Ano ba ang Bayang Levitico?
Ang Bayang Levitico: Isang Pagkilala sa mga Paring Anak-Hagonoy ay isang natatanging bahagi ng pahayagang ito na naglalayon na magbigay ng panig para sa mga paring anak-Hagonoy. Gusto nitong bigyang-pansin ang natatanging pamanang kalinangan ng Simbahan na nagmula sa bokasyon ng mga paring anak-Hagonoy na naging dahilan kung bakit tinawag ang bayan sa katawagang Bayang Levitico.
Bawat quarter magbibigay ng tuon ang bawat bahagi ukol sa buhay ng piling bilang ng mga pari. Sila ay mga totoong Catholic Hagonoeño na nabuhay, tinawag at nahubog upang sundan ang mga yapak ni Kristo sa pagiging pari para sa Simbahan. Dito lubos nating tuklasin ang ganda at biyaya ng buhay-pari sa pagbabahagi ng ating mga kababayang inordenahan sa pagkapari ni Kristo.
Mga Paring Anak-Hagonoy
Vol. II, Issue 1, April 2013
Rdo. Msgr. Enrico Saguinsin Santos, H.P.
San Sebastian, Hagonoy
Rdo. P. Rogelio Dizon del Rosario, M.J.
San Jose, Hagonoy
Rdo. P. Marcelino Nicolas Tiongson, CRS
Sto. Niño, Hagonoy
1.) Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang magpari?
- Mahiwaga
ang kalooban ng Diyos. Ang
hula ko ay sadya niya akong inilagay sa isang pamilya sa Hagonoy na
may mga kaanak na pari. Si Fr. Mariano Saguinsin ay kapatid na bata
ng aking ina, at sina Fr. Vicente Vasquez at Fr. Edgar Saguinsin ay
mga kamag-anak din. Bata pa lang kaming magkakapatid ay hinubog na
kami n gaming magulang na mainam maglikod sa Diyos. Kaya nagseserve
kami sa Misa at doon ako naakit magpari.
2.) Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?
Sa aming tahanan nakagisnan at nakalakhan ko ang pagdarasal ng Sto. Rosario tuwing alas 6 pm, at pag Miyerkules ay may dagdag pang Nobena sa Ina ng Laging Saklolo na nakabroadcast sa radio mula sa Bataan. Tuwing Linggo din ay nagsisimba kami. Kapag Mahal na Araw sumusunod kami sa Prusisyon, at ang aking ama at kuya ay kasama sa bandang tumutugtog sa Prusisyon. Nanunuod din kami ng sinakulo at nagbibisita Iglesia.
3.) Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?
-Ang
Hagonoy ay isang baying matapat sa Diyos, gaya ng nakikitang debosyon
ng mga tao sa lahat na yata ng Santo at Santa. Halos lahat ng bisita
ay may regular na Misa na masiglang dinadaluhan ng maraming tao at
debuto. Di
kataka-taka na maraming mga kabataan ang maakit sa paglilingkod sa
Alta at maging kaibigan ng pari. Bukod
sa aking mga tiyuhing pari, malaking impluwensya sa akin si Fr. Ramon
Vera at Fr. Arturo, mahuhusay na magsermon at palabati sa mga tao;
kaya madaming kaibigan.
Mataba
ang lupa ng Hagonoy para sa bokasyon!
4.) Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?
- Maganda
ang inyong misyon at adhikain, at kapuri-puri ang inyong malasakit sa
pagpapalago ng bokasyon. Maraming salamat! Nawa’y maraming makabasa
na mga kabataan sa pamamagitan ng Facebook, Twitter at SMS. Mag-anyaya
rin sa pamamagitan ng mga group, seminary tours, siertation seminars,
para mabago ang kanilang pananaw sa seminaryo at pagpapari.
1.) Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang magpari?
