Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, April 27, 2013

PANITIKAN | LITERARY: SEMANA SANTA



Mula sa Patnugot: Ukol ang tulang ito sa pagdiriwang ng taga-Hagonoy ng Semana Santa na isa sa mga pinaka-tanyag at pinakamahalagang pagdiriwang sa Simbahan ng Hagonoy, ang pag-alala sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesu-Kristo.



Semana Santa
Semana Santa,

Holy Week,

Mahal na Araw,

Anuman ang taguri -

Iisa ang sa atin ay hingi.


Pagbabalik-loob sa Panginoong Hesukristo
Na nagbubo ng Dugo,
Nagbuwis ng Buhay na angkin bilang Tao
Upang maisalba lahat tayo
Sa kuko ng nag-aabang na demonyo.

Pag-alaala sa Dakilang Misyon ng Anak na Solo,
Ginagawa, makalipas ang adbiyento;
Ay, ano ba't kailangan ito?
Masakit, mapait sa damdaming masdan;
Ano ba ang katuturan -
Makita at ngayon ay masaksihan
Kay Kristong pagdurusa at kamatayan?

Sa gitna ng sa Mahal na Birheng paglulumbay,
Bakit tayo sa wari'y nagdiriwang?
'Di ba dapat, kay Maria ay makiramay,
Maki-isa sa dagok ng buhay?

Birheng Ina'y inagawan
Ng Bunsong Hirang;
Walang patid na luha'y
Lumalagaslas, umaagos;
'Di makayang pahiran
Ng birang na tangan-tangan;
Dahil Sintang Hesus, nais ay mayapos
At nang maangkin, sa Anak na pagdurusang taos.

Atin bagang naka-ugalian,
"Holiday" buong kapuluan;
Kaya't sa iba, ito'y magandang pagkakataon,
Upang mag-aliw, magbakasyon.
( Hindi naman pinupuna,
Kanilang pagsasaya;
Huwag 'lang kalimutan sana,
Tunay na dahilan
Ng sa Mahal na Araw na pagliliban.)

Pilipino'y sadyang kakaiba
" Over-acting " sa pagtitika;
Sa pagnanais ipakita
Pagsisisi sa kanilang ginawang sala.

Nariyang  -
"Via Crucis", ibinabalik sa gunita,
Buong bayan, labing-apat na kapilya,
Isang estasyon bawa't isa
Pinagdarasalan, binibisita
Naglalakad mula umaga,
Ang ila'y walang sapin sa paa,
Hanggang sa hapong matagpos ang panata.

Pagsapit ng gabi, sa kalsada nama.y
Mayroong nagsisigapang
Paekis-ekis, nagsasalimbayan
Hanggang marating, dulo ng baranggay,
Halos ubos, ulirat at malay.

Nangagsisipaghampas-dugo
Nangagpapasan ng kurus;
Hindi iilan ang masasaksihan
Sa kalsada, dumaraan;
Magkaminsa'y nagpapa-pako pa
Pinaglagusang kamay at paa,
Dumudugo ng masagana.

Lahat ng ito, kanila raw paraan,
Pakiki-isa sa Panginoong kapalaran;
Tuloy pagsisisi sa kanilang katampalasanan.

Samantala, sa kabilang dako,
Pabasang kinagisnan,
'Di nawawaglit sa isipan
Ng mananampalatayang sambayanan.

Sa simbahan, sa kapilya, maging sa kapit-bahayan
" Viernes Dolores " pa lamang,
Sa himpapawid, alingawngawan;
Matatanda't bata, babae, lalaki man,
Binabasa, pa-awit, Pasyong Mahal,
Kay Hesus na Buhay, Pagdurusa at Kamatayan.

Samu't-saring pag-bulay,
Kultura nang angkin ng ating lahing makulay;
Upang 'di mawaglit sa madlang malay
Kay Kristong pag-aalay 
Ng Sakit at Buhay.

Mahalaga lamang  na huwag kalimutan,
Ang sa Mahal na Araw na tunay na dahilan.
Tayo, na Buhay ng Anak ng Diyos, pinag-alayan, 
Gunam-gunamin - "Ako pala ang puno't sanhi,
Kaya Poon ay inaglahi."

Maano'ng tayo'y dumulog -
"Mahal na Diyos, buong kababaang-loob,
Sa Iyo ngayo'y lumalapit, tiklop-tuhod,
Kaawaan, patawarin, tambing na sansinukob
Sa tanang salang sa Iyo'y tumupok;
Ikaw na naghirap, sa dusa'y nalugmok,
Upang sangkatauhan, sa parusa'y masakop."

Pagsisisi'y lakipan
Ng pagtitikang -
Sa tukso, hindi na aayon;
Upang pakiki-isa sa layon ng Poon,
Maging ganap, maging makabuluhan.
Pagliligtas na pangako
Ni Kristong Sugo,
Walang bula, at totoo
Noon hanggang sa kasalukuyang panahon.

Sa Misyong kaganapan,
Dapat din tayong magbunyi;
Kanyang pagkabuhay na muli,
Katuparan ng Kanyang sinabi -
Templo'y Kanyang wawasakin
At sa ikatlong araw, ay muling bubuuin.

Ibig bagang sabihin -
Buhay man natin kung maputi,
May tinatanaw na pagkabuhay na muli
Sa dako pa roong, langit na mithi.

Diyos na lubhang Makapangyarihan
Anong dakila ng Iyong pag-ibig;
Walang sinuman, kailanman
Lalalo pa, hihigit at dadaig
Sa pag-irog na Iyong sinimpan
Nang paraisong laan, aming masumpungan.

Mahal na Araw, tanging parating -
Pag-ibig ng Poon, sa puso'y laging sariwain
Sa kapwa-tao, gayong pagsinta'y ipadama rin
Sa gayon, ang Bathala, mundo'y pagpalain,
At luwalhati ng langit, ating kamtin.

Pilipino'y sadyang kakaiba,
"Over-acting" sa pagtitika
Sa pagnanais ipakita
Pagsisisi sa kanilang ginawang sala;
Bayang Leviticong pinagpala -
Gayari ang ambag, kaipala.

cttf
3/13/13


Photo Courtesy: Julian P. Liongson
                          National Shrine and Parish of St. Anne
Page 5 of 5
Please press this Link for Volume 1, Double Issue.

No comments:

Post a Comment