Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, January 03, 2015

SAMAHANG PAMPAROKYA: Kapatiran ni Sta. Ana



Sa ngalan ni Ana, Ina ni Maria,
isang kapatiran ang binuo para sa kanya.
Mga panata pinanatiling buhay
upang maging pamana sa bayang minahal.


   Mula’t sapul nang aking masimulang makisangkot sa mga Gawain sa Simbahan ni Sta. Ana sa Hagonoy, Bulakan ay nariyan na ang samahan ni Sta. Ana na kung tawagin ay Kapatiran ni Sta. Ana. Ang samahang ito ay nasa ilalim ng pamamahala ng Kura Paroko noon na anak-Hagonoy rin, si Rdo. Msgr. Jose Bernabe Aguinaldo, P.A. Sa kanyang panunungkulan unang nagsimula ang mga gawain ng nasabing samahan tulad ng Prusisyon ng Pagpapakasait tuwing ika-5 ng umaga kung saan iniikot ang caroza ni Apo Ana sa lansangang nakapaligid sa Simbahan ng Hagonoy bawat buwan.

Mga kasapi ng Pamparokyang Kapatiran ni Sta. Ana (PKNSA) na patuloy na nagpapanatili ng mga debosyon at panatang ukol kay Apo Ana na patrona ng bayan ng Hagonoy.
   Ang samahan na ito ni Apo Ana ay siyang tinatawag na Pamparokyang Kapatiran ni Sta. Ana (PKNSA) ngayon. Noon hindi siya isang pormal na samahan, ngunit ito ang pinagmatyag ni Msgr. Aguinaldo na gawing isang maayos na grupo ng mga mananampalataya. Ayon sa aklat ni Msgr. Aguinaldo para sa ika-400 taon ng Parokya ni Sta. Ana, 400 Bantayog ng Simbahan, mula sa Dekreto Episkopal ni Lubhang Kgg. Cirilo R. Almario, Jr., D.D. na noo’y Obispo ng Malolos na iprinoklama noong ika-12 ng Oktubre, 1976 bilang isang opisyal na samahang pansimbahan at PKNSA. Mula din sa pagsusumikap ni Msgr. Aguinaldo, naanib ang PKNSA sa Arch-confraternity of St. Anne of Beaupre sa Canada na siyang pandaigdigang samahan nito. Naganap ito sa Canada noong ika-2 ng Nobyembre, 1976 sa bisa ng Littterae Aggregationis at Summary of Indulgences na kaloob ng Santo Papa na ipinagtibay sa Quebec. Kaya naman ito ang naging ika-2,150 sa buong daigdig at patuloy na dumarami ang mga ganitong kapatiran sa buong mundo.

 Mas lalong lumakas ang pagkampanya para sa pamimintuho kay Apo Ana sa Hagonoy noong ideklara ng Kapulungan ng mga Obispo sa Pilipinas na maging Pambansang Dambana ang Simbahan ni Sta. Ana noong ika-29 ng Oktubre, 1991. Mula dito, nagkaroon na ng mga regular na gawain para kay Apo Ana sa simbahan. Sa pagkakatalaga ng bagong Kura Paroko at Rektor ng Dambana, Rdo. Msgr. Macario R. Manahan, P.C., nagkaroon ng pagdami sa mga kasapi ng PKNSA. Nagkaroon ito ng bagong pamunuan: Eding S. Trillana – Pangulo, Linda Carpio – Pangalawang Pangulo at ang inyong lingkod, Dolores M. Cruz – Kalihim. Sa sumunod na pagkakataon, ang inyong lingkod na ang nahalal na pangulo ng samahan, si Marcelina Apostol naman ang Pangalawang Pangulo at sina Nieves Esguerra at Cornelia Cervantes ang Kalihim at Ingat-yaman.

Sa pagdami ng naging kapistahan ni Apo Ana sa Hagonoy, nagiging isang malaking pagsisikap na ipagpatuloy at gawin taun-taon ang mga pagdalaw ng imahen ni Apo Ana sa iba't ibang lugar, sa Hagonoy man o sa labas ng lalawigan.
   Sa pagyabong ng PKNSA, nagkaroon ng mga kapatiran sa mga barrio sa mga barrio ng Sta. Monica, San Jose, Sto. Niño, San Sebastian at San Nicolas. Nagkaroon din ng mga kapatiran sa barrio ng Mercado na sakop ng parokya ng Sto. Rosario at sa San Miguel na sakop naman ng parokya ng San Juan. Kapansin-pansin na iba’t iba din ang mga uniporme bawat kapatiran, ngunit nagkakaisa ang mga kasapi sa blazer ng kapatiran. Tungkulin ng PKNSA sa bawat barrio na tumulong at manguna sa mga gawain na may kinalaman kay Apo Ana sa lugar. Kasama na dito ang pagtulong kung ang barrio kung saan nakabase ang isang kapatiran ang bababaan ng pagoda ni Apo Ana tuwing Linggo bago magpiyesta tuwing Hulyo o kung dadalhin ang imahen ni Apo Ana sa kapilya ng nasabing barrio. Kapag naman mayroong mga pagdalaw na ginaganap sa ibang lugar, ang kapatiran din ang ilan sa nagsasaayos. Naalala ko na nagkaroon na ng iba’t ibang mga peregrinasyon na pagdalaw sa mga lugar tulad ng Nueva Ecija, Valenzuela, Pamarawan at sa Tagaytay. Pinasimulan ito ng panahon ni Msgr. Manahan at mula noon ay ipinagpapatuloy ng mga kasapi tuwing buwan ng kapistahan.

