Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: MATER DIVINAE GRATIAE (Ina ng Grasya ng Diyos)

Madre Santissima Sposa del Spiritu Santo
G. Mark Anthony Pagar
Mater Divinae Gratiae

Ang dilang biyayang dumaloy sa mundo
ay bunga ng ganting-napala ni Kristo;
subali't sa grasyang nabuhas sa tao,
may isang natanging “walang kapareho”;
ang pagiging Ina ng Bathalang Niño
na higit sa dilang biyayang nabubo;
kaya si Maria'y Inang nanagano
sa ulan ng grasyang nakamal ng Verbo.

---o0o---

Dahilan kay Jesus na Tagapagligtas,
sa salang namana ang Birhe'y naiwas;
hindi matingkalang buong grasyang wagas,
sa Ina ng Poo'y yamang inihiyas;
ang lahat ng ito'y nakamit na lahat,
bago po isilang ang Kristong Mesiyas;
kasi'y pakundangan sa magiging Anak,
ang Ina'y pinuspos ng grasyang busilak.

---o0o---

Ina ka ng Grasya ng Diyos na giliw,
dahil sa biyayang sa Iyo'y nag-niningning;
ang Iyong pagiging-pagka-Inang Birhen
ay grasyang kaloob ng Poong butihin;
tapat kang dumamay sa Anak mong giliw
upang ang biyaya'y lubos Niyang kamtin;
kaya Ina ka nga na nagluluning-ning
sa Grasya ng Diyos na di-nagmamaliw.

---o0o---

Tumpak ang taguring Ina ka ng Grasya,
na isang papuring dagdag sa korona;
Ina ka ng buhay nitong korona;
Ina ka ng buhay nitong kaluluwa
na iniibsan Mo ng pagkakasala;
ang taog lupagi't bangkay na sa dusa,
muling nabubuhay sa hihip ng grasya;
pagka't Ikaw, Birhen, sa grasya ay mina,
na sa Iyong palad umaagos tuwina.

---o0o---

Bunying Tesorera Ikaw po sa Langit
at namumudmod ka nang grasya't tangkilik;
kung hindi sa grasya ni Jesus na ibig,
wala kaming kayang gawin kahit muntik;
Siya'y Puno, kami'y sangang maliliit,
na di magbubunga, kung Niya nais;
Kaya, ang biyaya'y sa amin ilawit,
O Ina ng Grasyang buhay ng daigdig!

---o0o---

Ang grasya ay kusang tulong ni Bathala
na nagpapabanal sa taong kawawa;
nag-aamoy-langit ang buhay ng diwa
sa simoy ng grasyang nabibigay-pala;
at nagiging Anak ng Poong dakila
at tagapagmana sa Langit ng tuwa;
O Ina ng Poong batis ng biyaya,
tilamsikan kami ng mahal Mong awa!

---o0o---

Doon sa kalbaryo ang grasyang umagos
sa kamay ng Birhe'y balong na umanod;
ang kaban ng grasya sa Ina natampok,
na sa pusong tapat pinagkakaloob;
kaya Siya'y bukal ng grasya ng Diyos,
sa kanya ang tao'y dapat na dumulog;
anumang biyaya'y kanyang idudulot
sa merong taimtim... taos na pagluhog.

---o0o---

O Inang sa yaman ng grasya'y May-ingat,
sabuyan ng grasya yaring mga anak;
dukalin sa kaban ang banal na basbas,
sa abang alipin nawa'y ipalasap;
O Ina ng grasyang walang kasing-palad,
paulanan kami nang Iyong pagliyag;
biyayang sa puso at diwa 'y marapat,
ilimos sa aming sa grasya ay hubad!


Page 2 of 8
Please press Older Posts for Page 3.

No comments:

Post a Comment