Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, September 28, 2012

PANITIKAN/LITERARY: ALA-ALA: Mga Tula ni Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A. - Ukol kay Apo Ana ng Hagonoy



Tungkol sa Section/Bahagi:

ALA-ALA: Mga Tula ni Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A.

     Isa sa mga kinikilalang ama ng bayan ng Hagonoy ay ang namayapang pari na si Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A. (+2003). Bukod sa isa siya sa mga nagng pinakamahusay na Kura Paroko ng Parokya ni Sta. Ana sa Hagonoy, kanya ding tinayagang mahirang ang kanyang simbahang inalagaan bilang pambansang dambana. Sa loob ng 21 taon na naging Kura Paroko siya at sas huling taon ay Rektor, ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya bilang isang banal at huwarang pari ni Kristo. Kaya naman, lubos siyang tinatangkilik sa buong Hagonoy at kinikilala din naman ng mga pari sa Diyosesis ng Malolos, sa Arkidiyosesis ng Maynila at iba't iba pang sakop ng Simbahang Katoliko.

     Ngunit bukod sa kanyang pagpapagawa sa Simbahan ni Sta. Ana kasama na din ng iba pa niyang naitaguyod sa loob ng nagdaang mga taon, iniwan din niya para sa susunod na henerasyon ang kanyang mga akdang tula. Ang mga tulang ito ang kanyang mga nailimbag sa mga libro na bagamat hindi na mabibili ay isinasapuso ng mga taga-Hagonoy. Kaya naman upang hindi masayang ang mga gawang ito, nais namin na ipakita ang mga ito sa inyo para na din mabasa at tangkilikin.

     Mula ang mga tulang ilalathala namin dito bawat quarter sa tatlong libro ng mga tula ni Msgr Aguinaldo: Mga Kwintas na Ginto (1990), Mga Butil ng Diyamante (2000) at Takip-Silim (2003). Nawa inyong mamasid, basahin at tangkilikin ang mga akdang ito ng isang dakilang makata at dakilang pari ng Diyos!

Tungkol sa mga Tula:

     Dahil natapat sa panahong ito ang kapistahan ni Sta. Ana na patrona ng Hagonoy (Hulyo 26) kasama ng kanyang esposo na si San Joaquin, minarapat naming itampok sa bahaging ito ang tatlong tula ni Msgr. Aguinaldo ukol kay Sta. Ana na tinatawag din naman sa Hagonoy bilang Apo Ana de Hagonoy. Bilang ina ng aming bayan, lubos siyang pinasasalamatan sa mga biyayang natanggap sa pamamagitan ng kanyang mga dasal.

Mula sa:

Aguinaldo, Rdo. Msgr. Jose B. Mga Kwintas na Ginto (Hagonoy, Bulacan: Msgr. Jose B. Aguinaldo Foundation, 1990), 164.




Mabuhay Poong Santa Ana

MABUHAY! MABUHAY! POONG STA. ANA!
Bumbati kaming puno ng ligaya;
Bumabati kami na bayan mong sinta,
At sumasalubong na lipos ng saya;
Sa bayang Hagonoy, halina, halina,
Kami'y nasasabik na makapiling ka!

Kay layo ng iyong nilakbay na bansa,
Buhat ka sa Quebec, sa Beaupreng balita;
Kaya kami dito'y nagmamakaawa,
Dinggin Mo po kaming “mga bunsong dukha;”
Pakinggan ang daing ng puso at diwa
Ng mga anak mo na nagdaralita!

Naghihintay kami sa iyong pagdating,
Kagaya sa Beaupre kami'y pagpalain;
Ang mga kalingang doo'y pinatikim,
Huwag ipagkait sa bayan kong giliw;
Kahit na himala'y pakita sa amin,
Nang ang tangkilik mo ay madama namin!

Mabuhay ka, Inang Pinatakasing mahal,
Na sa andukha mo'y napatatangkilik
Sa lahat ng inang may problemang tikis,
Mag-akay ka sana sa lunas ng langit;
Pawiin mong lagi ang mga balakid
Na sa landas nami'y naghalang na tinik;
Gawing aliwalas sa grasyang matamis,
Ang dilim ng buhay na sa dusa'y hitik.


Mula sa:

Aguinaldo, Rdo. Msgr. Jose B. Mga Butil ng Diyamante (Hagonoy, Bulacan: Msgr. Jose B. Aguinaldo Foundation, 2000), 360.


Santa Ana
Natatanging SANTA na karapat-dapat
Sa mata ng mundo karaniwa't hamak;
Ngunit bukod tangi at lubhang mapalad
Na animo'y talang laging may liwanag;
Sa lahat ng SANTA AY HIGIT NA SIKAT,
Pagka't LOLA SIYA ng bunying Mesiyas.