 Sa Simbahan ni Apo Ana naman, pinanatili ang pagpruprusisyon sa karangalan niya tuwing unang Martes ng buwan. Bawat araw ng Martes ay araw ni Apo Ana, kaya naman inilalabas ang relikya ni Apo Ana mula sa sakristiya upang ipahalik sa mga deboto at kasama dito ang mga kasapi ng kapatiran.

   Mula sa paglaki ng debosyon kay Apo Ana, kinailangan paramihin din ang mga imahen niya. Ang madalas idinadala sa prusisyon tuwing unang Martes ay tinawag na Sta. Ana Callejara. Ang imahen naman na idinadala sa iba’t ibang lugar para sa peregrinasyon o pagdalaw ay tinatawag na Sta. Ana Biyahera. Ang pinaka-una at pinakamatandang imahen naman ni Apo Ana ngayon sa Hagonoy na nakaluklok sa Retablo Mayor ay ang Sta. Ana Verdedara de Hagonoy (na nasa simbahan na noon pang panunungkulan ni Fray Manuel Alvarez, O.S.A. noong 1841). Ang lahat ng mga imaheng ito ay inaalagaang mabuti ng mga kasapi ng kapatiran.

Ang Tatlong Opisyal na Imahen ni Apo Ana ng Hagonoy:

Sta. Ana Biyahera - Imahen ni Apo Ana na ginagamit sa mga pagdalaw sa iba't ibang lugar at iniluluklok sa mga lugar kung saan ipinadala ang imahen. Sinasalubong ang imahen na ito ng mga mananayaw at inihahatid din kapag may pupuntahan. Ito na rin ang inilalagay tuwing may pagoda, prusisyon sa nayon at ibang gawain na mas malayo sa parokya.
Sta. Ana Callejara - Imahen ni Apo Ana na kadalasan ay ipinuprusisyon ng mga deboto at ng mga kasapi ng kapatiran tuwing unang Martes ng buwan.
Sta. Ana La Verdedara - Ang orihinal na imahen ni Apo Ana ng Hagonoy na lumagpas na sa 170 taong gulang mula nang maluklok ito sa panunungkulan ni Fray Manuel Alvarez, OSA bilang Cura Parroco.
  Mula din sa paglago ng debosyon kay Apo Ana, nagkaroon ng tatlong (3) opisyal na kapistahan ang patrona: tuwing huling linggo ng Abril na Pistang Pasasalamat ng Bayan, na bunga ng makasaysayang pagliligtas sa mga nakulong na taga-Hagonoy at mga taga iba pang lugar sa simbahan bunga ng pamimintuho kay Apo Ana; tuwing ika-26 ng Hulyo na kanyang kapistahan sa buong pandaigdigang Simbahan at tuwing ika-29 ng Oktubre na anibersaryo ng pagkakatalaga ng Simbahan ni Sta. Ana bilang pambansang dambana. Sa lahat ng ito, idinarasal ang nobena kay Apo Ana na isinulat ni Msgr. Aguinaldo. Marami pa sa mga kasapi ng kapatiran ang mayroong kopya ng nasabing aklat at malaki ang pagpapala na nagagamit pa itong hanggang ngayon.

   Sa kasalukuyan, sa panunungkulan ni Rdo. Msgr. Luciano C. Balagtas, P.C. bilang Kura Paroko at Rektor ng Dambana, ang mga sumusunod ang naging pamunuan: Wilhelmina C. Panganiban – Pangulo, Mila Lacamibao – Kalihim at Nita Raymundo – Ingat-yaman. Pinagsusumikapan pa rin ng kasalukuyang kapatiran ang pagtulong sa mga nagpeperegrinasyon sa dambana, nananalangin para sa mga kababaihang di pa nagkakaanak at sa mga maysakit. Mula pa rin ito sa paniniwala sa mapaghimalang pagtulong ni Apo Ana sa mga namamanata at nagdarasal para sa kanyang pagdamay. Ganyan kabuti ang asawang ito ni Apo Joaquin, anak ng Mahal na Birheng Maria at lola ng Panginoong Jesukristo!



   Viva Apo Ana ng Hagonoy!

Photo Courtesy: El Gideon G. Raymundo (Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario), Lulot S. Ruiz at Frederick L. Fabian (Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana)

No comments:

Post a Comment