Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, September 29, 2012

KULTURA: Sa Karangalan ng Reyna ng Langit: Ang Pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan Birhen ng Asuncion sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo



    Isang makasaysayang pagdiriwang ang minsan pa ay naitala sa kasaysayan ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo bilang isang sambayanang Katoliko, kung saan isang pang kapistahan ng Birheng Maria ang naidagdag at ipinakilala sa listahan ng mga kapistahan ng Mahal na Ina na ipinagdiriwang sa parokya.

     Agosto 15, ipinagdiwang ng mga mananampalataya ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo ang Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria na Inakyat sa Langit. Sinimulan ang paghahanda para sa nasabing makasaysayang okasyon sa pag-alala ng nobenaryong sinimulan noong Agosto 6. Pinangunahan ng Kapatiran ng Ina ng Laging Saklolo ang pagdarasal ng Santo Rosaryo at nobena na agad sinundan ng pagdiriwang ng Banal na Misa. Sa mismong araw ng Kapistahan sa kabila ng masamang panahon at nakaamba pang pagtaas pa ng tubig sa mga lugar na dati nang lubog sa tubig, di napigilan ang mga deboto sa pamimintuho sa Birheng Maria. Tulad ng mga araw ng nobenaryo, buong rubdob na dumulog ang mga deboto sa paanan ng Mahal na Birhen ng Asuncion sa pagdarasal ng Santo Rosario. 

Ang pinabagong retablo ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo kung saan inilagay na sa gitna nito ang tabernakulo ng Parokya kasama na ng anim na kandilang pinapagana ng ilaw na nagbibigay ningning sa imahen ng Mahal na Birhen, ang Ina ng Laging Saklolo.








  
  Pinakatampok sa nasabing pagdiriwang ang pagpaparangal sa buhay ng Mahal na Ina dito sa lupa na sinaysay sa loob ng Banal na Misa. Sa homilya ni Rdo. P. Norberto F. Ventura, ang bagong Kura Paroko ng Ina ng Laging Saklolo, binigyang diin ang pagkamasunurin ni Maria sa kalooban ng Diyos. Ang buong buhay ni Maria, ayon sa kanya, ay ginugol sa pagtupad sa kalooban ng Diyos. Dagdag pa niya, si Maria bilang isang pinakaganap na Kristiyano ang siyang dapat maging halimbawa ng ating buhay. Ayon sa kanya, kung tayo ay magiging masunurin sa ating buhay dito sa lupa tayo rin ay gagantimpalaan ng makalangit na buhay gaya ng gantimpala kay Maria na inakyat sa langit katawan at kaluluwa.

     Ginanap ng mga deboto ang maringal na pruisisyon kung saan inilibot ang imahen sa mga pangunahing lansangang sakop ng parokya bilang pagpaparangal kay Maria ang Reyna ng Langit at Lupa. Sinalubong ng masiglang pag-awit ng “Inang Sakdal Linis” ng mga deboto ang Mahal na Ina pagpasok ng imahen sa simbahan matapos ang prusisyon. Tinapos ang pagdiriwang sa pag-awit ng mga deboto ng “ Paalam Inang Birhen” habang ginagawad ng pari ang bendisyon sa mga mananampalataya. 


Ang mga nagsipagdalo noong gabi ng pagdiriwang kung kailan dumalangin ang lahat sa Diyos sa pamamagitan ng pagnonobena sapagkat ang araw ng Miyerkules ay araw para sa patrona ng parokya, si Maria bilang Ina ng Laging Saklolo. Dito ipinakita ng mga mananampalataya ang kanilang pasasalamat sa Mahal na Inang gumagabay sa kanila mula sa langit.
     Ang Nuestra Señora de la Asuncion ang pinatakasi ng Bayan ng Bulakan kung saan ito ang dating kabisera ng Lalawigan ng Bulacan mula 1578 hanggang noong 1930. Ang “Ika-15 ng Agosto” ang araw na kung kailan naitatag ang Lalawigan ng Bulakan at ito rin ang araw ng Dakilang Kapistahan ng Nuestra Señora de la Asuncion. Bilang unang patrona ng lalawigan ay sumasalamin ito sa lalim ng debosyon ng mga Bulakeño kay Maria bilang ina ng ng ating lalawigan.

     Unang ipinakilala P. Ventura ang kahalagahan ng paggunita ng Dakilang Kapistahan ng Nuestra Señora de la Asuncion sa mga mananampalataya ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa hangaring higit na mapalalim at mapaigting ang debosyon kay Maria bilang patrona ng parokya at ng Diyosesis. 

Photo Courtesy: Jun R. Acuña (Parish of Ina ng Laging Saklolo)

No comments:

Post a Comment