Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, January 03, 2015

NATATANGING KAPUTOL: Dalaw Patron: Gawaing Pandebosyon ng mga Tagapaglingkod sa Dambana sa paggunita kay San Tarcisio


Debosyon ipinaiiral sa kabataan,
upang maging kasing-banal at kasing-husay.
Si San Tarcisio, patron ng mga tagapaglingkod
sa dambana, ipinapakilala sa tanan.



Si San Tarcisio sa Tahanan ng mga Sakristan

  Sa Pambansang Dambana at Parokya ni Santa Ana sa Hagonoy, Bulacan, unti-unting umuusbong ang debosyon kay San Tarcisio. Si San Tarcisio ang patron ng mga Tagapaglingkod sa Dambana kaya iminungkahi ni Rdo. P. Gino Carlo Herrera, ang dating makadiwang patnugot ng mga sakristan sa Parokya ni Santa Ana, na magkaroon ng imahe nito ang mga sacristan na magiging pintakasi ng lahat ng tagapaglingkod sa dambana sa parokya. Noong ika-29 ng Marso 2014, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng bawat sakristan ng maliit na halaga, ay naisakatuparan ang pagkakaroon ng imahe ni San Tarcisio sa parokya. Minarapat na ito ay maipagawa sa lalong medaling panahon upang lalong magbigay ng mas malalim na kahulugan sa isinagawang Pagtatalaga sa mga Bagong Tagapaglingkod sa Dambana noong ika-30 ng Marso, 2014.

   Sa loob ng misa ng pagtatalaga sa mga bagong tagapaglingkod na pinangunahan ni Rdo. P. John Michael Dela Cruz, na noo’y makadiwang patnugot ng ministeryo, ay saksi ang imahe ni San Tarcisio sa makasaysayang araw para sa mga bagong sakristan. Matapos ang pagtatalaga sa mga bagong Sakristan ay sinimulan na ang pagdalaw ng imahen ni San Tarcisio sa bawat tahanan ng sakristan. Layunin ng gawaing ito na mailapit sa bawat puso ng sakristan si San Tarcisio at upang maging huwaran nila siya sa kanilang paglilingkod sa altar at pagmamahal sa Eukaristiya. Mula Abril hanggang Disyembre, mahigit 30 tahanan na kaagad ang nadalaw ni San Tarcisio. Ang pananatili sa mga tahanan sa loob ng dalawang nasabing buwan ay tumatagal lamang ng 3-4 na araw, sapagkat ang mga sakristan na unang dinalaw ni San Tarcisio ay ang mga papasok sa kolehiyo sa buwan ng Hunyo. Ito ay upang maging inspirasyon at gabay din sa kanilang bagong landas na tatahakin si San Tarcisio.

Mga tagapaglingkod sa dambana ng Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana.

Sa pagpruprusisyon at pagdadala kay San Tarcisio sa mga bahay ng mga tagapaglingkod sa dambana.
   Hindi naging madali ang paghahatid ng imahe si San Tarcisio sa bawat tahanan dahil sa pagitan ng barangay na pinaghahatiran. Halos naikot na naming ang buong Hagonoy sa pagdadala ng imahen ni San Tarcisio maging ang Malolos ay amin na ring narrating. Sa aming paghahatid kay San Tarcisio may mga pagkakataong kinakailangan naming maglakad ng mahaba at malayo sa ilalim ng nakakapasong sikat ng araw, manulay sa pilapil, lumusong sa baha, mangilid sa ginagawang kalsada lumakad sa putik, sumakay sa Bangka, mag-ingat sa aso, mabasa ng ulan at marami pang iba. Ngunit ang mga hirap na ito ay aming nababalewala at napapawi sa tuwing nakikita naming ang ngiti at kagalakan na sumasalubong sa amin bawat tahanang aming pinagdadalhan.

Pagdala sa imahen ni San Tarcisio sa isang bahay sa may kailugan ng Hagonoy patungo sa tahanan ni Christine Joy Elenias.
Pananalangin ng mga tagapaglingkod ng dambana kay San Tarcisio sa isa sa mga bahay na tinuluyan ng imahen.
   Ilan sa mga pahayag ng mga Sakristan na dinalaw ni San Tarcisio ang mga sumusunod:


“Noong ika-20 hanggang 23 ng Mayo 2014 si San Tarcisio ay dumalaw sa aming tahanan. Noong mga time nay un bago pa dumating si San Tarcisio sa amin,. Alam kong may problema ako, mabigat ang pakiramdam ko. Nagdasal ako nang nagdasal at nakadama ako ng kapanatagan at kagalakan sa aking puso. Natupad din yung hinihiling ko. Kahit hindi naman talaga nabigay yung talagang hinihiling ko pero natupad pa rin ito. Basta Masaya ako noon. Kaya nagpapasalamat talaga ako at Masaya ako kasi dumalaw Siya (San Tarcisio) samin! At nadalaw na din sa aming tahanan ang mga kapwa sa Sakristan.”


