Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, April 27, 2013

PANITIKAN | LITERARY: ALA-ALA: Mga Tula ni Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A. - Pitong Huling Wika




Tungkol sa Section/Bahagi:

ALA-ALA: Mga Tula ni Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A.

     Isa sa mga kinikilalang ama ng bayan ng Hagonoy ay ang namayapang pari na si Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A. (+2003). Bukod sa isa siya sa mga nagng pinakamahusay na Kura Paroko ng Parokya ni Sta. Ana sa Hagonoy, kanya ding tinayagang mahirang ang kanyang simbahang inalagaan bilang pambansang dambana. Sa loob ng 21 taon na naging Kura Paroko siya at sa huling taon ay Rektor, ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya bilang isang banal at huwarang pari ni Kristo. Kaya naman, lubos siyang tinatangkilik sa buong Hagonoy at kinikilala din naman ng mga pari sa Diyosesis ng Malolos, sa Arkidiyosesis ng Maynila at iba't iba pang sakop ng Simbahang Katoliko.

     Ngunit bukod sa kanyang pagpapagawa sa Simbahan ni Sta. Ana kasama na din ng iba pa niyang naitaguyod sa loob ng nagdaang mga taon, iniwan din niya para sa susunod na henerasyon ang kanyang mga akdang tula. Ang mga tulang ito ang kanyang mga nailimbag sa mga libro na bagamat hindi na mabibili ay isinasapuso ng mga taga-Hagonoy. Kaya naman upang hindi masayang ang mga gawang ito, nais namin na ipakita ang mga ito sa inyo para na din mabasa at tangkilikin.

     Mula ang mga tulang ilalathala namin dito bawat quarter sa tatlong libro ng mga tula ni Msgr Aguinaldo: Mabangong Kamanyang: Katipunan ng mga Tula sa Karangalan ng Mahal na Birheng Ina ng Diyos (1965)Mga Kwintas na Ginto (1990), Mga Butil ng Diyamante (2000) at Takip-Silim (2003). Nawa inyong mamasid, basahin at tangkilikin ang mga akdang ito ng isang dakilang makata at dakilang pari ng Diyos!

Tungkol sa mga Tula:

     Ang mga tulang ipinapakita sa bahagi ngayong quarter ay ukol sa mga pagninilay ni Msgr. Aguinaldo ukol sa pagdiriwang ng Semana Santa, lalung-lalo na sa mga sakripisyo ni Kristo para sa sanlibutan. Makikita dito ang pagninilay ukol sa Siete Palabras o ang Pitong Huling Wika ng Panginoong Jesu-Kristo.

Mula sa:
Aguinaldo, Rdo. Msgr. Jose B. Mga Kwintas na Ginto (Hagonoy, Bulacan: Msgr. Jose B. Aguinaldo Foundation, 1990) 



PITONG HULING WIKA


( Sa pagkabayubay ni Kristo sa Krus )

KRISTONG NAKAPAKO


Doon sa KALBARYONG hugis bungong bundok,
Natupad ang yugto ng dulang malungkot;
Nagdilim ang langit na parang may unos,
Sa kapal ng ulap na luksang sumapot;
Nagkanlong ang araw na naghihimutok
At pakikiramay sa kaniyang Diyos;
Ang lamig ng hangi'y nakakikilabot
At bawa't makita ay nakatatakot;
Pagka't nakatirik ay ang tatlong kurus,
Na parang koronang putong sa ituktok.

Higit pa sa lumbay ng isang libingan
Ang GOLGOTA noon ay putos ng panglaw;
Paano'y sa kurus ay nakabayubay
Ang TAONG DIYOS ding sa mundo'y kumapal;
Sina Hestas, Dimas sa kaliwa't kanan'
Si KRISTO sa gitna NAKAPAKO naman;
Sa kamay at paa'y naglampas-lampasan
Ang pakong mapurol sa pulpol na bakal;
Pati ang berdugo'y nailing sa sawan'
Nang laman ng Poo'y dumugo't malahang.


O, nakahahambal ang Poong Bathala,
Nag-anyong alipi't mistulang timawa!
Sa katawang hubad, sugata't salanta,
Ang agos ng dugo'y hindi maapula;
Nanilaw sa dungis ang marak na mukha,
Sa talsik ng dugo ay namumugaga;
Kalirang ang labing tuyot at maputla,
Hindi maitikom ang bibig at dila,
Sa putong na tinik, ang noo'y naglawa
Sa dugo'y nahilam matang may kulaba.

Yaong PITONG WIKA na Huling Paalam,
Mahigit sa pilak ng sangkatauhan;
Sapagka't ang huling salita ng patay,
Mahal at dakila sa mga naiwan;
Doo'y itinatak ang huling pangaral,
Na sa Ebanghelyo'y gawang kabanalan;
Aklat na bukas ng Kanyang pagmamahal
At ng pagka-Diyos Niyang itinanghal;
Katuturan nito,y WALONG KAPALARANG
Sa paltok ng bundok Niya iniyaral.

Yaong PITONG WIKA ay pitong pakakak,
Nang hipan ni Hosue, bato'y nagsilagpak;
Moog ng Heriko'y naguho't nawasak,
Sa bahaw na sipol ng tambuling hawak,
PITONG PANALANGING may tamis at timyas
At KABAN NG TIPANG may basbas na ngat;
PITONG DAHONG laging sariwa't makatas
Ng KAHOY NG BUHAY sa kurus na liyag;
Kudyaping may pitong bagting na kuwerdas,
Na nagpalambot sa pusong matigas.

Ang naghihingalong Kristo'y panoorin
At ang Kanyang Wika'y pakinggan....limiin;
Laging minamasdan ng Kanyang paningin
Ang mga berdugong palamara't taksil,
Saka titingalang pa-langit ang tingin,
Na tila sa Ama'y merong hihilingin;
Tila gumagalaw ang labing mamad rin
At tila mayroong ibig na sabihin;
"Ang nagpapahirap kaya ay sumpain
At paghigantihan ang mga salarin?"

Tatlong oras Siyang nakikipagbaka
Sa bangis ng hirap at sakit ng dusa;
Sa paghihngalo ay walang kapara
Ang binata nitong MARTIR SA GOLGOTA;
Lalong kumikirot ang hapdi at pakla,
Pag taong nag-asik ang Kanyang nakikita;
Pagdusta't pag-uyam ng mga eskriba,
Maantak pa kaysa iwa ng espada;
"Balatkayong Diyos"....ang sumbat sa Kanya -
"Kung tunay Kang Hari - sa krus bumaba Ka!"

Ulilang-ulila si KRISTO sa hirap,
Pati na apostol ay nangagsi-takas;
Nag-iisa Siyang nakikipaglamas
Sa dagat ng dusang taganas ang saklap;
Nangasaan kayong "pilay, pingkaw, bulag,
Tanang pinagaling ng Bunying Mesiyas?
Nahan ngayon kayong hinango sa lusak,
Bakit di damayan si Kristo sa hirap?
Pusong walang turing sa Kanyang paglingap,
Bakit kayo ngayo'y nagsi-taliwakas?"

