Naalala ko pa ang mga araw bago ang kanyang pagdating, hindi maalis
sa aking isipan ang pananabik, mga tanong at mga imahinasyon, paano nga ba
natin sasalubungin ang Papa? Masaya ba? Malungkot? O ano nga ba ang dapat na
pagsalubong sa kanya? Naging abala ang karamihan, ang gobyerno, mga simbahan,
mga mananampalataya at ilang nais lamang makisawsaw sa pagdiriwang ng
Sambayanang Katoliko ng Bansang Pilipinas, pagkatapos ng mahabang panahon, muling
tatapak ang isang Papa sa lupain ni Juan Dela Cruz. Sa mababaw na pananaw ng
ilan sa aking mga nakapanayam bago ang pagbisita ng mahal na Papa, karaniwan
kong naririnig na karangalan nga raw para sa ating bansa na tayo ay dadalawin
ng pinuno ng isa sa mga pinakamaimpluwensyang relihiyon sa mundo kaya dapat
doble ang pag-iingat at dapat na bantay-sarado ang Santo Papa pagdating niya sa
ating bansa. Ngunit ito nga ba ang tunay na kahulugan ng kaniyang pagdalaw? Sa
malalim na pagninilay ako nakakuha ng maliwanag na sagot, sa tulong ng mga
panalangin at espiritwal na paghahanda, naunawaan kong higit ang dahilan at
sagot sa aking mga tanong tungkol sa pagbisita ng Santo Papa. At dumating na
nga ang mga araw ng kanyang pagbisita.
-
Papa Francisco
(Sa mga mananampalatayang nakasama ng
Santo Papa sa Misa sa Tacloban City Airport.)
Biyaya, malasakit, pag-ibig at pag-asa – mga bagay na aking natutunan
sa kanyang pagdating. Higit pa man sa ano mang karangalang ating tinanggap
bilang isang bayang buong pusong tinanggap ang mahal na Papa, tayo ang higit na
nakinabang sa kanyang pagdalaw. Marahil nga ay hindi ako nabigyan ng
pagkakatong makadaupang-palad siya sa personal, ngunit damang-dama sa buong
bansa ang kaniyang presensya ng mga araw na iyon, parang isang musmos na
nananangis sa kasiyahan ang bawat madaanan ng kaniyang parada, bawat ngiti at
mga salita niya ay tagos sa puso ng bawat manonood kahit na sa telebisyon
lamang. Sa radio at mga pahayagan, sa Internet at sa iba pang mga pamamaraan ng
komunikasyon lahat ay parang nakalutang sa ulap kasama niya patungong langit
upang makaharap ang Panginoon. Mula sa unang araw hanggang sa kanyang pagalis,
paulit-ulit niyang itinuro sa atin ang pagpapakumbaba at pagmamahal, pagiging
totoo, sa realidad sa totoong mundo, na sama-sama tayong namumuhay sa iisang
mundong ginawa para sa atin at sa bawat isa. Inilapit niya tayong higit sa
Inang Maria at sa kaniyang anak na si Hesus, tinuruan niya tayong unawaing
higit ang kapangyarihan ng Diyos Ama, na lahat ng kaniyang ginagawa ay may
dahilan, at lahat tayo ay may kaugnayan sa isa`t-isa, at ang pagmamalasakit sa
kapwa ay pagmamalasakit sa Diyos.
Sa kanyang pagbalik sa Roma, hindi niya tayo
iniwan, isinama, niyakap at dinala niya tayo sa kanyang puso at mga panalangin,
tunay ngang lagi siyang nariyan. Kaya nga katulad ng isang tupang naligaw sa
ilang, hinanap tayo ng ating pastol, upang ipaalala, at ipaunawa sa bawat isa,
na siyang namamalakaya ay hindi lilisan, hindi liliban, at hindi tayo
makakalimutan, kahit saan, kahit kalian. Tunay ngang si Papa Francisco, ang
ipinadalang mamalakaya ng Diyos Ama, ang kinatawan ng Langit sa Lupa. Kaya`t
sama-sama tayong manalangin, hanggang sa muli! Viva Il Papa!
Photo Courtesy: Telesur.com | Wires.com
No comments:
Post a Comment