Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Tuesday, April 29, 2014

PAGTINGIN/OPINION: LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY NG PANGINOONG HESU-KRISTO (PAGDIRIWANG SA ARAW), Rev. Msgr. Ranilo Santos Trillana, P.C.


Mula sa Patnugot: Kinuha ang nasabing homiliya mula sa librong Ang TAWAG: TAGUMPAY sa LIWANAG, Pagmumuni-muni tungkol sa Salita ng Diyos sa mga Araw ng Linggo (Taon A) nang may kapahintulutan ng may-akda.

Mula sa: Ang TAWAG: TAGUMPAY sa LIWANAG
Pagmumuni-muni tungkol sa Salita ng Diyos sa mga Araw ng Linggo
(Taon A)
Rdo. Msgr. Ranilo Santos Trillana, P.C.

TAON A, Bilang 22

Unang Pagbasa: Gawa 19:34, 37-43
Ikalawang Pagbasa: Colosas 3:1-4/1 Corinto 5:6-8
Mabuting Balita: Juan 20:1-9

LINGGO NG PASKO
NG MULING PAGKABUHAY
NG PANGINOONG HESU-KRISTO
(PAGDIRIWANG SA ARAW)

Sa muling pagkabuhay, tayo ay naging mga bagong nilalang;
tagapagmana sa buhay ng Diyos sa Kanyang kaharian.
Alleluya! Poong Muling Nabuhay ay papurihan!

1. Ito ang pinakamahalagang kapistahan sa buong taon - ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ito ang pinaka-pundasyon ng ating pananampalataya. Kung wala ang pagkabuhay, walang halaga ang lahat ng ating ginagawa. Dito nakasalig ang ating pananampalataya. Ito ang tagumpay ng Panginoon laban sa kasamaan at kasalanan na nagdudulot ng kamatayan. Ang Kanyang muling pagkabuhay ang batayan ng lahat ng ating ginagawang kabutihan at kabanalan. Ito ang nagbibigay sa atin ng bagong buhay. Sa muling pagkabuhay, naibalik ang tunay na plano ng Diyos para sa buhay ng tao - at ito ay walang iba kundi ang tayo ay makabahagi sa buhay ng Diyos sa Kanyang kaharian.

2. Sa pamamagitan ng muling pagkabuhay, naisakatuparan ng Panginoong Hesukristo na tayo ay maging mga bagong nilalang ng Diyos. Nabawi Niya tayo mula sa kamatayan, at binahaginan ng pagkakataon na makapamuhay nang walang hanggan. Ito ang pangunahing bunga ng muling pagkabuhay – ang tayo ay mabahaginan ng buhay ng Diyos. Kaya nga mayroon tayong pagsariwa sa binyag sa araw na ito. Winiwisikan tayo ng tubig tanda ng bagong buhay na kaloob ng Diyos para sa atin. Napanauli ni Kristo ang ating pagiging mga tunay na anak ng Diyos - marapat na tagapagmana ng Kanyang kaharian. Naibalik sa atin kung ano man ang nasira ng kasalanan. Kaya nga, tayo ngayon ay naging mga bagong nilalang - tunay na kalarawan ng Diyos. Ang buhay natin ay hindi na para sa mundo lamang - manapa, ito ay para sa langit sa kaharian ng Diyos, ang tunay nating bayan.

3. Nagsimula ang pagdiriwang na ito kagabi sa Magdamagang Pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay. Doon ay may pagbabasbas ng apoy (sagisag ng Liwanag na dulot ni Kristo) at ng tubig (na ginagamit sa Binyag tanda ng pagsilang na muli bilang mga anak ng Diyos). May mga piling pagbasa na nagbibigay ng salaysay tungkol sa kaligtasan na handog ng Diyos sa tao - magmula nang likhain Niya ang tao na Kanyang kalarawan hanggang sa pagliligtas na ginawa sa mga Ehipcio, hanggang sa pagdating ng pangakong pagliligtas sa pamamagitan ni Kristo. Nagpatuloy ang pagdiriwang sa pamamagitan ng “Salubong” - ang pagtatagpo ng Mahal na Inang Maria at ng kanyang Anak na Muling Nabuhay. (na pangkaraniwang ginagawa sa madaling-araw, bagama't maaaring gawin din naman sa pagtatapos ng Magdamagang Pagdiriwang)

4. Sa Unang Pagbasa para sa Misa sa araw ng Linggo na ito, nagpapatotoo si San Pedro tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Sabi niya: “Saksi kami sa lahat ng ginawa Niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Gayunman, Siya'y ipinako sa krus. Nguni't muli Siyang binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Napakita Siya, hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin lamang, na noon pang una'y pinili na ng Diyos bilang mga saksi. Kami ang nakasama Niyang kumain at uminom pagkatapos na Siya'y muling nabuhay.” (Mga Gawa 10: 39-41)

5. Sa Ikalawang Pagbasa, ibinabahagi ni San Pablo ang dapat maging bunga ng muling pagkabuhay ni Kristo sa atin. Sabi niya: “Binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya't ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit... Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa... Si Kristo ang ang tunay na buhay ninyo at pag Siya'y nahayag, mahahayag din kayong kasama Niya at makahahati sa Kanyang karangalan.” (Colosas 3:1-4). Samakatwid, ang buhay ng Diyos ay ipinagkaloob ding mapasaatin sa muling pagkabuhay ni Kristo.

6. Sa Mabuting Balita, isinasaysay ang tagpo sa umaga, nang ang Panginoon ay muling nabuhay. Ang sabi, madilim pa ay nagtungo na sina Maria Magdalena sa libingan, nguni't naratnan na nilang nakabukas ang pinto ng libingan; at isinumbong nila ito agad sa mga alagad. Nang magpunta sina Pedro at ang mga alagad na minamahal ni Hesus, ay gayon nga ang kanilang nakita at wala na ang bangkay ng Panginoon. Nang makita ng alagad na minamahal (si San Juan, ang sumulat ng Ebanghelyong ito) ang mga kayong lino na nakatiklop, naniwala siya. Tunay ngang ang Panginoon ay muling nabuhay. ( Juan 20: 1-9)

7. Totoo ang muling pagkabuhay ni Kristo. Hindi ito kathang-isip o gawa-gawa lamang ng mga alagad. At bunga nito, alam nating may patutunguhan ang ating buhay. Hindi lamang para sa mundong ito ang buhay natin. Kaya, kagaya ng sinabi ni San Pablo, matuto tayong magtaguyod ng mga bagay na makalangit - pagpapakabuti at pagiging banal. Kaya natin ito. Katulong natin si Kristo at sundan natin Siya. Alleluya! Purihin natin ang Panginoong Muling Nabuhay! AMEN!

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY!


Photo Courtesy: Arvin Kim M. Lopez (National Shrine and Parish of St. Anne)

No comments:

Post a Comment