Ang hiblang hininga ng butihing Jesus
Ay nalalapit nang tuluyang malagot;
Ang hirap na tila taling iginapos
Ay makakalas nang "buhol ng himutok;"
Nguni't bago Siya kandilang maupos,
HULING TESTAMENTO'Y ilalagda sa krus;
Bibigkasi'y HULING PATI NG PAGTUBOS,
Na Kanyang PAMANANG tanda ng pag-irog;
HULING PAHIMAKAS nitong MANUNUBOS,
Talismang nagbukas sa Langit ng lugod.

Si propeta Elias, na tinampalasan
Nagdasal sa Poong, "apoy ay bumukal";
Bumaba sa langit, apoy na gumunaw
At nilamong lahat ang mga kaaway;
Nang si Eliseo'y kutyai't tawanan
Ay sinumpa niya ang lilo't sukaban;
Sumipol noon din ang mga halimaw
At ang mang-uusig sinila't pinatay;
"Ang inaping Kristong sa krus ibinitay,
Di kaya dasaling mundo ay matugnaw?"


UNANG WIKA

Nang bukhin ni Kristo ang unang habilin,
"AMA KO' - ang luhog at maamong daing;
"PATAWAD" - ang Kanyang matimtimang hiling,
"SA MGA KAWAWANG UMUSIG SAAKIN;"
Yaon ang plegaryang ubod ng taimtim,
Pagmamakaawa sa Amang butihin;
"Sila ay binulag ng imbing damdamin,
Kaya't nararapat Ninyong patawarin;"
"PATER, IGNOSCE ILLIS" - anang panalangin,
"Quia nesciunt quid faciunt", ibinadyang dahil.

Sa halip na poot, umiral ay habag
Sa PUSO ni Kristong maawaing ganap;
"Ama, alang-alang sa dusa ko't hirap,
Huwag ipagkait ang Iyong patawad;
Sa mga gumapos sa kamay Kong ingat
At mga berdugong sa Aki'y humampas;
Sa mga sumampal sa Aki't humamak,
Nagputong ng tinik....sa ulo'y sumugat;
Sa mga nagpako't nag-umang ng sibat;
Ang hinihiling Ko'y Patawad! PATAWAD! -

"PATAWARIN SILA" - ang Kanyang higanti
Sa sumpa, hirap at galit ng imbi;
Ang sigaw sa langit ng dugong inapi
Ay habag sa sala ng budhing marumi;
Awa sa masama't patawad ang kasi,
Pag-ibig sa poot ang bayad na iwi;
Panalangin iyan na kawili-wili'
Na dapat manahin ng ating sarili;
(Sino ang nilikhang kapag inaapi
Ay hindi patawad and ihi-higanti?)

Iyan ay dalangin na kahanga-hanga,
Pag-ibig ng Berbong nanaog sa lupa;
Hindi maliriop ng malabonmg diwa
And dasal na ito para sa kuhila;
- "Totoo nga, Hesus ang Iyong winika,
Pag-ibig ang Iyong dinala sa lupa;
Ang sasalabin mo'y ang mundong masiba
Sa apoy ng Iyong pagsintang dakila;
Ngayong yayao na Ikaw na dinusta,
Sumabog na bulkan ang mahal Mong awa."

Kahiwa-hiwaga ang nangyaring yaon,
Sapagka't nangusap ang Mahal na Poon;
Namagitan Siya't taos na nagtanggol
Sa tunggak na taong Siya ang inoroy;
Kahulugan nito'y "Kanyang ibinangon
Ang aral na bago sa Bagong Panahon;"
Ang tanim na poot at sumpa'y pinutol,
Kahit na sa taong kaaway na buhong;
Bagong diwa ito, ito'y bagong dunong
KAAWAY, YAKAPIN! KALABAN, IKALONG!

Ito nga ang unang habili't pamana,
Na payo ng Poong tumubos sa sala,
Ang "ngipin sa ngiping batas ng pagbaka,"
Dinurog ni Kristong "lapok ang kapara;"
Ang Batas ng Tipang Bagong ipinasya
Ay "pagmamahalang wagas at maaya;"
KAAWAY, IBIGIN! .... gawan ng maganda,
Pati ang may tanim ng poot tuwina;
Ang nag-uusig ma't sirang kaluluwa,
Sa Poong Bathala'y idalangin sana."

Ang sulak ng galit at paghihiganti,
Ang bilin ni Kristo'y itapon sa tabi;
Ama ko, Patawad, sa budhing marumi!
(Nesciunt quid faciunt, Pater, illis ignosce)
"Naririnig mo ba ang Kanyang sinabi,
Unang Testamentong HULI NIYANG PATI?
Subhan mo ang poot sa dibdib na iwi,
Sa may asal-hudas, magpaka-bayani;
Kung may bait ka ma't banal na inapi,
Mahigtan mo kaya si Hesus sa puri?"

Patawad ang iyong dapat na dibdibin
Sa nangagkasala sa iyong damdamin;
Matigas nga kaya ang puso mong angkin,
Na hindi maagnas kay Hesus na daing?
Liping nagka-away sa isang uasapin,
Magyakapan sa tamis ng dating paggiliw;
Nagkalayong pusong dati'y magkapiling,
Kayo ay magsama sa duyan ng aliw;
Angkang magka-alit sa lisyang gawain,
Kayo ay magbati - galit ay ilibing.

Anak na nagtampo sa masuyong ina,
Magbalik sa pugad ng iyong pag-asa;
Amang giniyagis ng bunsong may sala,
Sa kanya'y patawad....ilawit mo sana;
Sino ka ma't aling ngayo'y nagdurusa,
Sa katunggali mo ay magpatawad ka;
Ang hindi susunod sa ganitong pita,
Di patatawarin ng Diyos na sinta;
Kung pinupukol ka ng batong parusa,
Tinapay ang iyong ibalik sa kanya.

Patawarin kami, aming Mananakop,
Nagsisisi kaming kuyapos ng lungkot,
Nang dahil sa amin, Ikaw ay inayop,
Sa likaw na tinik, dugo ang umagos
At ang katawan Mo'y pinalo, ginapos,
Saka ipinako na nakalulunos;
Patawarin kami, Maawaing Hesus,
Susunod na kami sa Banal Mong Utos,
Pawiin Mo na po ....nagbabagang poot
Sa aming salaring ang isip ay kapos!"


IKALAWANG WIKA

Sinasabi ko sa iyo "Ngayon di'y isasama kita
sa paraiso (Lk 23:43)

Sa UNANG WINIKANG sa kurus nahayag,.
Si Kristo ay PARING nagdasal nang wagas;
Namagitan Siya sa bayang halaghag.
Mula sa dambana ng krus na hamak;
Sa IKAL'WANG WIKANG sa labi'y namulas,
Siya ay PARI ding sa sala'y nagkalag;
Sa makasalanang nagsisi'y nahabag
At sa "paraiso'y" agad na nag-akyat;
Hukom mandin Siyang parusa'y inilapat,
Sa taong salaring walang kasing-tigas.

