Mula sa Patnugot: Kinuha ang nasabing homiliya mula sa librong Ang TAWAG: TAGUMPAY sa LIWANAG, Pagmumuni-muni tungkol sa Salita ng Diyos sa mga Araw ng Linggo (Taon A) nang may kapahintulutan ng may-akda.
Mula
sa: Ang TAWAG:
TAGUMPAY sa LIWANAG
Pagmumuni-muni tungkol sa Salita ng Diyos sa mga Araw ng Linggo
(Taon A)
(Taon A)
Rdo. Msgr.
Ranilo Santos Trillana, P.C.
TAON
A, Bilang 21
Unang
Pagbasa: Isaias 60: 4-7
Ikalawang
Pagbasa: Filipos 2: 6-11
Mabuting
Balita: Mateo 27: 11-54
LINGGO
NG PALASPAS
SA
PAGPAPAKASAKIT NG
PANGINOONG
HESUKRISTO
Tinalikuran
ni Hesus ang pagka-Diyos,
at
nagpakumbaba sa pagiging tao; animo'y alipin ang ayos,
hanggang
sa kamatayan sa Krus.
(
Filipos 2: 6-8 )
1.
Ngayon ay simula ng mga Mahal na Araw o Semana
Santa.
Ito ang pinakamataas o pinakamahalaga sa lahat ng mga linggo sa buong
taon - ang rurok ng mga pagdiriwang sa buong taon. Ito ang paggunita
sa pinakamataas na sakripisyo na inialay ng Panginoon para sa
kaligtasan ng tao; nag-umpisa sa pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem,
na hahantong sa Kanyang Pasyon o Pagpapakasakit, at pagkatapos, ay
ang Kamatayan sa Krus na hahantong sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Mga
Mahal na Araw ang tawag dito - isang buong linggo na ang tanging
laman ay ang pagpapamalas ng Dakilang Pag-ibig ng Diyos para sa tao.
2.
Ang Linggo ng Palaspas ay ang pagwagayway ng mga sanga, upang
ipamalas ang pagtanggap kay Kristo bilang Hari ng sanlibutan - ang
dumating sa ngalan ng Panginoon. Sigaw ng mga tao: “Mabuhay ang
Anak ni David! Pagpalain ang dumarating sa ngalan ng Panginoon!
Purihin ang Diyos!” (Mateo 21: 9)
At
ngayon, sa paggunita natin sa tagpong ito, tayo naman ang
nagtatanghal kay Kristo bilang Hari ng Sanlibutan - ang Hari ng ating
buhay - ang ating Panginoon at Tagapagligtas. Subali't, alam din
natin na ang pagtatanghal na ito kay Kristo ay nabago makalipas ang
ilang araw. Sapagka't malaunan, ito ay nauwi sa pagpatay kay Kristo
sa araw ng Biyernes Santo; sigaw ng mga tao - “Ipako sa Krus! Ipako
Siya sa Krus!” ( Mateo 21: 23) May tawag tayo sa ganitong ugali ng
tao - “balimbing” - na ang ibig sabihin, mapasa-mabuti o
mapasa-masama, pareho lang. Wika nga, walang paninindigan: “sala sa
init, sala sa lamig.”
3.
Ito ang nilalaman ng Mabuting Balita para sa araw na ito. Sa unang
bahagi, (Mateo 2:1-11), ipinamalas ang pagbubunyi ng tao sa
pagtanggap kay Kristo sa pamamagitan ng pagwawagayway ng mga sanga ng
olibo sa pagkilala sa Kanya bilang Hari ng mga Judio. At sa loob ng
Banal na Misa, ang Mabuting Balita (Mateo 27: 11-54 ), ay sumasaklaw
mula sa Huling Hapunan, na hahantong sa pagdakip at paglilitis sa
Panginoon, hanggang sa kamatayan sa Krus, at maging hanggang sa
paglilibing sa Kanya. Ito ay sapagka't ang bawa't araw sa buong
linggong ito ay tungkol sa Pasyon ng Panginoon.
4.
Sa Unang Pagbasa, matutunghayan natin ang awit ng abang Lingkod ng
Panginoon (sa wikang Hebreo ay “Ebed Yahweh”). Dito ay
ipinahahayag ang paghihirap at matinding sakripisyo ng Lingkod ng
Panginoon. Lahat ay tinanggap Niya nang kusa at buong-loob, walang
tanggi o reklamo o paghihimagsik. Sabi nga - “Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako... Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko't
balbas... Ang mga pagdustang ginawa nila ay hindi ko pinansin.”
(Isaias 60: 4-7) At ang lahat ng ito ay pinagdaanan ng Panginoong
Hesus para sa ating kaligtasan.
5.
Sa Ikalawang Pagbasa ay matutunghayan naman natin ang pahayag ng
Misteryo ng Tagapagligtas (“Soteriological
Mystery”).
At ang sabi – “Bagama't si Kristo ay Diyos, tinalikdan ang
Kanyang pagka-Diyos nagpakababa sa pagiging tao, na naging masunurin
sa Ama hanggang sa kamatayan sa 'Krus.'” At ito ang naging daan
upang Siya ay kilalanin at sambahin bilang Panginoon sa ikararangal
ng Diyos Ama. Sabi nga - “Anupa't lahat ng nilalang, na nasa
langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa, ay maninikluhod at sasamba
sa Kanya. At ipahahayag ng lahat, na si Hesukristo ang Panginoon, sa
ikararangal ng Ama.” (Filipos 2:10-11)
6.
Ang mga ito ay naglalarawan ng mga pinagdaanan ng Panginoon sa
Kanyang pagpapakasakit na masidhing ipinahahayag sa atin sa pagbasa
ng Mabuting Balita. Nandoon ang pagpasa-pasahan ang Panginoon sa
paglilitis sa Kanya, at dito ay libakin Siya ng mga kawal. Nandoon
ang pagpili ng mga tao kay Barabbas, upang palayain ni Pilato kaysa
sa Kanya. Nandoon ang paghuhugas ng kamay ni Pilato; dahil imbis na
ipagtanggol ang Panginoon dahil wala naman itong kasalanan, ay umiwas
sa pananagutan sa kabila ng pakiusap ng asawang huwag siyang makialam
dito. At ang hikbi ng panalanging nagsasaad - “Eli,
Eli, lama Sabachthani”
- ibig sabihin, “Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan?”
(Mateo 27:46)
7.
Ngayong mga Mahal na Araw, sikapin nawa natin na maging lubos ang
pakikiisa sa pagpapakasakit ni Kristo alang-alang sa ating
kaligtasan. Huwag nating hayaang magdaan ang Linggo na ito, na hindi
nakagagawa ng ano mang uri ng kabutihan para sa kapwa, na
magpapatingkad sa pagdakila natin sa Diyos. Hanapin natin ang kilos
at galaw ng Diyos sa ating buhay. Samantalahin natin ang pagpapadama
ng Panginoon ng Kanyang dakilang pag-ibig at sumunod tayo sa Kanya.
Tinatawagan tayo ng Panginoon para makabahagi sa Kanyang buhay. Ang
buhay na ito ay ganap at kasiya-siya. Huwag sana nating sayangin ang
magandang pagkakataon na ito upang palalimin ang ugnayan natin sa
Diyos.
No comments:
Post a Comment