Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, June 29, 2012

KULTURA: Pistang Pasasalamat ng Bayan ng Hagonoy 2012

   Ang isang magandang pag-uugali ng mga taga-Hagonoy, Bulakan ang kaalaman nilang tumanaw ng utang na loob at magpasalamat, lalo na sa Diyos. Ang hindi mabilang na pagpapala at biyayang natanggap ng mga mamamayan ng Hagonoy sa tulong at pamamagitan ng patrona at inang si Sta. Ana ay siyang magpapatunay ng katotohanan sa sinabi ng yumaong Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A. na ang kahuhulugan ng pangalang Ana ay ''awa at biyaya''.

     Hindi kayang talimuwangin ng kahit na sinong isinisilang at lumaki sa Hagonoy ang maraming pagkakataong iniligtas ni Sta. Ana ang mga Hagonoeño sa tiyak na kamatayan sa mga sakunang gawa ng kalikasan at tao. Hindi malilimutan ng mga taga-Hagonoy at hindi nila minamaliit ang mga kabutihan ng kanilang patrona, kung kaya't nagtakda sila ng isang araw ng Linggo tuwing buwan ng Abril na tinagurian nilang ''Pistang Pasasalamat ng mga taga-Hagonoy, Bulakan''.

     Idinaraos ang Pistang Pasasalamat ng bayan ng Hagonoy tuwing ika-4 na Linggo ng Abril taun-taon. Ang sentro ng pagdiriwang ay ang Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana sa Hagonoy , Bulakan. Isang magandang ibinunga ng pagkakaroon ng ganitong pagdiriwang ay ang pangunguna ng Punong Bayan ng Hagonoy bilang Hermano Mayor kasama ang usapan sa ginawang pagpupulong ng Sangguniang Pastoral ng Parokya ni Sta. Ana at kinatawan ng Pamahalaang Bayan ng Hagonoy. Maganda ang naging ugnayan ng dalawang panig kung kaya't naging masigla, masaya at dinaluhan hindi lamang ng mga taga-ibang bayan ang nakaraang Pistang Pasasalamat ng Hagonoy. Ang nakaraang idinaraos na Pistang Pasasalamat ng bayan ay naganap noong ika-29 ng Abril ngayong taon.

     Bilang paghahanda, nagkaroon ng siyam (9) na araw ng pagdarasal ng nobena kay Sta. Ana bago magmisa, ngunit ang huling 3 araw ay itinalaga sa magkasamang taga-munisipyo ng Hagonoy at mga samahan sa Pambansang Dambana ni Sta. Ana. Sa araw ng kapistahan, bagama't puno ng mananampalataya ang simbahan sa bawa't oras ng misa, mapapansin na parang higit ang dami ng tao sa misa noong ika-6:00 N.U. sapagkat pinamunuan ito ng mahal na Obispo ng Malolos, Lubhang Kgg. Jose F. Oliveros, D.D. kasama ang iba pang mga pari na nakadestino sa simbahan. Nagkaroon naman ng Misa Mayor noong ika-9:00 N.U. na misang parangal kay Sta. Ana at pinamunuan naman ng paring anak-Hagonoy na tubo ng San Sebastian, Rdo. P. Joselito Robles Martin, kasama ng Kura Paroko at Rektor, Rdo. Msgr. Luciano C. Balagtas at iba pang mga pari. Sa misang ito nagpasalamat ang Punong Bayan, Kgg. Angel L. Cruz, Jr. at sinundan ang misa ng prusisyon ng mga patron ng bawat barrio ng Hagonoy. Gayun din nagkaroon din ng misa noong ika-5:00 N.H. na pinamunuan ng Obispo Emerito ng Malolos, Lubhang Kgg. Cirilio Almario, D.D. Kapag araw ng linggo sa simbahan umaabot ng gabi ang mga misa ng linggo para sa kapakanan ng mga mananampalataya, kaya sinundan pa ito ng isang misa noong ika-6:30 ng gabi.