Matapos mangusap sa mga kaaway,
Hinarap ni Kristo'y dal'wang magnanakaw;
Hinagod ng tingin ang kaliwa't kanan,
Sina Dimas, Hestas ang Kanyang namasdan;
Sa pagkakapako sila ay kasabay
At sa simula pa'y "aray na ng aray;"
Sila nga ang ugat ng mga nakawan,
Bilang pangunahing kaaway ng bayan;
Doon nga natupad ang hula ng paham;
"Sa mga salarin, Siya'y ibibilang.


Sa gitna ng dal'wang bantog na kilabot
Ay hindi tumanggi ...."Cordero ng Diyos;"
Sapagka't ang Kanyang tungkuli'y sumakop
Sa makasalanang hunghang at busabos;
Si Hestas na lito sa pusok ng loob,
Ang tanging pag-asa'y naglaho't natuyot;
Naki-aglahi ring mukhang Pariseos
At inalimura itong Manunubos;
"Kung ikaw ang Kristo" - ang badyang pag-ayop
"Ikaw saka kami'y iligtas sa Kurus - "

Si Dimas na kanyang kasamang napako,
Salarin mang tao'y iba ang inanyo;
Nang marinig niya ang "Wikang masuyo,"
Nag-iba ang kanyang isipan at kuro;
"Yaon" ay balaning tumimo sa puso,
Biyayang tumalab....mabait na turo;
Naniwala siyang Mesiyas na Guro,
Ang kanyang kapiling na naghihingalo;
"Diyata't ikaw ma'y hindi nakatanto
Na dapat matakot sa Poong pinalo?'

Ito nga ang sumbat ni Dimas kay Hestas,
Na tumutungayaw sa sa Bathalang Mes'yas,
" - Hindi natatakot ang mga eskribas,
Nguni't may panahon pa silang magbayad;
Samantalang ikaw, iilan nang oras
At malalagot na ang buhay mong ingat;
Hindi mo ba talos, Siya'y nagkakalag
Sa sala ng taong nagsisising ganap?
Hukom Siyang tangi'y Poong naggagawad
Ng dusang parusa sa pusong matigas!"

Nagkumpisal siyang taos at hayagan
Sa Poong pari ding doo'y nakabitay;
"Buong katarungang tayo'y nahatulan,
Sapagka't may sala tayong babayaran;
Sa kapuwa nati'y buhay ang inutang,
Ang dapat ibayad nati'y kamatayan;
Nguni't itong iyong nilalapastangan
Ay wala munti mang kasalanan;
Katungkulan natin na Siya'y igalang
At paka-sambahin nang buong timtiman!"

Biyaya ng Diyos na kahanga-hanga,
Pinapaging Santo ang isang kuhila!
Noon nga'y nagdasal ang "nuno ng sama",
Noon di'y nabanal ang puso at diwa;
" - Domine, memento" - ang Kanyang Salita,
"Dum veneris in regnum tuum," - ang pithaya;
"Panginoon, alalahanin Mong lubha
Ako, pagsapit Mo sa langit ng tuwa;"
"hodie mecum eris," - "ngayon din," ang wika,
"At sa paraiso"  kasamang lalaya.

Ang hiling ni Dimas, siya'y gunitain,
Kung sa kaharian, si Kristo'y dumating;
Nguni't nang marinig ni Kristo ang daing,
Sampung "kaharia'y" inalok na kamtin;
Yao'y gantimpala sa kanyang damdamin,
Sa pagkakapagtangool sa Mesiyas natin;
Dinaig pa niya si Ada't si Abel,
Pati na propeta't hari ng Israel;
Ni si Abraham ma'y hindi nakatiki,
Ng gayong pangakong kay sarap tamuhin!

Bunying magnanakaw at Banal na Dimas,
Ninakaw mo pati langit na pangarap;
Lubhang kaiba ka sa katotong Hestas;
Nagumon sa sala....sa sala nagwakas;
Tumanggi sa grasya na iyong tinanggap,
Nagpikit ng mata....ayaw sa liwanag;
Nagbingi-bingihan sa Dios na tumawag,
At sa kasalanan ay nagpaka-tunggak;
Tinikis ang grasya, tinikis ding ganap
Ang Poong Bathala na kanyang hinamak.

Ang mga nangyari ay isang himala,
Kriminal na Dimas ngayo'y pinagpala;
Paanong di gayo'y BAYANING DAKILA,
Ang pinarangalan ng Poong dinusta;
BAYANING DAKILANG ang aking winika,
Sapagka't nagtanggol sa Poong Bathala;
Sa harap ng sakim at bayang masiba
Ay hindi nangiming bumigwas ang dila;
" - Si Kristong sumakop ay Diyos ng tuwa
At Haring di dapat na ipariwara - "

Matapang si Dimas at hindi natakot,
Sala'y iminukha sa bayang umayop;
Gahis ang apostol na nagsihangos
Sa takbong patakas sa hudyong gumapos;
Daig pa si Pedrong nagtatuwang lubos
At "madlang gumaling"  na nagsitalikod;
Ito pang "salaring" sa bayan ay salot,
Ngayon ay "kumabig" sa Poong si Hesus;
Pantas pa kay Anas, Kaypas at Pilatos,
Banal pa sa sinagogang bumusabos.

Walang sindak niyang kinilalang Hari
Si Kristong ni minsa'y hindi nagkamali,
Kahima't ang anyo sa bundok ng muhi
Ni walang anino ng isang bayani;
Ang trono'y ang kurus ng sumpa ng lahi'
Tinik ang koronang sa noo'y natari;
Dugong tumatagas ang damit na gisi
At pako ang "setrong" tungkod na inari;
Naglingkod na "korte'y bayang umaglahi,"
Sa pangit na anyo'y Haring Kinandili."

Banal at Bayani, sapagka't si Dimas,
Ni hindi narinig....aral ng Mesiyas;
Isa mang himala ay hindi namalas,
Sa bundok ng Tabor ni hindi naakyat;
Siya pa ngayon - ang Haring hinamak
Ay buong hinapang niyang ibinunyag;
Nanalangin siya sa Poong bumihag,
Na "alalahanin sa langit ng galak;"
Nangumpisal siya't nagsisi nang tapat'
Kaya binasbasa't nagkamit patawad!

Narito, kapatid, dalawang salamin,
Dalawang nagnakaw na budhing suwail;
Si Dimas ang taong nagsising alipin,
Si Hestas ang sawing nabulid sa dilim;
Ito rin ang ating tanging sasapitin,
Kahit ayaw tayong dito ay mahambing;
Ang landas ni Dimas na tatalaktakin
Ay ang pagsisising sa langit hihimpil;
Kay Hestas na landas ay diwang makutim,
Kalabang sa Diyos ayaw pailallim.

Huwas mong ipikit, kapatid, ang mata,
Sa ilaw ng Diyos na tanglaw ng grasya;
Diyos mang sa iyo'y tumatawag t'wina
Ay mababagot din sa "binging may-sala;"
Kung si Hestas ka mang maitim ang pita,
Sa bulag na diwa ay huwag gumaya;
Sa iyong Kumpesor, magpatirapa ka
At ang kabanalan ang gawing panata;
Mabangong sing-linis niyong sampagita
Ang gawing ugaling banal na sandata.



