“Mga
kapatid ko sa pananampalataya sumapit na naman tayo sa panahon ng
Semana
Santa
o Mahal
na Araw. Sa
mga araw na ito, ginugunita ang pinakamahalagang pangyayari sa
kasaysayan ng kaligtasan: ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling
pagkabuhay ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”
(Valera, Banal
na Triduo
1).
“Sa
mga araw na ito, ating inaalala ang matagumpay na misyon ni
Hesukristo na ibinigay sa Kanya ng Ama: ang misyon na iligtas ang
lahat ng tao sa pamamagitan ng Misteryo ng Paskuwa. Sa kanyang
pagkamatay ay winasak Niya ang kamatayan at sa kanyang pagkabuhay ay
ibinalik sa atin ang buhay.”
(Valera, 3).
Abala
ang mga Katoliko sa panahon ng mga mahal na araw (Semana
Santa)
na
ito upang magpaka-banal at makapag-nilay nilay sa buhay. Itinuturing
ng maraming Katoliko ang Semana Santa bilang mga pinaka-banal na araw
sa loob ng isang taon. Ilan lamang sa mga gawain tuwing panahong ito
ay ang mga sumusunod: Misa sa Huling Hapunan, Bisita Iglesya, Banal
na Oras, Pagbasa ng Pasyon, Daan ng Krus, Seremonya ng Pitong Huling
Wika, Prusisyon sa Mahal na Araw at Salubong.
Mga Reaksyon:
Totoo,
marami ngang mga gawi ang mga Katoliko tuwing Semana Santa lalo na
dito sa Pilipinas. Ngunit totoo ring kulang sa paggabay ang mga tao
ukol rito. Sa aspetong ito, malaki ang naiambag ng ating kababayang
si Rdo. Msgr. Andres S. Valera, H.P., S.L.L. Sa pamamagitan ng
kanyang aklat na Banal
na Triduo:
Ang
Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit at Pagkabuhay ng
Panginoon,
binibigyan niya tayo ng gabay kung paano nga ba dapat ipagdiwang at
isagawa ang mga gawain sa Mahal na Araw. Ang maganda rito, hindi
lamang ito gabay para sa mga layko ngunit ito ri’y isang gabay para
sa mga pari.
Kumpleto
ang nasabing aklat mula sa Pagdiriwang ng Huwebes Santo hanggang sa
mga gawain sa Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Isinasaad rin sa
libro kung ano ang mga dapat na ihanda sa bawat pagdiriwang. Mayroon
ring mga mungkahi at natatamang paraan para sa mas makabuluhang
pagdiriwang. Kumpleto rin ito sa mga pagbasa at awitin na angkop sa
mga pagdiriwang. Ang mga awitin ay may nota pang kasama para sa mga
tumutugtog.
Catechetical
ang dating ng libro kung kaya matututo talaga ang babasa nito. Sa
bawat simula ng bawat Mahal na Araw, mayroong maikling catechesis
ang may-akda upang lubusang maintindihan ng isang mananampalataya ang
halaga ng araw na yaon. Gayundin naman na sapagkat dalubhasa sa
liturhiya ang may-akda, kumpleto ang aklat sa mga dapat na gawin
(kung kailan kailangang tumayo, umupo, lumuhod, tumahimik, atbp) at
mayaman ito sa mga aral tungkol sa mga liturhiya ng Mahal na Araw.
Mayroon ring
mga gawain na ibinigay sa atin ang may-akda upang may magawa tayo sa
mga araw na akala nati’y walang magagawa. Isang magandang halimbawa
ang Sabado Santo. Para sa karamihan, dapat ay walang gawin dahil
patay si Kristo ngunit nasa aklat na puwede naman tayong magdasal ng
Panalanging Pang-Umaga. May kasama pa itong pagninilay ukol sa
“Pananaog ng Ating Panginoong Jesu-Kristo sa Kinaroroonan ng mga
Yumao” na hango sa Office
of the Readings.
Mayroon
ring mga idinagdag ang may-akda na lalong makapagpapayaman sa gawain
natin tuwing mga Mahal na Araw. Mayroon itong mga tagubilin sa
pagbasa ng Pasyon, gabay sa Prusisyon sa Mahal na Araw, Hanay ng mga
Imahen sa Prusisyon ng Mahal na Araw at Gabay sa Prusisyon ng
Paglilibing
Sa
kabuuan, tunay na maganda ang aklat na naisulat ni Rdo. Msgr. Andres
S. Valera, H.P., S.L.L. Kumpleto ito sa mga gawain sa Semana Santa tulad
ng aking mga nabanggit. Nagbibigay ito ng aral na makapagpapalalim pa
ng ating pananampalataya. Sa pamamagitan ng aklat na ito, nawa’y
makita ng bawat mananampalatayang babasa nito ang ganda at yaman ng
Mahal na Araw sa pananampalatayang Katoliko.
Ang ikatlong pag-iimprenta ng libro ni Msgr. Valera na ginamit noong nakaraang pagdiriwang ng Banal na Triduo. Larawan ni: Sem. Rex Andrian E. Polintan. |
Pagninilay:
Tunay
ngang ang mga Mahal na Araw ay puno ng pagmamahal, pagmamahal ng
Diyos sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at
muling pagkabuhay tayo’y iniligtas Niya at pagmamahal nating mga
tao sa Diyos na sa pamamagitan ng pag-alaala natin sa mga araw na
ito, hindi natin kinalilimutan ang kabutihang ginawa Niya para sa
sangkatauhan.
Kung
ang Diyos ay mahal tayo marapat lamang na suklian natin ito ng
pagmamahal rin sa pamamagitan ng pananampalataya…tunay na
pananampalataya. Sakto naman dahil sa pagdiriwang natin ng mga Mahal
na Araw, ipinagdiriwang rin ng Simbahang Katolika ang “Taon ng
Pananampalataya”.
Ang
aklat na Banal
na Triduo
ay isang mabisang tulong at gabay na kung saan mas mapapalalim natin
ang ating pagmamahal sa Diyos at pagkaka-unawa sa Mahal na Araw.
Kapag mas naunawaan na natin ang kahalagahan ng mga araw na ito,
tiyak ako na mas lalalim pa ang ating pananampalataya sa Diyos na
nag-alay ng buhay para sa atin.
Kaya
naman, binabati ko si Rdo. Msgr. Andres S. Valera, H.P., S.L.L. sa
kanyang kasigasigan na mailimbag ang nasabing aklat at makapag-dulot
ng maraming aral para sa ating mga Katoliko.
Tungkol sa Nagsulat: Si Sem. Niño Jomel H. de Leon ay tubong Sta. Maria, Bulakan. Ang kanyang ama na si Dr. Napoleon de Leon ay tubo namang San Jose, Hagonoy, Bulakan kaya naman si Sem. Niño ay may lahing Hagonoeño. Kasalukuyan siyang nag-aaral sa Immaculate Conception Major Seminary - Graduate School of Theology sa Tabe, Guiguinto, Bulakan at kasama na sa hanay ng mga seminarista na may lahing Hagonoeño.
Photo Courtesy: Sem. Rex Andrian E. Polintan
Immaculate Conception Major Seminary
Graduate School of Theology
Tabe, Guiguinto, Bulacan
wala po ba siya nadadownload na free pdf or ebook?hindi po ba siya magkakaroon sa National Bookstore or sa St. Paul's Bookstores?
ReplyDelete