Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, August 02, 2013

HOMILIYA: RDO. MSGR. SABINO AZURIN VENGCO, JR., H.P. - Predicador





Ika-7 ng Hunyo, 2013



Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Jesus




Ika-60 Anibersaryo sa Pagkapari ni Rdo. P. Nicanor Trinidad Victorino


Parokya ni San Miguel Arkanghel


Poblacion, Bacoor, Cavite





Homilya


Rdo. Msgr. Sabino Azurin Vengco, Jr., H.P.



Predicador

   Ang Lubhang Kapita-pitagang Manuel C. Sobreviñas, Obispo Emerito ng Imus. Ang Lubhang Kapita-pitagang Deogracias S. Iñiguez, Obispo Emerito ng Kalookan. Mga ginigiliw kong kapatid sa kaparian. Mga ginigiliw na kapatid sa pananampalataya.

   Kung mayroon tayong makikita sa Salita ng Diyos sa araw na ito, ito'y walang iba kundi ang nag-uumapaw, ang naglalagablab na pag-ibig ng Diyos sa ating mga tao. Ang kanyang kawan na itinuturing, ang kanyang mga anak na inaampon, tayong mga makasalanan na kanyang kinahahabagan. Ano nga't yung pag-ibig ng Diyos na ipinahayag sa kanyang paghangad na Siya mismo ang mangalaga't magpastol sa Kanyang kawan. Nakita natin sa ikalawang pagbasa na ang sinabi ng propeta sa una ay naunawaan ni San Pablo, na sa katauhan ni Jesu-Kristo sumaatin nga itong nag-uumapaw na pag-ibig. Kung kaya't si Kristo ay tumpak na itinuturing, ang larawan ng Ama, ang sakramento ng pag-ibig ng Ama, na siyang tanging kaligtasan ng santinakpan.

   Ngunit sa Banal na Ebanghelyo, ang diwang ito, Diyos ng pag-ibig ay binigyan ngayon ng isang paglalarawan. Sa sinuman na pinili at itinalaga upang sa pangalan ng Panginoon, dala ang pag-ibig ng Ama, ang siya ngayon ang mamahala, na siya ngayon ang mag-alay ng sarili at tangan sa bawat tupa na sa kanya'y ipinagkatiwala. Alalaong-baga ang pag-ibig ng Ama na nagkatawang-tao sa Anak ay ang pag-ibig na ipinagkatiwala sa bawat pari sa bawat alagad, sa bawat disipulo, sa kapakanan ng Kanyang bayan.

   Ano nga't Fr. Nick, ang pagdiriwang ng Diamond Jubilee, pagkatapos noong pagbabalik-tanaw, tigib ng pasasalamat at pagkilala sa lahat ng kaibigan na sayo'y tumangkilik, na sayo'y tumulong. Ang tao ay may diwa na sumunod matapos ang pagbabalik-tanaw na may pagtingin sa hinaharap, ang pagtitiyak sa sarili. Kung ano itong kahulugan, na kung si Kristo'y Sacerdos in aeternum, sapagkat Siya lamang ang sakramento ng kaligtasan ng pag-ibig ng Ama sa atin. Ikaw naman at kami naman na kapatid sa kaparian, tayo ang ipinagkatiwalaan kung kaya't ang sa ati'y hindi Sacerdos in aeternum, kundi si Kristo lamang. Tayo'y pari habambuhay. Para ikaw ay makabilang ng animnapu, ang kasunod na mga taon pang nalalabi, ito ang sa isang pari'y mahalaga. Sa ganap na animnapu ay nagbabadya na ang hinaharap ay hindi na maging animnapu pa. Sana'y di lamang animnapu, ngunit ilan mang taon pa ang nalalabi, ito sa puso ng isang pari ay nangangahulugan ng iisang bagay. Ilan mang taon, anuman ang natitira, ito'y sisinupin ko, ang bawat saglit ay nanamnamin sa pagkapari. Kung ang bawat sandali, kahit anuman kahaba ay magiging isang paglalarawan ng pag-ibig ni Jesus na Siya namang pagkakatawang-tao ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.

   Ano nga't sa ating lahat ay mahalagang sariwain ang sinabi minsan ng Patron ng mga Pari, si San Juan Maria Vianney nang kanyang wikain sa pagninilay niya sa salamin – Sino siyang tinawag na pari – ang kahulugan na nakita niya'y “Ang pagpapari ay ang naglalagablab na pag-ibig sa puso ni Jesus. Ngayon po'y Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, at katiyak ng kapistahang ito ay ang pagdiriwang ng ating minamahal na si P. Victorino ng kanyang ika-animnapung taon ng pagkapari. Ika-animnapung taon ng pagiging naglalagablab na pag-ibig sa puso ni Jesus. Sinumang magbalik-tanaw, sinuman sa mga paring naririto ngayon ang magbalik-tanaw sa ilang nakalipas na taon, mula sa pinakamatanda sa mga pari dito hanggang sa pinakabata, ang tanging sa kanyang mga labi ay namumutawi ay ang salawikain ng bagong Obispo ng Diyosesis ng Imus, Mitis et Humilis. Minsan pa mula sa puso ni Jesus nanggaling ang katotohanan, na ang tunay na pag-ibig ay hindi magagawa kung hindi ang nagpapapkababang-loob at maging maamo. Sapakat sinuman ang pagkatiwalaan ng Ama ay aamin at aamin na siya'y isang sisidlang-putik, na siya'y putik lamang, at ang sa kanya'y ibinuhos, inilagay, ipinagkatiwala hindi para sa sarili kundi upang ibahagi sa kawan. Sa lahat ng nangangailangan, siyang pari ay isang sisidlang-putik at tanging Mitis et Humilis, sa kanyang sarili'y pusong nagpapakababa, sa kanyang sariling pagkatao ang nagsisikap na ang pag-ibig ng Diyos ay panatanganan, panindigan, bigyang halimbawa, ilarawan sa taong nauuhaw.

