EDITORIAL:
ANG
PAGSASALIN NG IBINAHAGI: Gawain ng Kulturang Katoliko
“Kaya
nga, mga kapatid, manatili kayong matatag sa mga katotohanang
itinuro
namin sa inyo, maging sa salita o sa sulat.” (2 Tes. 2:15)
Ang
katagang ito ayon kay Apostol San Pablo ay isang paalala sa mga
mananampalataya sa kahalagahan ng mga bagay na itinuro ukol sa
kanilang pananalig sa Diyos. At sa pagsisimula natin ng isang
apostoladong naglalayon na “palakasin ang diwa ng pagtatanglikik sa
natatanging pamanang kalinangan ng Simbahan sa bayan at bikarya ng
Hagonoy”, nakarating ako sa isang pagninilay. Noong panahon ng mga
sinaunang Kristiyano, pinaghirapang ibahagi ng mga apostol at mga
saksi ng ating pananamapalataya ang kanilang pinaniwalaan, si Kristo.
Sumabak sila sa gitna ng madlang nagkakagulo sa mga kaisipan: ang
paniniwala sa kayamanan, luho at kapangyarihan. Kaya naman kung ano
ang ginawa nila San Pedro at San Pablo at nang kanilang mga kahalili, ganoon
din ang ginagawa natin ngayon. Sa abot ng ating makakaya inuudyok
natin ang ating mga sarili na “manatiling matatag sa mga
katotohanang itinuro.” At iyon ang ating pinaninindigan sa paglago
ng pahayagang ito: ang pagpapatatag ng ating pananampalataya.
At
paano pa bibigyan ng katatagan ang ating pananampalataya kundi sa
gawaing matagal nang ginagawa ng mga nakatatanda sa atin, ang
pagtuturo. Ang pagtuturo – ang ating paglayon na “magbigay ng
kaalaman” - ang ating gampanin bilang mga Katolikong nagsisilbing
ilaw para sa ating mga kasamahan. At sa bayan ng Hagonoy, bunga ng
pagtuturong ito ang maraming pari, relihiyoso at relihiyosa at mga
aktibong layko sa Simbahan. Ngunit sa panahon natin ngayon, kapag
nagbibigay ako ng panayam ukol sa bokasyon sa mga paaralan, magugulat
ang mga kabataan na aabot na pala sa isang daan ang paring nagmula sa
Hagonoy. Dito ka magtataka na kung hindi nila alam ito, sino pa kaya
ang magpapatuloy? Kaya naman naging gampanin ng pahayagang ito na
“magbigay ng kaalaman ukol sa maraming bokasyon na nagmula sa bayan
ng Hagonoy.” Sa kaisipang ito, hinihiling ng ating pahayagan na
sana, makita ito at malaman ng ating kabataan upang sila ay matuto,
makaalam at makapagnilay.
Ang
kulturang Katoliko na ating kinalakhan ang magdadala sa atin sa
ginawa nating tema para sa Ginintuang Jubileo ng ating diyosesis:
“Biyayang Nagpapanibago at Di-nagmamaliw na Pananampalataya.” At
dito sa ating pahayagan, lubos nating pinapahalagahan na para sa
isang matibay na pananampalataya, magkaroon tayo ng “sapat na
pagpuna at pagtatalakay ukol sa mga bahagi ng kasaysayan... (at) ng
mga gawaing tradisyunal na patuloy na ginagawa hanggang sa
kasalukuyan.” Ating tinitignan at binubuksan ang ating mga gawaing
Katoliko para sa ikauunlad ng Simbahan.
Kaya
naman sa pagpapalawak natin ng ating kaalaman bilang mga Katolikong
anak-Hagonoy at mga miyembro ng bikarya ni Sta. Ana ng ating
diyosesis, mahalin natin ang ating kinagisnang pananamapalataya. Sa
paglabas ng mga inilathala ng ating pahayagan - ang Catholic
Hagonoeño: Looking into the Catholic Heritage of Hagonoy, Bulacan,
Philippines – ating
damhin at tanggapin ang paglaganap ng isang buhay na
pananamapalatayang isinasalin natin sa mga susunod na henerasyon.
Viva Apo Ana de Hagonoy!
Sem. Kendrick Ivan B.
Panganiban
Administrator
and Editor-in-Chief
No comments:
Post a Comment