IKATLONG WIKA

(Babae, narito ang iyong Anak,
Narito ang iyong Ina " (Jn 19:26-27)

Sa IKATLONG WIKANG ngayo'y binubulay,
Si Kristo ay "PARI NAMANG NANGANGARAL,"
Dalubhasang Gurong binibigyang linaw,
Ang lupa sa langit ay dapat maugnay."
Tinatanikala ang taong nilalang
Sa Mapagparayang Dakilang Maykapal,
Ang mga nilikhang bihag ng kaaway,
Sa isang BABAE, ampong ibinigay;
Pusaling maruming kinasusuklaman,
Pinipilit niyang sa langit mabagay.

Noon ay makirot na lalo ang sugat,
At lalong masidhi ang hapdi ng hirap;
Maputla sa dati ang pisnging namarak
At dugo'y nangitim sa latay na gawad;
Ang ulong sa sala ng mundo'y bumigat,
Yukayok sa dibdib hindi maitinag;
Ang tibok ng puso'y mabagal....banayad,
Parang malalagot ang mahinang pitlag;
Ang kilabot noo'y lalong kumakalat
At sa balahibo ay nagpapaigkas.

Ang lupang mabato noo'y yumayanig,
Nalilindol pati ang "kahoy na tirik;"
Sa Golgota'y ulap ang itim na tapis
At lambong ng dilim ang multo ng hapis;
Sa puso ng bawa't taong nakaligid,
May sindak  -  may takot na hindi malirip;
Ang titig kay Hesus ay ibig iyalis,
Pinipigil lamang ng kamay ng langit;
Nang upang ang dugo ni Kristong inamis
Ay makita nilang "agos ng didilig".

Sa inog ng bundok ay naglisaw-lisaw
Ang mga "kasuyo ni Kristo sa buhay;"
Ang Ina ng Awa't si Apostol San Juan,
Nakyat sa kalbaryo't sa Kanya'y dumamay;
Sa Kanyang paanan na karumal-dumal
Ay piping sumaksi ang Inang mapanglaw;
Sapupo ng dusang sa ANAK ang tanaw,
Na ang hintay tila'y 'mangusap na naman;"
Noon na natupad " na ang hulang sundang
Sa puso ng Ina ay maglalampasan.

Sa diwa ni Kristo ay tila prusisyon
Ang hulang natupad sa Kanyang pag-ayon;
Nilingap ni Hesus ang taong naroon
At Ina'y nakitang nakatayo doon;
Di makapangusap sa lungkot na kuyom
At pawang himutok ang ditang ininom;
O! "MULIER," BABAE....ang Ina'y tinukoy,
'ECCE FILLIUS TUUS'....ANG ANAK MO'Y HAYON!
Kay San Juan nama'y Kanyang iniukol;
ECCE MATER TUA! ANG INA MO'Y IYON!

Magmula na noo'y inari nang Ina
Ni Apostol San Juan ang Birhen Maria;
Si San Juan nama'y anak na kinuha;
At inampon niyang aruga tuwina:
Sa IKATLONG WIKA, habiling pamana,
"AMPUNIN ANG TAONG SUMILANG SA SALA";
Siya ang takbuhang Tala sa Umaga,
Mapaglalambingan nitong kaluluwa;
Ini-anak tayo sa bundok ng dusa,
Sa mundo ng banal at mahal na grasya.

Hindi nasiyahang si Kristo'y maghirap
At dugo'y ibubo pati huling patak;
Hindi nagkasiyang ang buhay na ingat,
Ihandog na lubos sa taong nagsukab;
Di rin nasiyahang "sarili'y ilagak
Sa Eukaristiyang sangla ng pagliyag".
Sa paghihingalo Niyang huling oras,
Tila ang lahat ay nahain nang lahat;
Subali't ang Ina nang Kanyang mamalas,
Ibinigay pa ring Inang mag-iingat.

MULIER! O BABAE! ang tawag sa Birhen,
Sapagka't BABAE'Y pangako sa Eden;
Upang sa daigdig ay "INANG TAWAGIN"
Ng sangkatauhang uhaw sa paggiliw;
Ang ulo ng ahas kanyang dudurugin,
Iyan ang BABAENG hintay ng Israel;
Ang Haring Solomon may tanong na turing;
" - Saan naroon ang MULIEREM FOTEM?"
Ang BABAENG hanap ay Mahal na Birhen
Na ipinagbantog ni Kristo sa "MULIER."

Ang ibig sabihin ng IKATLONG WIKA,
Si Mariya'y Ina ng bawa't nilikha;
Tungkulin nga niya'y gawang magkalinga
Sa sangkatauhang naluwal sa luha.
Sa Belen sumilang ang ANAK NA MUTYA,
Sa kalbaryo nama'y ang ulirang madla;
Sa laman ay Ina si Ebang nasira,
Sa grasya si Mariya'y Inang darakila,
Kaya nga't ang bawa't mamulat sa lupa
Ay dapat suminta sa Ina ng Awa!

Puhunan ng Ina sa supling na bunso
Ay hirap at puyat, pag-ibig at dugo;
Puhunan ng Birhen sa ati'y siphayo
Pag-ibig at dugong kay Kristo tumulo;
Sa hapis ng Birhen sa pagkakatayo,
Anak ni Mariya tayong isinugo;
Magkakapatid tayong lahat sa pagsuyo,
PANGANAY si Kristong Mabathalang Guro;
Ang Diyos ang Ama nating sakdal amo;
At Birhen ang Ina nating talisuyo.

Siya nga ang Ina na ating sakdalan,
Na mula sa langit laging nakatunghay;
Kung alipin ka man at putos ng lumbay,
Sa Kanya'y taimtim na magdasal ikaw
Kung magkasala ka'y Siya ang lapitan,
At tutulungan kang magtika't magbanal;
Sa mga mahina ay umaagapay
At uma-alalay sa mga mabuway;
Siya nga ang Ina na ating tanggulan
At Reynang marapat na ating igalang.

Sinisinta tayo ng pagsuyong ina,
Ang pag-aaruga niya'y walang pangalawa;
Dinidinig niya ang ating panata
At binabasbasan gawaing maganda;
Inaaliw tayo sa daing tuwina
At tinutulungan sa di makakaya;
Kinakalong tayo sa pighati't dusa,
Siya ang timbulan natin at pag-asa,
Tayo nga ang anak at Siya ang Ina,
(Gaano ang iyong pintuho't pagsinta?)

Tinatawag kita aking Inang mahal,
Ikaw ang pag-asa sa buo kong buhay;
Huwag Mong bawalang Ikaw ay tawagan;
Bagaman at kami ay makasalanan;
Pagsambit sa Iyong banal na pangalan,
Sa 'ming kaluluwa ay dugtong na ilaw;
Kami'y kulang-palang "ikaw ang kanlungan";
 Ngayo'y naglalambing sa Iyong kandungan;
Kupkupin Mo kami sa dibdib Mong banal
Nang huwag tahakin ang ligaw na daan.

