Isang pormal na pagpapakilala,
sa isang nagdaang Taon ng mga Layko.
Tignan ang mga paliwanag at
mga bagay na nagbigay kahulugan
sa pagdiriwang na ito para sa
Bikarya ni Sta. Ana.
Paghahanda
para sa Ika-500 Sentenaryomga bagay na nagbigay kahulugan
sa pagdiriwang na ito para sa
Bikarya ni Sta. Ana.
Hindi
na lingid sa kaalaman ng maraming Katoliko sa ating bansa na sa taong
2021 na gaganapin ang ika-500 taon ng paggunita sa pagdating ng
pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas. Malalaman natin sa
kasaysayan na noong 1521, dumating ang mga Kastilang mananakop sa
pangunguna ni Fernando Magallanes (Ferdinand
Magellan) kasama ang mga prayleng Agustino.
Sa pagkakabinyag sa mga Cebuano, nagsimula ang relihiyon ng
Kristiyanismo sa bansa.
Mula
dito minarapat ng Kapulungan ng mga Obispo sa Pilipinas (Catholic
Bishops’ Conference of the Philippines -
CBCP) na magkaroon ng siyam (9) na taong paghahanda para sa nasabing
sentenaryo. Binase ang tema ng pasisiyam na ito sa siyam na
prayoridad pastoral ng Simbahan sa Pilipinas mula sa Pambansang
Pagsasangguning Pastoral para sa Pagpapanibago sa Simbahan (National
Pastoral Consultation on Church Renewal).
Ayon sa Liham Pastoral ng CBCP na “Live Christ, Share Christ:
Looking Forward to Our Five Hundreth”, binanggit ni Arsobispo Jose
S. Palma, D.D. ng Cebu, dating Pangulo ng kapulungan ang mga ito:
Unang
Taon: Ganap na Paghubog sa Pananampalataya
(Integral
Faith Formation)
Ikalawang
Taon: Layko (Laity)
Ikatlong
Taon: Simbahan ng mga Dukha
(Church
of the Poor)
Ikaapat
na Taon: Ang Eukaristiya at Pamilya
(The
Eucharist and the Family)
Ikalimang
Taon: Maliit na Sambayanang Simbahan
(Basic
Ecclesial Communities)
Ikaanim
na Taon: Mga Pari at Relihiyoso
(Priests
and Religious)
Ikapitong Taon: Mga Kabataan
(Youth)
Ikwalong
Taon: Ekumenismo at Diyalogo sa pagitan ng
mga Relihiyon
(Ecumenism
and Interreligious Dialogue)
Ikasiyam
na Taon: Misyong nakatuon sa Lahat ng Tao
(Mission “Ad Gentes”)
Kaya
naman sa loob ng taon ng Simbahan na nagsisimula tuwing Unang Linggo
ng Adbiyento hanggang sa Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari,
ginaganap ang mga taong ito. Ito ang dahilan kung bakit noong
Nobyembre 2012 hanggang Oktubre 2013, inilunsad ang Taon ng
Pananampalataya na sadyang tugmang tugma sa panawagan ni Papa
Benedikto XVI nang ideklara rin niya para sa buong Simbahang Katolika
ang Taon ng Pananampalataya. Mula sa kanyang Liham Apostoliko na
Porta Fidei (Pintuan
ng Pananampalataya – Door of Faith),
binanggit ng Santo Papa na mahalagang balikan natin ang mga
pangunahing bahagi ng ating pananampalataya, katulad ng pagbabasa ng
Salita ng Diyos, pagsasaulo sa Kredo at pag-alam sa mga katuruan ng
Simbahan, lalo na sa katesismo. Ito naman ang naisagawa sa unang taon
ng pagsisiyam na naging pagtuon ang ganap na paghubog sa
pananampalataya:
Ikalawang
Taon ng Paghahanda: Taon ng mga Layko
Kasunod
ng unang prayoridad pastoral tungkol sa paghubog, inilunsad naman ng
bawat diyosesis sa bansa simula noong ika-1 ng Disyembre, 2013
hanggang ika-23 ng Nobyembre, 2014 ang taon para sa ikalawang
prayoridad pastoral para sa Simbahan sa Pilipinas: ang mga LAYKO.
