Dormicion dela Virgen G. Jhapette Raymundo Vas Insignae Devotionis |
Sisidlan
ng kabanalan ang Birhen na sakdal-banal, na napuno ng biyaya’t
pagpapala ng Maykapal; sisidlan ng karangalan na di-kayang
mapantayan,nagdala sa Dugo’t Laman ng Korderong Walang-Hanggan; sa
ganito ka-dakilang hawak Niyang katangian, kay Bathala ang sarili’y
buong pusong ibinigay; upang lamang ay matubos ang sawing
Sankatauhan, buong-buong inihandog ang sariling katauhan.
---o0o---
Ang
lahat ng nasa-kanya’y ganap Niyang isinuko sa Maykapal na sininta’t
pinintuhong buong suyo; lubos Siyang makusaing sumunod na buong amo
sa atas ng kalangitang “hindi Niya mabibigo”; lugod Niya’t
kaaliwang sa Diyos ay mamintuho at ang lahat ay iyukol na taimtim
yaong puso; yao’y wagas na debosyon, tapat na pamimintuho, na sa
Birhe’y gintong hiyas na wala ang balatkayo.
---o0o---
Ang
matimyas na pagsunod ng Masaya nating Birhen ay bunga ng pagkilalang
ang Diyos ay Ama natin; ang lahat ay ating utang sa Maygawa nating
giliw, kaya dapat naming Siya’y kilalani’t walhatiin; laya naman
ang kalis ng kaligtasang Inang Birhen, sa taimtim na pagsunod
sa Golgota ay nahimpil; yaong Anak na sa dugo ay natigmak at nabitin,
hindi niya iniwanan sa laot ng dusa’t lagim.
---o0o---
Hindi
Siya natigatig sa pagsunod Niyang kusa sa nasa at kalooban ng
Maykapal na Bathala: spupo ng pagdurusa’y sinundan ni Kristong
mutya sa landas ng kapaitan, sa daan ng mga luha; mulang Belen
hanggang doon sa Kalbaryo’y nagdalita,kahit minsa’y di nagsising
sa hirap ay sumalunga; tapat siyang sa “tungkuling-pagka-Ina’y
tumalima”, libong dusa’t pagtitiis matapang na sinagasa.
---o0o---
Di
ba iyan ang “debosyo’t tapat na pamimintuho” na katumbas ng
ginawa ng Mesiyas na maamo? Dugo’t buhay ni Jesus na Manunubos
nating Guro, pagtubos sa ating Birheng buong pusong namintuho sa
dambana ng pagibig handog Niya’y BUHAY, DUGO: alang-alang sa kay
Jesus na dugo ng Kanyang dugo, sumunod ang Inang Birhen na matapat sa
pagsuyo!
---o0o---
Sa
pamimintulong tapat ang Birhen ay nanaimtim, pagkat lagging nasa-isip
ay ang Diyos na butuhin; mapagnilay Siyang lagi kahit doon pa sa
Belen, hiwaga ng Kanyang Jesus sa tuwina’y nililining; sa kanyang
pag-dili-dili’y lalo naming lumalalim ang pagsintang nagaalab na sa
puso’y inaangkin: papaano’y lalo Niyang natatalos nang taimtim
ang banal na kalooban na tungkuling talimahin.
No comments:
Post a Comment