- Una, syempre dahil marami nang naging pari na mula sa bayan ng Hagonoy. Isa na rin itong malaking bagay na nakapagimpluwensya sa akin, lalo na dahil sa aming barrio sa San Jose ay maraming pari ang nakatira. Parehas pong taga-Hagonoy ang magulang ko at nakuha ko sa kanila ang halaga ng pag-aalaga sa iba. Sa katunayan ang ama ko naman ay hindi relihiyoso, ngunit naging mabuti naman ang loob niya sa ibang tao. Noong 1963, kinailangan naming lumisan sa bayang sinilangan upang samahan ang aking ama sa Negros Occidental kung saan siya nagtrabaho. Pagkatapos iyon ng elementary at noong ako'y pumasok ng high school nasama ako sa mga unang recruit ng seminaryo minor (high school seminary) sa pangangalaga ng Congregatio Immaculati Cordis Mariae (CICM), isang religious congregation. Sa loob ng kanilang pangangalaga, nahubog ang aking pagnanais na maglingkod na naramdaman ko noon bilang isang batang napapalibutan ng mga nagpapari sa Hagonoy.
2.) Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?
- Noong nasa Hagonoy pa kami, natutuwa ako dahil mayroon akong mga tiyahin na katekista na nagtuturo noong sa primary school sa San Jose kung saan ako nag-aral. Bagamat hindi masyadong relihiyoso noon ang pamilya namin, sila ang nagbigay sigla sa aming pagpapahalaga sa pananampalataya. Sa Negros Occidental naman, ang mga paring foreigner mula sa Columban missionaries ang nakapagimpluwensya sa akin. Kaya naman ang tradisyon na kung saan napukaw ang aking loob upang maging pari ay ang pagiging buhay misyonero na kung saan naging bahagi ang pamamhayag ng Salita ng Diyos.
3.) Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?
- Sa Hagonoy, naging bahagi ang mga programa ng Simbahan tulad ng katekesis sa pagpapalakas ng aking pagnanais maging pari. Ngunit mas lumakas ito, sa palagay ko, sa pagpasok ko sa seminaryo. Natuwa ako sa pagdiriwang ng Banal na Misa na ginagawa noong ng pamayanan namin sa CICM at namangha ako sa mga pari na nagmimisa sa harapan ng napakaraming tao. At dito hindi ko lamang pinapahalagahan ang misa kundi pati na din pagiging tagapagdala ng Mabuting Balita. Bilang isang misyonero, hindi ka lamang pari, na minsan ay nagiging prestihiyoso, kundi isang simpleng misyonero na namumuhay sa pagiging ehemplo para sa ibang tao. Noong naordenahan ako noong 1977, ito na ang naging tungkulin ko. At kahit nahati ang aming congregation, dahil ngayon ay nahati ang CICM sa dating orden at ang bagong congregation, ang Missionaries of Jesus (MJ) na kung saan miyembro ako simula 2002, naging lakas ko ang pagiging isang misyonero.
4.) Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?
- Para sa mga nagbabasa nito, ang mabibigay ko lang na mensahe ay ang pangangailangan sa Simbahan ngayon na pahalagahan ang buhay-misyonero. Ang buhay-misyonero ay isang buhay ng paglilingkod. Nakapaloob dito ang halaga at kaganapan ng pagiging isang lingkod ni Kristo na may simpleng pamumuhay. At dito maganda na mahubog rin ang mga mananampalataya, lalo na ang mga kabataan para sa ikalalago ng mga bokasyon sa Simbahan.
1.) Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang magpari?
- Una
at pinakamahalaga sa lahat - ang aking kinamulatang
pananampalatayang Katoliko at ang pagsasabuhay nito ng aking pamilya
at pamayanan ang naging dahilan upang ako’y maging isang pari.
