Ano ba ang Bayang Levitico?
Ang Bayang Levitico: Isang Pagkilala sa mga Paring Anak-Hagonoy ay isang natatanging bahagi ng pahayagang ito na naglalayon na magbigay ng panig para sa mga paring anak-Hagonoy. Gusto nitong bigyang-pansin ang natatanging pamanang kalinangan ng Simbahan na nagmula sa bokasyon ng mga paring anak-Hagonoy na naging dahilan kung bakit tinawag ang bayan sa katawagang Bayang Levitico.
Bawat issue magbibigay ng tuon ang bawat bahagi ukol sa buhay ng piling bilang ng mga pari. Sila ay mga totoong Catholic Hagonoeño na nabuhay, tinawag at nahubog upang sundan ang mga yapak ni Kristo sa pagiging pari para sa Simbahan. Dito lubos nating tuklasin ang ganda at biyaya ng buhay-pari sa pagbabahagi ng ating mga kababayang inordenahan sa pagkapari ni Kristo.
Mga Paring Anak-Hagonoy
Vol. III, Issue 1, Abril 2014
Rdo. Msgr. Fernando Garcia Gutierrez, H.P.
Sto. Niño, Hagonoy
Rdo. P. Amado Antonio Caballero, III, C.M.
Sta. Monica, Hagonoy
Ano
o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo
upang maging pari?
Sa
aking naging buhay, hindi ko makakalimutan na dito ako sa Hagonoy
nagmula bilang isang bata. Isa sa mga mahahalagang bagay na itinuro
sa akin ay ang pagdarasal, ang pagdedebosyon at pagsisimba. Sa aming
bahay, sinusunod pa namin noon ang pagdarasal ng orasyon na kumpleto
kaming pamilya sa aming tahanan tuwing alas sais ng gabi, tapos
magdarasal ng rosaryo at kapag dumating ng alas otso, para naman sa
mga kaluluwa sa purgatoryo.
Ang isa sa mga lumang larawan ni Msgr. Fernando Gutierrez na ginamit niya sa mga opisyal na gawain sa seminaryo bilang Monsignor sa titulong Prelato Onore d' Sui Santita (Honorary Prelate). |
Sa
pag-aaral ko naman, naging mahalagang bahagi din ng aking buhay ang
pagiging mag-aaral ko sa St. Anne's Catholic School na noon ay St.
Anne's Academy. Malaki ang naging gampanin ng mga guro at mga
matatanda na nagbigay sa akin ng inspirasyon na mabuhay na madasalin
at mabuti. Pero sa pangarap rin na makapunta ng siyudad, sa
pagpupursigi ay ninais ko nang pumasok nang
maaga noon sa seminaryo. Kaya nga noong ako'y high
school na,
nag-apply
na
ako sa Our
Lady of Guadalupe Minor Seminary
sa Makati dahil sa Archdiocese of Manila pa noon ang Bulacan. Matapos
ang Guadalupe, dumeretso ako sa San
Carlos Seminary kung
saan natapos ko ang pilosopiya at teolohiya. Syempre di ko naman
nakalimutan noon na umuwi ng Hagonoy dahil nandito ang aking pamilya
at kung saan ako nagsimula. Sa panahon na naordenahan na akong pari,
naitatag na ang Diyosesis ng Malolos sa ilalim ni Obispo Manuel del
Rosario (1962).
Ang dokumentong nagsasaad sa pagiging Prelato Onore d' Sui Santita (Honorary Prelate) na iginawad sa kanya ni Papa (ngayo'y santo) Juan Pablo II. |
Sa
panahon ni Obispo Cirilo Almario, Jr., ako ay pinag-aral sa Amerika
kung saan nakakamit ako ng Master
of Religous Education (1977)
at Doctor
of Ministry (1982)
mula sa Catholic
University of America.
At sa kalaunan ay nakapagtatag si Obispo Almario ng seminaryo para sa
Diyosesis ng Malolos, ang Immaculate
Conception Major Seminary noong
1983 at ang inyong lingkod ang una niyang pinagkatiwalaan na maging
formator.
Sa
totoo lamang di ko alam kung bakit ako ang napili noon, sa mga unang
taon ng pagkakatatag ng isang seminaryo, na kung tutuusin ay mahirap
ipanatili. Ngunit sa mga nagdaang taon noon, dumami ang mga nagnanais
magpari. Naging biyaya para sa akin na makasama sila, sa paggabay sa
kanila sa daan upang maging mga kapatid na pari. Isa pang naging
gampanin ko noon ay hawakan ang Commission
on Formation ng
Diyosesis kaya pati ang mga laykong katekista noon ay
pinaglilingkuran ko. Buhat sa mga responsibilidad na ibinigay sa akin
ni Obispo Almario, nahubog rin ako upang gamitin lahat ng aking
nakakaya para sa matupad ang misyon ko sa paglilingkod sa Simbahan.
