Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, June 29, 2012

KULTURA: Sa Aming Nayon... May Natatanging Ina: Pistang Pasasalamat ng Sta. Monica 2012

































     Naging tradisyon na ng barrio ng Sta. Monica na magdaos ng pistang pasasalamat tuwing sasapit ang buwan ng Mayo bukod sa karaniwang pagdiriwang ng kapistahan nito tuwing ika-27 ng Agosto na siyang nakatakdang araw ng kapistahan niya sa kaledaryo ng Simbahang Katoliko. Ito’y karaniwan nang itinatakda sa unang Sabado, subalit sa mga hindi maiwasang pagkakataon at kadahilahan ito ay iniba at inilagay sa ikalawang araw ng Sabado ng Abril.

Ika–12 ng Mayo, 2012 naganap ang taunang pagdiriwang ng “Dakilang Kapistahan – Pasasalamat sa Karangalan ng Mahal na Patronang Santa Monica” sa buong barrio ng Sta. Monica Hagonoy, Bulacan bilang pasasalamat sa mga biyayang tinatanggap sa kanyang pamimintakasi kasama ang kanyang mahal na anak na si San Agustin, sa pangunguna ng Hermano at Hermana Mayor na sina G. at Gng. Lito at Isabel Escalona sa pakikipagtulungan ng Hermanidad de Sta. Monica kaagapay ang Sta. Monica Youth Council ang bumubuo ng “Pistahan 2012” na siyang Fiesta Committee ng nasabing pagdiriwang.

Ang kapistahan ay sinumulan sa pamamagitan ng pagbubukas ng siyam (9) na araw na nobenaryo at Banal na Misa noong ika-3 at sinundan ng On the Spot Drawing Contest sa mga kabataan na may edad 12 hanggang 16 na may temang nauukol kay Sta. Monica at sa mga ina. Ang ikalawang araw ay nagbigay kasiglahan sa mga taong-barrio sa pamamagitan ng larong basketball at isang konsyerto na pinangunahan ng Bulacan State University- Saring Himig Chorale na pinamagatang “Harana kay Apo Monic” na ginanap noong ika-5 ng Mayo, ang ikatlong araw ng Nobernaryo sa ganap na ika-7 ng gabi sa loob ng bisita ni Sta Monica, sa ika-apat na araw ay ginanap ang ”Gabi ng Talento” sa covered court ng Sta. Monica Elementary School. Sinundan din ito ng “Little Mr. and Ms. Monican 2012”, ang koronasyon ng mga munting mga bata ng barangay noong ika-8 ng Mayo. Nagsagawa rin ng proyekto ang mga komite ng kapistahan na “Unang Hakbang sa Kinabukasan Caravan” para sa mga bata na papasok sa mga paaralan noong ika-9 ng Mayo pagkatapos ng Banal na Misa sa ika-7 araw ng Nobenaryo ng Kapistahan. Ginanap naman noong ika-10 ang Gabi ng Talento para sa mga kandidato at kandidata ng “Hari at Reyna ng Hagonoy 2012” para sa mga may angking kakisigan at kagandahan na mga binata at kadalagahan. Kinabukasan, ika-11 ng Mayo, Bisperas ng Pista na pinangunahan ng Banal na Misa sa ganap na ika-7 ng umaga at maringal na prusisyon sa karangalan ni San Agustin kasama ang mga kabataan ng Young Monican Organization (YMO) kasabay ang “Sayaw, Hataw sa Kalye – Indak Kalye” na nagsimula sa Purok 9 ng barangay patungo sa harap ng bisita ng Sta Monica na siyang nagbigay kasiglahan ng araw na iyon, nang ika-4 naman ng hapon ay dinaos ang Bisperas Mayores sa pangunguna ng Hermana Mayor kasama ang kanyang anak sa pagsundo sa antigong imahe ni Sta Monica sa tahanan ng pamilya Borlongan na siyang nangangalaga sa nasabing imahen patungo sa bisita at sinundan ito ng Banal na Misa, isa maringal na Prusisyon sana ang isasagawa sa Karangalan nina Sta Monica at San Agustin, ngunit sa hindi maiwasang kalagayan ng panahon ito’y pinagpaliban.

Sumapit ang araw ng kapistahan, araw ng Sabado maaga pa lang mararamdam sa buong kapaligiran ang sigla at kasiyahan sa tunog ng kampana ng bisita, sa mga sunod-sunod na sagitsit ng putok ng mga kwitis at sa mga banda ng musiko na walang patid ang pagpapasyo. Maririnig din ang sinasagawang tuloy-tuloy na pagdiriwang ng Banal na Misa sa pamamagitan ng trompa sa pangunguna ng mga kaparian ng parokya. Dumating ang sandali ang pagdiriwang ng “Misa Konselebranda” sa ganap na ika-9 ng umaga sa pangunguna ng mga paring taga-Sta Monica na sina Rdo. Msgr. Ranilo Santos Trilliana, Rdo. P. Anacleto Clemente Ignacio, Rdo. P. Vicente Amado Bernardo Manlapig at Rdo. P. Eisen John Cruz kasama ang Bikaryo ng Parokya ni Sta Ana na si Rdo. P. Gino Carlo Herrera. Kasama rin na naging kaagapay sa nasabing pagdiriwang ang ating kapatid na seminarista na taga-Hagonoy na si Kendrick Ivan Panganiban ng Immaculate Concepcion Major Seminary, Guiguinto, Bulakan at ang mga seminaristang nadestino sa parokya noong bakasyon.

