Ang panayam na ito ay mula kay Rdo. P. Dennis Santos Soriano. Si P. Soriano ay tubong Sto. Rosario, Hagonoy, Bulakan at kasapi ng Kapatiran ng Kapariang Taga-Hagonoy, Inc. (KAKATHA). Siya din ang kasalukyang Kura Paroko ng Parokya ng Birhen ng Pentekostes, Loyola Heights, Quezon City sa Diyosesis ng Cubao at Tagapangulo ng Pandiyosesis na Lupon ng Liturhiya. Isa sa kanyang mga naging adokasiya sa pagiging isang 'liturgist' ay ang pakikilahok ng mga bingi sa buhay ng Simbahan. Sa naganap na 'Encounter with Families' ng Santo Papa sa SM MOA Arena, Pasay City noong ika-16 ng Enero, isa siya sa mga naging 'masters of ceremonies' na siyang sumama sa Pamilya Cruz, isa sa mga delegatong pamilya. Ang ama ng tahanan na ito na si G. Renato Cruz ay isa sa mga halimbawa ng mga may kapansanang nagsusumikap sa kanilang buhay-pananampalataya.
Ang Santo Papa habang papasok sa SM Mall of Asia Arena noong ika-16 ng Enero, sa Papal Encounter with Families.
1. Anu-ano po ang naging mga
paghahanda ninyo sa naganap noong ika-16 ng Enero para sa Encounter with
Families sa SM Mall of Asia Arena?
Malaking
biyaya ang mabigyan ng pagkakataong makasama sa paghahanda para sa pagbisita ng
Santo Papa Francisco dito sa Pilipinas. Tuwang tuwa ako nung sinabihan ako ni
Fr. Genaro "Genie" Diwa, ang Executive Secretary ng Episcopal Commision on Liturgy, na
tutulong para sa Papal Visit. Mas lalu akong nagulat nang sabihin na ako ang
magiging in-charge sa liturgy na gaganapin sa SM MOA Arena. Ito raw ay
pakikipagtagpo ng Santo Papa sa mga pamilya.
Kasama
si Fr. Genie, Fr. Carmelo "Jek-Jek" Arada, Fr. Ron-ron, Fr. Kris, Fr. Herbert, Randy Bayaua, at
Jeff Velasco pinag-usapan agad ang gagawin sa Encounter with the Families.
Dahil walang misa, isinaayos agad namin ang Liturgy of the Word. Pinag-usapan
kung ano ang tema, kung anong mga dasal at mga pagbasa ang gagamitin, at kung
paano mahihikayat ang pakikiisa ng mga pamilya.
Napagpasyahan
na magkaroon ng mga pamilyang magbabahagi ng kanilang kuwento ng pagsubok,
pananampalataya, pagmamahalan, at pagtatagumpay. Sa pamamagitan nito mabibigyan
ng pagkakataon ang Santo Papa at ang buong mundo na makasilip sa buhay ng
pamilyang Pilipino. Pagkatapos maglista ng ilang mga posibleng sitwasyon ng mga
pamilya, napagdesisyunan na tatlong pamilya ang magbabahagi tungkol sa
kahirapan, sa kapansanan, at sa pangingibang bansa.
Si P. Dennis Soriano ang 'master of ceremonies' na makikita katabi ng Pamilya Cruz kasama ang Santo Papa at ang Lubhang Kgg. Luis Antonio Cardinal G. Tagle, D.D. ng Maynila.
2. Sa inyong pagkakita sa Santo
Papa sa kanyang pagsalubong kay G. Renato Cruz at ng kanyang pamilya, anu-ano
po ang inyong mga naramdaman?
Saya
na may kahalong kaba ang naramdaman ko sa pagharap namin sa Santo Papa.
Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili kong maging alert at mag-focus para maging
maayos ang pagtitipon sa SM MOA Arena. Pero maka ilang beses kong nahuli ang
sarili kong natulala habang nakatingin sa Santo Papa. Maka ilang beses kong
nahuli ang sarili ko na nangingilid ang luha habang nakatitig sa Santo Papa.
Pero
ibang klaseng karanasan ng samahan ko ang pamilya ni Renato Cruz sa paglapit sa
Santo Papa pagkatapos nilang ikuwento ang pagharap nila sa mga pagsubok bilang
pamilya na humaharap sa hamon ng may kapansanan. Talagang hindi malilimot kung
paano masayang sinubukan ng Santo Papa na makipag-usap sa kanila sa pamamagitan
ng sign language. Nakakatuwa din kung paano tinuruan ng Kardinal Tagle ang
Santo Papa kung paano mag-sign ng “Thank you.” Hinding hindi ko malilimutan ang
karanasang ito.
3. Ano po ang hindi ninyo
malilimutang pananalita o ginawa ng Santo Papa sa pakikipagusap kay G. Renato
Cruz at ng kanyang pamilya o di kaya ay sa kabuuan ng pagdiriwang? Bakit po?
Hinding
hindi ko makakalimutan kung paano iniabot ng Santo Papa ng kanyang kamay hindi
lamang sa mga tagapag-salubong sa kanya, kundi iniabot niya rin ang kanyang
kamay kahit sa mga security, sa mga staff, at sa mga usher. Naalala ko tuloy
ang paulit-ulit niyang sinasabi na pagkalinga sa mga maliliit. Hindi nya lang
ito sinasabi, ginagawa din niya, kahit sa maliit na mga pagkakataon.
Nakakatuwa
din kung paano naging personal ang kanyang mensahe para sa mga pamilya.
