Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, June 29, 2012

KULTURA: Ang Ika-105 Taong Kapistahan ni San Pascual Baylon

     
  Ang ika-17 ng Mayo ang pinakapinanabikang petsa sa kalendaryo ng mga taga- nayon ng Dita na ngayon ay San Pascual. Dita ang dating pangalan ng pook sa dulong bahagi ng matandang nayon ng Sto. Rosario na dulo rin ng Hagonoy, sapagkat matatagpuan dito ang maraming halamang mapait na kung tawagi`y Dita. ang pook na ito ay isang masukal at tunay na malayo sa kabayanan, sinasabi sa isang librong sinulat ng yumaong Msgr. Aguinaldo na tubo sa lugar na ito, na ang halos kabuuan ng lupain ng dita ay pagaari noon ng mga Trillana sa Mercado at binili ni Padre Mariano Sevilla na siya namang nagbenta sa mga sinaunang nanirahan sa lugar na iyon, sinasabing noong taong 1907 ay nagdala ang kura ng Sta. Ana na noon ay si Padre Mariano Sevilla ng isang maliit na imahen ni San Pascual Baylon at iniutos na maging siyang patron ng bagong nayon, kaya't kaagad agad ay nagpagawa ng isang bisitang dampa ang mga taga rito at itinampok nila ang Imahen ni San Pascual na ibinigay ng Kura, dinagdag rin ng mga taga rito ang isang maliit na imahen ni Santa Clara at ng Mahal na Birhen ng Lourdes upang maging pintakasi rin ng bagong nayon.


     Ngayong taong ito ang nayon ay nagdiwang ng kanilang ika- 105 pagdiriwang ng Kapistahan ni San Pascual Bailon, ang nayon na noon ay masukal at kakaunti ang bahay ay isa nang maunlad at siksik sa populasyong baryo sa hagonoy. may bagong marangyang bisita na ngayon ay kasalukuyang ipinapagawa sa pagsisikap ng mga tubong taga rito. ang pagdiriwang ay sinisimulan sa siyam na gabing paghahanda o nobenaryo noong ika 8 hanggang ika-16 ng Mayo. ang buong kalsada ay napapalamutian na ng mga langit-langitang banderitas, ang musiko ay maya't maya sa pagpapasyo, nobena at Banal na Misa sa ika-6 ng gabi na dinudumog ng mga debotong taga baryo, pagkatapos ng misa ay muling magpapasiklab ang musiko at may sayawan sa patio bilang parangal sa patron ng pagsasayaw na si San Pascual, iyan ang matutungyahan sa siyam na gabing parangal. noong ika-16 ng Mayo, vesperas ng pista walang humpay ang musiko sa pagtugtog, gayon rin ang mga tao sa pagsayaw. ang iba'y uuwi muna at magbabalik ang lahat ng mga taga bario sa patio pasapit ng 11:30 ng gabi kung saan gagawain ang asalto o pagsalubong sa kapistahan. ang lahat ay aabangan ang madamdaming paglabas ng imahen ni San Pascual mula sa visita, ang hiyawan ng mga tao na sama samang sumisigaw ng papuri at awit sa kanilang pinakamamahal na patron at paglabas nito'y magsasayawan ang lahat ng walang patid habang pinapanuod ang mga magagandang pailaw na handog ng Hermano Mayor.

     Kinabukasan ika-17 ng Mayo, alas 6 pa lamang ng umaga`y walang patid na ang ingay na hatid ng musiko gayon rin ang pagdupikal ng kampana at sagitsit ng mga kwwitis. sa ganap na ika 9 ay gaganapin ang pinakatampok na pagdriwang ang Misa Mayor, at pagkatapos ay gaganapin ang isang marangyang Prusisyon na katatampukan ng mga matatandang patron ng barrio, ang Nuestra Señora de Salambao na siyang patron ng pangisngisda na siyang hanapbuhay ng halos lahat ng taga rito, ang Mahal na Birhen ng Lourdes na siyang Virgen Patrona ng Barrio, si Santa Clara at ang makisig na imahen ni San Pascual Baylon. marahil ang Pista ni San Pascual ay isa na sa pinakamarangyang pagdiriwang sa ating bayan, mayaman o Mahirap ganyang kamahal ng mga rito sa nayon ang kanilang APO PASCUAL.

Mabuhay ang ika 105 Pagdiriwang ng Kapistahan ni San Pascual Baylon sa Nayon ng Dita!
Viva San Pascual Baylon!
Viva Virgen del Santissimo Rosario de Hagonoy!
Viva Santa Ana de Hagonoy!

Mga Larawan ng Pagdiriwang
(Mula kina: El Gideon G. Raymundo at John Andrew C. Libao)







No comments:

Post a Comment