Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: REGINA OMNIUM SANCTORUM (Reyna ng Lahat ng mga Banal)

Nuestra Señora del Carmen
G. Arvin Kim M. Lopez

Regina Omnium Sanctorum



Kamakailan  lang  po  tayo  ay  nagbunyi  at  nagdiwang,
sa  pistang  TODOS  LOS  SANTOS  "sa  lahat  ng  mga  Banal";
yaong  bagang  nasa  Langit  na  Santo  ngang  di-mabilang,
na  may  putong  na  koronang  "walang  kupas  na  tagumpay";
sila  doo'y  merong  Reynang  sinusuob  ng  kamanyang,
itong  Birheng  Inang  Maria  na  Tala  ng  kalinisan;
sa  harap  ng  Reynang  ito  lahat  sila  ay  nagdarangal'
papaano'y  INA  Siya  ng  kanilang  kabanalan.

-----o-----

Ang  hiyas  ng  kabanalan  ni  Maria  ay  pambihira,
parang  tala  sa  umagang  kumikislap,  mahiwaga;
ang  lahat  ng  kabanalan  ng  lahat  ng  Santong  mutya
anino  lang  ni  Mariyang  lubhang  banal,  pinagpala;
kaya  siya'y  nagniningning  na  Reyna  ng  madlang awa,
at  ang  hukbong  nagbubunyi'y  dilang  BANAL  na  dakila;
Regina  Sanctorum  Omnium, -- ang  puri  kong  walang  sawa,
idalangin  itong  mundo  at  lawitan  ng  kalinga.

-----o-----

Siya'y  CEDRO  NG  LIBANO, . . . maharlika  at  matayog,
na  gamit  na  kasangkapan  sa  Templo  ng  Poong  Diyos;
siya'y  lampas sa  lahat  ng  mga  BANAL  na  tibubos,
na  animo'y  isang  toreng  abutin  ma'y  di-maabot;
bahay  siyang  maharlika  na  sa  VERBO'Y  nagkukupkop,
pagka't  Inang  naging  hirang  ng  Bathalang  Manunubos;
kabanalang  walang  dungis,  Diwang  Banal  ang  lumukob,
sapul  Siyang  ipaglihi'y  walang  bahid,  kahit  galos.

-----o-----

Ang  kahambing  Niya'y  "palma  na  sa  Cades  itinindig",
na  ang  daho'y  mayamungmong  at  ang  tubo  ay  matuwid;
sa  paglago  nitong  daho'y  sa  bulaklak  nahihitik,
at  ang  bunga'y  masaganang  sa  pangmalas  ay  marikit;
gayun  Siya, . . . kabanalan  ay  tagumpay  ng  pag-ibig,
sa  mundo  man,  puso  niya'y  nakaangat, . . . hindi  dikit;
puso, diwa  at  lahat  na . . . sa  Dios  lamang  nakakapit,
kailanma'y  di-nalibang, . . . tuwa  Niya'y  pagtitiis.

-----o-----

Parang  puno  ng  Olibas  sa  laot  ng  kaparangan,
na  ang  bunga'y  ginagawang  langis  niyong  mga  ilaw;
pagkain  pang  nagagamit  at  gamot  sa  karamdaman,
yaong  bunga  ng  OLIBO,  sagisag  ng  Birheng  Mahal;
paano'y  ang  Anak  Niya  ay  Sulo  ng  daigdigan,
pagkain  ng  kaluluwa  at  lunas  ng  kasalanan;
sa  banal  na  kayamanan  nitong  Ina  ng  Maykapal,
nadakila  Siyang  Reyna  ng  lahat  ng  mga  Banal.

-----o-----

Ang  Birhen  ay  sakdal  bango  na  cinamon  at  balsamo,
halimuyak  Niyang  iwi'y  kaaya-aya  sa  tao;
sa  banal  na  pamumuhay,  kabanala't  sakripisyo
ay  may  bangong  maalindog  na  kay  sarap  na  masamyo;
kaya't  yaong  halimbawa  nitong  Birheng  Inang  ito,
ay  may  bangong  umaakit  na  sundan  ng  madlang  tao;
ang  lahat  ng  mga  banal  na  sa  Langit  nangatungo,
Siya  yaong  inspirasyong  sinunod  ng  ating  mundo.

-----o-----

Karangalan  ni  Mariya  na  tawagin  sa  pamagat,
na  Reyna  ng  mga  Santo  na  sa  Langit  iniyakyat;
kung  tayo  ay  nagpupuri  sa  BANAL  na  napatanyag,
lalo  namang  dapat  tayong  sa  Reyna  ay  magsitawag;
halina  at  sa  Birhen  ta'y  dumalangin  tayong  lahat,
at  purihin  siyang  Reyna  ng  marikit  na  pagliyag;
Regina  Sanctorum  Omnium, -- Reyna  ka  pong  mapamihag,
gawin  mo  po  kaming  Santo, . . . nang  sa  Langit  ay  maakyat.


No comments:

Post a Comment