Natapos
ako sa seminary noong 1995 at noon ako nakapagdesisyon na lumipad
patungong Amerika upang makapaglingkod rin ako doon. Sa pagdami rin
kasi ng aking mga sakit, kinailangan ako noon na tumungo sa ibang
bayan. Sa Diyosesis ng San Diego ako nakapaglingkod at doon naging
Kura Paroko rin ako. Pagkatapos ng ilang taon sa parokya, sa
retirement
ko
ako nakapaglingkod bilang chaplain
ng
mga bilanggo at isa rin itong napakasayang karanasan. Ngayon
nagsisilbi pa rin ako sa ilang mga lugar sa San Diego habang
nagsusulat ng mga libro at sa Asian
Journal na
naka-base sa National City. Ngayon dahil sa lamig ng panahon doon,
napagdesisyunan ko na magbalikan mula dito hanggang doon: dito sa
Pilipinas tuwing tag-lamig (Disyembre-Hunyo) at ang tag-araw naman sa
Amerika (Hulyo-Nobyembre).
Sa lahat ng naganap na ito sa
aking buhay, hindi ko makakalimutan lahat ng nagbigay sa akin ng
inspirasyon upang makapaglingkod ako sa Panginoon bilang isang pari.
Tunay nga na lahat ng biyayang ito'y mula sa Diyos at sa kanya ko
inaalay ang lahat.
Ang maliit na imahen ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo sa bahay ng Pamilya Gutierrez. Ang imahen na ito ang naging simbolo ng debosyon ni Msgr. Gutierrez sa Mahal na Ina sa kanyang buhay. |
Ano
o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon
ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?
Bukod
sa mga nasabi ko na kanina, isa sa mga natatanging debosyon na naging
bahagi ng aking buhay: ang debosyon sa Mahal na Ina, lalo na sa
kanyang titulong Ina
ng Laging Saklolo. Noon
kasi sa aming lumang bahay pa, mayroong isang maliit na antigong
imahen ng Ina ng Laging Saklolo na lagi naming pinagdadasalan ng
rosaryo tuwing gabi. Sa Mahal na Ina talaga ako kumikiling noong mga
panahon na ako'y nahihirapan at hinihingi ko po lagi sa kanya ang
kanyang mga panalangin. Sa pagkakadestino ko noon sa seminaryo at
hanggang sa pagpunta ko sa Amerika, hindi ko nakalimutan ang
pamamanata sa Mahal na Ina, at yung imaheng sinasabi ko sa iyo ay
naroon sa pader ng bahay na ito ngayon. Ang maliit na imahen na iyan
ay isang simbolo ng naging paggabay sa akin ng Mahal na Ina sa halos
48 taon sa pagkapari. Sa kanyang paggabay ay lagi akong nagiging
matatag sa lahat ng aking ginawa sa buhay.
Ano po ba ang naitulong ng
inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o
komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy)
sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa
pagpapari?
Sa
Parokya ni Sta. Ana, lagi akong natutuwa tuwing nagpruprusisyon
tuwing Mayo dahil bukod sa mismong prusisyon ay pinag-aalay kami
noong mga bata pa kami. Bagamat hindi ako ganoon kadeboto kay Sta.
Ana, lagi kong pinupuntahan ang mag-ina sa simbahan. Sa aking mga
naging karanasan bilang isang seminarista, mahalaga para sa akin noon
ang pagsuporta ng Kura Paroko, si P. Celestino (Tinoy) Rodriguez pa
ang naging Kura Paroko namin. Bukod doon, sa pagsuporta ng mga
parokyano, tuloy-tuloy ang naging pagsusumikap ko na makapagtapos sa
seminaryo upang maging pari.
Ano
pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa
pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa
pagpapari?
Mahalaga
para sa akin na magkaroon at makilala ng mga Katoliko ang isang buhay
ng panalangin. Ang debosyon sa mga santo, lalo na sa Mahal na Ina ay
isang mahalagang bagay upang makita at maramdaman ang pagmamahal ng
Panginoon sa pananalangin.
Ang
pagiging buo rin ng pamilya ay isang mahalagang bagay na kailangan
maging pwersa na nag-uugnay at nagpapatatag sa ating pananampalataya.