Nahimbing sa sala - kami ay gisingin,
Sa buhay ng grasya'y muling palayawin;
Sa tukso't panganib kami'y kandilihin,
Nang Lupang Pangako ay aming marating;
Kami'y ampong anak - Iyong gunitain,
Si Kristo'y PANGANAY na kapatid namin;
Sa paghihingalo kami'y hinabilin,
Sa pagka-ina mo'y anak na irugin;
ECCE MATER TUA, O Inang magiliw!
Ecce filius tuus! O anak ng Birhen.!


IKAAPAT NA WIKA

"Eli, Eli, Lamma Sabactanni?"

Halos papalo na - ikatlo ng hapon
At tila may multo na ibig bumangon;
Yaong alapaap ay parang kabaong
At luksang animo'y doon nakaburol;
Hagibis ng hangi'y buhawing umalon
At sa kalawakan ay dumadaluyong;
Buong kalikasa'y tumututol noon
Sa "bayang berdugo" sa Mahal na Poon;
Aandap-andap na ang hiningang tinghoy,
Malamlam na tulad ng luksang panahon.

Yaong Nasareno'y sakmal ng pighati,
Na muling binuksan ang tikom na labi;
Anya'y "ELI, ELI, LAMMA SABACTANNI!"
Bulalas na sigaw at taghoy na tili
"Diyos ko, Diyos ko! - ang hikbing madali,
Ano't ako'y Iyong pinamimighati?"
Naghihingalo na....Mesiyas ng lahi,
Krus na nakatirik ang "kamang" napili
Nalalad sa dagat ang Kanyang ka-uri
Na sinasalpok pa ng alon ng muhi.

Si Kristo'y "DUMAING SA HIRAP AT SAKIT"'
Na PINABAYAAN ng Ama sa Langit;
Oo nga at Siya'y banal at malinis
At wala munti mang marusing na dungis,
Subali't dahilan sa Kanyang Pag-ibig,
Ang sangkatauha'y inako - nagtiis;
Pinasan ang kurus ng sala't paglait
Ng sangkatauhang sinsay sa matuwid;
Nagbata sa putong ng likaw na tinik,
Na yari sa krimen ng buong daigdig.

Manunubos Siya ng taong salarin,
Kaya nga't nanagot sa utang na krimen;
"PIYADOR" ng utang na salang maitim
Ng tao sa lupa ang Kanyang tungkulin;
"PIYANSA" ng sala ngayo'y sinisingil
Kay Kristo'y bayaran hanggang huling kusing;
Hindi maaaring si Kristo'y magmaliw
At di mangyayaring gumawa ng linsil;
( Subali' nga't ngayon ang dala'y pasanin,
Dahilan sa sala ng mundong nagtaksil! )

IKAAPAT NA WIKA'Y hindi malilirip,
Ang simpang hiwaga'y walang kahulilip!
Ang sigaw ni Kristo ay nakahihindik,
Ang tinig na taglay ay nakahahapis;
" Siya, na ang Wika  ay batas ng langit,
Bakit binayaang sa dusa'y mapiit?"
Diyos man si Kristong sugo sa daigdig,
Ay Tao rin Siyang tutubos sa ganid!
Yaon ang himala nitong pagtitiis
At pagpapabaya ng Amang Lumikha."

Ang tingin sa Kanya nitong Amang Diyos,
Noo'y hindi Anak ng mga alindog;
Ang turing sa Kanya'y "Biktimang nahandog",
Biktima ng salang "dugo" ang panubos,
Si Kristo'y liwanag na walang paglubog,
Ngayo'y nilambungan ng ulap ng lungkot;
Siyang katarungang kabagsika'y lubos,
Sinisikil ngayon ng mundong mapusok;
Kabanalan Siyang lantay at mairog,
Ngayo'y hinahamon ng bulkan ng poot.

Si Hesus ay BUHAY - walang haggang BUHAY,
Kaagapay ngayon ay ang kamatayan,
Siya ay MAPALAD sa mundong ibabaw,
Ngayo'y kulang-pala....kapos kapalaran;
Bilanggo sa hirap at lunod sa lumbay,
Laruan ng lunos at kapighatian,
Naglulunoy siya sa dagat ng panglaw;
Sa diwa ng tao'y di mailarawan;
Kaya nga't himutok sa dibdib ay nasnaw,
"Diyos ko, bakit Mo ako binayaan?

Kahuluga'y ano ng "PAGPAPABAYA"
Kay Kristo ng Amang Dakila?
Dapat pabayaan ang taong kuhila,
Kung hindi magsisi at ayaw magtika;
Sumigaw si Kristo sa daing na wika,
Nang upang marinig ng bingi't mulala;
Sa gayo'y matakot ang taong madaya
Sa tampo ng Poon na nagdaralita;
( Kung itong si Kristo ay napariwara
Ang taong may-sala, gasino pa kaya? )

Siya ay nag-anyong aliping lumabag,
Sa pag-ako Niya sa taong nag-hudas;
Siya'y hinayaan ng Amang "mag-hirap",
Gayong walang salang munti mang ginanap;
Gaano pa kaya ang parusang dapat
Sa makasalanan na nagma-matigas?
Kung itong si Kristong May-likha ng batas,
Kakilakilabot ang pagka-pahamak;
( Gaano pa kaya ang dusang nag-abat
Sa makasalanan na kahabag-habag? )

Si Kristo'y halamang sariwa't madagta,
Tinupok ng "apoy ng pagpapabaya;"
Halamang natuyo ang taong masama,
Ang kakamting dusa'y gaano pa kaya?
Dapat pabayaan ng AMANG MAYLIKHA
Ang ayaw magbago't sukdulang kuhila;
Sa atin, kapatid, ito ay babala,
Na huwag matulog sa salang nagawa;
( Taong pabayaan ng Poong Dakila
Ay sawi at sadyang "kawawang-kawawa!" )

Dumaing si Kristo na pinabayaan,
Di dahil sa sugat sa kanyang katawan;
Ang laman ng diwa ay panghihinayang
Sa maraming taksil na makasalanan;
" - Aking nang inako ang mundong sukaban,
Bakit marami pang salaring lumitaw?
Ang dugo Ko ngayo'y saganang bumukal,
Sa marami'y dugong walang kabuluhan,"
( Ito ang dahilan ng impit na sigaw
At daing ni Hesus sa kurus ng lumbay! )

Di kaya mabaghan, mahal na kapatid,
Ikaw sa panaghoy ng Kristong nilait?
Siya ay dumaing - "ikaw rin ang langit.
Na makapapawi sa sukal ng dibdib;"
Ang kaluluwa mong lihis sa matuwid,
Bakit di magsisi't sa Kanya'y bumalik?
Titigan si Kristo sa kurus ng sakit
At damhin ang iyong pusong sakdal amig;
( Bakit di mo gawing sa Kanya'y humalik
At makiramay ka sa Kanyang paghibik? )

O, Hesus na lubhang sininta ng Ama,
Tiklup-tuhod kaming may luha sa sala;
Ang mithi'y tanggalin sa pagkakadipa
Ikaw na napako sa kurus ng dusa;
Sa Iyo mang batas, kami'y nagkasala,
Sa Iyong tangkilik nama'y umaasa;
Ang Iyong tinaggap na laksang parusa,
Sa 'ming kalul'wa'y maging gamot sana;
( Ampunin Mo nawa - kami bawa't isa,
Huwag pabayaang masawi tuwina! )


IKALIMANG WIKA

AKO'Y NAUUHAW
(SITIO)
(JN 19:28)

Sa katanghalia'y sumilim ang ARAW,
Sa BUNDOK NG PAIT ay ayaw tumanglaw;
Humapon sa kahoy ang ibon sa parang,
Nanlugong animo'y may katatakutan;
Wala na ang manok sa mga bakuran
At nangag-sisampa sa mga hapunan;
Sa mga palupo't bubungan ng bahay,
Huni ng "kuwago'y may sigid ng panglaw;
Anupa't ang lahat, tila nangagtipan,
Na sa NAKAPAKO'Y luksang makiramamy.

