Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, June 29, 2012

LITERARY: FLORES DE MARIA (San Jose, Hagonoy, Bulacan)






























(Mula sa Patnugot: Isang akda na may pormang patula ukol sa natatanging pagdiriwang ng Flores de Mayo sa San Jose, Hagonoy, Bulacan na kung saan nagdidiwang ng tatlong beses sa tatlong lugar ang barrio: sa kapliya, sa purok 1 at purok 2 ng barrio. Dito ginaganap ang pagpaparangal at pag-aalay ng bulaklak sa Reyna ng mga Bulaklak tuwing Mayo kasama na din ang pagtutuklas ni Sta. Elena sa krus  tuwing Santa Cruzan.)

Buwan ng Mayo
Sadyang inilaan
Ang Birhen Maria
Pagsuyo ay alayan
Pinakatanging nilikha ng Ama
Nililok maging Ina
Ni Jesus, Anak na Sinta.

Tunay na pinagpala
Ng Panginoong Dakila
Maging kalikasa’y itinadhana
Bulaklak ay maglipana
Saan man dako luminga.

Katapusan ng Abril buwang kadaraan,
Abala ang sa bisita ni San Jose’y panguluhan
Kinakalap, inaanyayahan
Mga batang paslit, anuman ang gulang
Upang kinabukasan
Sa kapilya’y magdasal, magkantahan
Samantalang bulaklak iniaalay
Kay Mariang paanan.

Simula Mayo a-primero
Hanggang a-treinta-y-uno,
Mga batang puti ang kasuotan
Simbolo ng busilak na kalooban
Naglalakad, marahang-marahan
Pinag-iingatan, pakpak sa likuran
Habang basket, tangan-tangan
Makulay, sari-saring bulaklak, nilalaman
O! Kay-gandang pagmasdan.

Bangong humahalina
Ng kuwintas na Ilang-ilang, Sampagita
Kampupot, “Calachuchi” at “Camia”;
Mayroong nakapumpon pa
Rosas, “Dona Aurora”
“Caballero”, “Bandera Espanola”
Santan, “Bougainevilla”
Puti, dilaw, rosas, ube at pula
Sa berdeng dahon, nakapunla
Sa basket, inayos na sadya.

Samyo, gumuguhit,
Sa maraana’y umaakit
Hanggang lotrina ay sumapit
Kay Inang Maria, walang sing-rikit.

Isang paslit, sa hardin nila,
Namitas daw siya –
May ngiti sa labing ipinrisinta
Sariwa’t makulay aniya
Bulaklak pala
Ng kalabasa
At ampalaya.
( Isang klasikong halimbawa
Ng inosenteng pagsinta. )

Sa kapilya, mga ina
Banal na rosaryo, inuusal
Dalangin ay kahalintulad
Ng talulot ng bulaklak
Na taglay ng bunsong anak.
Namumukadkad, humahalimuyak
Sama-sama, kanilang iaalay
Kay Birhen Maria,
Pinipintuho, minamahal.

“Itong bulaklak na alay
Ng aming pagsintang tunay
Palitan mo, O Birheng Mahal
Ng tuwa sa kalangitan”

Bahagi ng awiting dasal
Nakatimo, nakakintal
Sa puso ng bawa’t isang nag-aalay
Hanggang sa huling hibla ng buhay.

Sa mga nag-alay, bilang pa-“consuelo”
Tinapay at inuming may “hielo”
Magkaminsa’y ginatan at biko
Pinagsasaluhan, buong kasiyahan
Sa gumanap na “hermanang” tahanan.

Kinabukasan,
Mga bunso, muli, ay nariyan
Sa tabing-daan
Sila’y nag-aabang
Taglay, bulaklak na kapipitas lamang
Handog sa mahal na Inang.

Anaki’y pagtalima sa isang panata
Nasasalamin sa kanilang sonata –
“Araw-araw, kay Maria
Kami ay nagdarasal
Si Mariang aming Reyna
Ibig naming marangal.
Kanyang tulong, lagi-lagi
Ay aming hinihiling
Pupurihin naming tuwina
Maging araw at gabi.”

Pagsapit ng Mayo, ika-tatlumpo at isa,
Sa hapon, ganap na ika-lima
Nakatakda, Banal na Misa
Paringal na ubod dangal
Ukol kay Santa Maria
Kay Hosep na esposa,
At kay Hesus na Butihing Ina.

Sa patio, nagdaratingan
Mga dalagang nayon, pagkagaganda
Hatid ng musiko, animo ay reyna
Naka-baro’t saya, nakabiste
Nakapulbo, nakakolorete
Tampok sa prusisyon sa gabi

Mga sagala, nakahilera
Kinakatawan, mga banal at santa
Itinatanghal ang AVE MARIA.

Kasama ang“Divina Pastora”,
At si “Rosa Mistica”
Na kay rami ng dama
Sa huli’y ang “ultima reina”
Nakaputi at pinakamaganda
Mga bulaklak at orkidyas
Kilik-kilik, dala-dala.

Matapos ang prusisyon,
Pagbalik sa bisita
Bulaklak at kadalagahan
Iaalay kapwa kay Maria
Inang sa rilag, walang kapara.

Mga handog na talulot ng pagsinta,
Pamanhik, magsilbing suob nawa
Pasasalamat sa tinanggap na biyaya
Sa Diyos Amang Dakila.

Sa huli’y dalangin
“O, Inang Birhen
Lahat ng hibik ay ihain
Sa Poong Diyos na Ama namin
Huwag kaming siphayuin,
Bagkus, abang bayan ay ampunin,
Laging tangkilikin
Ngayon at magpakaylanman. Amen.”

“Ave Maria Purissima,
Sin pecado concevida.”

cttf
5/20/12

No comments:

Post a Comment