Bilang pagtugon, pinamunuan ng CBCP sa pangunguna ng Komisyong
Episkopal para sa mga Layko (Episcopal
Commission on the Laity – ECLA) ang
pagdiriwang ng Taon ng mga Layko. Bukod sa ECLA, kaakibat din sa
proyektong ito ang Sangguniang Layko ng Pilipinas na kapulungan ng
mga laykong namumuno sa bawat diyosesis. Mula sa Sulat Pastoral ng
bagong pangulo ng CBCP, Arsobispo Socrates B. Villegas, D.D. ng
Lingayen-Dagupan na pinamagatang “Laykong Pilipino Katoliko:
Tinawag na maging Santo, Isinugo bilang Bayani”, inilatag ang
opisyal na tema para sa taong ito na “Choose
to be Brave: Called to be Saints, Sent forth as Heroes.”
Mula
dito nabuo ang mga kilusan at programa sa bawat diyosesis para sa
nasabing taon. Sa pagpapahayag nito sa networking
at
social
media,
binuo ang opisyal na website
para
sa Taon ng mga Layko na aktibo hanggang sa kasalukuyan, ang
www.choosetobebrave.org.
Nakalinya din ang website na ito sa Facebook,
www.facebook.com/choosetobebrave.
Kasama din dito ang paglulunsad ng mga proyekto tulad ng Holy
Heroes Program na
binuo ng pamunuan ng ECLA. Pinamunuan ito noong 2013 ni Rdo. Msgr.
Jose Antonio G. Galvez, H.P. ng Diyosesis ng Malolos. Layon nito na
magkaroon ng programang panghubog sa mga layko sa loob ng Taon ng mga
Layko. Kasama din dito ang paglulunsad ng mga buwanang jubilee para
sa iba’t ibang klase ng mga layko na bumubuo sa Sambayanan ng Diyos
sa ating Simbahan.
Ang
Labingdalawang Sektor ng mga Layko
“Noong binyagan
kayo, ipinagkaisa kayo ng Espiritu Santo kasama ang Panginoong Jesus,
ang Anak ng Diyos. Kaya naman naging mga tunay na anak kayo ng Diyos
at nakikibahagi sa Kanyang pagkadiyos.”
Arsobispo Socrates B. Villegas, D.D.
Pangulo ng CBCP at
Arsobispo ng Lingayen-Dagupan
Mula
sa paglunsad ng Taon ng mga Layko, kinilala ng Simbahang Katolika sa
Pilipinas ang iba’t ibang klase ng mga Katolikong layko na
pare-parehang nangangailangan ng tulong at paghubog sa ating bansa:
Mga
Hindi Gumaganap na Katoliko
(Non-practicing
Catholics)
Isang malaking
realidad sa ating mga Katoliko ang katotohanang mayroong mga binyagan
na hindi gumaganap sa kanilang pagiging Katoliko. Mula sa Sakramento
ng Binyag, kinikilala ng bawat binyagan na maaaring tumanggap ng iba
pang mga sakramento lalo na ang Banal na Eukaristiya sa pagdiriwang
ng Misa. Ngunit isang malaking pagkilala ng Simbahan na mayroon
tayong mga kapwa binyagan na makikita lamang ang kanilang
pagkakatoliko sa pagsisimba tuwing Linggo o di kaya naman ay hindi na
talaga nagsisimba. Dito pumapasok ang mga gawaing tulad ng Parish
Renewal Experience (PREX) o ang Life
in the Spirit Seminar (LSS) at iba pang mga
charismatic movements na
naglalayong ipakilala sa bawat indibidwal na Katoliko ang kahalagahan
ng pakikipagugnayan sa kanyang kapwa Katoliko.
Mga
Batang Propesyonal (Young
Professionals)
Kinabubuuan din ang
Simbahan ng mga kabataang bagong sabak sa mundo ng trabaho at
komersyo. Sa kanilang pagtahak sa iba’t ibang yugto sa buhay, sila
ay kinikilalang mga kapwa laykong nagnanais na maging kabahagi ng
Simbahan kahit kadalasan silang naiipit sa pagitan ng pagtitiyaga sa
trabaho at sa paglilingkod sa Simbahan. Marami po sa kanila ngayon
ang nananatiling kasapi ng Komisyon ng Kabataan at ng mga ministeryo
tulad ng Lectors at
Commentators o di kaya
naman ay kasapi ng isa sa mga samahang pansimbahan.
Mga
Nabubuwag na Pamilya (Broken Families)
Isang phenomenon
o kakaibang pangyayaring lumalaki sa buhay ng
mga Pilipino ang pagpunta ng mga manggagawang Pilipino sa iba’t
ibang bansa. Ang pagdami ng mga Overseas
Filipino Worker (OFW) ay tanda ng
pagkakahiwalay ng ama o ina sa kanilang mga asawa, anak at iba pang
mga kamag-anak. Ang bawat tao na ito na binyagan sa ating Simbahan ay
kabahagi ng Sambayanan ng Diyos.
