Ayon
sa alamat, mayroong lumitaw na isang napakagandang babae sa nayon ng
Marulao upang pangalagaan at tulungan ang mga tao doon. Sa
kaningnigan ng kanyang mukha ay tinawag siya sa pangalang “Mariang
Ilaw.” Sa paglipas ng panahon ito ay napaiksi sa tawag na “Marulao”
na siya namang ikinabit na tawag sa aming lugar. At pati ang kailugan
na nakapalibot sa Marulao ay tinawag ding Ilog Marulao. Marahil ang
magandang babae na nakikita nila noon ayon sa mga nakasaksi ay si Apo
Elena mismo.
Ang lumang larawan ni Sta. Elena na pinatakasi ng Marulao na nakaluklok sa bagong gawang simbahan ng Parokya ni Sta. Elena Emperatris. |
Ngayong
taon, ipinagdiriwang ang ika-72 na kapistahan ni Sta. Elena buhat ng
ito ay maging isang ganap na parokya. Kakaunti pa lamang ang
naninirahan noon sa baryo ng Sta. Elena, subalit unti-unti itong
dumami sa paglipas ng panahon hanggang sa maging ganap na pamayanang
maunlad.
Taon-taon
ipinagdiriwang ang kapistahan ni Sta. Elena tuwing ika-18 ng Agosto
para parangalan ang kanyang kabanalan at kamatayan, bilang
pasasalamat na din ng mga taga-Sta. Elena. Sinimulan ang
pagpaparangal kay Sta. Elena sa siyam na araw na pagnonobena mula
noong ika-9 hanggang ika-17 ng Agosto. Bagamat ito ay natapat ng may
kalamidad tuloy parin ang mga taga-rito sa pagpaparangal sa kanilang
patrona. Ngunit sa loob ng tatlong araw nawalan ng rangya ang
pagpaparangal sa aming patrona, bulaklak ng santan ang inialay sa
kanya. Ang ilang matatanda ay naluluha pa sapagkat sa loob ng
mahabang panahon ngayon lamang sila nag-alay ng santan sa nobenaryo
ng santa. Kasabay ng paghupa ng malakas na ulan, ginanap ang
pag-aalay ng rosaryong sampaguita sa ika-apat na araw ng nobenaryo
para sa santa.
Ang imahen ni Sta. Elena Emperatris na pinaparangalan sa simbahan ng parokya. Makikita naman sa itaas ang imahen ni Sta. Elena Emperatris Callejara o ang imaheng iprinuprusisyon. |
Ipinagdiwang
ang Banal na Misa para sa Bisperas Mayores noong ika-17 Agosto sa
ganap na 6:00 ng gabi. Naging simple at payak lamang ito, pangunguna
ng aming butihin at bagong kura paroko, Rdo. P. Efren G. Basco kasama
ang Hermano at Hermana - Ang Hermano para sa Banal na Santa Krus at
ang Hermano para sa imahen ni Santa Elena ng Hagonoy.
Kinabukasan,
ika-18 ng Agosto, sinimulan ang pagdiriwang ng Banal na Misa noong
ika-5 ng umaga. pinagdiwang naman ang Misa Mayor para sa Dakilang
Kapistahan noong ika-9 at kalahati ng umagaa sa pangunguna ng Obispo
Emerito ng Diyosesis ng Malolos, Lubhang Kgg. Cirilio R. Almario Jr.,
D.D. kasama ang iba pang mga pari. Nandoon noong pagdiriwang ang mga
parokyano ula sa mga barrio ng Pugad, Tibaguin, Sagrada Familia at
ang dalawang sitio ng barrio ng Sta. Elena: ang sitio ng Buga at ang
sitio ng Tangos kasama ang kanilang mga patron. Kasama rin siyempre
sa pagdiriwang ang Hermano at Hermana ng Sta. Cruz at ng imahen ni
Apo Elena na kasunod ng mga deboto ng patrona na nagpapasalamat.
Hindi naging hadlang ang malaking tubig sa pagpruprusisyon matapos
ang misa na puno ng saya at biyaya. Itinampok sa prusisyon ang mga
patron ng bawat baranggay na nasasakupan ng parokya. Si San Ignacio
de Loyola na patron ng Isla ng Pugad, si San Rafael Arkanghel na
patron ng Isla ng Tibaguin, ang Sagrada Familia na patron ng Malayak
(lumang pangalan ng barrio ng Sagrada Familia), at ang banal na Santa
Krus na kasama ni Santa Elena. Matapos ang prusisyon nagkaroon ng
isang munting salo salo sa tahanan ng Hermanos Mayores para sa
taong 2012-2013.
Santa
Elena, Pintakasi ng Barrio ng Marulao, Ipamagitan mo po kami.
Santa
Ana, Patrona ng Bayan ng Hagonoy, Ipanalangin mo po kami.
Mga Larawan ng Banal na Prusisyon:
Mga Larawan ng Banal na Prusisyon:
Ang mga mananampalataya mula sa islang barrio ng Pugad (Patron: San Ignacio ng Loyola) na sakop ng Parokya ni Sta. Elena Emperatris. |
Ang mga mananampalataya mula sa islang barrio ng Tibaguin (Patron: San Rafael Arkanghel) na sakop ng Parokya ni Sta. Elena Emperatris. |
Ang mga mananampalataya mula sa barrio ng Sagrada Familia (dating Malayak) na sakop ng Parokya ni Sta. Elena Emperatris. |
Ang mga masasayang mananayaw ni Apo Elena ng Hagonoy na sumama sa prusiyon para sa debosyon nila sa santang patrona. |
Ang Hermana ng Pistang Pasasalamat ng Barrio ng Sta. Elena na nanguna sa prusisyon kahit nasalanta ng bagyo ang lugar. |
(Itaas at Ibaba) Ang Sta. Elena Emperatris Callejara na sinasayawan ng mga mananayaw at pinatutugtugan ng musiko habang iniikot siya sa barriong pinagpala ng Marulao na ipinangalan sa kanya. |
Photo Courtesy: Marvin M. Magbitang (Parish of St. Helena the Empress)
No comments:
Post a Comment