamilya na paunlarin ang pananampalataya sa lugar sa pamamagitan ng pagtulong sa pagbuo ng parokya at pagpapadestino ng paring tagapamahala dito. Dala pa rin ng simbahan ang sinauna nitong itsura at unti-unting pinalaki hanggang sa ngayon sa pagpapahaba sa harapan nito. Kaya naman kapansin-pansin na ang kampanaryo ng simbahan ay nasa gitna dala ng pagkakadagdag sa istraktura.






  Ang retablo mayor ng Parokya ni San Antonio de Padua ang isa sa mga pinakamagagandang bagong paggawang istraktura na nagpapakita ng angking ganda. Dala ito ng pagsisikap ni Rdo. P. Prospero V. Tenorio na siyang kasalukuyang Kura Paroko. Laman nito ang mga elemento ng debosyon sa lugar ng Iba, Hagonoy. Makikita sa gitna ang sinaunang imahen ni San Antonio de Padua dala-dala ang sanggol na si Hesus. Sa tabi ng patron ang isa pang kinagigiliwan na imahen ng debosyon sa parokya: ang Kamahal-mahalang Puso ni Hesus at ang Kalinis-linisang Puso ni Maria. Pinalaganap sa parokya ng Iba ang debosyon sa dalawang puso na inaalala tuwing unang Biyernes at Sabado ng buwan. At tunay na nagpapakita ito ng angking ganda ng debosyon at panalangin sa lugar.

  Ang mga retablo naman sa gilid ng retablo mayor ay may mga natatangi ding detalye. Makikita sa retablo sa kaliwa ang mga Pransikanong santo na sina Sta. Clara at San Francisco ng Assisi na kaorden ni San Antonio. Sa kanan naman si Sta. Ana, ina ng bayan at patrona ng bikarya ng Hagonoy.


  Ang mga gilid naman ng mga pader ng Simbahan ay puno ng mga bahagi ng buhay ni San Antonio. Kasama rito ang kanyang pagtulong sa kanyang kapwa at mga pagkita sa sanggol na si Kristo. Nandito din ang kasaysayan ng kanyang mga mabubuting gawa tulad ng pagtulong sa mga taong nangangilangan, atbp.

Mga Sakop na Bisita (5):

Bisita ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario
Carillo, Hagonoy, Bulakan


   Ang Bisita ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario sa Carillo, Hagonoy ay isa sa mga pinakasimpleng kapilya sa mga simbahang sakop ng bayan. Ngunit sa pagsisikap ng mga mananampalataya dito, nagkakaroon ng mga pagpapabago sa simbahan tulad na lamang ng pagpipintura dito ng kulay asul. Tuwing Oktubre ng bawat taon ipinagdiriwang ang kapistahan dito kaalinsabay ng pagdiriwang ng parokya din ng parehong patrona sa Sto. Rosario, Hagonoy.

Bisita ni San Antonio de Padua
Iba-Ibayo, Hagonoy, Bulakan


   Isa ito sa dalawang bisita ng Hagonoy na nakapangalan din sa parokya ng Iba bilang nasa ilalim ng pamimintuho kay San Antonio de Padua. Dala ng pagiging deboto ng mga mananampalataya sa Iba sa kanya, minarapat ng mga taga-Iba-Ibayo na dahil sila ay ibayo na ng bayan. magkaroon din sila ng simbahan para sa Diyos sa pamamatnubay ni San Antonio de Padua. Naging napakasagana ang bisitang ito at taun-taon kaalinsabay ng kapistahan ng parokya, ipinagdiriwang din ang kapistahan sa barriong ito.

Bisita ni San Antonio de Padua
Palapat, Hagonoy, Bulakan


   Ito ang pangalawang bisita na nasa pamamatnubay ni San Antonio de Padua na sakop din ng Parokya ni San Antonio de Padua ng Iba. Simple lamang ang disenyo ng bisitang ito ngunit may sakop din itong iba pang mga kapilya sa loob din ng barrio ng Palapat dala ng dami ng mga mananampalataya dito. Isa sa mga minarapat ayusin dito ay ang itaas ng kapilya kung saan inilagay ang isang stain glass ng patron na si San Antonio, tanda ng kanyang pagiging gabay sa sambayanan ng Diyos sa barrio ng Palapat, Hagonoy.

Bisita ni San Isidro Labrador
Iba Oeste, Calumpit, Bulakan

Bisita ni San Isidro Labrador
Iba Este, Calumpit, Bulakan



   Halos kapangalan ng mga barrio ng Iba at Iba-Ibayo, ang dalawang bisita na ito ng bayan ng Kalumpit na malapit sa Hagunoy ay sakop ng Parokya ni San Antonio de Padua. Parehas na nagpipista ang dalawang bisita na ito tuwing ika-15 ng Mayo taun-taon. Magkaiba ang kaayusan ng dalawang bisita: ang bisita ng Iba Oeste ay mas maliit kaysa sa nasa Iba Este. Parehas na malapit ang dalawang lugar na ito sa mga hardin at mga bukid kaya naman itinalaga ang mga bisita na ito sa patron ng mga magsasaka.