   Ang katotohanan ng kanyang mga di mabilang na pagkukulang, kamalian, kahinaan, pagbababaya, ito kung tayo'y palalayain ng katotohanan ang sa ati'y humaharap at hindi dapat takbuhan. Di rin naman dapat takpan at hindi dapat na sa ati'y may matutuklas na pagkukunwari at pagpapanggap. Kung kaya't sa anumang pagsusuri ng sarili, tayo'y ipinupukol sa hinaharap upang kung anuman ang nakalipas, anuman ang pagkukulang, muli uling pagsikapan, ibuhos ang sarili, gampanan ang ipinagkatiwala, magpakapari hanggang sa katapusan habang nandito sa balat ng lupa.

   Ang pagdiriwang ng ika-60 taon ng pagkapari kahit ninuman ay isang katangi-tanging biyaya ng Diyos. Yung tagal na pinaguusapan ay nakasalalay sa kataga nating mga Pilipinong, “Nakatagal sapagkat nagtagal.” Fr. Nick, nakatagal ka at ika'y nakaabot ng ika-animnapu. Ngunit ang aking pananalangin para sayo'y tumagal ka pa hanggang sa katapusan, sapagkat isang katotohanan ng ating buhay bilang mga tao lamang, na tayo, ang isang ama'y ama hangga't humihinga, ang isang ina'y ina hangga't humihinga. Ngunit ang isang ina'y ina hanggang sa katapusan. Ganun din ang pari, pari habambuhay. Kaya ako'y nanalangin na ikaw Fr. Nick ay tumagal pa, sa anumang bilang ng taon na siya'y makapagbibigay pa. Ang punto dito'y malinaw: Fr. Nick, ang inyong paglalarawan ng pag-ibig sa sinumang tao, na siyang sayo'y makakakita, sa sinumang minamahal mo at sa iyo'y nagmamahal, ang iyong pagpapari sa bandang huli ay doon tutupukin sa katayuan ng kahandaan, at madalas sa gitna ng karamdaman. Ang iyong pagkapari samakatuwid ay magiging halimbawa ng pag-aalay ng sarili, pagbubuhos ng lahat, at kung anuman ang katayuan, nakatayo ka man o nakaratay, may TB ka man na dumadagundong o hindi na makapagsalita, larawan ka pa rin na nasa puso ni Jesus. At sa katandaaan at sa karamdaman, ang mangyari'y sa pangungulila, ang pari na iyon ay hinihintay sa trono ng Ama.

   Kung kaya't tayong mga naririto ngayon, mga kapatid at kamag-anak ni Fr. Nick, ang kanyang mga sponsors na nagmula pa sa iba't iba niyang destino, mula sa Antipolo noong siya'y batang pari pa, sa General Trias bago rito sa Bacoor. Silang lahat ay naririto at sa inyo pong lahat, ang kahilingan ay iniiwan, patuloy ninyong samahan si Fr. Nick, tumagal pa, magtagal pa, maging tapat pang larawan ng isang pari ng Diyos, ng isang alagad ni Kristo, ng isang naglalagablab na pag-ibig sa Diyos at sa kapwa tao. Manatili kayong nananalangin, manatili po nawa tayong sa kanya'y umaalalay sapagkat ang hiwaga ng pagkapari ay ito – siya'y naging pari at mananatiling paring tapat hanggang sa wakas hangga't ang bayan na sa kanya'y nagmamahal ay nariyan, nanduon hanggang huli nagaalalay. Fr. Nick, nais naming magpasalamat kaming mga kapatid mo sa kaparian, sapagkat ang iyong pagdiriwang ng iyong Diamond Jubilee ay isang inspirasyon sa amin na kami rin ngayon ay nakatanaw sa hinaharap. Na sana'y matagalan din namin ang panangutan ng buhay-pari, na sana bawat isa sa amin ay mayroon sa ami'y magmamahal, na mayroon sa ami'y magpapaalala, na mayroon sa ami'y aakay kapag kami'y madadapa na. Na sana Fr. Nick, tulod mo, kami rin ay maging kung anuman ang aming maging mabuting yugto, larawan ng naglalagablab na pag-ibig sa puso ni Jesus para sa kanyang bayan.

   Kamahal-mahalang Puso ni Jesus, ang pari po naming si Rdo. P. Nicanor Trinidad Victorino ay aming inihahabilin. Ang kanya pong katapatan ay gayahin, ang kanyang buhay ay higit pang pagyamanin, ang kanyang pagmamahl ay gantihan Mo ng lahat ng kanyang pag-asa at dalangin.Kamahal-mahalang Puso ni Jesus, kaawaan Mo po kaming lahat. Amen.


No comments:

Post a Comment