Nagimbal ang lupa na tila may lindol,
Nayanig ang bundok - parang inaalon;
Nadurog ang bato't gumulong sa burol'
Humapay, nabuwal, - mga punong kahoy;
Ang hayop sa gubat at lati'y umungol,
Sindak ang naghari sa bayang naroon;
Dumagok sa dibdib ang taong natipon,
Tila ba kay Kristo'y ibig na umayon;
Sa kanilang budhi - may diwang bumangon,
"-Totoo ngang ito'y Hari't Panginoon!"

Dalawang oras nang nag-aagaw-buhay
Ang MARTIR sa BUNDOK ng pait at lumbay;
Maga na ang Kanyang sugat na nalahang,
Nilalagnat pati balisang katawan;
"SITIO! ' sigaw Niya, " AKO'Y NAUUHAW "!
Na tila sa uhaw Siya'y mamamatay;
kagaya ng hula ng propetang Banal,
Berdugo'y kumuha ng espongha't tangkay;
Binusan ng sukang sa apdo kinanaw
At isinalisol sa bibig na tigang.

Diyata't nauhaw ang Poong May-gawa
Ng mga batisan, ilog, dagat , sapa?
Nang Kanyang gunawin ang mundong masama,
Pinabaha Niya ang tubig sa lupa;
Sa tungkod ni Moyses ay Kanyang kinusa,
Na tubig sa bato'y bumukal na lawa;
Ang tubig sa Morat mapait na lubha,
Pinatamis Niya't inuming nilikha;
Nang hindi mauhaw si Samsong balita,
Sa panga ng hayop, tubig ay lumuwa.

Si Kristo ang Poong sa bawa't umaga,
Sa halama'y hamog ang pandilig Niya;
Siya ang nangako sa Samaritana,
Na tubig ng buhay ibibigay t'wina
Siya ang nagsabing " LUMAPIT SA KANYA,
KUNG MAY UHAW ITONG ATING KALULUWA;"
Ang TUBIG ng BUHAY na hindi mapakla
Ay IPAIINOM Niya sa balana;
( Kaya nga't ang UHAW doon sa GOLGOTA,
Bugtong ng hiwagang nakapagtataka! )

Parang hayop Siyang binugbog sa hampas,
Hindi kumikibo sa bugso ng hirap;
Ang koronang tinik sa ulo'y sinaksak,
Ni hindi dumaing sa mahapding sugat;
Inayop....dinurhan ang mukhang marilag,
Ni hindi umimik sa dusta't pagbigwas;
Pinagpasan Siya ng Krus na mabigat,
Bahagyang tutol man ay hindi bumigkas;
Nang malugmok Siya't sa lupa'y malagmak,
Hindi man kumibo sa palo at tadyak.

Ang kamay at paa'y - pinako't niluray,
Hindi nag-himutok Siya ga-putok man;
Ni hindi humuma - subali't gayon man,
Naghinakdal ngayon - " AKO'Y NAUUHAW!"
Ang UHAW na ito'y UHAW NG KATAWAN,
At UHAW ng Kanyang KALULUWANG BANAL;
Ang UHAW na lalo Niyang dinaramdam
Ay UHAW sa ating KABANALAN;
Nauuhaw Siya sa 'yong kaligtasan
At sa PAG-IBIG mong kadalasa'y hangal."

Kung uhaw ng bibig ang ibig sabihin,
"HIMALA" ang Siya'y buhay pang tanghalin;
Mula sa hapunan ay hindi tumikim
Ng tubig ang labing tuyo, lanta, laing;
Magdamag na Siya'y napuyat sa hardin,
Tinudyo, sinaktan ng kawal na taksil;
Sinalunga Niya'y KALBARYONG malagim,
Sa bigat ng kurus nadapang gupiling;
Dalawang oras nang sa pako'y nabitin
At ang UHAW Niya'y apoy na sumupil.

Magmula sa kurus si Kristo'y nagmaisd
Sa sangkatauhan ng buong daigdig;
Ang nakita Niya ay maraming ganid,
Ayaw apulain ang msamang hilig;
Maraming sa DUGO Niya ay titikis
At sa Kanyang NGALA'y yuyurak nang labis,
Maraming hahamon pati na sa langit,
Hanggang sa impiyerno sila ma'y mabulid,
Maraming Born Again - at Fundamentalist,
Kaya nabulalas: ' UHAW SA PAG-IBIG! "

Ang nakita Niya'y ang lahing salarin,
Na palatungayaw at palabintangin;
Prusisyong nagdaa'y mga bayang sakim,
Na " ari ng iba'y ginaga't inangkin,"
Ang nakita'y liping "taong sinungaling",
Kriminal na lahing nagmana kay Kain;
Maraming sa bisyo'y hangal na alipin,
Sa ALAK NG LASWA'Y nagpapakalasing;
At sa NASA NIYANG ang SALA'Y supilin,
"AKO'Y NAUUHAW!" ang daing sa atin.

Ang nakita Niya'y ang MATERIALISMO,
Na ayaw kilanlin pati "espiritu"
Nakita ang buktot pa ring KOMUNISMO,
Na pinagpipingki ang mga krist'yano;
Mayama'y mahirap pinagkakagulo,
Pati ang Pag-gawa at Kapitalismo;
Nakitang sisipot yaong ANTI-CLERO,
Na magsisilaban sa pari't Obispo;
Itatatwa nila - pagka-Dios ni KRISTO,
Kikilanlin lang na ganap na tao!

NAUUHAW AKO SA MAKASALANAN,
Kayo ay magbalik sa landas na banal;
Mayamang kapuwa, ako'y NAUUHAW
Magpakasakit na't krimen ay lubayan;
Kaluluwang sakim, ang api'y damayan,
Mahabag sa lubhang nangangailangan;
Laging ipagtanggol yaong katarungan,
Pakinggan ang taghoy ng pobreng Mang Juan;
Marusing na budhi ay budhing hugasan,
Nang uhaw ni Kristo'y uhaw na matighaw!