Naging mahalaga sa akin noon ang laging pakikinig at paggalang sa
aking mga magulang. Ito rin ang dapat nating
gawin, mga katandaan at mga kabataan. Ang bokasyon ng bawat isa ay
lumalakas at nagiging ganap sa pamamagitan ng pagiging buo ng
pamilya.
Ano
o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang maging pari?
Masasabi ko na malaki ang
impluwensya sa akin ng aking pamilya. Sila ang nagmulat sa akin
tungkol sa Diyos at pananampalataya. Sa kanila ako natutong magdasal,
magsimba, maging magalang, tumulong sa kapwa, magkaroon ng takot sa
Diyos, atbp.
Ang
mga paaralang aking pinagmulan: St. Gabriel School sa Kalookan at St.
Joseph School sa may Gagalangin. Ang mga paaralang ito ang nagpalalim
ng aking pananampalataya. Sa St. Gabriel, lagi nagsisimba ang mga
estudyante. Tinuruan kaming maging “active participants” sa misa.
May music
practice.
Kinabisa ang tugunan sa misa. Mga estudyante ang gumagawa ng General
Intercessions. Pinag-aalay kami tuwing pag-aalay.
Di
ko rin makakalimutan ang role ng aming Kura Paroko. Lagi namin siyang
kasama sa mga gawain ng paaralan. Naging guro namin siya sa religion.
Sa
St. Joseph naman. Ito ay eskwelahan ng mga Daughters
of Charity.
Sa kanila ako namulat na ang pananampalataya ay dapat nagsisilbi sa
kapwa. Maging aktibo. Ang pananampalataya ay di lang puro dasal,
simbahan at rosaryo, kailangan ding tumulong
at kumalinga sa mahihirap at
nangangailangan.
Ang
aral na ito ay pinagtibay pa ng mga school
activities
tulad ng pagpapakain sa mga matatanda, gift-giving sa mahihirap,
mag-aalaga at magtuturo sa mga bata ng Tondo. May mga araw din na
pinahahalubilo kami sa mga mahihirap.
Kasama
ng aming ina, ang St. Joseph rin ang nagpalalim ng aking debosyon sa
Mahal na Ina at Bibliya. Naging kasapi ako ng Children
of Mary
and Bible
Study.
Ano
o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon
ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?
Hango sa aking karanasan, ang
sama-samang pananalangin ng pamilya ang pinakamahalaga.
Sabi
ng aking Nanay ay lagi daw akong magdasal. Mahigpit na
kabilin-bilinan niya na huwag makakalimot tumawag sa Panginoon.
Bilin naman ng aking tita
(panganay na kapatid ng Daddy. Sa San Agustin siya nakatira), laging
magpasalamat sa Diyos. Magdasal bago at pagkatapos kumain.
Mangumpisal bago makinabang.
Sa
bahay naman, ang family
rosary
at magsimba ang laging kasama.
Para sa akin, ang gabay ng mga
matatanda ay huwag kakaligtaan.
Ang apostolado ni P. Caballero sa Japan: ang pangangalaga sa espiritwal na buhay ng mga madre ng Daughters of Charity of St. Vincent de Paul. Larawan ni: Rowena Ingracia F. Ilustre |
Ano po ba ang naitulong ng
inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o
komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy)
sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa
pagpapari?
Sa
Kalookan na ako nag-aral (preparatory,
kindergarten, elementary and high school).
I
entered the seminary right after high school.
Pero kapag bakasyon, sa bahay ng
tita ko sa San Agustin ako tumutuloy ng bata ako. Doon kasama ko ang
aking mga pinsan. Sa kapilya ng San Agustin kami nagsisimba. Sabado
ng gabi kami madalas magsimba. Maliit pa ang kapilya noon. Sama-sama
kami doon nagdarasal. Di ko rin makakalimutan ang mga prusisyon ng
simbahan lalo na kung Mahal na Araw at panahon ng Mayo para kay
Maria. Laging may alay sa simbahan.
Ano
pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa
pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa
pagpapari?
Marahil para sa mga magulang,
laging kayong naroroon para sa inyong mga anak. Maglaan kayo ng oras
para sa kanila. Iwanan ninyo sila ng mga magagandang alaala; Mga
ala-alang magiging gabay nila sa buhay.
Sa
mga kabataan, build
a healthy human relationship.
Sa lahat ng gawain huwag kalimutan ang katotohanang ang Diyos ay
laging naririyan at naghihintay sa atin.
No comments:
Post a Comment