Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)
Showing posts with label Adoracion Nocturna Filipina: Turno 101. Show all posts
Showing posts with label Adoracion Nocturna Filipina: Turno 101. Show all posts

Saturday, January 03, 2015

SAMAHANG KINIKILALA: Adoracion Nocturna Filipina: Turno 101


Isang samahang nakatalaga,
upang dakilan ang Panginoon kailanman
sa pananalangin sa Santissimo sa bihilya
at sa pakakawanggawa sa umaga.


   Ang Adoracion Nocturna Filipina ay isang organisasyon ng Katolikong layko na naghahangad palaguin ang tunay na buhay-Kristiyano sa kasapian nito, sa pamamagitan ng masuyong debosyon sa Banal na Eukaristiya, gayon din sa aktibong paglilingkod, hindi lamang sa kapwa, kundi sa iba pang apostolado ng Simbahan. Layunin nitong paigtingin ang debosyon at pag-ibig kay Jesukristo sa Banal na Eukaristiya sa pamamagitan ng pagsamba, pagsisisi, pasasalamat, at pagsuko.

Ang mga ador-adores ay mga mananampalatayang naglalagi sa kani-kanilang mga pamilya at sa pananalangin sa harapan ng Santissimo Sacramento tuwing bihilya. Dito, makikita ang kanilang naging pagganap bilang Hermanos Mayores noong Kapistahan ni Apo Ana ng Hagonoy.
   Turno ang tawag sa bawat pagkat, at sa petsa at oras na itinakda, ay nagpapanagpo ang mga miyembro upang magkaroon ng patuloy na pag-aaral espirituwal at pananalangin.

 Pangunahing gawain namin bilang ador-ador, ang magdamagang bihilya minsan isang buwan sa presensiya ng Kabanal-banalang Sakramentong nakatanghal sa altar. Bawat isa ay gumugugol ng isa hanggang dalawang oras ng pagsamba at pagbubulay-bulay sa ganitong pagkakataon. Isang Banal na Misa ang ginaganap bago o matapos ang bihilya.

   Ginagawa ang pagsamba sa gabi, dahil ang ang tulog, pahinga, at mga sandal sa piling ng aming mga pamilya sa mga oras na yaon, ay sakripisyong iniaalay ng bawat kasapi upang makapiling si Jesukristo sa Banal na Sakramento sa altar.

   Isa pa naming gawain ang paglilibot ng Banal na Krusipiho sa tahanan ng mga kasapi sa bawat barangay. Tuwing Sabado, makamisa ng ika-anim sa umaga, kami ay nagtitipon upang magpulong, magdasal, at magnilay sa Salita ng Diyos sa tahanang dinalaw. Itong gawain naming ito ay bukas sa kapit-bahayan ng tinahanan ng Krusipiho; kaya’t nakakapagpalaganap din kaming mga ador-adores ng Mabuting Balita ng kaligtasan bilang pagsunod sa atas ng bagong ebanghelisasyon.

   Malamig ang napupuna kong pagtanggap ng ilang ka-mananampalataya sa debosyong ito. Marahil, ito ay iyong bagay na, mahirap isakripisyo ang pansariling kasiyahan upang makatupad sa atas na gawain. Talaga naman kasing ang kinamihasnang sarap at ginhawa ay hindi basta-basta maiwawaksi; lalo na’t sa mga nasa kasibulang edad. Gayon pa man, sa bilang ay hindi lumalayo sa limampo (50) ang aming kasapian ngayon, kasama ang mga kababaihan, na tinatawag na “honoraria”. Matinding kampanya at pagsisiskap ang kailanagan, hindi lamang para maparami ang bilang ng kasapi, kung hindi upang maipalaganap nang husto ang debosyong ito ng panalangin, kapatiran, at paglilingkod.

Photo Courtesy: El Gideon G. Raymundo (Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario)

NATATANGING KAPUTOL: Ang Kapistahan ng Simbahan ng Hagonoy sa Pangunguna ng Adoracion Nocturna Filipina



Para sa ikadadakila ng Panginoon,
isang atas ang tinaggap at ginampanan.
Pagtataguyod sa kapistahan ng parokya,
naging misyon ng mga Adorador.

