Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, April 27, 2013

FEATURE ARTICLE | TAMPOK NA ARTIKULO: PANANAMPALATAYA: Isang Pagtingin sa Pananalig sa Makabagong Simbahan






Panimula:

Ang Ikalawang Sinodo ng Diyosesis ng Malolos

    Naganap ang Ikalawang Sinodo ng Diyosesis ng Malolos buhat ng pangangailangang suriin at muling tuklasin ang kahalgahan ng misyon ng Simbahang Katoliko, lalo na ng ating Diyosesis ng Malolos para sa makabagong panahon. Nagnap ang pagtawag para sa sinodong ito noong ika-28 ng Marso, Huwebes Santo noong Misa ng Krisma at Pagsasariwa ng Pangako ng Kaparian ng Diyosesis ng Malolos sa Parokya ng Inmaculada Concepcion – Katedral at Basilika Minore sa Lungsod ng Malolos. Ayon sa dekretong pahayag ng Obispo ng Malolos o ang tinatawag na Decree of Convocation, isinulat niya ang mga katagang Ecclesia semper reformanda – Kinakailangang panibaguhin lagi ang Simbahan (The Church is always to be reformed). Tanda ito na laging hinihiling ng Simbahan ang paggabay ng Espiritu Santo upang siya'y mapanibago at upang magkaroon ng pag-unlad sa mga mananampalataya ng Simbahan.

Larawan ng Dekreto ng Pagbuo o Decree of Convocation ng Ikalawang Sinodo ng Malolos na lingayan ng selya at nilagdaan ng Obispo ng Malolos, Obispo Jose F. Oliveros.

     Ginanap ang sinodo mula ika-8 hanggang ika-13 ng Abril, 2013 sa Diocesan Formation Center sa Bo. Tabe, Guiguinto, Bulacan. Pinangunahan ito ng Obispo ng Malolos, Lubhang Kgg. Jose F. Oliveros, D.D., Obispo ng Malolos kasama ng piling mga miyembro ng kaparian, ng mga relihiyoso at relihiyosa, mga seminarista at ng mga layko. Tumpak nga ang sinabi ni Obispo Oliveros sa kanyang homilya noong unang misa ng linggo ng sinodo ukol sa mga kadahilanan kung bakit isinagawa ang mga gawaing ito:

Tinawag ko ang sinodong ito bilang inyong obispo upang tugunan ang hamon na ibinigay sa atin ng ating dating Santo Papa, Benedikto XVI at ng Ika-labingtatlong Ordinaryong Pangkalahatang Sinodo ng mga Obispo sa Roma para sa Bagong Ebanghelisasyon, a pinabagong pamamaraan upang ipahayag ang Ebanghelyo.

   Ang Bagong Ebanghelisasyon ay kasama sa mga paggalaw na inuusad ng Simbahang Katolika sa mga panahong ito dahil na rin sa pangangailangang paunlarin ang ating pananampalataya sa mga makabagong panahon na ito. Mula noong panahon ng panunungkulan ng dating Santo Papa Benedikto XVI hanggang sa panahon ng panunungkulan ng bagong Santo Papa Francisco, hinihiling sa atin ang pagtugon sa hamon para isagawa ang Bagong Ebanghelisasyon. Kaya naman naisagawa ng matiwasay para sa kinabukasan ng Diyosesis ng Malolos ang ikalwang sinodo nito.




     Ito ang mga sumusunod na paksa ayon sa National Pastoral Consultation on Church Renewal (NPCCR) na naisagawa buhat ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas (PCP II) noong 1991 na naging mga pastoral priorities para sa Ikalawang Sinodo ng Malolos. Makikita rin ang mga ito sa sulat ng kapulungan ng mga obispo ng Pilipinas na Live Christ, Share Christ ukol sa Bagong Ebanghelisasyon:

Integral Faith Formation
The Laity
The Poor
The Eucharist and of the Family
The Parish as the Community of Communities
Clergy and Religious
Youth
Ecumenism and Interreligious Dialogue
Mission Ad Gentes


Panayam: Rdo. P. Anacleto Clemente Ignacio

     Si Rdo. P. Anacleto Clemente Ignacio (Bikaryo Poraneo – San Jose del Monte) ay kasama sa mga naging delegato para sa Ikalawang Sinodo ng Diyosesis ng Malolos. Kasama niya, ilan pang mga paring anak-Hagonoy ang naging bahagi ng sinodong ito. Kasama na dito sina Msgr. Andres S. Valera (Bikaryo Heneral ng Diyosesis), Msgr. Ranilo S. Trillana (Bikaryo ng Obispo – Katimugang Distrito ng Diyosesis), Msgr. Angelito S. Santiago (Bikaryo Poraneo – Malolos), P. Ronald C. Ortega (Bikaryo Poraneo – Meycauayan), P. Elmer R. Ignacio (Kinatawan ng Bikarya – Sta. Maria), P. Vicente B. Lina, Jr. (Kinatawan ng Bikarya – San Miguel), P. Josefino S. Sebastian (Kinatawan ng Bikarya – Bocaue), P. Romulo C. Perez (Katuwang na Kinatawan – Valenzuela) at P. Virgilio M. Cruz (Kinatawan ng Grupo ng Kaparian – Middle Clergy C). Sa looban ng anim na araw, naisagawa ang pagdiriwang na ito kasama ang mga kinatawan mula sa iba't ibang uri ng mananampalataya sa Diyosesis. At mapalad ang ating pahayagan na magkaroon ng pakikipanayam ukol sa mga naganap at sa mga magandang pwedeng maganap para sa ikauunlad ng Simbahan na may kaugnayan sa ating pagiging mga Katolikong Hagonoeño sa makabagong panahon.