Parokya ni San Jose Manggagawa
San Jose, Calumpit, Bulakan


Ang Simbahan


   Bagamat bahagi ng bayan ng Kalumpit, Bulakan, ang parokya ni San Jose Manggagawa ay nabuo mula sa pagsasama ng ilang mga bisita ng Kalumpit na nasa pangangalaga noon ng Parokya ni San Juan Bautista, Hagonoy at Parokya ni San Juan Bautista, Kalumpit. Makikita ang parokyang ito sa gawing kabukiran ngunit isa siya sa pinakamagagandang simbahan sa bikarya ng Hagonoy.





  Sa loob naman makikita ang kakaibang mga pigura tulad na lamang ng mga miyural sa kisame at ang simple ngunit magandang retablo. Makikita sa mga miyural ang mga kaganapan sa buhay ni Kristo, lalo na noong siya musmos pa lamang sapagkat dito sila nagkasama ng kanyang ama-amahan na si Jose. Kapnsin-pansin na sa kanang bahagi ng miyural ay ang nagkakarpinterong Jose na kasama ang kanyang anak. Gayundin naman ang retablo na may mga imahen ng nakapakong Kristo at ng patron na is Jose, tanda ng mabungang pagsasama ng anak at ng kanyang tagapangalaga sa lupa.

Mga Sakop na Bisita (3):




Bisita ng Nuestra Señora del Carmen
Meyto, Calumpit, Bulakan


   Kilala ang Meyto sa pagiging unang lugar na kung saan yumabong ang pananampalatayang Katoliko sa lalawigan ng Bulakan. Ngunit para sa mga mananampalataya mismo sa lugar na ito, nagkaroon ng isang bagong kapilya at hindi isang lumang simbahan. Ilinagay ito sa pamamatnubay ng Mahal na Birhen ng Bundok ng Karmelo.


   Malapit lang sa bisita ng Meyto ang itinayong pangkasaysayang dambana kung saan makikita ang replika ng krus na unang itinayo ng mga prayleng Agustino noong taong 1572 na kung kailan unang naitatag ang Simbahang Katoliko sa Bulakan. Nakatayo ito sa pampang ng ilog na kung saan unang bumaba ang mga misyonero at ang mga sundalong Kastila.

Bisita ng Birheng Presentacion
Panducot, Calumpit, Bulakan


   Ayon sa kasaysayan ng Kalumpit, Bulakan, ang Birheng Presentacion ang masasabing unang patrona ng lalawigan ng Bulakan. Ngunit ang bisitang kinalalagyang ng orihinal na imahen ay nasa kamay ng mga Aglpiyano. Kaya namang isang bagong kapilya ang itinayo sa ngalan din ng Birheng Presentacion ang itinayo para sa mga mananampalataya ng Panducot, Kalumpit. Isa sa mga tanda ng kasaysayan na nananatili sa bisita ay ang sinaunang kampana na nagtatagal na ng ilang daang taon.

Bisita ng Nuestra Señora del Lourdes
Pulo, Calumpit, Bulakan


   Isa din sa mga bagong gawang parokya ang simbahan ng Birhen ng Lourdes sa Pulo, Kalumpit. Kakaiba ang pigura ng simbahan sapagkat ang pintuan nito at patsada ay makikita sa kanang gilid nito. Isa ito sa tatlong bisita na sakop ng Parokya ni San Jose Manggagawa na nakatalaga sa Mahal na Birhen Maria.

Bisita ni Sta. Lucia
Sta. Lucia, Calumpit, Bulakan


   Ang Bisita ni Sta. Lucia ay sikat sa pagkakaroon ng isa sa mga pinakasikat na santang patrona. Si Sta. Lucia ay tinatawag upang manalangin laban sa iba't ibang sakit lalo na sa sakit sa mata. Dinarayo ang bisitang ito, lalung-lalo na tuwing ika-13 ng Disyembre, ang kapistahan ng santa. Ang luparing sinasakupan nito ay mga bukirin ng Kalumpit at isa ito sa mga daanan papuntang kabayanan.


Photo Courtesy: 

Sem. Kendrick Ivan B. Panganiban (Parokya ng Ina ng Laging Saklolo)
Vil J. Santos (Parokya ni San Antonio de Padua)
Ma. Katrina G. Edejer (Parokya ni San Jose Manggagawa)

No comments:

Post a Comment