Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, June 29, 2012

KULTURA: Ang Gumagalaw na Sinag sa Ulo ni Apo Rita: Ang Himala ng Pangalawang Patron ng San Agustin, Hagonoy

     Hindi kakaiba sa mga taga-Hagonoy na bukod sa patron na pinipintakasi sa bawat barrio at nayon ay mayroong ikalawang santo o santa na pinaparangalan. At isa sa mga ito ay ang malalim na pamimintuho ng mga taga-San Agustin kay Sta. Rita de Cascia na isa ring banal mula sa Orden ni San Agustin — isang kapistahan na nag-ugat sa isang nakapamamanghang himala na pinaniniwalaan ng mga mamamayan ng baranggay at maging mga kalapit-barrio.
  
     Sa pag-uumpisa ng dekada 50, isang Nana Nena mula sa Brgy. San Agustin ang nakasaksi sa himalang ito ng santa. Siya ay isa sa mga tagapaglinis ng kapilya at kilala rin siyang manghihilot sa buong barangay. Nang isang umaga, pagkatapos niyang punasan ang mga alikabok ng mga imaheng nakaluklok sa kapilya at bago lisanin ang lugar yumukod siya sa harap ng retablo upang manalangin. Tumingin siya sa mga imahen at sa kanyang pagkamangha'y nakita niyang gumagalaw na animo’y inuuga ng hindi nakikitang kamay ang sinag sa ulo ng imahen ni Sta. Rita.

     Ang sinag, areola sa salitang Kastila, ay isang bilog na karaniwan ay yari sa ginto o pilak na nakibitin sa ulo ng isang imahen bilang liwanag nito o halo sa salitang Ingles. Ngunit kung titingnan noon ang nasa imahen ni Santa Rita, ito ay nakatusok sa bandang batok upang bigyan ng ilusyon na ito ay tila nakalutang mula sa likuran, at ang bigat nito ay kayang labanan ang mahinang pagnginig maging ang pag-ihip ng hangin.

     Tiningnan ni Nana Nena ang iba pang mga imahen pati na rin ang mga sinag nito ngunit bukod tanging ang kay Santa Rita lamang ang gumagalaw na nagbigay sa kanya ng magkahalong pagkamangha at pagkaba sa kanyang dibdib hanggang kanyang tinawag ang iba pang mga taong nasa labas upang saksihan ang pangyayari. Isang lalaki ang tumungo sa retablo at nang kanyang hawakan ang sinag ay dali-dali rin niyang tinanggal ang kanyang mga kamay sapagkat tila may kuryenteng dumaloy mula rito. Kumalat sa buong barangay ang pangyayari at maraming haka-haka ang lumabas tungkol sa dahilan ng walang tigil na paggalaw ng sinag sa imahen ng mapaghimalang santa—maaring dulot daw ito ng mga dumaraang bus ng La Mallorca o ng mga makina sa kiskisan ng bigas ng mga Viri at Tanjangco na malapit lamang sa bisita.

     Sa kagustuhang matuklasan ang tunay na sanhi ng nangyayari ay ipinasara muna sa trapiko ang kalsada at itinigil pansamantala ang pakiskisan ng bigas. Maging ang isang doktor mula sa kabayanan ay nagtungo sa kapilya dala ang kanyang stethoscope upang pakinggan ang loob ng de bultong imahen ni Santa Rita sa paniniwalang baka raw may kung anong bagay sa loob nito na nagpapayanig sa sinag ngunit wala itong narinig at sa kabila nito ay nagpatuloy pa rin ang paggalaw ng sinag.

     Lumipas ang ilang araw ng nasabing insidente, naisipan ng mga mananampalataya na baka isa raw itong pagpapahiwatig ng santa sapagkat tuwing kapistahan ni Apo Uting (San Agustin) tanging ang imahen lamang ni Santa Rita ang hindi nailalabas sa prusisyon sapagkat wala itong caroza. Kaya naman, nag-ambag ang mga taga-barrio at nakapagpundar ng isang karosang inialay sa santa. Mula noon, naisama na sa prusisyon ang imahen ni Santa Rita tuwing piyesta sa baranggay at tumigil na ang pagkilos ng sinag sa ulo ng imahen.

     Lumalim ang debosyon kay Sta. Rita at mula dito ay nagkaroon ng bukod na kapistahan sa nasabing barrio sa kanyang karangalan na ipinagdiriwang tuwing ika-22 ng Mayo alinsunod sa itinakdang kapistahan ng santa batay sa kalendaryo ng Simbahan. Mayroon itong nobenaryo at prusisyon sa araw ng kapistahan — isa sa umaga at isang masayang prusisyon sa gabi — sa pangunguna ng isang Hermana Mayor kung saan inilalabas ang imahen ni Sta. Rita.

     Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw at nananatiling isang palaisipan para sa lahat ang dahilan ng pinaniniwalaang himala ni Sta. Rita. Ngunit ang mas mahalaga rito ay ang pagkakaroon ng mga deboto ng isang pananampalatayang hatid ng pamimintuho at pagtulad sa buhay ng mga banal kagaya ni Sta. Rita na nakibahagi sa mga paghihirap ng Panginoong Hesus, na siyang maglalapit sa atin patungo sa Diyos.

     Sta. Rita de Cascia, Patrona ng imposible, ipanalangin mo kami.

Mga Larawan ng Bisita ni San Agustin
(Mula kay: Sem. Kendrick Ivan B. Panganiban)

Ang sanktuwaryo ng Bisita ni San Agustin sa San Agustin, Hagonoy kung saan makikita din ang iba pang mga patron at patrona ng barrio.
Ang nakaluklok na imahen ng Sta. Ana de Beaupre na kahawig ng imahen ng Ina ni Maria mula sa Quebec,
Kanada.
Ang sinaunang imahen ni San Agustin ng Hippo sa sanktuwaryo ng simbahan ni San Agustin.
Ang kaliwang bahagi ng simbahan ni San Agustin kung saan makikita ang patronang si Sta. Rita de Casicia (kaliwa), sinundan ni San Vicente Ferrer (gitna) at ng ina ni San Agustin na si Sta. Monica ng Hippo (kanan).
Ang imahen ni Sta. Rita de Cascia de Hagonoy na pinaniniwalaang naghimala dala ng
pangangailangan nito ng pagpaparangal mula sa mga minamahal na mga mananampalataya
ng San Agustin. Ipinagdiriwang at iprinuprusisyon ng mga taga-barrio ang imahen sa kanyang
kapistahan tuwing ika-22 ng Mayo.

No comments:

Post a Comment