G. Robin R. Coronel
Ingat-Yaman, Adoracion Nocturna Filipina: Turno 101


   Hindi pa katagalan akong kasapi ng Turno 101 ng Adoracion Nocturna Filipina (ANF) sa Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana, ito na ay naging isang napakagandang karanasan para sa akin dahil sa maigting na pagsuyo at pamimintuho ng mga kasapi nito sa Kabana-banalang Katawan at Dugo ni Kristo sa Banal na Eukaristiya. Naging isang napakamainam na pagkakataon dito sa ANF na magkaroon ng bihilya tuwing gabi at nakatutok ka sa pagninilay sa Panginoong Jesukrusto na nasa Santissimo Sacramento at nakaluklok sa Simbahan.

Ang pamunuan ng Adoracion Nocturna Filipina na naging Hermanos Mayores para sa Kapistahan ni Apo Ana 2014.
Isang sinimulang tradisyon ang naganap sa pamamagitan ng paghahalik at paghawak sa orihinal na imahen ni Sta. Ana de Hagonoy.
Ang pag-aandas kay Apo Ana at pagsasayaw sa kanyang imahen sa pagdaring ng prusisyon sa patio ng simbahan. 
   At sa isang pagkakataon sa kasaysayan ng samahang ito, ilang buwan lamang ang nakalilipas, napag-usapan at nakabuo ng kasunduan ang Kura Paroko at Rektor ng Dambana, Rdo. Msgr. Luciano C. Balagtas, P.C. at ang Parish Pastoral Council sa pangunguna din ni G. Jose U. Santos bilang Ka-Pangulo at siyang Jefe de Turno sa aming samahan. Isang buwanan nilang pagpupulong na sa pagdiriwang ng kapistahan ni Sta. Ana (at San Joaquin) sa taong 2014, ang samahang pansimbahan na ito, ang ANF ang gaganap bilang Hermanos Mayores para sa Pistang Bayan na siyang ginaganap tuwing ika-26 ng Hulyo. Bukod dito, ang iba pang mga samahang pansimbahan din sa parokyaang bibigyan ng pagkakataon na maging Hermanos Mayores para sa pista ni Apo Ana sa mga sumusunod pang taon.

Ang gawaing ito ay taliwas sa nakaugalian na sa mga nakalipas na mga panahon kung saan mga nakaririwasang deboto na nais magtaguyod sa kapistahan ang gaganap sa nasabing tungkulin. Malaking karangalan ang mapiling gumusar sa piling araw na yaon, napakalaki rin namang responsibilidad ang naatang sa balikat ng samahan, sa ngalan ng kakayanang pinansiyal, lalo na.


Isa pang sinimulang tradisyon: ang pagpruprusisyon sa orihinal na imahen ni Sta. Ana de Hagonoy sa gabi ng kapistahan.

   Ngunit tulad ng walis tinting, bigkis-bigkis na kumilos at nagbigay sa abot ng makakayanan ang mga miyembro ng ANF para makatugon sa hamon ng tungkulin. Ito naman ay isang tanda ng “bayanihan” na nabubuo sa pagtutulungan ng mga kasapi. Anupa’t napagtagumpayan ng samahan ang lahat ng inaasahang maging sagwil sa pagdaraos ng kapistahan ni Lola Ana. (Lahat naman ng natira sa kaperahang nailak ay isinumite ng samahan sa Kura Paroko, para itaan sa mga gawaing pamparoko.)

   Sa huli, naging napakasaya ng pagdiriwang – mga paring taga-Hagonoy at itinuring na taga-Hagonoy ay nagsi-uwi at nakigalak. Tubig man ng dagat ay umahon sa kabayanan, hindi inalintana ng nangagsisunod, umilaw at umindak sa prusisyon.

“IPAGDANGAL SI STA. ANA!!!”


“SAMBAHIN SI HESUKRISTONG APO NIYA, MAGPAKAILANMAN!!!”

Photo Courtesy: John Andrew C. Libao (Pambansang Dambana ni Sta. Ana)