Isa sa mga natatanging palabas na naisagawa ngayong taon na may kinalaman ang bayan ng Hagonoy ay ang ipinalabas ng programang Brigada ng GMA New TV (Channel 11, Regular Viewing | Channel 30, Star Cable Hagonoy) para sa kanilang Holy Week Special. Pinamagatan ang dokyumentaryong ito na Bokasyon na iniulat ni JP Soriano. Inilabas ito noong ika-25 ng Marso, Lunes Santo ng ika-8 ng gabi. Tungkol ang dokumentaryo na ito sa bokasyon sa kaparian, lalo na sa mga tradisyon sa bayan ng Hagonoy, Bulakan.
Makikita sa palabas na ito ang ilan sa mga personalidad na kilala sa Hagonoy at ilan pa nga ay naglilingkod sa pahayagang ito. Unang lumabas sa dokumentaryo ang panayam ni JP Soriano sa ating patnugot, si Sem. Kendrick Ivan B. Panganiban na ginanap sa seminaryo. Tinanong ang ating patnugot tungkol sa kanyang kwento, ang bokasyon niya sa pagpapari at ang tradisyong pampamilya na nagaganap sa Hagonoy na may kinalaman sa pagpasok ng mga magkakamag-anak sa seminaryo. Sinabi ni Sem. Panganiban sa panayam ang halaga ng sakripisyo na siyang tanda ng pag-aalay ng isang nagpapari. Pangalawang lumabas na taga-Hagonoy ay si Msgr. Sabino A. Vengco, Jr., na siyang Moderator ng pahayagang ito. Kinuwento niya ang kanyang mga karanasan noon bilang bata na kung saan nagdarasal ng taimtim ang bawat pamilya tuwing gabi na kung saan nakikita doon ang halaga ng mga debosyon. Ito marahil ang malaking dahilan ng panghihikayat sa isang batang lalaki na magpari. Lumabas din sa dokumentaryo si Msgr. Andres S. Valera na rektor naman ng seminaryo kung saan ipinahayag niya ang halaga ng pagpapari sa mga panahon ngayon at kanyang ipinakita na sa mga makabagong panahon ngayon, hindi naman lahat ng bagay sagabal sa pagpapari, ngunit ginagamit ng seminaryo ang lahat ng makakaya para sa ikalalago ng bokasyong ito ng paglilingkod.
Ilan din sa mga sikat na lugar ng kultura at relihiyon ang nakita sa palabas na ipinakita sa TV. Una dito ay ang tahanan ng Pamilya Martin sa San Sebastian na kung saan nakatira ang isang angkan ng mga nagpari at nagmadre. Kasunod nito ang bahay ng Pamilya Sunga sa kabayanan, isang matandang bahay na kung saan ipinakita ang isang portrait ng ilang henerasyon ng mga pari kasama na ang natitirang buhay na nasa larawan na si Msgr. Emmanuel V. Sunga ng Arkidiyosesis ng Maynila. At syempre, sa gitna ng mga ipinakitang istraktura ang Pambansang Dambana ni Sta. Ana, ang sentro ng debosyon at pagdiriwang sa bayan ng Hagonoy. Kasama nito ay ang pagdala ng mga mananampalataya sa isang magandang daan tungo sa kabanalan.
Sadyang isang napakagandang pagkakataon ang naganap sa pagkakaroon ng ganitong klaseng produksyon para sa ikauunlad ng Simbahang Katoliko, lalo na sa bayan ng Hagonoy, Bulakan.
Photo Courtesy: Sem. Adrian S. Eusebio
Philosophy Department
Immaculate Conception Major Seminary
No comments:
Post a Comment