Ano ba ang Bayang Levitico?
Ang Bayang Levitico: Isang Pagkilala sa mga Paring Anak-Hagonoy ay isang natatanging bahagi ng pahayagang ito na naglalayon na magbigay ng panig para sa mga paring anak-Hagonoy. Gusto nitong bigyang-pansin ang natatanging pamanang kalinangan ng Simbahan na nagmula sa bokasyon ng mga paring anak-Hagonoy na naging dahilan kung bakit tinawag ang bayan sa katawagang Bayang Levitico.
Bawat quarter magbibigay ng tuon ang bawat bahagi ukol sa buhay ng piling bilang ng mga pari. Sila ay mga totoong Catholic Hagonoeño na nabuhay, tinawag at nahubog upang sundan ang mga yapak ni Kristo sa pagiging pari para sa Simbahan. Dito lubos nating tuklasin ang ganda at biyaya ng buhay-pari sa pagbabahagi ng ating mga kababayang inordenahan sa pagkapari ni Kristo.
Mga Paring Anak-Hagonoy
Vol. I., Issue 3, September 2012
Rdo. Msgr. Angelito Juliano Santiago, H.P
San Sebastian, Hagonoy
Rdo. P. Joselito Robles Martin
San Sebastian, Hagonoy
Ang
aking magulang, ang aking pamilya, sapagkat bata pa lamang ako ay
hinubog na ako sa pagkilala sa Diyos, sa pagsunod sa Diyos, sa
pagmamahal sa Diyos. Dinadala ako sa Simbahan at ang kanilang mga
buhay pananampalataya ay para sa akin naging modelo sapagkat kami ay
lahat na nagsisimba at nandun naman ‘yung pananampalataya at
pagmamahal sa Diyos at sa pamilya kaya bata pa lang ako ay nagbibihis
na ako at naglalaro bilang pari, na parang pari na nagmimisa. At ang
pangalawa siguro na nakaimpluwensya sa akin para maukitil sa aking
isipan ‘yung bokasyon ng pagpapari ay ‘yung akin ding pari na si
Fr. Mariano Saguinsin sapagkat kinuha n’ya ako para tumulong sa
kumbento at doon ako nag-aral at ako’y nagsisilbi sa kanya sa Misa,
ako’y kumakampana sa kumbento, at doon kami nag-aral, doon kami
nakatira. Bagama’t mahirap lang ang parokyang tinitirhan namin,
ganun pa rin sa pagsisilbi ko sa Misa ay nakita ko ‘yung mga
ginagawa niya sa Misa, nakita ko ‘yung ginagawa niya bilang pari.
At sa konsagrasyon, naiisip ko sa aking sarili na gusto ko ring
maging pari, gusto ko ring magtaas ng ostiya, gusto ko ring magtaas
ng chalice sa Misa at gusto ko ring magbigay ng komunyon; at gusto ko
rin na magmisa ako. Iyon ay mga masasabi kong instrumento ng Diyos
para maging maliwanag sa akin yung kanyang pagtawag. Kaya nga
pagkatapos ng grade 6 ay pumasok na ako sa seminaryo sa tulong din ni
Fr. Mariano Saguinsin, ‘yung aking pari at saka ninong ko, at siya
rin ang tumulong sa akin para ako’y makapasok sa seminaryo. At sabi
ko nga sa kanya noong ako’y grade 6, nag-aaral pa lamang ako sa
elementarya sa Cavite, sabi ko gusto ko ring maging pari, at siya’y
natuwa. Ako’y tinulungan niya para makapasok sa seminaryo, at ayun,
tuluy-tuloy na ‘yung pagtugon sa bokasyon at pakikinig sa tawag ng
Diyos para maging pari.
2.)
Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na
debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?
Unang-una ay yung pagsisimba ‘pagka Linggo, piyestang pangilin. Iyon ay isang panalangin, sabihin nating personal na debosyon, ay debosyon sa pagsisimba, debosyon sa Misa, debosyon sa Eukaristiya. Pangalawa, noong araw kasi, napakaliwanag sa pamilya ng pagdarasal ng Angelus at ng Rosaryo. Sa bahay, sama-sama ‘yung pamilya na nagdarasal ng Rosaryo, nagdarasal ng Angelus. Kaya ‘pag tungtong ng alas sais dapat nasa bahay na kami at kami ay nagdarasal. Iyon ay napakaliwanag na debosyon, at s’yempre ay ‘yung debosyon sa mahal na patron na si Santa Ana, sapagkat ang patron ng Hagonoy ay si Santa Ana, ‘yung ina ni Santa Maria. S’yempre, naukitil na sa mga taumbayan, sa mga pamilya, ‘yung kahalagahan ni Santa Ana bilang patron ng parokya.