Bilang isang Tagapaglingkod sa Dambana, isang karangalan ang makasama si San Tarcisio sa aming tahanan. Sa pagkakataong ito, hindi lamang sa Sanktuwaryo ng Simbahan ko siya napagmasdan, kundi sa kanyang naging Altar sa aming tahanan. Tulad ng pagiging malapit ng kanyang imahen sa akin, gayundin naman ang pagiging malapit ng kanyang buhay sa aking buhay. Sa ilang araw niyang pamamalagi, isang pagninilay ang aking naisagawa: Si San Tarcisio, bagama’t siya ay nasa murang edad, ay nagawang ialay ang kanyang buhay para kay Kristo; samantalang ako, bilang isang Tagapaglingkod sa Dambana, ano nga ba ang iniaalay ko kay Kristo? Ito ang naging paulit-ulit na tanong sa aking isipan. Sa pamamagitan nito, naging mas maalab ang aking paglilingkod. Naging malaking hamon ito sa akin upang maging mas tapat sa sinumpaang paglilingkod. Salamat, San Tarcisio, sapagkat sa ilang taon ng aking paglilingkod, ay hindi mo hinahayaang mamanglaw ang aking pananampalataya.” 


"Lubos ang kasiyahang nadama ko at ng aking pamilya nang malaman naming bibisita sa aming tahanan si San Tarcisio. Bilang paghahanda ay inayos at nilinis ko ang aming tahanan para sa kanyang pagdating. Nakakatuwa dahil nakita siya ng aking mga nakababatang kapatid at sila ang kasama ko sa pagdarasal araw-araw. Nagsilbing gabay si San Tarcisio sa aming tahanan sa mga araw ng pananatili niya sa amin. Naging madasalin ang aking mga kapatid at lalong umigting ang aking hangaring makapaglingkod bilang isang altar server."


   Ang mga pahayag ng mga sakristang dinalawan ay tunay na nakamamangha. Sa iba't ibang paraan, may mga bagay na naganap sa buhay nila sa pagdating sa kanila ni San Tarcisio. Sa pamamagitan ni San Tarcisio at sa kanyang pagdalawa sa bawat tahanan ng sakristan, hindi lamang ang sakristan ang napapalapit sa kanya gayundin ang mga sakristan sa isa't isa. Nagkakaroon din ng lalong magaang samahan o “bonding” sa mga kabataan sa sama-samang paghahatid kay San Tarcisio. Masayang kwentuha, bahaginan ang talakayan ang nagiging dulot ng pagsasama-samang ito. Nawawala nito ang pagka-ilang ng mga kabataang ito sa kapwa nila sakristan at lalong tumitibay ang kanilang pagkakaibigan.

 Si San Tarcisio at ang kanyang Kapistahan


Isang larawan ng pagiging patron ni San Tarcisio ng mga sakristan na naging halimbawa ng kabanalan para sa mga tagapaglingkod sa dambana.
   Ang paggunita kay San Tarcisio ay tuwing ika-15 ng Agosto, kaalinsabay ng Dakilang Kapistahan ng Mahal na Ina na iniakyat sa langit. Kaya naman, mula noong ika-12 hanggang ika-14 ng buwan na iyon, ipinaghanda ang Triduo sa karangalan ng santo. Noong gabi ng ika-14 ng Agosto, nagkaroon ng pananalangin sa harap ng Santissimo Sacramento sa pangunguna ni Rdo. P. Menald d.L. Leonardo, kasalukuyang Katuwang na Pari ng parokya. Ang gawaing ito ay kaugnay ng marbudob na pagpapahalaga ni San Tarcisio sa Banala na Eukaristiya na dapat tularan ng mga sakristan.

   Sa araw ng kapistahan ay nagkaroon ng prusisyon sa umaga ang mga sakristan mula sa Bisita ni San Sebastian (San Sebastian, Hagonoy) patungong Simbahan. Dumalo ang lahat ng sakristan sa pagdiriwang para rin naman sa Dakilang Kapistahan ni Maria na iniakyat sa langit. Sa pagkakataong ito, muling ipinamalas ng mga kabataang lingkod na ito ang kanilang husay sa pag-awit sa pamamagitan ng Koro Auxiliar - ang dating koro na binubuo ng mga sakristan.

   Matapos ang Banal na Misa, nagkaroon ng pribadong pagtitipon ang mga sakristan sa quadrangle ng St. Anne's Catholic School (SACS), Elementary Department. Dito nagkaroon ng kasiyahan sa pangunguna ng mga batang sakristan. Isinunod din naman ang pag-uusap na magkaroon ng sports fest ang mga kabataan na labis naman nilang ikinatuwa. Nagkaroon din ng salu-salo sa tanghali hanggang hapon na winikasan ng sama-samang pananalangin at pag-awit ng Panalangin sa pagiging Bukas-palad.

   Sa pamamagitan ng mga panalangin ni San Tarcisio, lagi nawang patnubayan ng Panginoon ang mga Tagapaglingkod sa Dambana sa Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana, lalo pa sanang dumami ang mga nagnanais maglingkod sa Kanya at nawa maging daan ang kanyang naging halimbawa para sa mga nais na maging pari o madre balang araw.



Photo Courtesy: Arvin Kim M. Lopez (Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana)

No comments:

Post a Comment