CH (Catholic Hagonoeño) | FI (Fr. Ignacio)

CH: Ano po ang nakikita ninyo ukol sa pananampalatayang Katoliko sa bayan at bikarya ng Hagonoy, kaugnay ng pangangailangan para sa Bagong Ebanghelisasyon?

FI: Sa tingin ko naman ay lumalakas ang pananampalatayang Katoliko sa bayan ng Hagonoy, lalo na dahil sa mga gawaing pampamilya. Di ba sa mga pamilyang Katoliko naman sa Hagonoy ay marami ang nagkakaroon ng pagnanais na maging relihiyoso. Kaya naman nagiging resulta nito ang pagbibigay inspirasyon, lalo na sa mga gustong maging pari, mga relihiyoso o mga relihiyosa.

CH: Ngunit alam po natin na kahit malakas ng pananampalataya sa Hagonoy ay may mga pagkakataon pa rin na nawawalan tayo ng pananalig dahil sa iba't ibang kadahilanan. Ano po ang pagtingin ninyo sa mga ito at paano po natin titignan ang mga ito.

FI: Masasabi rin natin na bagamat marami ring mga pagsubok na kinahaharapan ang Simbahang Katoliko ngayon, tulad na lamang ng pagdami ng mga sumasali sa ibang sekta, mga nadaldala sa pawang kultura ng komersiyalismo o ng materyalismo, nagkakaroon tayo ng kahirapan upang isagawa ang kinakailangang pagpapahayag. Ngunit sa lahat ng bagay ay may nakikita pa ring mabuti. Ang mga makabagong bagay naman kasi tulad ng internet o ng TV ay hindi naman talaga masama, kinakailangan lang gamitin at suriin ng mabuti kung anu-ano ang mga kailangang gawin upang magkaroon ng Bagong Ebanghelisasyon.

CH: Marami po tayong kailangan dun sa mga pastoral priorities na ating ipinaplanong ipatupad bilang mga bagay na bibigyang-pansin ng ating Simbahan, lalo na sa bayan ng Hagonoy?

FI: Mayroon tayong siyam na pastoral priorities at masasabi kong ang ikalimang priority na tumutukoy sa Basic Ecclesial Communities (BEC) o mga Munting Pamayanang Simbahan ay mainam talaga at dapat lamang na maipatupad para sa ating Simbahan lalo na sa Hagonoy. Para sa akin ay maganda ang naibahagi ni P. Roger Cruz, ang ating Diocesan BEC Coordinator para maunawaang mabuti yung kanilang ginawa sa kasalukuyan na nakikiisa sa mga gawaing pangdebosyon na pwedeng magamit sa pagpapalaganap ng BEC. Sa pagkakaroon ng mga gawain tulad ng dasalan, pagbabahagi at iba pang uri ng debosyon nagkaroon ng paglakas ng pananampalataya sa ating mga kababayan. At ang pagkakaroon ng BEC ay patunay na ang Simbahan ay kinakailangan talagang iabot ang kanyang makakaya para sa kinabukasan ng mga mananampalataya. Kaya naman dito pa lang sa pastoral priority na ito, maaari na nating makita ang pangangailangan ng iba pang mga priority: pamilya at buhay, layko, paghubog, atbp.

CH: Sinasabi nga natin na ang paraan ng mga BECs na ito ang sinasabing pamamaraan ng “new Church” o bagong Simbahan na naiiba sa mga tradisyunal na patingin sa pananampalataya na dala madalas sa Hagonoy ng mga gawaing tulad ng dasal at prusisyon?


FI: Ang bawat pamayanan, ang bawat parokya at ang Simbahan bilang isang buo ay nakadepende sa isang pundasyon, at ito ay ang pamayanan ng magkakapitbahay o magkakabaryo o magkakapurok. At sa mga maliliit na unit na ito ng Simbahang Katoliko nagaganap ang mga ordinaryong gawain ng mga tao na kinakilangang tignan ng mabuti upang mapanatili ang ating pananampalataya. Kaya naman kinakailangang magkaroo ng kamalayan (awareness) bilang magkakapitbahay, magkakapurok, magkakabaryo, magkakabayan at magkakaparokya para sa gayon ay magkaroon ng pagbabahaginan ng Salita ng Diyos at para magkaroon ng konkretong pagtugon sa mga bagay na kailangang solusyunan bilang isang pamayanang inaakay ni Kristo. Sa katunayan sa Hagonoy, pinagsumikapang gawin ang mga ito. Sa Parokya ng Ina ng Laging Sakolo sa San Pedro, mayroong 41 BEC units o yung mga bukluran. Sa ibang parokya naman, (ayon sa ulat ni P. Roger Cruz) sa Parokya ni Sta. Ana at Parokya ng Birhen ng Sto. Rosario ay mayroong tig-siyam (18) na units at sa Parokya ni San Antonio de Padua naman ay mayroong apat (4) na units. Sa pamamagitan ng pagpapabuhay sa kamalayan na ito, mas makikita natin ang mga hakbang na maaaring gawin ng bawat isa ng sama-sama upang sa gayon magkaroon ng pagbabago sa ating Simbahan.

Photo Courtesy: Marvin Adriano Dalag
                          Office Staff, Diocesan Chancery

No comments:

Post a Comment