Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, August 24, 2013

KULTURA: Maria, Ina ng Laging Saklolo: Isang Pagpaparangal para sa Ina ng Pananampalataya


   Maringal, solemne, mapanalangin, nagpaplalim ng ispiritwalidad at makabuluhan. Ganito ang paglalarawang maibibigay para sa naging pagdiriwang ng kapistahan ni Mariang Ina ng Diyos sa kanyang titulo bilang Ina ng Laging Saklolo na siya ring taguri sa parokya bilang patrona nito.

   Napakaganda nang ipinagdiwang ng mga mananapalataya at mga deboto ng Ina ng Laging Saklolo sa pagdiriwang ng kanyang kapistahan noong ika-27 ng Hunyo sa taong 2013. Ang pagdiriwang ay kinatatampukan ng nobenaryo at misang parangal para sa masintahing ina ng parokya. Noong ika-18 ng Hunyo 2013 sinimulan ang siyam na araw na misa parangal sa minamahal na ina ng parokya. Maringal ang naging pagbubukas ng nobenaryo kung saan naging madamdamin ang pagpasok ng mga gaganap sa Banal na Misa habang umaawit ang koro.


Hindi mahulugang karayom ang dami ng mga mananampalatayang dumalo para sa Kapistahan ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa San Pedro, Hagonoy, Bulacan.
   Bago ang pagdiriwang ng bawat misa sa siyam na araw na paghahanda sa natatanging araw ng parokya, masuyong namintuho ang mga deboto sa paanan ni Maria sa pagdadarasal ng nobena. Ang ibinigay na mga homilya ni Rdo. P. Norberto F. Ventura, ang Kura Paroko ng Ina ng Laging Saklolo ay sumentro sa mga awitin at mga letra ng nobena kung saan ito ang naging kanyang gabay upang mabuo ang tema ng paghahanda sa nasabing kapistahan.


Ang pagdiriwang ng Kumpilang Parokya na pinangunahan ng Lubhang Kgg. Jose F. Oliveros, D.D., Obispo ng Diyosesis ng Malolos. Si Rdo. P. Garry Medina Clemente na nagpahayag ng Mabuting Balita ang naglilingkod bilang kasamang pari ng obispo bilang bahagi ng kanyang Neo-Presbyteral program. Si P. Clemente ang pinakabagong naordenahang paring anak-Hagonoy.


   Itinampok sa homilya sa unang araw ang unang awit na kinakanta sa baway nobena kay Maria, “ Inang Sakdal Linis” kung saan si Maria ay tininanghal sa kanyang kalinisan bilang ibinukod upang maging Ina ng Diyos. Sa ikalawang araw, tininampok sa homilya si Maria bilang Tala sa Umaga kung saan ang kanyang liwanag ang siyang gabay sa paglalakbay dito sa lupang bayan. Sa ikatlong araw sumentro ang pagtuturo kay Maria bilang takbuhan n gating mga pagsusumamo sa Diyos, bilang ating ina na siyang magiging daluyan and mga biyaya ng Maykapal.

   Sa loob ng nobenaryo, nilayon ng Sangguniang Pastoral ng parokya na mapalalim ang buhay ispiritwalidad ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng panalangin. Kaugnay nito, pinangunahan ng Komisyon ng Pamilya at Buhay sa pamumuno ni Mr. Omar at Engr. Marina Sarmiento ang pagsasagawa ng Free Mass Wedding kung saan inilapit ng Simbahan ang Sakramento ng Kasal sa mga nagsasama sa labas ng nasabing sakramento o di kaya naman sa mga mag-asawang kasal sa sibil. Sa gitna ng nasabing pagdiriwang, pormal na inanunsyo ni P. Ventura na simula sa buwan ng Hulyo ang lahat ng magpapakasal sa parokya ay magiging libre. Ito ay upang mabawasan ang mga alalahanin ng mga mag-asawa sa pagpapakasal sa simbahan. Ang nasabing gawain ay bahagi pa rin ng pagpapalalim sa pagdiriwang ng kapistahan. Matapos ang siyam ng araw ng nobenaryo, dumatal na ang araw na pinakahihintay ng bawat deboto. Di mahulugang karayom ang simbahan sa kapal ng taong dumating upang mamintuho sa Mahal na Ina sa kanyang dambana.