Personal
na debosyon:
Noong ako’y nasa Cavite, naging mahalaga sa aking debosyon ay si
Santa Maria at ‘yung Mahal na Puso ni Hesus. At kasama na rin doon
‘yung Carmen, ‘yung tinatawag natin na eskapularyo sapagkat iyon
ang mga tumimo sa amin. Una, magdasal ng Rosaryo sapagkat sa Cavite,
patuloy ang pagdarasal namin ng Rosaryo gabi-gabi. Pangalawa, ‘yung
debosyon sa eskapularyo sapagkat bata pa lang kami noon ay nakalagay
na sa amin ‘yung eskapularyo , ‘yung Carmen, ika nga. At tuwing
First Friday at First Saturday ay nandoon ang aming pangungumpisal at
pangongomunyon; debosyon sa Apostolado ng Panalangin kaya mayroon
kaming mga parang kuwintas ng Apostolado ng Panalangin na natatandaan
ko pa na kapag magsisimba, iyon ay sinusuot namin, lalo na kapag
komunyon, dapat ay nakasuot sa amin ‘yun bilang debosyon sa Sacred
Heart of Jesus, Apostolado ng Panalangin, at kay Blessed Virgin Mary.
Isang magandang debosyon pa rin na kinahinatnan naming ay ‘yung
Perpetual Help, yung Ina ng Laging Saklolo, na laging may novena
kapag Miyerkules. So masasabi ko na si Kristo bilang Sacred Heart at
yung Mahal na Ina ay dalawang pangunahing debosyon na nakatulong sa
akin upang lalo akong makatugon sa panawagan ni Kristo bilang
seminarista at bilang pari.
3.)
Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga
lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang
nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa
paglilingkod sa pagpapari?
Sabihin
natin na yung unang parokya na aking kinamulatan ang s’yang unang
parokyang nagmulat sa akin tungkol sa pag-ibig sa Diyos, tungkol sa
pananamplataya, tungkol sa kahalagahan ng Misa. At s’yempre ‘yung
mga pari doon, na nakasutana pa noong araw, at seminarista na
nakasuta rin ay malaki ang atraksyon sa akin para ako’y maging
pari. Sapagkat napakagandang tingnan yung mga seminarista, pagkatapos
ng Misa nandoon sa labas, nag-uusap, nakasutana sila. Mayroong
tinatawag na… Pangalawa, s’yempre lagi kang nagsisimba kapag
Linggo doon sa parokya at saka tumutulong pa sa pagpapaunlad ng
pananampalataya ‘yung katekista na humihikayat na kami’y
magsimba. So, ‘yung parokya mismo ay unang nakatulong sa akin para
mamulat ako sa kahalagahan ng pagpapari. At pangalawa, noong ako’y
pumasok sa seminaryo, s’yempre umuuwi rin naman kami kapag bakasyon
at saka once a month, at ako’y nagsisimba sa parokya, nagsisilbi sa
parokya, at lalong napalapit sa mga pari sa parokya; ang lahat ng ito
ay nakatulong sa akin bilang seminarista para maging pari. Lalo pa’t
yung Hagonoy ay sikat sa dami ng pari. Namulat sa akin yung
kahalagahan ng pagpapari at gusto ko ring mapasama sa bilang ng mga
pari na tumugon sa bayan ng Hagonoy. Kaya nga ako’y nalulungkot
sapagkat parang kakaunti na ang bokasyon. Kakaunti na ang mga
seminaristang papasok sa seminaryo mula sa Hagonoy. Noong araw kasi
napakarami namin at kami ay isa sa pinakamaraming seminarista. Una ay
sa Minor. Sapagkat talagang ang Hagonoy ay balita sa bokasyon noong
panahon na ‘yon at marami talagang seminarista ang pumapasok sa
seminaryo. Nakakapanghinayang nga sapagkat hindi na ganoong karami
ngayon ang pumapasok sa seminaryong taga-Hagonoy, para bang
nakaligtaan yung pagpukaw sa mga kabataan sa kahalagahan ng bokasyon
sa pagpapari, o iyon ay dala na rin ng materyalismo na lumalaganap sa
ating bansa at medyo pumapasok din yan sa kabataan ng Hagonoy.
4.)
Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa
pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa
pagpapari?
Ngayon
ay panahon ng mass media, social communications. Although ngayon,
sabihin na natin na ang pinakatampok na mass media ay ‘yung TV,
audio-visual. Pangalawa ay yung internet, mga cellphone. Sabihin na
nating pangunahin ‘yung mga cellphone na tagapagbalita sa mga tao.
