Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, June 29, 2012

TRIBUTE: RDO. P. GARRY MEDINA CLEMENTE: Anak ng Iba, Hagonoy











     

     Sadyang nakatutuwa na matapos ang isang taon, nagkaroon muli ng isang paring anak-Hagonoy na naordenahan upang maging pari. Huling inordenahan ang kanyang kaklaseng anak-Hagonoy din na si Rdo. P. Edward Cruz Pecson noong 2011. At ngayon siya naman ang nahirang para sa pagpapataong ng mga kamay ng obispo. Siya si Rdo. P. Garry Medina Clemente, isang lingkod ng Simbahan na siyang bagong miyembro ng kaparian ng ating diyosesis, ang Diyosesis ng Malolos.


     Ipinanganak siya noong ika-4 ng Nobyembre, 1976 sa Kalumpit, Bulakan kay Antonio de Leon Clemente, Jr. ng Iba Oeste, Kalumpit at ni Anatolia Fajardo Medina ng San Juan, Hagonoy. Bagamat tumira ang kanilang pamilya sa Kalumpit, di kalayuan lamang ang Parokya ni San Antonio de Padua sa Iba, Hagonoy. Dito nagsisimba at nagdadasal ang pamilya at dito rin lumaki si P. Garry sa tulong ng paghubog ng kanyang ama at ina.

     Ngunit hindi kaagad tumugon si P. Garry sa tawag ng pagpapari, bagkus tumungo muna siya sa ibang landas ng buhay. Mula sa kanilang lugar, nag-aral siya sa Wesleyan University Philippines sa Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Viscaya. Dito siya nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Nursing noong taong 1998. Sa pagsunod sa kanyang naging propesyon, kumuha siya ng board examinations at kanya itong naipasa. Kaya naman, naging isa siyang ganap na Registered Nurse (RN).

    Hindi kalaunan, dito naramdaman ni P. Garry ang pangangailangan na maglilingkod sa Simbahan. Dito pumasok sa kanyang kalooban na sumagot sa tawag ni Kristo upang magpari. Pumasok siya bilang sa Immaculate Conception Major Seminary sa Guiguinto, Bulakan. Tinapos niya ang 2-year ecclesiastical requirement for philosophical studies hanggang makarating siya sa teolohiya. Habang nag-aaral, ginamit din niya ang kanyang mga abilidad bilang isang maalam sa medisina para sa pamayanan ng seminaryo. Nakatapos siya kasama ng kanyang mga kaklase noong 2010. Ngunit nagpahinga lang muna siya sumandali kaya naunang maordenahan ang kanyang mga kaklase.

     Ngunit matapos ang ilang panahon, napagdesisyunan na niyang sumunod sa yapak ng Panginoon. Inordenahan siya bilang diakono noong ika-28 ng Nobyembre, 2011 sa kapilya ng Teolohiya sa seminaryo. Sa kanyang ministeryo bilang diakono nagpursigi siya upang ipahayag ang Mabuting Balita ng Panginoon, lalo na sa pagdiriwang ng Dakilang Jubileo ng Diyosesis ng Malolos na kasalukuyang ipinagdiriwang. Sa loob ng taong ito, naordenahan si P. Garry bilang ganap na pari kasama ang limang diakono sa Katedral ng Malolos noong ika-7 ng Mayo. Ani nga ni Obispo Jose F. Oliveros, D.D., Obispo ng Malolos na nagordena sa kanya, dahil sa ganda ng taong ipinagdiriwang, natatangi si P. Garry sapagkat matatawag siyang “Jubilee Priest.”

     At sa pagkakaordena sa kanya, minarapat ni P. Garry na bumalik sa parokyang kanyang minahal, sa Parokya ni San Antonio de Padua para sa kanyang unang misa o Prima Misa Solemne noong ika-12 ng Mayo. Sa unang misa niyang ito, sumama sa pagdiriwang ang ilan sa kanyang naging mga tagahubog at kaklase. Kasama noon si P. Edward na kanyang kaklase at sina P. Napoleon Baltazar at P. Daniel P. Sevilla na kanyang naabutan sa seminaryo. Nandoon rin naman si P. Carlos Cruz na kanyang naging tagahubog sa seminaryo. Ang kanyang naging Kura Paroko na lubos na nagsuporta sa kanya, si P. Prospero V. Tenorio ang isang mahalagang nagdiwang kasama ni P. Garry. At ang naging predicador o mangangaral para sa misang iyon ay ang rektor ng seminaryo na naging kanyang ama sa matagal na panahon, si Rdo. Msgr. Andres S. Valera, H.P na isa ring anak-Hagonoy.

     Sa pagkakataong ito, lubos ang pasasalamat ni P. Garry sa biyaya na kanyang nakuha at lubos din ang pasasalamat ng parokya ng Iba, Hagonoy sapagkat nagkaroon muli silang ng isang anak na pari.


Mga Larawan ng Pagdiriwang 
(Prima Misa Solemne - Ika-12 ng Mayo, 2012)
Mga Larawan mula kay: Ms. Maria Christina S.D. Ramos - National Shrine of Our Lady of Fatima)



Ang tanda ng pagbati ng mga parokyano ni San Antonio de Padua sa Iba, Hagonoy sa arko ng patio ng parokya. Kapansin-pansin ang pagyakap sa litrato ng anak ng Iba at ng Kura Paroko na si Rdo. P. Prospero V. Tenorio.




Dumalo sa pagdiriwang ng unang misa ni P. Clemente ang kanyang kaklase na si Rdo. P. Edward C. Pecson (anak-Hagonoy) kasama sina Rdo. P. Daniel P. Sevilla, Rdo. P. Naploeon Baltazar, Rdo. P. Carlos D. Cruz, ang kanyang Kura Paroko na si Rdo. P. Prospero V. Tenorio at ang Bikaryo Heneral na si Rdo. Msgr. Andres S. Valera (anak-Hagonoy).
Si Rdo. Msgr. Andres S. Valera, H.P. (anak-Hagonoy), ang Bikaryo Heneral ng diyosesis at Rektor ng Seminaryo Mayor ng Inmaculada Concepcion ang naging predicador sa pagdiriwang.


Si P. Garry kasama ang mga sumama sa naganap na pagdiriwang ng kanyang Misa Pasasalamat.

No comments:

Post a Comment