Kinikilala ito ng
Diyosesis ng Malolos noong taong 2011 sa kanilang taon ng paghahanda
para sa Ginintuang Jubileo ng Diyosesis ng Malolos na nagtuon sa mga
OFW. Binibigyang pansin dito ang pangangailangan ng bawat pamilyang
nagkakahiwahiwalay buhat ng pagdami ng mga nangingibang bansa. Ang
paggawa ng paraan para sa ikabubuti ng mga pamilyang ito ang isang
misyon ng ating mahal na Simbahan.
Mga
Walang Matirhan at Walang Trabaho
(The
Homeless and Jobless)
Maaaring makikita ng
isang layko sa Simbahan man o sa ibang lugar ang mga taong sadyang
kapos na kapos sa buhay. Sila ang mga hindi makakain ng tatlong beses
sa isang araw, ang mga nanlilimos sa daan at ang mga nagmamakaawa
kadalasan sa Simbahan. Bahagi ba sila ng Simbahan? Ang sagot ay isang
matibay ng OO. Ang ating mga kapatid na nangangailangan ang isang
sektor ng mga layko na madalang pansinin sa ating panahon. Dito
pumapasok ang tungkulin ng bawat layko na maging kaanib sa diwa ng
pagtutulungan upang maibahagi ang pagmamahal ni Kristo sa kanila sa
pamamagitan ng pagtalima at pagkakawanggawa.
Mga
Malapit nang Sumakabilang-buhay at mga Bilanggo
(Homebound
and Prisoners)
Dalawang kalse ng mga
layko ang kinikilala sa sektor na ito: ang mga malapit nang
sumakabilang-buhay tulad ng mga may matinding karamdaman at ang mga
nabilanggo dahil sa iba’t ibang krimen. Sa CBCP may mga ministeryo
para sa mga ospital at sa mga bilangguan kung saan nakikipagtulungan
ang mga pari, layko at ang mga relihiyoso at relihiyosa upang
kalingain ang mga kapwa layko na ito sa Simbahan. Para sa mga malapit
nang sumakabilang-buhay, mahalaga ang pagkalinga ng mga nais maging
kamay ni Jesus para sa pagtanggap nila sa nalalapit nilang pagsama sa
Diyos sa kalangitan.
Para naman sa mga
nasa bilangguan, mahalaga pa rin na mayroong mga nagnanais tumulong
upang palaguin ang kanilang buhay-espiritwal at tumutulong sa kanila
na tungo sa pagtanggap sa kanilang mga pagkukulang at pagtulong sa
kanila para magbagong-buhay.
Mga Magsasaka,
mga Mangingisda at mga Manggagawa
(Farmers,
Fisherfolk and Laborers)
Ang lupain sa paligid
ng Bikarya ni Sta. Ana ay puno ng mga uri na ito ng mga layko. Sa
Hagonoy at Paombong makikita ang maraming nagtratrabaho bilang mga
mangingisda na naglalakbay sa mga dagat at ilog para sa paghuli ng
kanilang ikabubuhay. Makikita naman sa mga nasa hilaga ng bikarya –
sa Iba, Hagonoy at San Jose, Calumpit – ang mga kabukiran na
pinagsusumikapang alagaan ng mga magsasaka. Marami rin ang
nagtratrabaho sa mga sakop ng bikarya bilang mga mananahi,
nagtitinda, mga welder,
atbp. Tanda ang lahat ng ito ng malaking pangangailangan ng mga
tumatahak sa ganitong mga uri ng pamumuhay sa pinagsusumikapang
tulungan ng Simbahan lalo na sa pagitan ng kapwa layko. Malaki ang
gampanin dito ng naisip na mabuong Farmers’
and Fisherfolks Desk na ipapailalim sa
Komisyon ng Kilos Panlipunan (Commission on
Social Action) sangayon sa ika-66 na
deklerasyon ng Ikalawang Sinodo ng Diyosesis ng Malolos.