Pangunahin ‘yung cellphone na nag-uugnay sa mga tao at sabihin
natin na kakaunti na yung mga sumusulat ngayon ng mga letters, kaya
nalulugi ang post office. Saka kakaunti na rin talaga yung mga
nagbabasa ng mga diyaryo, sapagkat may TV naman. Mayroon pang
internet, lahat ng mga balita’y makukuha mo na. kahit mga libro,
hindi ka na pupunta sa library ngayon kundi sa internet makukuha ang
mga libro at mga ideas. Pero may halaga pa rin yung mga tabloid, yung
mga bulletin ng parokya, yung mga newsletter, may halaga pa rin
sapagkat dito nakapaloob yung nangyayari sa parokya, programa ng
parokya, plano ng parokya, aktibidades ng parokya tungkol sa iba’t
ibang komisyon at iba’t ibang organisasyon. Kaya makatutulong pa
rin yung pagpukaw sa mga tao tungkol sa bokasyon sa pagpapari. Hindi
lamang sa pagpapari, kundi bokasyon sa pagmamadre, gayun din naman
yung pagpapalaganap ng bokasyon sa pag-aasawa at pagiging binata’t
dalaga, o relihiyoso na maitalaga yung kanilang sarili, kahit may
asawa ka, sa ating Panginoong Diyos. Kahit may asawa ka, pwede kang
maging banal ayon sa iyong kalalagayan sa buhay, bilang binata,
bilang dalaga na walang asawa. Sa makatuwid, ‘yung ating newsletter
ay malaking kasangkapan pa rin para maimulat sa mga tao yung una, ano
ba ang pagkilala sa Diyos. Pangalawa, ano ba ang doktrina natin, ano
ba ang pananampalataya natin, ano ba ang moralidad natin, at ano ba
ang nangyayari sa parokya natin, at ano ba ang dapat pa nating gawin
para sa ating parokya at para sa ating simbahan at para sa ating
Panginoong Diyos.
1.)
Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang magpari?
Nagsimula
ang kuwento ng aking bokasyon sa pagkaakit sa buhay ng mga santo.
Noong bata ako nakakakolekta ako noon ng mga stampita na kalimitang
mabibili sa may labas ng simbahan mula sa isang lalaki na nagtitinda
nito kasama ng iba pang mga gamit-pangdebosyon gaya ng mga rosaryo at
nobena. Nagkakaroon din ako noon ng mga komiks tungkol sa mga buhay
ng mga santo na pasalubong sa akin ng mga nakatatanda kong mga
kapatid galing sa mga bookstore sa Maynila. Noon din ako binigyan ng
ilang mga maliliit na imaheng tila replica ng mga malalaking santo sa
simbahan. Mula sa lahat ng mga ito nabuo ang pangarap na tularan sila
sa buhay kabanalan.
2.)
Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na
debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?
Nagkaroon
ito ng konkretong anyo sa pagkamulat sa buhay ng mga pari na maaaring
naging daan upang maisakatuparan itong aking naging pangarap. Naging
malaking bagay ang mga kakilala at kaibigang pari sa aming pamilya –
lalo na sa kanilang pagbisita sa aming tahanan at pagdiriwang ng misa
para sa pamilya. Dagdag pa dito ang mga kamag-anak kong pari: sina
Msgr. Sotero Martin, Msgr. Solomon Sebastian, P. Martin Manicad at
ang mga nakatatanda kong mga kapatid na pumasok sa seminaryo (sina
Hermengildo, Adolfo Jose at Basilio) na nagbigay-sulyap sa akin kung
paano nagiging isang pari. Sa huli, nakatulong ng malaki ang pagiging
bukas at pagsuporta naming magkakapatid sa isa't isa upang matupad
ang mga pangarap (to pursue our dreams and chosen vocation)
PAGSISIMBA:
Bagama't di nakasanayan ng aming pamilya na sama-samang magsimba lalo
na tuwing Linggo, gayunpaman nagkaroon kami ng kanya-kanyang piling
oras (preferred time) upang makapagsimba. Ang halos araw-araw na
pagsisimba nina nanay kasama ng pagdadebosyon kay Apo Ana (mayroong
prusisyon tuwing madaling araw tuwing unang Martes ng buwan at nobena
bawat Martes) ang mga gawaing nagpadalas sa aking presensya sa
simbahan. Kaya naman napahalagahan ko ng husto ang misa at naakit sa
sana balang araw, makapamuno din ako dito.
