Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, January 03, 2015

SAMAHANG KINIKILALA: Knights of Columbus: Sta. Ana Council 4110


Isang samahang nakatalaga,
upang maging katuwang sa pagdiriwang,
kaagapay ng pamilya, kaagapay ng parokya
kaagapay ng Simbahan.


   Nagsimula ang Knights of Columbus (KofC) bilang pagdamay ni Rdo. P. Michael J. McGivney, Kura Paroko noon ng Parokya ni Sta. Maria sa New Haven, Conneticut sa Estados Unidos sa mga kalalakihang Katoliko para sa ikauunlad ng pakikipag-ugnayan nila sa kani-kanilang mga pamilya at pag-iwas sa kanila na sumali sa mga samahang lumilihis sa mga turo ng Simbahang Katolika. Kaya naman sinimula ito noong ika-6 ng Pebrero, 1882 at ikinampanya ni Fr. McGivney sa buong diyosesis. Tinawag silang KofC bilang pagkilala sa kanilang piniling patron, si Christopher Columbus, ang Europeo na nagsilbing tagapagdala ng Kristiyanismo sa Amerika buhat sa kanyang pagdiskubre dito. Simula noon yumabong ang samahang ito at nakabuo ng iba’t ibang klase ng degrees sa mga kasapi nito na pinamumunuan ng isang Grand Knight (GK). Kala tang samahang ito sa buong mundo kasama na ang Estados Unidos, Canada, Pilipinas, Mehiko, Poland, Dominican Republic, Puerto Rico, Panama, The Bahamas, The Virgin Islands, Cuba, Guatemala, Guam at Espanya (Ilang impormasyon ay galling sa opisyal na kasaysayan ng Knights of Columbus).


Pagsama ng KofC sa mga prusisyon ng parokya.

   Dumating naman ang Knights of Columbus sa Pilipinas noong ika-23 ng Abril, 1905 kaalinsabay ng pagdating ng mga Amerikano sa bansa. Council 1000 ang tinawag sa unang nabuong konseho na nakabase sa Intramuros sa Maynila. Dumating naman sa Hagonoy ang samahang ito at naging kaagapay ng samahang Daughters of Mary Immaculate, na kinabubuuan ng mga kababaihan. Nabuo ang Sta. Ana Council 4110 at nagkaroon ng sariling bulwagan ang KofC sa parokya. Naging katungkulan ng KofC sa Simbahan ni Sta. Ana ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos upang umunlad at lumaganap ang pananampalataya. Bukod dito, ninanais din na ang isang knight ay laging bukas ang puso at pag-iisip para maunawaan niya at ng kanyang mga kapatid ang isang tunay na pananamapalataya.

   Isa rin sa mga mahigpit na ipinaglalaban ng KofC hanggang sa kasalukuyan sa lahat ng mga konseho ang isang palatuntunan sa buong mundo- ang “Save the Unborn”. Sinumang nagdadalang-tao ay dapat ipaglaban ang kanyang dinadala sa sinapupunan upang malayang masilayan ng sanggol ang liwanag ng mundo. Sa Simbahan sa Hagonoy, malaki ang naging pagtugon ng Sta. Ana Council 4110 sa pagnanais noon na maibuwag ang naiproklamang batas tungkol sa Reproductive Health na may malaking pagtanggi sa pagkabuhay ng ilang mga sanggol.



Ang pagbabantay ng KofC sa mga malalaking pagdiriwang ng Banal na Misa tulad ng Misa Concelebranda tuwing Kapistahan ni Apo Ana.
   Taun-taon, tuwing buwan ng Agosto, nagsasama-sama ang mga pamilya ng mga kasapi, upang ipagdiwang ang kaisahang buo bilang samabayanang Kristiyano. Nagiging isang malaking pagkakataon ito na magkaroon ng pagsasama sa pagitan ng mga pamilya at magkaroon ng pagkakaisa. Sa mga gawaing pambayan, nagkakaroon din ang KofC ng pagbibigay-dangal sa mga bayani ng lahi at bayan upang pagkaisahin ang lipunan.

Ang pagsasama ng mga KofC sa Santissimo Sacramento sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari.
Bilang pagkilala din sa bayan ng Hagonoy na binansagan nang “Bayang Levitico” dahil sa napakarami nitong naging anak napari. At dahil pinapahalagahan ng KofC ang naging pamanang ito, ninanais nitong ipagpatuloy ang tradisyon sa pamamagitan ng pag-aayuda sa mga nais magpari upang marating nila ang kanilang inaasam na bokasyon. Bukod sa pagkampanya para sa mga nagpapari sa Nobyembre na buwan ng bokasyon, kasama, rin ang konseho sa pag-alala at pag-aalay ng dalangin para sa mga yumao. Naging patunay ito na hindi sila nalilimutan ng kanilang inulila at ng Inang Simbahan.

   Tuwing dumadarating naman ang kapaskuhan, bilang pasasalamat sa mga biyayang natnggap, ay hindi kinakaligtaan ng mga knights ang magbigay ng aguinaldo sa mga kapus-palad nating mga kababayan. Kasama na nito ang pinasimulan pa noong 1980’s na buwanang medical and dental clinic sa mga malaot at liblib na lugarin ng bayan ng Hagonoy, tulad ng mga barangay ng Pugad, Tibaguin, San Isidro, Iba-Ibayo, at hanggang sa Sapang Kawayan, na sakop ng lalawigan ng Pampanga. Ninanais itong isabuhay at ituloy para sa kapakanan ng mga nangangailangan.

   Sa lahat ng ito, ang KofC ay nagsusumikap na patuloy namakapaglingkod bilang isang samahan ng mga kalalakihang naglilingkod sa Diyos at naglilingkod sa Simbahan.

Photo Courtesy: Ronald M. Santos (Pambansang Dambana ni Sta. Ana) at Arvin Kim M. Lopez (Pambansang Dambana ni Sta. Ana) 

1 comment:

  1. Hi! Ako po si Leo or "Liam" nakatira sa San Sebastian Hagonoy Bulacan.Eto po cellphone number ko: 09991787617 at email address: m.leokcfapi@gmail.com

    ReplyDelete