Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, June 29, 2012

MENSAHE MULA SA PATNUGOT/MESSAGE FROM THE EDITOR: Sem. Kendrick Ivan B. Panganiban

Ika-29 ng Hunyo, 2012
Dakilang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo,
Mga Apostol ng Panginoong Jesukristo

Abril, Mayo, Hunyo: mga buwan na kung kailan marami ang ipinagdiriwang sa bayan ng Hagonoy. Tuwing Abril kadalasan ganapin ang pinakamahalagang panahon sa kalendaryo ng Simbahang Katoliko: ang Triduo ng Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Kristo na mas maiintindihan natin sa mga salitang "Semana Santa" o "Holy Week." Tuwing Mayo naman ipinagdiriwang ang iba't ibang kapistahan ng mga barrio dala ng pagiging sapat ng panahon para sa pagpupunyagi. Noon din ginaganap ang "Flores de Maria" o "Flores de Mayo", na siyang pag-aalay sa Birheng Maria bilang tunay na halimbawa ng ating pananampalataya. At tuwing Hunyo naman ipinagdiriwang ang ilan pang kapistahan bago ang pangunahing pasasalamat ng bayan tuwing Hulyo na tinatawag na "Buwan ni Apo Ana." Ito ang dahilan kung kaya't napakaraming laman ng bahagi ng Kultura/Culture sa sangkapat na ito ng ating pahayagan. Magiging mas makulay ang pagpapakita ng mga pagdiriwang na ito dahil sa bagong Portfolio/Koleksyon ng mga Larawan kung saan itinatampok ang mga prusisyon sa bawat parokya ng bikarya - isang pagtingin sa patuloy na gumagandang pag-alala sa mga dinanas ni Kristo hanggang sa muling pagkabuhay.

Bukod dito mayroon ding mga natatanging kinikilala para sa bagong issue na ito. Una ay ukol sa isang obispo at pangalawa ay tungkol sa dalawang pari. Dahil sa kanyang natatanging kalagayan sa edad na 93, ipinagmamalaki ng pahayagan na makasama at magawan ng tampok na artikulo ang obispong anak-Hagonoy na si Lubhang Kgg. Pedro Natividad Bantigue, D.D. Tanda ng kakanyagan ng kapariang anak-Hagonoy si Obispo Bantigue sa pagbunga ng mga banal at mahusay na mga lingkod ng Diyos. Gayundin naman, pinatutunayan rin ito ng bagong ordenang pari na anak-Iba, Hagonoy, si Rdo. P. Gary Medina Clemente. Si P. Clemente ay kinilala sa pagkakataong ito dahil siya na ang isa sa halos 110 na miyembro ng Kapatiran ng Kapariang Taga-Hagonoy. Siya ay tunay na ipagmamalaki ng Parokya ni San Antonio de Padua ng Iba kung saan siya lumaki. Sa orden naman ng mga Dominikano, isang mabuting paring anak-Hagonoy ang hinirang upang maging ika-96 na Rektor ng Pamantasan ng Sto. Tomas, si Rdo. P. Herminio Victoria Dagohoy, O.P. Isa ngang pagpapala mula sa Panginoon ang paglaganap ng bokasyon sa pagpapari sa ating lugar.

At sa huli ipinapakita din sa bahaging ito ang Opinyon/Opinion na kung saan ibinubukas ang pagtatalakay para mas yumabong ang kaalaman ng mga mananampalataya. Minarapat na talakayin dito ang ukol sa paghahambing sa mga pagdiriwang Flores de Mayo sa Santa Cruzan at ukol din sa mga pangangailangan ng Simbahan mula sa kaparian, lalo na ng mga anak-Hagonoy.

Kaya naman sa paglalabas ng mga bago at makasaysayang mga nilalaman ng issue ngayong ikalawang quarter, muli nating tignan, basahin at tangkilikin: Catholic Hagonoeño: Looking into the Catholic Heritage of Hagonoy, Bulacan, Philippines!

Sem. Kendrick Ivan B. Panganiban
Administrator and Editor-in-Chief

No comments:

Post a Comment