     Sa halip na magdaos ng purisyon pagkataon ng Banal na pagdiriwang sa gabi ay napakita na lang ang lupon ng kasayahan ng iba't ibang anyo ng paputok sa himpapawid na ikinatuwa ng mga nakasaksi. Sa buong araw ng pasasalamat kay Sta. Ana sa pamimintuho ng mga taga-Hagonoy sa kanya, lubos ang pag-ibig ng Diyos sa paglapit ni Sta. Ana sa kanyang anak na si Maria at sa kanyang apo, ang ating Panginoong Hesus.

Mga Larawan ng Pistang Pasasalamat 2012 
(Mga Larawan nina: Arvin Kim M. Lopez at El Gideon G. Raymundo)

6:00 N.U. - Misa ng Pasasalamat ng Bayan ng Hagonoy 
(Pinamunuan ni: Lubhang Kgg. Jose F. Oliveros, D.D., Obispo ng Malolos)





9:00 N.U. - Misa Mayor ng Pasasalamat ng Bayan ng Hagonoy 
(Pinamunuan ni: Rdo. P. Joselito Robles Martin, Paring Anak-Hagonoy)





Prusisyon ng mga Patron at Patrona sa Pasasalamat ng Bayan ng Hagonoy 
Paligid ng Kabayanan ng Bayan ng Hagonoy, Bulakan



Si San Pascual Baylon de Hagonoy, patron ng barrio ng San Pascual, Hagonoy, Bulakan
na sakop ng Parokya ng N.S. del Santissimo Rosario.
Si San Juan Bautista de Hagonoy, patron ng barrio ng San Juan, Hagonoy, Bulakan
at patron ng Parokya ni San Juan Bautista.
Si San Nicolas de Tolentino de Hagonoy, patron ng barrio ng San Nicolas, Hagonoy, Bulakan
na sakop ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana.
Ang N.S. del Lourdes de Hagonoy, patrona ng barrio ng Abulalas, Hagonoy, Bulakan
na sakop ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo.

Si San Miguel Arcangel de Hagonoy, patron ng barrio ng San Miguel, Hagonoy, Bulakan
na sakop ng Parokya ni San Juan Bautista.
Si Sta. Monica de Hagonoy, patrona ng barrio ng Sta. Monica, Hagonoy, Bulakan
na sakop ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana.


Si San Isidro Labrador de Hagonoy, patron ng mga barrio ng San Isidro (Matanda) at Tampok
(Bata) sa Hagonoy, Bulakan na sakop ng Parokya ni San Juan Bautista.



Si Sto. Ni
ño de Hagonoy, patron ng barrio ng San Niño, Hagonoy, Bulakan
na sakop ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana.



Si N.S. de la Santissimo Rosario de Hagonoy, patrona ng barrio ng Sto. Rosario, Hagonoy, Bulakan
at ng Parokya ng N.S. del Santissimo Rosario.


Si N.S. de la Sto. Rosario de Hagonoy, patrona ng barrio ng Carillo, Hagonoy, Bulakan
na sakop ng Parokya ni San Antonio de Padua.


Si San Antonio de Padua de Hagonoy, patron ng barrio ng Iba, Hagonoy, Bulakan
at patron ng Parokya ni San Antonio de Padua.


Si San Sebastian de Hagonoy, patron ng barrio ng San Sebastian, Hagonoy, Bulakan
na sakop ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana.



Si San Agustin de Hagonoy, patron ng barrio ng San Agustin, Hagonoy, Bulakan
na sakop ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana.


Si San Jose de Hagonoy, patron ng barrio ng San Jose, Hagonoy, Bulakan
na sakop ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana.


Si Sta. Elena de Hagonoy, patrona ng barrio ng Sta. Elena, Hagonoy, Bulakan
at ng Parokya ni Sta. Elena Emperatris.
Si Apo Ana de Hagonoy, patron ng bayan ng Hagonoy, Bulakan 
at ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana.





Page 1 of 6
Please press Older Posts for Pages 2-6.

No comments:

Post a Comment