Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, January 03, 2015

SAMAHANG KINIKILALA: Adoracion Nocturna Filipina: Turno 101


Isang samahang nakatalaga,
upang dakilan ang Panginoon kailanman
sa pananalangin sa Santissimo sa bihilya
at sa pakakawanggawa sa umaga.


   Ang Adoracion Nocturna Filipina ay isang organisasyon ng Katolikong layko na naghahangad palaguin ang tunay na buhay-Kristiyano sa kasapian nito, sa pamamagitan ng masuyong debosyon sa Banal na Eukaristiya, gayon din sa aktibong paglilingkod, hindi lamang sa kapwa, kundi sa iba pang apostolado ng Simbahan. Layunin nitong paigtingin ang debosyon at pag-ibig kay Jesukristo sa Banal na Eukaristiya sa pamamagitan ng pagsamba, pagsisisi, pasasalamat, at pagsuko.

Ang mga ador-adores ay mga mananampalatayang naglalagi sa kani-kanilang mga pamilya at sa pananalangin sa harapan ng Santissimo Sacramento tuwing bihilya. Dito, makikita ang kanilang naging pagganap bilang Hermanos Mayores noong Kapistahan ni Apo Ana ng Hagonoy.
   Turno ang tawag sa bawat pagkat, at sa petsa at oras na itinakda, ay nagpapanagpo ang mga miyembro upang magkaroon ng patuloy na pag-aaral espirituwal at pananalangin.

 Pangunahing gawain namin bilang ador-ador, ang magdamagang bihilya minsan isang buwan sa presensiya ng Kabanal-banalang Sakramentong nakatanghal sa altar. Bawat isa ay gumugugol ng isa hanggang dalawang oras ng pagsamba at pagbubulay-bulay sa ganitong pagkakataon. Isang Banal na Misa ang ginaganap bago o matapos ang bihilya.

   Ginagawa ang pagsamba sa gabi, dahil ang ang tulog, pahinga, at mga sandal sa piling ng aming mga pamilya sa mga oras na yaon, ay sakripisyong iniaalay ng bawat kasapi upang makapiling si Jesukristo sa Banal na Sakramento sa altar.

   Isa pa naming gawain ang paglilibot ng Banal na Krusipiho sa tahanan ng mga kasapi sa bawat barangay. Tuwing Sabado, makamisa ng ika-anim sa umaga, kami ay nagtitipon upang magpulong, magdasal, at magnilay sa Salita ng Diyos sa tahanang dinalaw. Itong gawain naming ito ay bukas sa kapit-bahayan ng tinahanan ng Krusipiho; kaya’t nakakapagpalaganap din kaming mga ador-adores ng Mabuting Balita ng kaligtasan bilang pagsunod sa atas ng bagong ebanghelisasyon.

   Malamig ang napupuna kong pagtanggap ng ilang ka-mananampalataya sa debosyong ito. Marahil, ito ay iyong bagay na, mahirap isakripisyo ang pansariling kasiyahan upang makatupad sa atas na gawain. Talaga naman kasing ang kinamihasnang sarap at ginhawa ay hindi basta-basta maiwawaksi; lalo na’t sa mga nasa kasibulang edad. Gayon pa man, sa bilang ay hindi lumalayo sa limampo (50) ang aming kasapian ngayon, kasama ang mga kababaihan, na tinatawag na “honoraria”. Matinding kampanya at pagsisiskap ang kailanagan, hindi lamang para maparami ang bilang ng kasapi, kung hindi upang maipalaganap nang husto ang debosyong ito ng panalangin, kapatiran, at paglilingkod.

Photo Courtesy: El Gideon G. Raymundo (Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario)

No comments:

Post a Comment