Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: SANCTA VIRGO VIRGINUM (Santang Birhen ng mga Birhen)

Nuestra Señora dela Anuncacion
Rdo. P. Vicente Burayag Lina, Jr. sa pangangalagan ni G. Arvin Kim M. Lopez
Sancta Virgo Virginum

BIRHEN Ka ng mga Birheng walang-dungis,
O Maria, Birheng walang kasing-linis;
Bago pa manganak, Birhen Kang marikit,
Na ang pagka-birhe'y hindi nagka-bahid;
Nagng Iyong isilang ang VERBO ng Langit;
Ang pagka-birhen Mo'y hindi rin napunit;
Sa panganganak mo'y Birhen ka ring tikis,
Na di-nagkalamat ang kristal na kinis.

---o0o---

Tulad ng salaming babasaging kristal
Na hindi nabasag sa sinag ng araw;
Nagdaan si Jesus sa banal na tiyan,
Hindi nasira ang Kanyang ka-birhenan;
Ganyan po ang hula sa Matandang Tipan,
Birhe'y manganganak sa Mesiyang banal;
Anang si Isaias – Emmanuel ang ngalan
ng Batang sa Birheng Ina'y isisilang.

---o0o---

Esposa ng Espiritu Santo Siya,
Kaya dapat maging dalagang-dalaga;
Ialang ng hiwaga ang Bunsong Mesiyas,
Sa tiyan ng Birheng mapalad na Ina;
Ang Verbong nagbuhat sa Dios Niyang Ama,
Hindi nakasira sa Inang-Dalaga;
Paano'y ang ibig lunasan ay sala
At ibig ng Diyos itangi si Maria.

---o0o---

Hindi karaniwan ang nangyaring ito,
Pagka't sa daigdig ito ay misteryo;
Walang INANG BIRHEN sa inog ng mundo,
Kundi ito lamang INA PO NI KRISTO;
Ang tunay... si Jesus walang amang tao,
Kaya si Maria'y nayag gawain ito;
Papaano'y sumakop sa salaring mundo
Ang Anak na Bugtong ng Birheng Ina ko.

---o0o---

Nang nayag ang Birheng maging INANG BIRHEN,
Naging Ina Siya ng mundong salarin;
Inampon ang tao sa ginta ng lagim,
Nuong sa Golgota, Kristo'y nakabitin;
Kaya lahat tayo ay anak sa turing,
Na dapat magmahal sa INANG butihin;
Buhay ng biyaya'y nakakamit natin,
Sa pagkakalara ng Birheng magiliw.

---o0o---

Kung paano minahal ng Birhen ang Anak,
Gayundin sa tao, ang Kanyang pagliyag;
Ang lahat ng tao'y mahal niyang anak,
Na kinakandiling lagi't walang kupas;
Sa isang KATAWAN tayo kasi'y sangkap
At si Kristo'y ating Puno't Ulong ganap;
Ang alaga Niya't pagsuyong maalab,
Hindi nagsasawang iyukol sa lahat.

---o0o---

Ang banal na Birheng Ina ni Bathala,
Naging inspirasyon ng mga nilikha;
Sa pagiging Ina nating makadiwa,
Ang Birhen ay naging bunying halimbawa;
Libo ang dalagang ngayon ay nagkusa,
Ihain ang buhay,... lahat,... kay Bathala;
Nais nilang maging INANG MAKA-DIWA
At maging Esposa ni Hesus na mutya.

---o0o---

Ang Birhen ng mga Birheng lubhang banal
Ay tanglaw sa mundo na maksalanan;
Mga pari't madre'y siya ang uliran,
Na ang kalinisa'y pinamamarisan;
Tinalikdan nila itong kamunduhan,
Upang maging ama't ina nitong tanan;
Birheng Ina , kami sana'y subaybayan
At iyong akayin sa landas ng buhay.

No comments:

Post a Comment