Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: CONSOLATRIX AFFLICTORUM (Mapang-aliw sa mga Nagdadalamhati)

Nuestra Señora de Consolacion y Correa
G. Emerson Bundoc
Consolatrix Afflictorum
Itong mund ay daigdig na bayan ng luha't saklap
punong-puno ng tiisin, ng pighati, dusa't hirap;
kung ang luha'y titipunin, mapupuno yaong dagat,
at aagos na animo'y ilog na di maampat;
paano'y ang kalungkutan sa buhay tao ay kabiyak,
kakambal ng ating pusong sa pagluha'y iniyanak;”
datapuwa't meron namang isang INANG mapamihag,
ang Birhen kong mapangaliw sa may-dusa't umiiyak.

---o0o---

Ang lungkot ay mahigit pa sa sugat na nagdurugo,
masakit pa kay sa iwa ng sundang na nakatimo;
ngunit lalong umaantak ang sugat ng ating puso,
kung tayo ay nag-iisa't ang kapuwa'y malalayo;
o, ito ang palad natin, luha at dusa at siphayo,
na hindi na mapapawi sa daigdig na baligho!
Ngunit itong kalungkuta'y maaaring maidako
sa buhay ng kabanalan at sa Langit na pangako.

---o0o---

Kung sa luhang bumabalong sa pisngi mong namamarak,
matutuhang ang pag-ibig ay isama at isangkap;
kung sa pusong nagdurugo ay matuto kang magalak,
tatamis ang mga luha, babahaw ang iyong sugat;
ito yaong hiling natin sa Mahal tang Birheng liyag,
na ang hirap at tiisin ay tumamis at sumarap;
palibhasa'y mahal tayn inandukha niyang anak,
sa pighati'y inaaliw, inaalo tayong lahat.

---o0o---

Ang dahilan ay marami sa pighati't kalungkutan,
narong sakit na dumapo, naron namang kabiguan;
kung minsan ay pagsasalat sa nadukhang kabuhayan,
kung minsan ay kaloobang nasaktan at nasugatan;
naron namang ang kapuwa'y walang puso at halimaw,
na sa atin ay pumawi nang tiwala't pagbibigay;
ang lungkot ay lalo naming sasahol sa kapatian,
kung sa ati'y mawawala ang pagasa't kaaliwan.

Madre Santissima dela Consolacion y Correa
G. Jose Paulo V. Espinosa
---o0o---

Kung atin lang tatapunan ng pansin ang Birheng Ina,
siya mandin ay nabalot ng sang-libo't-isang-dusa;
d'on sa Belen, Nasaret, sa Kalbaryo't Galilea,
naghari sa kanyang puso'y kapanglawan at pangamba;
nang namasdan ang pahirap kay Jesus na Anak niya,
nadudurog pati laman ng Mahal na Birheng Maria;
ang sama ng mga taong “walang pagsampalataya,”
dumudurong parang subyang sa puso at kaluluwa.

---o0o---

Datapuwa't sa laot ng pagdurusa nitong Birhen,
puso niya'y natutuwa at batbat ng libong aliw;
pagkat merong isang Diyos na butihing Aman natin,
na kung minsa'y namamalo sa anak na masuwayin;
kung itulot man ng Diyos na ang lungkot ay lasapin,
nais Niya tayo sana ay bumuti at subukin;
kahit tukso ay di Niya papayagang maging atin,
kundi Niya nalalamang makakaya nating bat'hin.

---o0o---

Tayo'y merong pananalig at pag-asang makaigpaw
sa pamatok ng pighati't sa krus ng kalungkutan;
kung lahat ay binabata kay Jesus na ating mahal,
sa atin ay isusukli ang Langit-na-walang-hanggan;
pagkatapos ng magdamag na dilim ng kapaitan,
may umaga ng ligaya na magbubukang-liwayway;
pagkatapos na magtiis alang-alang sa Maykapal,
mapapalit ang l'walhati na wala-nang-katapusan.

---o0o---

Ang mahal ng Panginoo'y binibigyan ng tiisin,
upang sila'y mapalapit sa Napakong Kristong giliw;
kung mahal mo ang Maykapal ang krus mo'y yayakapin
at masayang magbabata sa lumbay na dumarating;
ang lungko ay gawin ninyong kabanalang walang maliw
mapalad ang lumuluhang kapiling ang Inang Birhen,
pagkat sila'y bibihisan nang sang-libo't isang aliw.

No comments:

Post a Comment