Isang
paring nadestino sa Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana
ang minsan, matapos na magdaos ng Banal na Misa sa
visita ni San Jose, ang nagturan – “ Dito lamang sa
kapilya ninyo ako nakakita ng imahe ni San Jose na nasa
sandali ng kanyang kamatayan. Wala nito sa alinmang simbahan
na aking napuntahan.” Hindi ko alam kung paano ako sa
kanyang puna. Malaong panahon na hinahanapan ko ito ng
kasagutan sa pamamagitan ng pagmamasid at pagbubulay-bulay sa
mga kaganapan, lalo na tuwing sasapit ang petsang ika-19 ng
Marso bawat taon, kung saan, ang buong nayon ng San Jose
ay abala sa paggunita sa kamatayan ng santong pinipintuho.
Bakit
nga ba?
Ang pagdiriwang ng prusisyon sa karangalan ng La Muerte de San Jose ng Hagonoy sa labas ng Visita de San Jose na lagpas na sa 100 taon. |
Si
Apo Jose, kung siya’y aming tawagin - ang ulirang ama ni
Jesus at ang mairuging kabiyak ng Birhen Maria; at masunuring
anak ng Diyos. Sa kasalukuyang panahon, karaniwan na ang
pagdo-dokumento, larawan man “video”, sa lahat ng okasyon
ng pamilya; - kasal, pagsilang ng anak, binyag, kumpil,
“first communion”, “graduation”, “awards”, at marami
pang iba, kasama na ang lamay at libing ng mahal sa
buhay, upang pagdating ng araw ay matunghayan ng mga
inapo at mga miyembro ng pamilyang hindi nakasaksi sa mga
pagkakataong yaon.
Ang tinuran ko kaya ay
kakaiba sa paggunita sa kamatayan ni Apo Hose? Sa loob
ng hindi kukulangin sa limampong (50) taon, nasaksihan
ko kung paano inaalaala ang kamatayan ng mabuting ama ng
ating Panginoon. Elementarya ako, natatandaan ko, ang
nasirang kapatid ng aking lolo sa ina (Apo Aliang kung siya’y
aming tawagin ), ay inaawit ang pasyon nang nag-iisa sa
kanilang tahanan habang nagdaraan ang prusisyong
nagpa-paseo sa bangkay ni Apo Hose. Panata raw niya iyon
tuwing sasapit ang pagpanaw ng sintang santo. (Sa wari ko ba
ay matagal nang panahon na niya itong gawain, dahil kabisado
na niya ang buong pasyon.)
Ang bihilya para sa La Muerte de San Jose de Hagonoy na ginaganap ng mga tapat na deboto, habang binabasa sa himig ng Pasyon ang pagninilay sa kanyang kamatayan. |
Ayon naman kay Nana Momeng
Crisostomo, ngayo’y walumpo’t pitong (87) taong gulang
na, taal na tubong taga-nayon, ang pabasa sa bisita sa
ganitong petsa ay nakita na rin niya, nagdadalaga pa lamang
siya. Sa katunayan, mula nuon hanggang sa ngayon, siya ang
nagbubukas ng pabasa tuwing ika-18 ng Marso sa umaga.
Itinitigil ito pasumandali upang bigyang-daan ang
pagdaraos ng Banal na Misa, ikalima ng hapon (5:00NH)
sa ika-19; itinutuloy habang may prusisyon, at isinasara niya
pagbalik ng imahe sa bisita.
Ganito ginugunita ang araw na
ito ng mga taga-nayon ng San Jose, Hagonoy. Paggunita, na
nagbibigay-aral tungkol sa buhay masunurin at magandang
kamatayan ni Apo Jose.
Sa pakikipag-usap ko pa kay
Nana Momeng, bilang mamimintuho kay Santong Jose, tanging
mithi raw niya at hiling ang mabuting kamatayan tulad nang
sa amang turing, sa piling ni Jesus at ng Birheng Maria.
(Maalaala ko, si Apo Aliang ay nagkamit ng mapayapang
kamatayan sa kanyang pagtulog.)
Bilang pag-irog pa kay Apo
Jose, umakda pa ang butihing matanda ng isang awiting
pinamagatan niyang Siete (7) Domingo, na narito, at sa
kanyang kapahintulutan, ay aking ibabahagi. Inaawit raw
niya ito matapos ang isang dekada ng Mahal na Rosaryo
bilang papuri kay Apo Hose. Ang pagro-rosaryo ay sa loob ng
pitong (7) araw ng Linggo, anumang panahon, lalo na
bago sumapit ang ika-19 ng Marso.
SIETE
(7) DOMINGO
Santong mapalad na iginagalang
Ng tanang Angeles sa
sangkalangitan
Bukod na pinuspos
Kami’y dumudulog at
nangadiriwang
Taglay ang adhikang Ika’y
ipagdangal
(koro)
Sabay-sabay kaming ngayo’y
dumudulog
Sa mahal mong harap at
idinudulot
Kaluluwa’t buhay sampong mga
kilos
Nang buong pagsinta’t lubos
na pag-irog
--o--
Ipanaing mo po sa mahal mong
Anak
Na aming masunod ang magandang
hangad
Oh! Kung magkagayon ‘di man
kami dapat
Mapabilang sa mga mapalad.
