Ika-tatlo ng umaga noon ay
umalis na kami sa La Salle Mini Hotel. Nagkaroon muna ng Misa at bandang
ika-apat ng umaga ay saka kami umalis patungong Pamantasan ng Santo Tomas (UST).
Madilim pa nuon. Marami nang tao sa lansangan. Mapabata o matanda ay naglalakad
ng mahaba at nagtitiis para masilayan ang pagdating ng Santo Papa.
At dumating na nga ang oras.
Nakapasok na kami sa UST grounds.
Libu-libong mga indibidwal, estudyante ang karamihan ang nanduon at
nagtitipun-tipon. Puno ng kagalakan ang lahat mula sa mga ngiti at ang kanilang
mga mata ay nangungusap sa saya.
“to think well, to feel well and to do well”
Maraming nangyayari sa ating
paligid ngayon. Mga sitwasyong umaagaw ng ating atensyon. Sa tulong din ng
teknolohiya, tayo’y nabibigyan ng mga kaalaman sa mga nangyayari sa ating lugar
at kahit sa ibang dako. Pero, ang mga ito ba’y hanggang sa malaman na lang natin? Hanggang sa nakita na lang ba? Hanggang
sa mai-post na lang ito sa Facebook at magbigay komento?
Wala ka bang gagawin? Di ka ba gagawa ng hakbang o solusyon para
malutas ito?
Sa aking pagkakaunawa, sinasabi
sa atin ng Santo Papa na matuto tayong mag-isip, makiramdam, at gumawa ng
hakbang. Mag-isip tayo ng mga bagay na makakatulong sa mga taong nangangailangan
o kahit para sa ikauunlad ng ating kinalulugaran. Pakiramdaman natin ang mga
tao sa paligid natin. Sila ba’y magiging sang-ayon o tutol dito, at bakit.
Isalang-alang natin ang kanilang mga pahayag at panghuli ay ang kung paano
natin ito gagawin. Kumilos tayo ng naaayon at tama. Nang nasa lugar at
kapakipakinabang.
May isang batang babae nuon,
naglalahad siya ng kanyang mga pinagdaanan at karanasan sa buhay. Ang mga
sinapit niya mula sa madilim na landas at ang hirap ng buhay na kanilang dinaranas.
Sa kanyang pagsasalita’y nailabas niya ang kinikimkim niyang sama ng loob at
napaluha ng binanggit niya ang katanungang, “Bakit po pumapayag ang Diyos na may gantong nangyayari?”
Nagkaroon ng katahimikan sa
paligid.
Napaluha ang karamihan at
nagnilay-nilay mula sa mga salitang narinig nila.
Biglang nagtuwa ang lahat at
napawi ang kalungkutan nang yakapin ng Papa ang bata at pawiin ang nararamdaman
nito.
Tila ba naramdaman ko ang
presensya ng Diyos kahit na di ko Siya nakikita. Ang kanyang pagmamahal sa
bawat isa.
Mahal tayong lahat ng Diyos
Amang lumikha sa atin. Kahit kalian, hindi Niya tayo ginawang iwan o limutin.
Nandyan Siya sa lahat ng oras, sa lahat ng panahon at sa lahat ng pagkakataon.
Siya ay mapagmahal at mapagpatawad.
Ang Santo Papa kasama ang mga kabataan sa pagsasayaw para sa pagdiriwang. |
Makialam tayo sa mga nangyayari
sa ating lugar na kinabibilangan. Sa mga nangyayari sa ating gobyerno, sa
kalikasan at sa iba pang mga bagay. Huwag na hindi tayo nakikialam at
isinasawalang bahala ang mga ito. Marahil ngayon ay di pa natin napapansin ang
epekto nito ngunit paniguradong dadating ang araw na mayroong maaapektuhan.
Para sa kapwa ko kabataan,
ilagay natin ang sarili natin sa buhay ng ibang tao, sa buhay ng mga salat at
di mapalad nating mga kapatid. Masasabi mo pa kayang mahirap ang buhay? O ang
hirap mabuhay? At bakit ganito ang buhay?
Naisip mo ba minsan na baka may
mas nahihirapan pa kaysa sa iyo? Sumusuko ka na ba? At nawawalan ng pag-asa?
Magpasalamat tayo sa mga
biyayang ating natatanggap, mapalad tayo sa buhay na mayroon tayo ngayon.
Magsikap tayo, mangarap, ngunit huwag na maghahangad. Ibahagi natin sa iba yung
mga bagay na mayroon tayo. Itulong sa mga nangangailangan at hikahos.
Page 1 of 3
Please press Older Posts for Other Issues
No comments:
Post a Comment