Nauuhaw ako sa mga palalo,
Na bumabang-loob at maging maamo;
Mga magnanakaw, lapastangang-puso,
Suwail, limatik, malaswa't mayamo;
O, makasalanang tinubos ng dugo,
Pawiin ang uhaw ng banal kong Puso;
NAUUHAW Akong "DIBORSYO'Y maglaho,"
Mag-asawa'y dapat tapat sa pangako;
( Ang Abortion nama'y dapat nang masugpo,
Ito ay pagpatay sa binhing tumubo. )

Naririnig mo ba, kapatid na giliw,
Ang taghoy ni Kristong iyong paiinumin?
Malupit ka kayang "mirra" ang ihain,
Kagaya ng hudyong palamara't taksil?
Luhang nagsisisi ang tubig na hlIing
At ang pagtitikang hindi magmamaliw;
Pagtupad sa Iyong banal na tungkulin,
Ang pamatid-uhaw ni Kristong butihin;
( HESUS KO, UHAW MO'Y AMING PAPAWIIN,
PAG-IBIG SA IYO'Y HINDI LILIMUTIN! )


IKA-ANIM NA WIKA

( TAPOS NA ANG LAHAT! )
( NAGANAP NA (In. 19:30 )

Ang "CONSUMMATUM EST" ay wikang "VICTORY"
Na ang kahulugan - si Kristo'y nagwagi;
Demonyo'y natulig sa Wikang sinabi,
Nawasak ang lupa - NATUBOS ang imbi";
Ang lugod at tuwa'y siyang namayani,
Nabuksan ang langit na pinid na dati,
TAPOS NA ANG LAHAT! - anang pamarali,
Imp'yerno'y natalo, ang sala'y naputi;
Pumalakpak pati anghel na mabuti,
Umawit sa lugod nang kawili-wili.

Inisip ni Kristo ang Kanyang tungkulin,
" Ang sangkatauhan ay dapat sakupin;"
Ang PAKAY ng Kanyang pagsilang sa Belen,
Pagtalimang lagi sa AMANG butihin;
Ang taong nagdaan - nang gunam-gunamin,
Ay hitik sa banal na mga gampanin;
Ang ARAL na Kanyang EBANGHELYONG turing,
Nahasik na binhi sa puso't damdamin;
Ang bagong SIMBAHAN ay natayo na rin,
Nahirang na Niya - paring magigiting.

Ang pilay ay Kanyang sadyang pinalakad'
Ang bulag ay Kanyang matang idinilat;
Ang lumpo at pingkaw ay binigyang-lunas,
Balana'y nagtamo sa Kanya ng basbas;
Pitong SAKRAMENTO'Y Kanyang itinatag,
Na bukal ng grasyang sa Kalbaryo buhat;
Ang lambong ng LUMANG TIPAN ay nagawak
At ang BAGONG TIPAN ay talang sumikat;
Nasiyahan Siya sa Kanyang natupad,
Kaya'y ang nasambit: "TAPOS NA ANG LAHAT".

Binulay ang HULA ng mga propeta,
Binuklat ang dahon ng LUMANG BIBLIA;
Kilos Niya't gawa'y Kanyang "ipinara"
Nagkatiyap naman at nagkakaisa;
Ang pagsilang Niya sa yungib na aba
At ang kamatayang mapait na "mirra";
Ang tinik sa ulong nagsilbing korona
At apdong inuming inalok sa Kanya;
( Sa isip ni Kristo'y Tubos na ang sala,
Kaya't nabulalas: "LAHAT AY TAPOS NA!" )

Nang Kanyang suriin ang aklat ng Hula,
Natupad nang lahat ang bawa't talata;
Sa gayon ang MARTIR - mata'y tumingala,
Sa AMA'y nagtanong na nag-uusisa;
" - Tiniis Kong hirap ay sapat na kaya,
Na bayad sa taong ginawa'y masama? - "
"Talarong timbangan" sa Kanya'y nabadha,
Na hawak ng kamay ng Poong Bathala;
Tinitimbang doon ang "krimen ng madla,"
Na sa KATARUNGA'Y lumaba't sumira.

Sa pinggang nilagyan niyong kasalanan,
Naturo ang tulis ng espadang kamay;
Tila ba sinabi ng Amang Maykapal,
Kung wala ang dugo'y WALANG KATUBUSAN;
Minalas ng martir ang Kanyang paanan,
Mata ang nagturo sa dugong natunaw;
Minasdan ang bundok at daang nilakbay,
Nadilig na dugo'y tinuro ng tanaw;
Sa haliging bato na kinagapusan,
Ang patak ng dugo ay pinagbalikan.

Sa sikdo ng Puso ni Kristong Mesiyas,
Sa timbangang yao'y dugo ang pumatak;
Kabiyak ng pinggan na naka-bangkilas
Sa dugo ni Kristo'y napunong di-hamak;
Dulo ng espada'y biglang bumalikwas
At ang kasalana'y gumaan - nahugas;
Kagaya ng ilaw, kukutikutitap,
Naglaho sa araw na lubhang madilat;
At sa KATARUNGAN Siya ang nagbayad,
Kaya ang winika'y "TAPUS NA ANG LAHAT!"

Ang bawa't mamulat sa bayan ng hapis
Ay may katungkulang hanapin ang langit;
Itong buhay natin dito sa daigdig,
Tungkuling itahak sa daang matuwid;
Makapagwiwika ng "CONSUMMATUM EST"
Ang taong mapalad sapagka't mabait;
Kahulugan nito'y natupad nang labis,
Ang "MISYON" sa lupa na magpakalinis;
Sa DIYOS at Bayan, kapuwa, kapatid
Tungkuli'y NATUPAD na - CONSUMMATUM EST!

Sarili mong budhi ngayon ay suriin,
Nagagawa mo ba ang iyong tungkulin?
Sa iyong estadong piniling magaling,
Natutupad mo ba ang mga "habilin"?
Ang pananalig mo't gawang panalangin,
Nagaganap mo bang taos at taimtim?
Ang masamang asal at hidwang damdamin,
Sinisikap mo bang masugpo at sikilin?
O mga kapatid, sa dugong nahain,
Iyang KASALANA'Y inyo nang TAPUSIN!.

O, naghihingalong NAKAPAKO sa Krus,
Sa Iyong paanan ay naninikluhod;
May luha sa mata, nagsisising - lubos,
Kaming sa maitim na sala'y nalugmok;
Loobin Mo nawang gawa nami't kilos
Ay maayong lahat sa banal Mong utos;
Nang sa kamatayang araw na malungkot,
Matuwa ang puso't mawika Mong taos;
( "A, CONSUMMATUM EST! LAHAT NA'Y NATAPOS
at natupad ko na - ang Banal Mong loob! )


IKA-PITONG WIKA

( "SA MGA KAMAY MO,
INIHAHABILIN KO ANG AKING KALULUWA! )
( IN MAUS TUAS COMMENDO SPIRITUM MEUM )

Doon sa KALBARYO'Y wala nang natira,
Lahat na'y nabigay na mga PAMANA;
Sa bunying APOSTOL ay naigawad na,
Ang di maulatang tangkilik na grasya;
Ang damit na yari ng BIRHEN MARIA,
Sa naghating kawal naman napunta;
Ang larawan Niya sa kay BERONIKA,
Ang patawad nama'y sa nangag-parusa;
Ang langit kay Dimas na lubhang nagtika,
Sa sangkatauha'y ang irog na Ina.