PAGPAPA-ARAL
NG MGA ANAK SA ISANG KATOLIKONG PAARALAN (CATHOLIC EDUCATION): Naging
daan din upang mas maunawaan ko ang pananampalataya noong pinag-aral
kaming magkakapatid sa isang katolikong paaralan (St. Anne's Academy,
now St. Mary's Academy of Hagonoy). Dito ako naihanda para tumanggap
ng Unang Komunyon at ng Kumpil, pati na rin ang pangungumpisal at
paglilingkod sa altar. Sinuportahan rin ng mga madreng RVM (Religious
of the Virgin Mary) ang aking hangad na magpari, sa pagbibigay sa
akin ng mga pagkakataong makasali sa mga gawain at pagdiriwang na
ispiritual sa paaralan man o sa parokya.
ANG
MGA PRUSISYON SA PAROKYA TUWING PISTA AT MGA MAHAL NA ARAW: Ang
pagsama ng aking pamilya sa mga gawaing ito, pati na rin sa aking
pagkaakit sa buhay ng mga santo na pinaparangalan ang nakatulong sa
aking sa aking paglaki. Naging daan ang mga ito upang higit na
makilala, tularan at hingan sila ng tulong sa aking mga panalangin.
Sila rin ang naglapit sa aking sa Diyos na kanilang minahal at
pinag-alayan ng buhay.
3.)
Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga
lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang
nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa
paglilingkod sa pagpapari?
DEEP
RELIGIOSITY AND PIETY OF THE COMMUNITY: Totoong nakakahawa ang
pagiging relihiyoso ng mga taga-Hagonoy. Di lamang ito sa personal na
antas, kundi naging inspirasyon din ito na balang araw napakagandang
makilakbay sa isang pamayanan gawa ng Hagonoy bilang isang pari
sapagkat nakikita ang kanilang pagkauhaw sa pananamapalataya at
aktibong pakikilahok sa mga gawain.
WITNESS
AND MINISTRY OF PRIESTS ASSIGNED IN THE PARISH: Nabuo ang una kong
larawan ng pagiging pari sa katauhan ng aking naging Kura Paroko, si
Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo (na taga-Hagonoy) dahil na rin siya ang
naabutan kong kura sa Hagonoy bago ako naaordenahan. Ang kanyang
pagiging simple at matiyaga sa mga gawain, ang kanyang magiliw na
pagsubaybay sa akin at ang pagbibigay ng pagkakataong makibahagi sa
mga pagdiriwang ang nagbibigay inspirasyon sa aking ipagpatuloy ang
piniling buhay. Naging unang mga modelo ko rin siya sa pagpapari ang
mga nakababatang mga parochial vicars na nagpakita ng iba't ibang mga
aspeto ng pagkapari at ng pagsasabuhay nito.
4.)
Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa
pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa
pagpapari?
Sa
loob ng mahabang panahon- lalo na noong nasa kolehiyo at teolohiya
ako – ipinagmamalaki ang Hagonoy dahil sa dami ng bokasyong galing
dito. Natatandaan ko pa na sa dami naming mga seminarista noon, labis
ang bilang namin para sa kinakailangang bilang ng mga pontifical
servers. Malimit din ang ordinasyon noon di lamang sa Parokya ni Apo
Ana kundi maging sa iba't ibang parokya ng bayan ng Hagonoy.
Nakalulungkot na sa paglipas ng panahon, tila unti-unti nang lumitt
ang bilang ng mga seminarista at mas lalo pang naging bihira ang
ordinasyon. Pero naniniwala pa rin ako na ang binhi ng bokasyon ay
nananatiling nakatanim sa marami nating mga kababayan.
PARA
SA MGA PAMILYA LALO NA SA MGA MAGULANG: Sana patuloy nating akayin
ang mga kabataan upang mapalapit sa Diyos at sa Simbahan. Mabigyan
sana natin ng pagkakataon ang mga kabataang naaakit sa pagpapari
upang maunawaan at makilatis kung tinatawag nga sila sa buhay na ito.
SA
KAPARIAN: Sana patuloy tayong maging banal, tapat, payak, masaya at
dedicated sa ating ministeryo. Maging magiliw sana tayo lalo na sa
mga kabataan upang mahikayat silang magpari.
AT
SA MGA KABATAAN: Maging bukas sana kayong makinig sa panawagan ng
Diyos na sumunod at maglingkod sa Kanya sa bokasyon ng pagpapari.
Bigyan sana ninyo ng pagkakataon ang inyong sarili na maunawaan ang
bokasyong ito, at kung may pagkaakit, subukang tuklasin kung ito nga
ang kalooban ng Diyos para sa inyo.
No comments:
Post a Comment