   Tampok sa nasabing araw ang Misa Konselebrasyon na pinangunahan ng Lubhang Kgg. Jose Francisco Oliveros, D.D. ang ama ng Diyosesis ng Malolos kasama ang Lubhang Kgg. Cirilo R. Almario, Jr., D.D., Obispo Emerito ng Diyosesis. Katuwang din sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya ang mga kapatid na kaparian sa buong Bikarya ni Sta. Ana. Itinampok sa homilya ng obispo ang kwento sa likod ng mapaghimalang larawan ng Ina ng Laging Saklolo kung saan ito ay unang nakilala sa taguring “Birhen ng Pasyon” kung saan ang larawan ay ipininta buhat sa paglalarawan sa ebanghelyo ni San Mateo – ang batang si Jesus at takot na takot na tumakbo sa kandungan ng Mahal na Ina sa sandaling sa pangitain ay nagpakita ang dalawang anghel na sina Arkanghel Gabriel at Arkanghel Miguel. Dito ipinakita ng dalawang anghel ang mga instrumento ng pagpapahirap sa kanya na hahantong sa kanyang pag-aalay ng buhay. Sa murang kaisipan ng batang si Jesus, siya ay nahintakutan at dali-daling nagpasaklolo sa kanyang Mahal na Ina. Inilarawan ng obispo kung paanong si Maria ay sumaklolo kay Jesus, siya ay laging handang duminig sa ating mga karaingan sa pamamagitan ng mapamintuhong pagdulog sa kanyang mapaghimalang larawan.

   Bilang pakikiisa at pagpapatimyas ng pagdiriwang ng nasabing okasyon, lumikha ng isang awitin na siyang tema ng pagdiriwang na inawit sa nobenaryo at araw ng kapistahan. Ito rin ang awit pangkomunyon na gagamitin sa mga araw ng pagnonobena tuwing araw ng Miyerkules. Ang awitin ay orihinal na komposisyon ng musika at titik ng inyong abang lingkod at inawit ng Redemptist Mater Chorale, ang opisyal na koro ng parokya. Ang awit ay pinamagatang “Maria: Ina ng Saklolo” na nagpapakita ng pagsama at pagdamay ni Maria sa ating pang-araw-araw na buhay, maging ito man ay katuwaan o hilahil ng buhay. Inilabas ang maringal na prusisyon sa karangalan ng Ina ng Laging Saklolo matapos ang pagdiriwang ng Banal na Misa kung saan maraming debotong namimintuho sa Mahal na Ina ang nakiisa at sumunod sa prusisyon.

   Bahagi pa din mga gawain sa pagdiriwang ng kapistahan ang pagdaraos ng kumpil sa mga batang nasa wastong gulang na maaring tumanggap ng Sakramento ng Kumpil. Di baba sa 300 na bata ang nakumpilan sa pangunguna ng ng Obispo Oliveros.

   Nagdaos din ng Banal na Misa sa ika-tatlo ng hapon at sa ika-amin ng gabi. Muling inlabas ang prusisyon sa gabi. Matapos ang prusisyon ay pormal na isinagawa ang pagsasalin ng Baston de Honor mula sa hermana ng Fiesta 2013 na si Gng. Sonia Sumera sa hermana sa susunod na taon na si Gng. Elyah Cruz.

   Masasabing naging matagumpay at makabuluhan ang pagdiriwang ng kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo. Nawa ang bawat pasasalamat, panalangin at kahilingan sa nagdaang kapistahan ay igawad sa atin Panginoong Jesukristo sa pamamagitan ng Kanyang masintahing Ina ng Laging Saklolo. Mahal na Ina ng Laging Saklolo kami po ay Iyong ipanalangin.

Maria, Ina ng Saklolo
Musika at Titik ni:
Jun R. Acuña
Choir Master
Redemptorist Mater Chorale

Sa bawat araw ng buhay,
Na riyan ka’t nag-iisang bantay
Tuwa’t luwalhati, hapis ng buhay,
na riyan ka’t laging karamay

Takbuhan ka ng aming pagtangis,
dito sa bayang puno ng hapis,
Aming Ina ng Saklolo, kami ay dinggin,
tulungan mo kami’y sagipin

KORO

Maria, Ina ni Kristo,
Aming Ina ng Laging Saklolo
Dinggin mo po ang aming pagtawag,
ipanalangin Mo, Kay Kristong Panginoon ko
Maria, Masinahing Ina, Birheng Tala sa umaga,
Liwanag Ka sa dagat ng Buhay,
ilapit kami kay Kristong Kaligtasan

REFRAIN

Mahal naming Patrona,
nagsusumamo ang abang kaluluwa,
ipakita mo si Kristong aming Panginoon.

KORO

Maria, Ina ni Kristo,
Aming Ina ng Laging Saklolo
Dinggin mo po ang aming pagtawag,
ipanalangin Mo, Kay Kristong Panginoon ko
Maria, Masinahing Ina, Birheng Tala sa umaga,
Liwanag Ka sa dagat ng Buhay,
ilapit kami kay Kristong Kaligtasan

CODA
Mahal na Ina ng Laging Saklolo

Photo Courtesy: Jun R. Acuña (Parokya ng Ina ng Laging Saklolo)

No comments:

Post a Comment