(koro)
Tanggapin mo kami at huwag
pabayaan
Sa sandaling yaon na
kahambal-hambal
Yamang ang lakas mo’y ‘di
mapapantayan
Ng alinmang tuksong nais
magtagumpay.
(koro)
Pinagpalang Santo, San Joseng
hinirang
Ng Diyos sa lahat ng lalaking
tanan
Bukod na pinuspos,
pinagbiyayaan
Ng mga dakila’t tanging
kabanalan.
(koro)
Naririto na nga, pisan-pisan
halos
Sa mahal mong harap at
inihahandog
Nang buong pag-ibig, kaluluwa
at loob,
Sampo, panatang sa mundo’y
paglimot.
(koro)
Ikaw ang pinili na
pinapag-ingat
Sa Birheng pinuspos ng langit
ng dilag
Ano pa at kayong dalawa ay
binatbat
Ng grasya’t biyayang walang
pagkupas.
(koro)
Kaya nga’t sa iyong binhing
kalinisan
Sumipot ang bungang
katamis-tamisan
“Di ba’t si Jesus sa
sala’y humadlang
Laki ng palad ng sangkatauhan.
(koro)
Mamagitan ka po sa harap ng
Diyos
Ipagmakaawa mo kaming dumudulog
Yayamang ang lahat ngayon,
naghahandog
Sa kapurihan mo ng buong
pag-irog.
(koro)
Sa araw na ito’y tanging
hinihiling
Namin santong mahal, iyong
marapatin
Na ang munting handog ngayon
ay tanggapin
Ihain sa Diyos Amang maawain.
(koro)
Maluwalhating poon, pintakasing
liyag
Ng naghihingalo’t
nangaba-bagabag
Kami’y kalingain, igawad ang
habag
(koro)
HIngin mong mapilit na
ipagkaloob
Yaring aming puso sa
pagsintang taos
Mana nga kay Jesus, sa
Birheng marilag
At saka sa iyo, oh, santong
mapalad.
(koro)
Sapagka’t ikaw nga ang
siyang pinili
At bukod sa ibang
lumuluwalhati
Kaya maiparating kaming
bumabati
Iyong alalayan sa pagpipighati.
(koro)
Gawin mong panuob sa harap ng
Diyos
Bango ng bulaklak na sa
tungkod mo sumipot
At ang iyong awa nama’y
ipamudmod
Sa aming mga may nasang
mamulot.
(koro)
Huwag mong ikait sa amin ang
habag
Tungkod mo’y iabot, kami ang
hahawak
Aming gagabayin sa aming
paglakad
Sa gitna ng mundong bayan ng
bagabag.
(koro)
Kaming naririto’y muling
dumudulog
Galing sa adhikang ‘di ka
malilimot
Bago’t bagong puri aming
ihahandog
Sa kapurihan mo, ama naming
irog.
(koro)
Ang isang sandaling aming
pinuhunan
Sa panalangin, malakihin mong
tunay
At iyong ihatid sa tronong
luklukan
Ng Diyos at kami tuloy
bendisyunan.
(koro)
Iyong pagpalain, kaming
naglalayag
Sa laot ng mundong lipos
bagabag
Ipagtanggol kami sa bagyong
marahas
Sa tuksong masasal na
lumalaganap.
(koro)
Sa mahal momg tulong kami
nangungunyapit
Pinaninimbitinan ang awa mo’t
bihis
Upang ‘di malalad at kami
sumapit
Sa sadsarang laan ni Jesus na
Ibig.
(koro)
Magluwalhati ka po’t silayan
ng mata
Kaming nabubuhay sa madlang
balisa
Kahi manawari ang pagdurusa
Matubos ng aming tapat na
pagsinta.
(koro)
At loobin mo po ang
pananatili
Sa habang panahon Sa iyo’y
magsilbi
Ikaw ang magturo na sumapit
kami
Sa bayan ng tuwa na
mapagparati.
(koro)
Oh, laking biyaya kung
magkaganito
Na aming sapitin, Oh mahal na
santo
Ang balitang bayan, doon
matatamo
Ng mga obehas na pinagpala
mo.
(koro)
PAALAM
Oh, Amang San Jose
Kami ay paalam
At sa iyo Birhen Inang
mapagmahal
“Di man kami dapat na
makasalanan
Ay minarapat mong sa iyo ay
magdangal
Nagpapasalamat sa Diyos ang
una,
At saka sa iyo, Bunying
Patriarka.
Oh, Amang San Jose
Kami’y paalam na
Mahal mong bendisyon
Ay igawad mo na.
Photo Courtesy: John Andrew C. Libao
Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana
Sto. Niño, Hagonoy, Bulakan
No comments:
Post a Comment