Pinaka-malapit siya sa Maykapal,
Pagkat Ina siya ng Birheng hinirang;
Si Maria'y Anak ni ANANG kay banal,
Bukod-Pinagpala sa babaing tanan;
Birheng pambihirang kalinis-linisan,
Sa anak ng Diyos Siya ang nagsilang.

Sa plano ng DIYOS na mundo'y tubusin
Ng buhay at dugong sa Ama ay hain;
Si Ana'y napili na sangkap at bitling,
kaugnay' ng Kanyang sutlang adhikain;
kahit siya'y baog... nagluwal ng Birhen
Na ginawang ina ng Nakop sa atin.

Mula sa:

Aguinaldo, Rdo. Msgr. Jose B. Mga Butil ng Diyamante (Hagonoy, Bulacan: Msgr. Jose B. Aguinaldo Foundation, 2000), 361 – 362.

Sta. Ana ng Hagonoy

(1992)

Kayo ngayon ay mamista sa PATRONA ng HAGONOY,
Milagrosang STA. ANA – na sa langit taga-tanggol
Viente seis nitong Hulyo – pagdiriwang ng panahon,
Kaya kayo ay magsimba – dumalaw sa ating POON;
Sapul maging NATIONAL SHRINE ang simbahang ito noon,
Unang-unang PISTA itong sa Patrona'y nakaukol.

Emerenciana't Estolan ang ina't ama ni Ana,*
Dugong Hudyo sila kapwa taga-Hudea kapuwa sila;
Si ANA ang naging supling ng banal na pagsasama,
Na ang iwing kahuluga'y awa ng Diyos saka grasya;
Joaquin ang naging kab'yak nuong siya'y mag-asawa,
Isang banal na lalaking kaloob ng Diyos Ama.

Si San Joaquin – isang pastol tulad ni Haring David,
Kabuhaya'y marisawa't masaya ang magsing-ibig;
Banal silang namumuhay, madasalin at tahimik,
Sa simbaha't mga dukha... kawanggawa'y walang patid;
Sa templo ay lagi silang taimtim na humihibik,
NAGLILINGKOD sa kay YAHWEH, puso't diwa'y maka-langit!

Ngunit sila ay sinubok ng tadhana ng Maykapal,
Hindi sila magka-anak, nagsama man nang matagal;
Tintudyo silang lagi - “isinumpang imbing angkan,”
Inang walang anak nuo'y sawimpalad na nilalang;
Ngunit walang sawa silang taus-pusong nangagdasal,
Wagas lagi ang tiwala sa Diyos Amang walang hanggan.

Minsan sila ay sumamba, sa templo ay nananalangin,
Hiniya ng saserdoteng nag-aalay na si Ruben;
Kaya sa gubat tumakbo't – nananalangin na si Joaquin,
At doon ay naipakita't nagsalita yaong anghel;
Dininig ng Panginoon, dasal ninyong magsing-giliw,
Si Ana ay magsisilang ng maganda ninyong suling.” *

Sugo ng Diyos – isang anghel kay Ana rin ya lumitaw,
At nagwika: “Dininig na ang taimtim ninyong dasal.”
Sila'y nagtungo sa Templo – magpasalamat ang pakay,
Sa Golden Gate nagtagpo ang magsing-irog na banal;*
Naglihi nang walang dungis kay Mariang Birheng Mahal,
Na Siyan magiging INA ng Manunubos ng tanan.

Pinagpala kang babae,” Santang Ina ni Maria,
Dakila ka at hinirang, kay Jesus ay tanging LOLA;
Itong mundong Katoliko ay dapat na itanghal Ka,
Kaya't dito sa Hagonoy mabunyi kang sinisinta;
SANTA ANA, MABUHAY KA – INA KA ng aming REYNA!
Bansa naming Pilipinas, ipagtanggol mo po sana.

  • Mula sa mga Patungot: Sinabi ang pahayag na ito ng isang paring Pranses noong Middle Ages ngunit hindi naman napatunayan sapagkat walang patunay sa binaggit na mga pangalang ito ng mga magulang ni Sta. Ana.
  • Nagmula ang impormasyong ito sa Pasyong Mahal ni Jesu-Kristong Panginoong Natin o ang Pasyong Genesis sa kabanatang pinamgatang Ang Paglilihi ni Sta. Ana kay Ginoong Sta. Maria.
  • Makikita ang kuwentong ito sa dokumentong apokripal na Protoevangelium Jacobi o Protoevangelium of James kung saan nagmula ang mga pangalan ng Birheng Maria na sina Ana at Joaquin.

No comments:

Post a Comment