Mga
Namomroblemang Kaibigan (Troubled
Friends)
Mula sa mga hirap sa
buhay, hinaharap ng iba’t ibang mga laykong Katoliko ang mga
pagsubok na dumarating sa kanilang mga buhay. Maaari itong makita sa
iba’t ibang mukha: isang kabataang nalalang sa droga, isang
dalagang namolestiya, isang ama na baon sa utang, isang matandang
iniwan ng kanyang mga anak, atbp. Ipinapakilala dito ang tawag ng
paglilingkod na makiramdam at makiisa sa mga hinaharap ng ating mga
kapatid na ito. Ang ating pangunawa at ang ating pagkalinga bilang
mga kapwa layko ang maaaring makatulong upang maramdaman nila ang
pag-ibig ni Jesus.
Mga
Kawani ng Pamahalaan
(Government
Employees)
Mula sa mga
Katolikong laykong nasa katungkulan hanggang sa pinakamababang kawani
ng pamahalaan na binyagan sa Simbahan ay bahagi at nakikibahagi sa
ating mahal na Sambayanan ng Diyos. Dito makikita ang pananagutan ng
bawat Katolikong na gumawa ng mga desisyong makakabuti sa ating
lipunan at sa ating inang bayan. Dito ninanais na magkaroon ng
pagkakaisa sa pagitan ng Simbahan at ng pamahalaan para sa ikauunlad
ng bayan at sa paglalagay ng presensya ng Diyos sa gitna ng gulo sa
ating pamahalaan.
Mga
Samahang Sibiko (Civic Organizations)
Maraming mga samahang
sibiko tulad ng mga non-government
organizations (NGOs) at iba pang mga
nagnanais tumulong para sa kapakanan ng lipunan at ng Simbahan. Para
sa tamang pagboto nasa atin ang Parish
Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV)
na binubuo ng mga laykong nais magsakripisyo upang masigura ang
maayos na halalan. Mayroon naming mga samahan tulad ng Save
Sierra Madre Movement na para naman sa mga
kilusang pangkalikasan. Kinabubuuan ang lahat ng mga ito ng mga
laykong gumaganap para sa iba’t ibang adbokasiya para sa kaunlaran
ng lipunan at Simbahan.
Mga
Guro sa Pampublikong Paaralan
(Public
School Teachers)
Mula sa mga kawani ng
pamahalaan, binibigyang tuon din sa mga sektor ng mga layko sina
“Ma’am” and “Sir”, ang mga guro na nagtuturo lalo na sa mga
pampublikong paaralan. Sila ang mga gurong may kani-kanilang pamilya,
ngunit nagkakayod pa rin na maging gabay para sa mga batang hindi
naman nila anak ngunit ginampanang akayin dahil sila ay kinabukasan
ng bayan. Ang mga Katolikong guro na nagsusumikap na maging tapat sa
paglilingkod sa pamilya at sa paaralan ang mga ninais din tulungan ng
Simbahan sa pamamagitan ng mga Catholic
Education ministries at ng Diocesan
Campus Ministry at pagtulong ng bawat samahan
ng Simbahan.
Mga
Katutubo (Indigenous People)
Bagamat hindi
makikita sa mga nasa Kanlurang Distrito ng Diyosesis ng Malolos kung
nasaan ang Bikarya ni Sta. Ana (ang mga katutubo sa Diyosesis ay nasa
Hilagang Distrito), alam ng Simbahan na sa mga binyagang katutubo,
nakikita din ang isa pang bahagi at mukha ng Simbahan. Ngunit
nagiging kaganapan na din ang malawakang paglipat ng ibang mga
katutubo sa iba’t ibang lugar sa kapatagan. Mahalaga na bilang mga
kapwa layko, nakikita natin ang pagpapahalaga para sa mga kapatid
nating ito. Bagamat may pagkakaiba sa gawi o kultura. Bilang mga
binyagan, ang mga Katoliko sa kanila ay mga kabahagi din ng Simbahan.
Mga
Santong Layko at mga Bayaning Pilipino Katoliko
(Lay
Saints and Filipino Catholic Heroes)
Sina San Lorenzo Ruiz
de Manila (ca. 1800-Set. 29, 1637) at San Pedro Calungsod de Cebu
(Hul. 12, 1654-Abr. 2, 1672) ang itinuturing na dakilang halimbawa ng
pagiging mga mahahalagang lingkod sa Simbahan. Si San Lorenzo Ruiz ay
isang eskribano o sa ating salita ay isang sekretarya ng parokya.
Kaya naman siya ang patuloy na nagiging inspirasyon ng mga
nagtiyatiyagang mga lingkod sa mga opisina ng bawat parokya bilang
patron ng mga sekretarya. Si San Pedro Calungsod naman ay isang
katekista at nangibang-bansa, kaya naman siya ang Patron ng mga
Katekista at mga OFW. Sa mga santong ito at sa iba pang mga laykong
naglilingkod sa Simbahan bilang mga mananampalataya, lubos ang
paghanga na maging mga banal na bayani.