Maka-ilang beses ding nagsalita sa wikang Espanyol ang Santo Papa upang masabi
niya ang gusto nyang sabihing galing sa kanyang puso. At marami sa mga ‘di
malilimot na sinabi niya sa buong pagbisita niya dito sa Pilipinas ay sinabi sa
SM MOA Arena. Sino nga ba ang makaklimot ng kanyang kuwento tungkol sa
“sleeping St. Joseph,” sa kanyang pagninilay tungkol sa panaginip, sa kanyang
paalala tungkol sa kahalagahan ng buhay.
Papal Encounter with Families
January 16, 2015
Pope Francis meeting the Cruz Family
"Talagang hindi malilimot kung paano masayang sinubukan ng Santo Papa na makipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng sign language. Nakakatuwa din kung paano tinuruan ng Kardinal Tagle ang Santo Papa kung paano mag-sign ng “Thank you.” Hinding hindi ko malilimutan ang karanasang ito."
Papal Encounter with Families
January 16, 2015
Pope Francis meeting the Cruz Family
P. Dennis Soriano sa kanyang naging karanasan kasama ang Santo Papa
4.Bilang isang kapwa paring
naglilingkod sa Diyos at natataguyod ng adboksiya para sa mas ganap na paglahok
ng mga may kapansanan sa pandinig sa liturhiya, ano o anu-ano pong mag punto sa
Encounter with Families ang patuloy o nais pa ninyong paigtingin sa puso at
isipan ng Sambayanan ng Diyos sa inyong parokya man ito o sa buong Simbahan sa
Pilipinas?
Dahil
sa pagbabahagi ni Renato Cruz ng kanyang karanasan sa pagtataguyod ng isang
pamilya sa gitna ng pagiging bingi nilang mag-asawa, lumawak ang kamalayan ng maraming
tao sa tunay nilang sitwasyon. Pinag-usapan sa iba’t ibang Deaf Communities ang
naging papel ng mga may kapansan tulad nila sa Encounter with Families. At
malaking bagay ito upang palakasin ang panampalataya ng mga Deaf. Sila ay
naging curious at marami sa kanila ay nagtanong ukol sa Santo Papa at sa
pananampalataya. Sana ang paglawak ng kamalayan ukol sa kalagayan ng mga Deaf
ay mag-udyok sa paglilingkod para sa kanila. Mas lalu sanang maging bukas ang
mga parokya sa kanilang pangangailangan, lalung higit sa pangangailangang
espirituwal.
5. Ano po ang personal ninyong
mensahe sa mga kapwa nating Pilipino Katoliko, lalo na sa Bikarya ni Sta. Ana,
upang palalimin ang patuloy nating pagninilay sa mga sinabi at ginawa ng Santo
Papa sa nagdaang pagdalaw niya?
“When
you lose this capacity to dream you lose the capacity to love, the capacity to
love is lost.” Huwag daw tayong hihintong mangarap. Isa po yan sa mga sinabi ng
Santo Papa sa Encounter with Families. Ang patuloy daw na pangangarap ay tanda
ng pagmamahal. Kung paano ang mga magulang ay nangangarap para sa kanyang mga
anak. Yan daw ay tanda ng pagmamahal. Hindi lang naman para sa mga magulang ang
mga salitang ito. Ito ay para sa ating lahat. Ang mangarap at pagtupad na
maging mabuting Kristiyano ay tanda ng pagmamahal natin sa Diyos. Ang mangarap
at pagtupad na maging mapagmalasakit sa kapwa ay tanda ng pagmamahal sa iba.
“As
Christians, you too are called, like Joseph, to make a home for Jesus. You make
a home for him in your hearts, your families, your parishes and your
communities.” Isa rin ito sa sinabi ng Santo Papa sa SM MOA Arena. Sikapin daw
nating bumuo ng tahanan para kay Hesus; isang puwang sa ating mundo kung saan
maaring panahanan ng Diyos. Inaanyayahan tayo ng Santo Papa na siguraduhing
laging may puwang sa ating buhay para sa presensya ng Diyos. Dapat laging may
puwang para sa pagkilos ng Diyos at pag-akay sa atin upang maging mabuting
instrumento tayo ng kaharian ng Diyos.
“Faith
does not remove us from the world, but draws us more deeply into it. Each of
us, in fact, has a special role in preparing for the coming of God’s kingdom in
our world.” Napakagandang paala-ala nito para sa ating lahat mula sa ating
mahal na Santo Papa. Ang pananampalataya natin ay nag-uudyok sa atin na lalu
pang makilahok sa gawain sa mundo. Siguraduhin na dala natin si Hesus at ang
kanyang Mabuting Balita sa lahat ng gawain natin, saan man tayo naroroon,
sinuman ang ating kaharap. Bawat isa sa atin, lalung lalu na ang bawat pamilya,
ay may papel na gagampanan para sa katuparan ng plano ng Diyos para sa
sanlibutan. Maging masigasig nawa tayo at ang bawat pamilya para sa pagtupad ng
misyon na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.
Dalangin
ko na ang biyayang dulot ng pagdalaw sa atin ng Mahal na Santo Papa Francisco
ay patuloy na mamunga sa ating buhay at sa buhay ng lahat ng pamilya sa mas
malalim na pananampalataya at tunay na pagmamalasakit sa kapwa.
Photo Courtesy:
Rdo. P. Dennis Santos Soriano (Kapatiran ng Kapariang Taga-Hagonoy, Inc.)
Associated Press News
Photo Courtesy:
Rdo. P. Dennis Santos Soriano (Kapatiran ng Kapariang Taga-Hagonoy, Inc.)
Associated Press News
No comments:
Post a Comment