Ang kaisa-isa na nalabing yaman
Ay ang kaluluwang huling ibibigay;
ITO'Y HABILIN KO SA IYO PONG KAMAY,
COMMENDO SPIRITUM MEUM, Amang Mahal!
IN MANUS TUAS - KALULUWANG TAGLAY,
Ikapitong Wikang Kanyang isinigaw;
Lumilipaw noon yaong kamatayan
At ibig lupigin ang "NAKABAYUBAY";
Yaong 'SAKRI[PISYO'Y" noon ginampanan
Na handog ng PARING SARILI ang alay.

Ang HULING PAALAM ni Kristo'y binigkas,
Sa wikang pasigaw at wikang malakas;
Ito ay HIMALA, sapagka't ni patak
Ng dugo'y wala nang nalabi sa ugat;
Ang ibig sabihin, "Siya ay may lakas,"
Kayang palawigin ang buhay na ingat;
Aliping hahalik sa Kaniyang yapak,
Pati kamatayang salot na marahas;
Ang sigaw na ito'y dapat mapalimbag
Sa diwa ng taong sa lupa'y halaghag.

Yaong kamatayang kalawit sa tao,
Gapos na bilanggo doon sa kalbaryo;
Di mapangahasang galawin si Kristo,
Na Maylikhang Diyos ng magarang mundo;
Kaya lang lumapit sa Kanyang pagyao,
Pinahintulutan na maging "berdugo";
Yao'y katibayang Diyos na totoo
Ang Kristong naghandog niyong espiritu;
Nalupig na noon ang mga demonyo,
Naagaw.... natubos ang aliping tao.

Nang umalingawngaw ang huling SALITA'
Serapi'y nagtakip ng sindak na mukha;
Kumapal ang dilim sa ulap na luksa'
Sa bundok na yaon na nakaluluha;
Nag-umpog ang bato - nabiyak ang lupa,
Niyanig ng lindol na nakapupuksa;
Ang ugong, ang kulog, noo'y pambihira,
Salimbay ng kidlat ay parang sa digma;
Nagimbal ang templo't kurtina'y nasira,
Libinga'y nabuksa't patay ay gumala.

Malungkot sa dati noon ang Kalbaryo,
Tumutol nang "todo" ang likas ng mundo;
Sapagka't ang tibok ng Puso ni Kristo,
Madalang na tila "pumaparang relo";
Wala na ang pintig sa Kaniyang "pulso",
Malamig na tila bangkay nang totoo;
....At iniyukayok ang Kaniyang ulo,
Nawalay nang lubos yaong "ESPIRITU"
( Emisit spiritum ), si Kristo'y yumao
Yumuko ang ulo ( capite inclinato ).

Wala na - namatay ang Poong Butihin,
Na bukal ng grasya't Mananakop natin;
Nasaan ang inyong luha at panimdim
At pusong ang panglaw ay nakababaliw?
Namatay si Kristong umako sa krimen
At kumakalinga sa bawa't mithiin;
Bakit di managhoy sa harap ng libing?
At manambitan kung tigib ng hilahil?
Kudyapi ng hapis ay ating tipahin
Sa pakikiramay sa luksang hinaing!

Ang Haring Hosiyas, nang siya'y mamatay,
Nagluksa ang kanyang buong kaharian;
Ang angkan ni David, nina Levi't Natan
Sa pagdadaulat ay hindi tumantan;
Pati saserdote'y namutla sa panglaw,
Sa kapapanangis na putos ng lumbay;
MAYKAPAL NA HARI - Ngayon ang pumanaw,
Bakit di mabagbag - iyang kalooban?
Kristong Panginoo'y nag-alay ng buhay,
Ganti mo ay ano - kay Kristong namatay?

DAHIL SA PAG-IBIG sa tao'y nagtiis
Ng katakut-takot na HIRAP AT SAKIT;
Ang KASALANAN mo ang kalis ng lupit
Na sa Buhay Niya'y kumitil....lumupig;
Ang KATUBUSAN mo ang Kanyang nilangit,
Sa PAGKAKAPAKO na kalait-lait;
Totoo ngang SIYA'Y DIYOS ng pag-ibig,
Naghain ng BUHAY SA KRUS NA NATIRIK;
Kaya naman ikaw, irog kong kapatid,
Magpatirapa ka - sa Diyos magbalik.

Animo'y halamang sa bunga 'y sagana,
Kiniling ni Hesus ang ulo sa lupa;
Nang upang pitasin ng mundong kawawa
Ang kumpol na bunga ng mga biyaya;
Kumiling sa mundo ang maamong mukha,
Nang upang mapansin ang iwing hiwaga;
Ang pag-ibig Niya'y nais mahalata
Ng mundong ang puso'y malamig na tingga;
Upang mahalikan ng mundong masama,
Makipagkasundo sa Poong Bathala.

Yumuko ang ulo, may ibig sabihin,
Kabanala'y mahal sa Kanyang damdamin;
Niyukuan Niya ang Mahal na Birhen,
Na saksi ng Kanyang inabot na lagim;
Yumuko ang ulo, nang upang aliwin,
Ang makasalananang nagsising taimtim;
Maria Magdalena doo'y nakahimpil,
Ang pinag-ukulan ng Kanyang pagkiling;
Ang pagkayukayok ay tangong magiliw
Sa tanong ng taong lagi nang malambing.

Tunay po ba, Hesus, ang Iyong pag-ibig,
Na hindi masayod at hindi malirip?
Kung kailangan pang ikaw ay magtiis
Sa kaligtasan po ng buong daigdig,
Pumayag Ka kaya na muling magsakit
Sa kaginhawahan ng bayang balawis?
Si Kristo'y yumuko na ang Kanyang ibig,
Sagutin ng " OO " ang Kanyang narinig
Pagsinta ni Hesus - hindi masasaid,
Dahilan sa taong nais na bumait.

Kung sa kamatayan kami ay masawi
At inulila na ng nagkakandili;
Kung wala mang kamay na kami'y mahili.
At walang umaliw sa lumbay ng budhi,
Damayan Mo kaya kami sa pighati,
Kalungin sa dibdib ang pusong lugami?
Yumuko si Hesus, Oo, Ako'y lagi,
Sa naghihingalo'y maarugang hari;
Nilulunasan ko ang kirot at hapdi
Ng taong sa banig ng hirap nalungi.

O, habag ng Poon na di madalumat!
Kahanga-hanga po ang Iyong paglingap!
Sa kurus Mo, Hesus, aral na kumislap,
Kaligtasan nami'y taglay Mo at hawak;
Ang diwang sukaba't gawang talipandas,
Natubos ng dugong sa Puso Mo buhat;
Itong KALULUWA - aming pakiusap,
Kalingain Mo po sa mahal Mong yakap,
INIHAHABILIN NAMIN sa 'yong PALAD,
Buo naming diwa't buhay naming ingat!



Page 4 of 5
Please press Older Posts for Page 5.

No comments:

Post a Comment