Saints
and Heroes: No Less
Itinutunghay
ng pamagat na ito ang isang naging tampok na kaganapan sa loob ng
Taon ng mga Layko (Year of the Laity highlight
event) na ginanap noong ika-21 ng Agosto,
2014 sa PhilSports Arena sa Lungsod ng Pasig. Pinangunahan ang
gawaing ito ng Salesians of Don Bosco (SDB)
o ang Salesian Fathers at
ng Don Bosco Center of Studies
na may pagendorso ng CBCP. Ayon kay Arsobispo Villegas, Pangulo ng
CBCP, “(Nais ng kaganapang ito) na mas paangatin ang kamalayan at
pangako ng Pilipinong layko upang makiisa sa buhay at misyon ng
Simbahan.” Ginanap dito ang ilang mga pananalita mula sa iba’t
ibang mga natatanging laykong inspirasyon sa ating Simbahan. Mula
dito, ipinapakita na hindi lamang basta-basta ang pagdiriwang ng Taon
ng mga Layko kundi isa itong pagkilala sa lubos na pagmamahal ni
Kristo sa Inang Simbahan sa pamamagitan ng apostolado ng mga layko sa
atin dito sa Pilipinas.
Ano
ang matutunan natin sa Taon ng mga Layko?
Bilang
pangbuod, alamin natin ang mga dahilan sa pagiging makabuluhan ng
Taon ng mga Layko sa atin bilang mga laykong Katoliko lalo na sa mga
mambabasa ng pahayagang ito mula sa Bikarya ni Sta. Ana – Diyosesis
ng Malolos.
Malaki
ang bahagi ng mga Layko sa Simbahan
Bilang mayorya, ang
mga layko ang malaking bahagdan ng piling bayan ng Diyos sa Simbahang
Katolika. Sa napakaraming misa na nagaganap sa siyam (9) na parokya
ng Bikarya ni Sta. Ana tuwing araw ng Linggo o sa araw-araw ng bawat
lingo, makikita ang napakalaking paglilingkod na ginagampanan ng mga
paring lingkod at ang mga sangguniang pastoral ng bawat parokya sa
pagbubuo at pagpapatupad ng mga kabahagi ng Sambayanan ng Diyos na
karamihan ay mga layko.
Karamihan ng mga
Naglilingkod sa Simbahan ay mga Layko
Mula sa mga
Sangguniang Pastoral hanggangt sa mga kasapi ng bawat ministeryo at
komisyon ang mga layko ng ating parokya. Ito ang napakalaking
realidad na nagtutulungan ang pari at layko para sa ikabubuti ng
Simbahan. Mula sa pinakabatang tagapaglingkod ng Simbahan hanggang sa
pinakamatandang kasapi ng kapatiran o ng Mother
Butler Mission Guild (MBMG), lahat ay mga
binyagang layko na naglilingkod sa loob ng Simbahan.
Ang
mga Layko ay tinawag ni Kristo na makiisa sa Simbahan
Mula sa pagiging mga
binyagan, patuloy ding tinatawag ang mga laykong Katoliko na makiisa
sa mga ministeryo ng Simbahan. Mula sa mga binyagang lalaki,
tinatawag ang mga naoordenahang obispo, pari at diyakono. Marami din
sa mga layko ang nagpapasyang mag-alay ng sarili bilang mga
relihiyoso at relihiyosa kasama na din sa karamihan na ito nagmumula
ang iba’t ibang klase ng mga katauhang nagiging mga tunay na
disipulo ni Kristo at mula dito nagiging mga santo.
Kaya
naman sa nagdaang Taon ng mga Layko, malaki ang pagpapakilala sa
gampanin at katauhan ng mga laykong Katolikong Pilipino para sa
kinabukasan ng Simbahan. Mula sa binyag ng mga unang Katoliko sa Cebu
noong 1521, patuloy ang paglawak ng sambayanang layko sa ating bansa.
Sa Bikarya ni Sta. Ana, patunay ang sambayanang ito sa laki ng
pangangailangan para sa Simbahan ngayon at sa darating pang panahon.
“Buong pagkakasali
ang inyong pagkakasali sa Simbahan.”
Arsobispo Socrates B. Villegas, D.D.
Pangulo ng CBCP at
Arsobispo ng Lingayen-Dagupan
No comments:
Post a Comment