Para sa ikadadakila ng Panginoon,
isang atas ang tinaggap at ginampanan.
Pagtataguyod sa kapistahan ng parokya,
naging misyon ng mga Adorador.
Pagtataguyod sa kapistahan ng parokya,
naging misyon ng mga Adorador.
G. Robin R. Coronel
Ingat-Yaman, Adoracion Nocturna Filipina: Turno 101
Hindi
pa katagalan akong kasapi ng Turno 101 ng Adoracion
Nocturna Filipina (ANF)
sa
Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana, ito na ay naging isang
napakagandang karanasan para sa akin dahil sa maigting na pagsuyo at
pamimintuho ng mga kasapi nito sa Kabana-banalang Katawan at Dugo ni
Kristo sa Banal na Eukaristiya. Naging isang napakamainam na
pagkakataon dito sa ANF na magkaroon ng bihilya tuwing gabi at
nakatutok ka sa pagninilay sa Panginoong Jesukrusto na nasa
Santissimo Sacramento at nakaluklok sa Simbahan.
Ang pamunuan ng Adoracion Nocturna Filipina na naging Hermanos Mayores para sa Kapistahan ni Apo Ana 2014. |
Isang sinimulang tradisyon ang naganap sa pamamagitan ng paghahalik at paghawak sa orihinal na imahen ni Sta. Ana de Hagonoy. |
Ang pag-aandas kay Apo Ana at pagsasayaw sa kanyang imahen sa pagdaring ng prusisyon sa patio ng simbahan. |
At
sa isang pagkakataon sa kasaysayan ng samahang ito, ilang buwan
lamang ang nakalilipas, napag-usapan at nakabuo ng kasunduan ang Kura
Paroko at Rektor ng Dambana, Rdo. Msgr. Luciano C. Balagtas, P.C. at
ang Parish Pastoral Council sa pangunguna din ni G. Jose U. Santos
bilang Ka-Pangulo at siyang Jefe de Turno sa aming samahan. Isang
buwanan nilang pagpupulong na sa pagdiriwang ng kapistahan ni Sta.
Ana (at San Joaquin) sa taong 2014, ang samahang pansimbahan na ito,
ang ANF ang gaganap bilang Hermanos Mayores para sa Pistang Bayan na
siyang ginaganap tuwing ika-26 ng Hulyo. Bukod dito, ang iba pang mga
samahang pansimbahan din sa parokyaang bibigyan ng pagkakataon na
maging Hermanos Mayores para sa pista ni Apo Ana sa mga sumusunod
pang taon.
Ang
gawaing ito ay taliwas sa nakaugalian na sa mga nakalipas na mga
panahon kung saan mga nakaririwasang deboto na nais magtaguyod sa
kapistahan ang gaganap sa nasabing tungkulin. Malaking karangalan ang
mapiling gumusar sa piling araw na yaon, napakalaki rin namang
responsibilidad ang naatang sa balikat ng samahan, sa ngalan ng
kakayanang pinansiyal, lalo na.
Isa pang sinimulang tradisyon: ang pagpruprusisyon sa orihinal na imahen ni Sta. Ana de Hagonoy sa gabi ng kapistahan. |
Ngunit
tulad ng walis tinting, bigkis-bigkis na kumilos at nagbigay sa abot
ng makakayanan ang mga miyembro ng ANF para makatugon sa hamon ng
tungkulin. Ito naman ay isang tanda ng “bayanihan” na nabubuo sa
pagtutulungan ng mga kasapi. Anupa’t napagtagumpayan ng samahan ang
lahat ng inaasahang maging sagwil sa pagdaraos ng kapistahan ni Lola
Ana. (Lahat naman ng natira sa kaperahang nailak ay isinumite ng
samahan sa Kura Paroko, para itaan sa mga gawaing pamparoko.)
Sa
huli, naging napakasaya ng pagdiriwang – mga paring taga-Hagonoy at
itinuring na taga-Hagonoy ay nagsi-uwi at nakigalak. Tubig man ng
dagat ay umahon sa kabayanan, hindi inalintana ng nangagsisunod,
umilaw at umindak sa prusisyon.
“IPAGDANGAL
SI STA. ANA!!!”
“SAMBAHIN
SI HESUKRISTONG APO NIYA, MAGPAKAILANMAN!!!”
Photo Courtesy: John Andrew C. Libao (Pambansang Dambana ni Sta. Ana)
No comments:
Post a Comment