Kaya’t
nagisnan ko na ang aking Inang (Antonia Tiongson) ang organista at
cantora sa Parokya ni Sta. Ana. Mga pari (Msgr. Antero Sarmiento
at Msgr. Ramon Vera) ang mga Ninong ko sa Binyag at Kumpil. Sa mga
madreng RVM ako unang nag-aral (Kinder at Grade One). Sa parochial
school ako nagtapos ng high school (SACHS). Sa isang katolikong
unibersidad (UST) ko pinili na kumuha ng kursong Chemical
Engineering… Ilan lamang ito sa mga bagay at pangyayari sa aking
buhay na nakaimpluwensya sa akin upang maging isang paring relihiyoso
(Somascan Father). Hindi nga lamang impluwensya, kundi itinuturing
ko ang mga ito bilang paghahanda at unang paghubog na ibinigay ng
Diyos sa akin bago nya ako tinawag upang maglingkod sa Kanya at sa
Kanyang Simbahan.
2.) Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?
- Naaalala
ko pa, buhat noong kami’y nasa elementarya, kapag tumunog na ang
kampana sa simbahan ni Sta. Ana tuwing alas-sais ng gabi, kailangang
umuwi na kami ng bahay, galing sa pag-aaral o paglalaro, dahil
tatawagin na kami ng aming Impo (Lola) upang magdasal ng orasyon.
Ito ang una sa mga pampamilyang debosyon na nakagisnan ko. Pangalawa
ay ang sama-samang pagdarasal ng Santo Rosaryo ng buong pamilya bago
matulog sa gabi.
Madalas
din akong sumama sa aking Inang sa kanyang mga gampanin sa simbahan,
sa mga misa sa parokya o sa mga baryo kapag pista, nobena sa Ina ng
Laging Saklolo tuwing Miyerkules, sa mga Simbang Gabi kung Disyembre,
at maraming iba pang pagdiriwang at debosyong Katoliko ayon sa
kalendaryo ng liturhiya. Ang
lahat ng ito ay masasabi kong panimulang paghubog sa akin, at naging
matibay na pundasyon ng aking bokasyon sa pagpapari.
3.) Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?
- Ang
panalangin ng mga kababayan sa Parokya ni Sta Ana ang
pinakamahalagang tulong na aking natanggap upang mapalakas ang aking
hangarin na maglingkod bilang paring relihiyoso. Sa mga
pagkakataong ako’y nakakauwi sa Hagonoy, ang pagkilala at
pagpapahalaga sa bokasyon ng pagpapari na ipinapakita ng mga
kababayan, lalo na ng mga naglilingkod sa parokya – mga Manong at
Manang, ay naging malaking tulong sa akin upang magsikap na
magpatuloy at maging tapat. Ang kanilang magandang halimbawa ng
pagsasakripisyo at kasipagan ay naging inspirasyon din sa akin para
harapin ang mga pagsubok na kaakibat ng paghubog tungo sa pagiging
paring Somaskano.
4.) Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?
- Ngayong
Taon ng Pananampalataya (Year of Faith), inaanyayahan tayong lahat
ng Inang Simbahan na magnilay at sariwain ang ating
pananampalatayang Katoliko. Ang panawagan ay tunay na magbalik-loob
sa Diyos, palalimin ang pagsampalataya sa ating Panginoong
Hesukristo, at sumaksi sa Salita ng Katotohanan.
Kaya’t
nais kong iparating sa mga tumatangkilik sa Catholic Hagonoeño,
nawa’y tumalima tayo na ipahayag nang ganap ang ating
pananampalatayang Katoliko. Huwag tayong mahiya o matakot na
isabuhay ito, bagkus manalig, magtiwala at umasa tayo sa tulong ng
Banal na Espiritu. Ipagpatuloy natin ang ating mga tradisyon at
debosyon bilang mga Katolikong Hagonoeño, sapagka’t ito ang
pinakamagandang pamana natin sa mga kabataan, at pinakamabisang
paraan din upang yumabong ang bokasyon, lalo na sa pagpapari, sa
ating bayan.
Page 2 of 5
Please press Older Posts for Page 3.
No comments:
Post a Comment