Sinundan kaagad ang Banal na Misa ng isang maringal na prusisyon sa pamumuno ng Sub-Parish Pastoral Council ng Brgy. Sta. Monica na siyang nag- ayos at gumabay para sa daloy ng prusisyon. Kasama ng Hermano at Hermana Mayor ang mga ilan sa Kapitan at Kapitana na lumakad sa prusisyon kahit na ang ilan sa mga dadaanan ay may tubig sanhi ng high tide na karaniwan sa mga taga-Hagonoy kasabay din ang iba’t-ibang Imahen ni Sta. Monica na pagmamay-ari ng ilan sa ating mga kabarangay dito sa Sta Monica tulad ni G. Everson Villanueva at G. Emerson Bundoc.

Isa rin sa pinakalundo ng kapistahan ay ang pagpili ng isang “Natatanging Ina” ng barangay bilang paggunita sa Kadakilaan ng pagiging Ina ni Sta. Monica sa kanyang anak na si San Agustin. Ginawad din sa programang ito ang mga nagsipagwagi sa On the Spot Drawing Contest at pagandahan ng gayak kasabay ang “Gabi ng Koronasyon sa Hari at Reyna ng Hagonoy 2012” ng ika-9 ng gabi kasama ang buong kasapi ng Sta. Monica Youth Council sa pangunguna nina G. Toti de Guzman at G. Resty Egrubay at mga kasapi na maluwalhating naidaos ang araw ng kapistahan.

Naging magarbo o maluho man ang naging pagdiriwang ng kapistahan subalit ang kasiyahan na naidulot nito sa karamihan ay hindi masusuklian ang anu man bagay. Salamat sa mga taong patuloy na nagtataguyod sa mga ganitong okasyon, sa pagbubuhos ng kanilang pagod, pag-iisip, talento, dugo at pawis maging matagumpay lamang ang Pagdiriwang ng Kapistahan-Pasasalamat kay Apo Monic. Kina G. at Gng. Lito at Isabel Escalona sa kanilang walang sawang suporta sa pagdiriwang na ito, kasama ang buong pamunuan ng Hermanidad de Sta Monica sa pangunguna ni G. Aurelio Villanuva at Sta Monica Youth Council kasama rin ang SPPC sa pamumuno ni G. Jovencio Clemente at YMO naging makauluhan ang pagdiriwang na ito. Ngunit huwag sana iwaglit sa ating mga isipan na ang tunay na diwa ng Kapistahang ito ay nasa ating pananampalataya Panginoon na Siyang pinagmumulan ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng pagdedeosyon natin kay Sta. Monica at San Agustin na ating matuluran ang kanilang buhay kabanalan sa ating pang araw araw na pamumuhay. VIVA STA. MONICA!!!

Mga Larawan ng Pagdiriwang
(Mula kina: Joseph L. Eligio at Virgilio Bautista)

Ang konsyerto na pinamagatang "Harana kay Apo Monic" na handog ng Saring-Himig Chorale ng Bulacan State University sa pagdiriwang ng nobenaryo para sa Pistang Pasasalamat ng barrio Sta. Monica.


Ang sayawan at pagtugtog na siyang ginanap sa umaga ng pagdiriwang ng kapistahan ng Pistang Pasasalamat ni Sta. Monica noong ika-12 ng Mayo.
Ang kapilya ni Sta. Monica ng Hippo na dinumog ng mga mananampalataya sa kanilang pasasalamat para sa pagdiriwang ng barrio.
Ang Misa Mayor sa kapilya ng barrio ng Sta. Monica na pinangunahan ng mga paring-anak ng Sta. Monica: si Rdo. Msgr. Ranilo Santos Trillana, Rdo. P. Vicente Amado Bernardo Manlapig, Rdo. P. Anacleto Clemente Ignacio at Rdo. P. Eisen John Cruz. Dumating din sa pagdiriwang si Rdo. P. Gino Carlo B. Herrera, katuwang na pari ng parokya. Naglingkod din noon si Sem. Kendrick Ivan B. Panganiban, anak-Sta. Monica at tagapangasiwa ng pahayagang ito. 
Ang MMDA Band na nanguna sa kasiyahang dinala ng mga mananampalataya habang sumasayaw sa mga daanan sa barrio ng Sta. Monica noong kapistahan.
Ang bisita ng Sta. Monica sa huling misa para sa araw ng kapistahan na pinangunahan ni Rdo. P. Rodrigo S. Samson, bisitang pari sa parokya.

Ang imahen ni Sta. Monica de Hippo Festejada na ginayakan para sa huling prusisyon ng santa sa barrio para sa araw ng kapistahan.
Ang ginanap na gabi ng koronasyon ng "Hari at Reyna ng Hagonoy 2012" na naganap matapos ang pagdiriwang ng misa at pruisisyon sa gabi. Dito din sa pagdiriwang na ito pinili ang mga nanalo sa "On the Spot Drawing Contest" at sa paggawad sa "Gawad Natatanging Ina."

No comments:

Post a Comment